Monday, June 30, 2008

Ang Uring Manggagawa at ang Pambansang Usapin

ANG URING MANGGAGAWA AT ANG PAMBANSANG USAPIN

ni V. I. Lenin

Nalathala sa Pravda, Blg. 106, Mayo 10, 1913

Pinaghalawan: Lenin Collected Works, Tomo 19, mp. 91-92

Isinalin mula sa Ingles ni Greg Bituin Jr

Ang Rusya bilang bansa ay binubuo ng iba’t ibang tao. Ang polisiya ng pamahalaan, na ang pinaiiral ay patakaran ng mga panginoong maylupa at kinakatigan ng burgesya, ay nakababad sa nasyonalismo ng Sandaang-Itim.

Pinangunahan ang polisiyang ito laban sa mayorya ng mga tao sa Rusya na bumubuo ng mayorya ng populasyon. At kaagapay nito ay ang nasyonalismong burgis ng iba’t ibang bansa (Polandes, Hudyo, Ukrainiano, Georgiano, atbp.) na nakataas-noo at sinisikap nitong ilihis ang uring manggagawa sa pandaigdigang tungkulin nito sa pamamagitan ng pambansang pakikibaka o pakikibaka para sa pambansang kultura.

Ang usaping pambansa ay dapat malinaw na maunawaan at malutas ng lahat ng mulat-sa-uring manggagawa.

Kapag ang burgesya ay nakikipaglaban para sa kalayaan kasama ang mamamayan, kasama ang lahat ng nagtatrabaho, naninindigan ito sa ganap na kalayaan at pantay na karapatan ng mga bansa. Ibinigay sa atin ng mga abanteng bansa, Switzerland, Belgium, Norway at iba pa, ang halimbawa kung paano ang mga malalayang bansang nasa ilalim ng tunay na demokratikong sistema ay sabay na namumuhay ng mapayapa o payapang magkahiwalay.

Ngayon, kinatatakutan ng burgesya ang mga manggagawa at nakikipagkasundo sa mga Purishkeviches, kasama ang mga reaksyunaryo, at ipinagkakanulo ang demokrasya, nagtataguyod ng pagsasamantala o di-pantay na karapatan sa mga bansa at sinusuhulan ang mga manggagawa ng mga pambansang panawagan.

Sa ating panahon, tanging ang proletaryado lamang ang nagtatanggol sa tunay na kalayaan ng mga bansa at pagkakaisa ng manggagawa sa lahat ng bansa.

Upang sabay na mamuhay ng payapa at may kalayaan ang iba’t ibang bansa o ibukod at magtayo ng iba’t ibang estado (kung ito ang mas nakakatulong para sa kanila), napakahalaga ng ganap na demokrasyang dala ng uring manggagawa. Walang pribilehiyo para sa alinmang bansa o alinmang isang wika! Kahit na pinakamaliit na antas ng pagsasamantala o pinakamaliit na inhustisya bilang paggalang sa pambansang minorya – ganyan ang prinsipyo ng demokrasya ng uring manggagawa.

Nais ng mga kapitalista at mga panginoong maylupa, anuman ang mangyari, na panatilihing magkakahiwalay ang mga manggagawa ng iba’t ibang bansa habang ang mga nasa kapangyarihan ay sama-samang namumuhay ng napakainam bilang magkakasosyo sa mga kapaki-pakinabang na kumpanya na sangkot ay milyones (tulad ng mga kaparangan ng Ginto ng Lena); ang mga Ortodoksong Kristyano at Hudyo, Ruso at Aleman, Polandes at Ukrainiano, lahat ng nag-aari ng kapital, ay pinagsasamantalahan ang mga manggagawa sa lahat ng bansa ng kumpanya.

Naninindigan ang mga mulat-sa-uring manggagawa para sa ganap na pagkakaisa ng mga manggagawa ng lahat ng bansa sa bawat edukasyonal, unyon, pulitikal, atbp. na samahan ng mga manggagawa. Hayaang pahiyain ng mga maginoong Kadete ang mga sarili nila sa kanilang pagkakaila o pagmamaliit sa kahalagahan ng pantay na karapatan para sa mga Ukrainiano. Hayaang maaliw ang burgesya ng lahat ng nasyon sa kanilang mga kasinungalingan hinggil sa pambansang kultura, pambansang tungkulin, atbp., atbp.

Hindi papayagan ng mga manggagawang paghiwalayin sila ng mga matatamis na talumpati hinggil sa pambansang kultura, o “pambansang kultural na awtonomiya”. Magkakasama at sabay-sabay na panghahawakan ng manggagawa ng lahat ng bansa ang ganap na kalayaan at ganap na pagkakapantay-pantay ng karapatan ng mga samahang karaniwan sa lahat – at ito’y ang garantiya ng tunay na kultura.

Itinatatag ng mga manggagawa ng buong mundo ang kanilang sariling pandaigdigang kultura, na matagal nang pinaghahandaan ng mga kampyon ng kalayaan at ng kaaway ng pagsasamantala. Kung ang lumang mundo ay mundo ng pambansang pagsasamantala, pambansang awayan, at pambansang pagkawalay, ang manggagawa’y naghahandog ng panibagong mundo, ang mundo ng pagkakaisa ng manggagawa ng lahat ng bansa, isang mundong walang lugar ang anumang pribilehiyo o maging ang pinakamaliit mang antas ng pagsasamantala ng tao sa tao.

Wednesday, June 25, 2008

Talambuhay ni Karl Marx - ni V.I.Lenin

Talambuhay ni Karl Marx
ni V. I. Lenin
mula sa Tomo 21 ng Collected Works ni Lenin
isinalin mula sa Ingles ni Greg Bituin Jr.

Ipinanganak si Karl Marx noong Mayo 5, 1818 (ng bagong kalendaryo), sa lungsod ng Trier (sa Rhenish Prussia). Ang kanyang ama’y isang manananggol, isang Hudyo, na yumakap sa Protentantismo noong 1824. Maykaya ang pamilya, may kalinangan, ngunit hindi rebolusyonaryo. Nang makapagtapos siya ng pag-aaral sa isang Gymnasium sa Trier, pumasok sa pamantasan si Marx, una’y sa Bonn at sa kalaunan ay sa Berlin, kung saan nagbasa siya ng mga batas, at nagpakadalubhasa sa kasaysayan at pilosopiya. Tinapos niya ang kanyang kurso sa pamantasan noong 1841, nagsumite ng tesis doktoral hinggil sa pilosopiya ni Epicurus. Noong panahong yaon, si Marx ay isang ideyalistang Hegeliano sa kanyang mga pananaw. Sa Berlin, nabibilang siya sa pulutong ng mga “Makakaliwang Hegeliano” (sina Bruno Bauer at iba pa) na bumubunot ng kanilang ateistiko at rebolusyonaryong pagpapasiya mula sa pilosopiya ni Hegel.
Nang makapagtapos ng pag-aaral, lumipat si Marx sa Bonn, at umaasang maging guro. Gayunman, ang reaksyonaryong polisiya ng gubyerno, na nag-alis kay Feuerbach sa pamumuno nito noong 1832, ay di siya pinayagang bumalik sa pamantasan noong 1836, at noong 1841, na pumigil sa bata pang guro na si Bruno Bauer sa pagtuturo sa Bonn, ang siyang pumigil kay Marx upang magpatuloy sa karerang pang-akademiko. Napakabilis umunlad ng pananaw ng makakaliwang Hegeliano sa Alemanya noong panahong yaon. Sinimulang tuligsain ni Feuerbach ang teyolohiya, lalo na noong 1836, at bumaling sa materyalismo, kung saan noong 1841 ay nagpaangat sa kanyang pilosopiya (Ang Diwa ng Kristyanidad). Lumabas noong 1843 ang kanyang Mga Panuntunan ng Pilosopiya sa Hinaharap. “Dapat maranasan ng isang tao sa kanyang sarili ang mapagpalayang bisa” ng mga aklat na ito, kasunod nito’y nagsulat si Engels hinggil sa mga akdang ito ni Feuerbach. “Kami [ang mga Makakaliwang Hegeliano, kasama si Marx] ay lahat agad naging Feuerbachiano.” Noong panahong yaon, ilang radikal na burgis sa Rhineland, na may ugnayan sa mga Makakaliwang Hegeliano, ang nagtatag sa Cologne ng isang masalungat na pahayagan na tinatawag na Rheinische Zeitung (ang unang isyu nito’y lumitaw noong Enero 1, 1842). Inanyayahang maging pangunahing tagaambag sina Marx at Bruno Bauer, at noong Oktubre 1842, naging punong patnugot si Marx at lumipat sa Cologne mula sa Bonn. Ang kalakarang rebolusyonaryo-demokratiko ng pahayagan ay unti-unting lumilinaw sa ilalim ng pamamatnugot ni Marx, at ang gobyerno’y unang nag-atas ng doble at tripleng pagsensura sa pahayagan, at noong Enero 1, 1843 ay nagpasyang supilin ito. Dapat magbitiw sa pagkapatnugot si Marx bago ang petsang yaon, ngunit hindi nasagip ng kanyang pagbibitiw ang pahayagan, na tumigil sa paglalathala noong Marso 1843. Sa mga lalong mahahalagang artikulong inambag ni Marx sa Rheinische Zeitung, ayon sa tala ni Engels, bilang dagdag sa mga nakahimatong sa ibaba,isang artikulong nakapatungkol sa kalagayan ng mga magsasaka sa Moselle Valley. Ang kanyang gawaing pamahayagan ang kumumbinsi kay Marx na hindi pa siya ganap na bihasa sa pampulitikang ekonomya, at agad niyang itinalaga ang sarili sa pag-aaral nito.
Noong 1843, pinakasalan ni Marx sa Kreuznach ang isang kababata na napagkasunduan niyang pakasalan habang sila’y mga estudyante pa lamang. Nagmula ang kanyang napangasawa sa isang pamilyang reaksyonaryo ng isang maharlikang Prusyano, ang nakatatandang kapatid na lalaki nito’y naging Ministrong Panloob ng Prusya noong pinakareaksyonaryong panahon – 1850-58. Noong taglagas ng 1843, nagtungo si Marx sa Paris upang maglathala ng radikal na pahayagan sa ibayong dagat, kasama si Arnold Ruge (1802-1880), isang makakaliwang Hegeliano, nakulong noong 1825-30, isang destiyerong pulitikal noong 1848, at isang Bismarkiano matapos ang 1866-70). Tanging isang isyu lamang ng pahayagang Deutsch-Französische Jahrbücher, ang lumitaw; di na nagpatuloy ang paglalathala nito dahil sa kahirapang ipamahagi ito ng lihim sa Alemanya, at sa hindi nila pagkakasundo ni Ruge. Ipinakita ng mga artikulo ni Marx sa pahayagang ito na siya’y ganap nang rebolusyonaryo na nagtataguyod ng “walang-awang pagpuna sa lahat ng bagay na umiiral”, at sa partikular ay “pagpuna sa pamamagitan ng sandata”, at nanawagan sa masa at sa proletaryado.
Noong Setyembre 1844, tumungo si Frederick Engels ng ilang araw sa Paris, at mula noon ay naging matalik na kaibigan ni Marx. Kapwa sila naging aktibong bahagi sa noon ay kumukulong buhay ng mga rebolusyonaryong pangkat sa Paris (ang partikular na mahalaga noong panahong yaon ay ang kaisipan ni Proudhon, na pinunang isa-isa ni Marx sa kanyang Kasalatan ng Pilosopiya, 1847), nagtaguyod ng masiglang pakikibaka laban sa iba’t ibang kaisipang petiburgis ng sosyalismo, nilikha nila ang teorya at taktika ng rebolusyonaryo proletaryadong sosyalismo, o komunismong Marxismo. (Tingnan ang mga ginawa ni Marx sa panahong ito, 1844-48 sa bibliograpya.) Sa mapilit na kahilingan ng gubyerno ng Prusya, pinalayas si Marx sa Paris noong 1845 bilang isang mapanganib na rebolusyonaryo. Nagtungo siya sa Brussels. Sa tagsibol ng 1847, sumapi sina Marx at Engels sa lihim na samahang propaganda na tinatawag na Liga Komunista; naging mahalagang bahagi sila sa Ikalawang Kongreso ng Liga (London, Nobyembre 1847), kung saan hiniling sa kanilang balangkasin ang Manipesto ng Komunista, na lumitaw noong Pebrero 1848. Nang may kaliwanagan at katalinuhan ng isang henyo, binalangkas ng akdang ito ang bagong pandaigdigang kaisipan, na naaalinsunod sa materyalismo, na yumapos din sa kalagayan ng panlipunang pamumuhay; diyalektika bilang pinakaganap at pinakamalalim na pananaw sa pag-unlad; ang teorya ng tunggalian ng uri at makasaysayang pandaigdigang rebolusyonaryong papel ng proletaryado – ang tagalikha ng bago, komunistang lipunan.
Sa pagsiklab ng Rebolusyon ng Pebrero 1848, si Marx ay pinalayas sa Belgium. Nagbalik siya sa Paris, kung saan, matapos ang Rebolusyon ng Marso, nagtungo siya sa Cologne sa Alemanya kung saan nalathala ang Neue Rheinische Zeitung mula Hunyo 1, 1848 hanggang Mayo 19, 1849, na si Marx ang punong-patnugot. Ang bagong teorya ay maningning na pinatunayan sa paraan ng mga rebolusyonaryong kaganapan ng 1848-49, at sa kalauna’y pinatunayan ito ng lahat ng proletaryado at demokratikong kilusan ng lahat ng bansa sa mundo. Ang matagumpay na kontra-rebolusyon ang unang nagsulsol ng mga paglilitis sa hukuman laban kay Marx (siya’y pinawalang-sala noong Pebrero 9, 1849), at agad siyang pinalayas sa Alemanya (Mayo 16, 1849). Una’y nagtungo si Marx sa Paris, at muli’y pinalayas matapos ang rali noong Hunyo 13, 1849, at agad na nagtungo sa London, kung saan siya nanirahan hanggang sa kanyang kamatayan.
Ang kanyang buhay bilang destiyerong pulitikal ay napakahirap, na malinaw na inilantad ng paglilihaman nina Marx at Engels (nalathala noong 1913). Matindi ang naranasang kahirapan ni Marx at ng kanyang pamilya; kundi sa palagian at walang pag-iimbot na tulong pinansyal ni Engels, hindi mabubuo ni Marx ang Das Kapital at madudurog siya ng karalitaan. Dagdag pa, ang nanaig na kaisipan at kalakarang petiburgis na sosyalismo, at ng di-proletaryadong sosyalismo sa pangkalahatan, ang nagtulak kay Marx upang itaguyod ang patuloy at walang-awang pakikibaka at minsan ay itaboy ang mga napakalupit at kakila-kilabot na atakeng personal (Herr Vogt). Napaunlad ni Marx, na nakatayong malayo sa pulutong ng mga destiyerong pulitikal, ang teoryang materyalista sa ilan niyang makasaysayang akda, na itinalaga ang kanyang sarili sa pag-aaral ng pampulitikang ekonomya. Binagong lubusan ni Marx ang agham sa kanyang akdang Ambag sa Pagsusuri sa Pampulitikang Ekonomya (1859) at Das Kapital (Tomo 1, 1867).
Ang muling pagkabuhay ng mga demokratikong kilusan sa huling bahagi ng 1850s at sa 1860s ay pagbabalik ni Marx sa mga gawaing pulitikal. Noong 1864 (Setyembre 28) ang Pandaigdigang Samahan ng Manggagawa – ang bantog na Unang Internasyunal, ay itinatag sa London. Si Marx ang puso’t diwa ng samahang ito, at may-akda ng mga resolusyon, deklarasyon at manipesto. Sa pagbubuklod ng kilusang paggawa sa samu’t saring anyo ng di-proletaryado, bago-Marxistang sosyalismo (Mazzini, Proudhon, Bakunin, kalakalang unyong liberal sa Britanya, mga pag-urong-sulong ng Lassalean tungong kanan sa Alemanya, atbp.), at pagbaka sa mga teorya ng mga sekta at paaralang ito, ipinagsaksakan ni Marx ang isang di-nagbabagong taktika para sa proletaryadong pakikibaka ng uring manggagawa sa iba’t ibang bansa. Kasunod ng pagbagsak ng Komyun ng Paris (1871) – na nagbigay ng malalim, malinaw, napakatalino, mabisa at rebolusyonaryong pagsusuri (Ang Digmaang Bayan sa Pransya, 1871) – at ang isinagawang paghahati ni Bakunin sa Internasyunal, ang huli ay samahang di na makairal pa sa Europa. Matapos ang Kongreso sa Hague ng Internasyunal (1872), tiniyak ni Marx na nagampanan ng Pangkalahatang Sanggunian ng Internasyunal ang makasaysayang tungkulin nito, at ngayon ay tumahak sa panahon ng mas maunlad na kilusang paggawa sa lahat ng bansa sa mundo, sa panahong lumawak ang saklaw ng kilusan, at natatag ang pangmasa, sosyalista, uring manggagawang partido sa bawat pambansang estado.
Bumagsak ang kalusugan ni Marx dahil sa walang humpay na gawain sa Internasyunal at sa kanyang walang tigil na gawaing teoretikal. Nagpatuloy siyang gawin ang pag-aayos sa pampulitikal na ekonomya at sa pagtapos ng Das Kapital, kung saan nakapagkalap siya ng maraming bagong materyales at nag-aral din ng iba’t ibang wika (halimbawa, wikag Ruso). Gayunman, pinigil siya ng karamdaman na matapos ang Das Kapital.
Ang kanyang asawa’y namatay noong Disyembre 2, 1881, at noong Marso 14, 1883, namayapa si Marx habang nakaupo sa kanyang silyon. Inilibing siya katabi ng namayapang asawa sa Highgate Cemetery sa London. Sa mga anak ni Marx, ang ilan ay namatay ng bata pa sa London, noong namumuhay pa ang kanyang pamilya sa napakadukhang kalagayan. Ang tatlo niyang anak na babae ay napangasawa ng mga sosyalistang Ingles at Pranses: sina Eleanor Aveling, Laura Lafargue at Jenny Longuet. Ang anak na lalaki ng huli ay kasapi ng Sosyalistang Partido ng Pranses.

Wednesday, June 18, 2008

Pagninilay - ni John Lennon

PAGNINILAY

ni John Lennon


Isipin mong walang langit

Madali lang kung susubukan mo

Walang impyerno sa ilalim natin

Sa ibabaw nati’y alapaap lang

Isipin mong ang lahat ng tao

Nabubuhay para sa kasalukuyan...ah


Isipin mong walang bansa

Hindi ito mahirap gawin

Walang dahilan para pumatay at mamatay

At wala ring relihiyon

Isipin mong ang lahat ng tao

Nabubuhay sa kapayapaan... yuhu ooh


REFRAIN:

Maaaring sabihin mong

ako’y nangangarap lang

Ngunit hindi lamang ako

Sana’y makasama ka namin

At ang mundo’y magiging isa


Isiping walang pag-aari

Naiisip ko’y kung kaya mo

Di na kailangang maging sakim o gutom

Pagkakapatiran ng mamamayan

Isipin mong ang lahat ng tao

Nagbibigayan sa buong mundo ... yuhu ooh


(Ulitin ang Refrain)


(Itinagalog ni Greg Bituin Jr. mula sa orihinal na awiting “Imagine” ni John Lennon)

Sunday, June 8, 2008

Lenin: Tatlong Pinagmulan ng Marxismo

ANG TATLONG PINAGMULAN AT TATLONG MAGKAKASAMANG BAHAGI NG MARXISMO
ni V. I. Lenin
Nalathala sa Prosveshchenive, Blg. 3, Marso 1913
Isinalin mula sa Ingles ni Greg Bituin Jr
Sa buong sibilisadong mundo, ang mga aral ni Marx ay sukdulang nakapagpapapoot at nakamumuhi sa buong syensyang burgis (kapwa opisyal at liberal), na itinuturing ang Marxismo bilang isang uri ng “mapaminsalang sekta”. At walang ibang kaugaliang dapat asahan, pagkat walang “di-kumikiling” na panlipunang agham sa lipunang batay sa tunggalian ng mga uri. Sa magkakaibang paraan, ipinagtatangol ng lahat ng opisyal at liberal na agham ang sahurang-pang-aalipin, yayamang ang Marxismo’y nagpahayag ng malupit na pakikidigma laban sa pang-aaliping yaon. Ang asahang ang syensya’y walang kinikilingan sa lipunan ng sahurang pang-aalipin ay simpleng kahangalan tulad ng pag-asam ng imparsyalidad mula sa mga nagmamanupaktura hinggil sa usapin kung ang sahod ng manggagawa ay di dapat dagdagan sa pamamagitan ng pagbabawas ng tubo ng capital.
Ngunit hindi ito ang kabuuan. Ang kasaysayan ng pilosopiya at ang kasaysayan ng panlipunang agham ay ipinapakita ng may ganap na kalinawan na walang anumang nakakatulad na “sektaryanismo” sa Marxismo, sa diwa ng pagiging lihim at matatag na doktrina, isang doktrinang lumitaw palayo mula sa mataas na lupa ng pag-unlad ng pandaigdigang sibilisasyon. Sa kabaligtaran nito, ang pagiging henyo ni Marx ay ganap na binubuo ng kanyang pagbibigay kasagutan sa maraming mga katanungang ibinato na ng mga pangunahing pilosopo. Lumitaw ang kanyang doktrina bilang direkta at agarang pagpapatuloy ng mga turo ng mga magagaling na kinatawan ng pilosopiya, ekonomyang pulitikal at sosyalismo.
Ang kaisipang Marxista ay makapangyarihan pagkat iyon ay totoo. Iyon ay madaling maunawaan at makasundo at nagbibigay sa tao ng buong pananaw sa daigdig na hindi kasundo ng anumang anyo ng pamahiin, reaksyon, at depensa ng pang-aapi ng burgesya. Ito ang matuwid na kahalili ng pinakamagandang nagawa ng tao noong ikalabingsiyam na siglo, na kinakatawan ng pilosopiyang Aleman, ekonomyang pulitikal ng Ingles at sosyalismong Pranses.
Itong tatlong pinagmulan ng Marxismo, na siya ring magkakasamang bahagi nito ang maikli nating tatalakayin.
I
Ang pilosopiya ng Marxismo ay materyalismo. Sa buong modernong kasaysayan ng Europa, at lalo na sa katapusan ng ikalabingwalong siglo sa Pransya, kung saan isinasagawa ang walang takot na pakikibaka laban sa lahat ng uri ng walang saysay na kaisipang medyebal, laban sa pagkabusabos sa mga institusyon at kaisipan, pinatunayan ng materyalismo na ito lamang ang pilosopiya na hindi nagbabago, totoo sa lahat ng mga aral ng likas na agham at kasalungat ng pamahiin, pagbabalatkayo, at marami pang iba. Ang mga kaaway ng demokrasya ay, samakatwid, laging nagpupumilit na “pabulaanan”, parupukin at siraan ang materyalismo, at itaguyod ang iba’t ibang anyo ng ideyalismong pilosopikal, na lagi, sa iba’t ibang paraan, ay umabot sa pagdepensa o pagsuporta sa relihiyon.
Ipinagtanggol nina Marx at Engel sang pilosopikal na materyalismo sa pinakatiyak na pamamaraan at paulit-ulit na ipinaliliwanag kung paano napakatinding kamalian ang bawat paglihis sa batayang ito. Ang kanilang pananaw ay napakalinaw at ganap na ipinaliwanag sa mga sulatin nina Engels, Ludwig Feuerbach, at sa Anti-Duhring, na tulad ng Manipesto ng Komunista, ay mga muntaklat (handbook) para sa bawat mulat-sa-uring manggagawa.
Ngunit hindi tumigil si Marx sa materyalismo ng ikalabingwalong siglo: pinaunlad niya ang pilosopiya sa mataas na antas, pinayaman niya ito sa mga nagawa ng klasikal na pilosopiyang Aleman, lalo na ang sistema ni Hegel, kung saan tumngo ito sa materyalismo ni Feuerbach. Ang pinakamahalagang nagawa ay ang diyalektika, hal. ang diwa ng pag-unlad sa anyong buo, napakalalim at kauna-unawa, ang diwa ng pag-uugnayan ng kaalaman ng tao na magbibigay sa atin ng kuro-kuro sa walang-maliw na pag-unlad ng mga bagay. Ang pinakahuling natuklasan ng likas na agham – ang radyum, mga elektron, ang pagdami ng mga elemento – ay di-karaniwang pagpapatotoo sa diyalektiko materyalismo ni Marx sa kabila ng mga aral ng pilosopong burgis sa kanilang “bagong” pagpapanumbalik sa dati at dekadenteng ideyalismo.
Ganap na pinaunlad at pinalalim ni Marx ang materyalismong pilosopikal, at pinaabot ang likas na kamalayan kasama ang kamalayan ng lipunan ng tao. Ang kanyang istorikong materyalismo ang isa sa pinakamagandang nagawa sa syentipikong pag-iisip. Ang kaguluhan at kawalang katwiran na namayani noon sa mga pananaw sa kasaysayan at pulitika ay napalitan ng kapansin-pansing kabuuan at pagkakatugma ng mga teoryang syentipiko, na nagpakita kung paano, na bunga ng pag-unlad ng mga produktibong pwersa, mula sa isang sistema ng pamumuhay panlipunan, may iba pang mas sulong na sistemang umunlad – tulad halimbawa ng paanong sumulpot ang kapitalismo mula sa pyudalismo.
Kung paanong ang kaalaman ng tao’y naglalarawan ng kalikasan (hal. pag-unlad ng mga bagay), na nabuhay ng hiwalay sa kanya, ganuon din ang kaalamang panlipunan ng tao (hal. (ang kanyang iba’t ibang palagay at paniniwala – pilosopikal, relihiyoso, pulitikal, at iba pa) ay sumasalamin sa sistemang pangkabuhayan ng lipunan. Ang mga institusyong pulitikal ay mga suprastruktura na nasa pundasyong ekonomiko. Makikita natin, halimbawa, na ang iba’t ibang pulitikal na anyo ng modernong estadong Europeano ay nagsisilbi upang patatagin ang dominasyon o pangingibabaw ng burgesya sa mga proletaryado.
Ang pilosopiya ni Marx ay isang lubos na pilosopikal na materyalismo na nagbigay sa sangkatauhan, at lalo na sa uring manggagawa, ng makapangyarihang instrumento ng kaalaman.
II
Bilang pagkilala na ang sistemang pang-ekonomya ang pundasyon ng mga itinayong malalaking istrukturang pulitikal, itinuon ni Marx ang buo niyang atensyon sa pag-aaral ng sistemang pang-ekonomya. Ang Das Kapital, na pinakamahalagang akda ni Marx, ay nakatuon sa pag-aaral ng sistemang pang-ekonomya ng modernong, hal. kapitalistang, lipunan.
Ang klasikong pampulitikang ekonomya, bago pa si Marx, ay balangkas sa Inglatera, ang pinakamaunlad na kapitalistang bansa. Ang pag-imbestiga nina Adam Smith at David Ricardo sa sistemang pang-ekonomya ang naglatag ng mga pundasyon ng teorya ng halaga ng paggawa. Ipinagpatuloy ni Marx ang kanilang ginawa; inilatag niya ang mga katibayan ng teorya at alinsunod dito’y pinaunlad ito. Ipinakita niyang ang halaga ng bawat kalakal ay itinatakda ng kinakailangang panlipunang oras ng paggawa na ginugol sa produksyon nito.
Kung saan nakita ng mga ekonomistang burgis ang relasyon sa pagitan ng mga bagay (ang palitan ng mga kalakal) ibinunyag ni Marx ang relasyon sa pagitan ng mga tao. Ang palitan ng mga kalakal ay nagpapahayag ng koneksyon sa pagitan ng mga indibidwal na tagalikha sa pamamagitan ng pamilihian. Ipinakilala ng salapi na ang koneksyon ay palapit ng palapit, di-mapaghihiwalay na pagsasama ng buong pang-ekonomyang pamumuhay ng mga indibidwal na tagalikha sa isang buo. Ipinakilala naman ng kapital ang patuloy na pagsulong ng ugnayang ito: ang lakas-paggawa ng tao’y nagiging kalakal. Ibinebenta ng sahurang manggagawa ang kanyang lakas-paggawa sa may-ari ng lupa, pabrika at mga kagamitan sa paggawa. Ginugugol ng manggagawa ang bahagi ng isang araw na sinasaklaw ang gastos para mabuhay siya at ang kanyang pamilya (sahod), habang ang iba pang bahagi ng isang araw ay ipinagtatrabaho niya ng walang bayad, na lumilikha para sa kapitalista ng sobrang halaga, na siyang pinagmumulan ng tubo, na pinagmumulan ng yaman ng uring kapitalista.
Ang diwa ng sobrang halaga ang buod ng teoryang pang-ekonomya ni Marx.
Ang kapital, na nilikha ng paggawa ng manggagawa, ang dumudurog sa manggagawa, winawasak ang mga maliliit na mga propyetaryora at lumilikha ng hukbo ng mga walang trabaho. Sa industriya, ang tagumpay ng malawakang antas ng produksyon ay agad na malinaw, at ang katulad na palatandaan ay mapapansin din sa agrikultura, kung saan ang malawakang antas ng kapitalistang agrikultura ay tumataas, dumarami ang gamit ng mga makinarya at humina naman ang ekonomya ng magsasaka, na nakulong sa salapi’t kapital, at bumagsak sa ilalim ng bigat ng paatras na paraan nito. Ang paghina ng maliitang antas ng produksyon ay nagkaroon ng iba’t ibang anyo ng agrikultura, ngunit ang paghina nito ay isang walang alinlangang katotohanan.
Sa pagwasak sa maliitang antas ng produksyon, tumungo ang kapital sa pagtaas ng produktibidad ng paggawa at sa paglikha ng monopolyadong posisyon para sa mga asosasyon ng malalaking kapitalista. Ang mismong produksyon ay nagiging panlipunan – daanlibo hanggang milyun-milyong manggagawa ang nagkakasama-sama sa isang regular na pang-ekonomyang batayan – ngunit ang bunga ng ganitong produktibong paggawa ay kinakamkam ng sandakot na bilang na kapitalista. Tumindi ang anarkiya sa produksyon, krisis, ang malakas na paghabol sa mga pamilihan, at ang mabuway na pag-iral ng masa ng populasyon.
Sa paglaki ng pagka-depende ng manggagawa sa kapital, lumikha ang kapitalistang sistema ng napakalakas na nagkakaisang paggawa.
Tinalunton ni Marx ang pagsulong ng kapitalismo mula sa panimulang ekonomya ng kalakal, mula sa simpleng palitan, tungo sa pinakamataas na anyo nito, sa malawakang antas ng produksyon.
At ang karanasang lahat ng bansang kapitalista, luma at bago, taun-taon ay malinaw na naglalarawan ng katotohanan ng kaisipang Marxistang ito sa dumaraming bilang ng manggagawa.
Nagtagumpay ang kapitalismo sa buong mundo, ngunit ang tagumpay na ito ang simula ng tagumpay ng paggawa laban sa kapital.
III
Nang bumagsak ang pyudalismo at lumitaw ang “malayang” lipunang kapitalista sa mundo, naging maliwanag agad na ang kalayaang ito ay nangangahulugan ng bagong sistema ng pang-aapi at pagsasamantala sa mga manggagawa. Agad naglitawan ang sari-saring kaisipang sosyalista bilang pagninilay at pagtutol sa pang-aaping ito. Gayunman, ang sinaunang sosyalismo ay utopyang sosyalismo. Binatikos nito ang lipunang kapitalista, isinumpa at kinamuhian ito, pinangarap ang pagkawasak nito, may pananaw itong mas magandang kaayusan at pinagsikapan nitong hikayatin ang mga mayayaman ng kasamaan ng pagsasamantala.
Ngunit hindi makapagtukoy ng tunay na kalutasan ang sosyalismong utopyan. Hindi nito maipaliwanag ang tunay na kalikasan ng sahurang pang-aalipin sa ilalim ng kapitalismo, hindi nito maipahayag ang batas ng pagsulong ng kapitalismo, o maipakita kung anong pwersang panlipunan ang may kakayahang maging tagapaglikha ng bagong lipunan.
Samantala, ang mararahas na rebolusyon saanman sa Europa, lalo na sa Pransya, ang umakay sa pagbagsak ng pyudalismo, ng pang-aalipin, dumarami ang malinaw na naglalantad ng tunggalian ng mga uri bilang batayan at pwersang nagpapagalaw sa lahat ng pag-unlad.
Walang kahit isang tagumpay ng kalayaang pulitikal laban sa uring pyudal maliban sa desperadong paglaban. Walang isa mang kapitalistang bansa ang nabalangkas sa humigit-kumulang na batayang malaya at demokratiko maliban sa buhay-at-kamatayang pakikibaka sa pagitan ng iba’t uri sa lipunang kapitalista.
Ang pagkahenyo ni Marx ay nakasalalay sa kanyang pagiging unang nakahinuha mula rito ng itinurong mga aral mula sa pandaigdigang kasaysayan at magamit ang mga aral na iyon sa tuwina. Ang nilikha niyang kongklusyon ay ang diwa ng tunggalian ng uri.
Ang mamamayan ay laging biktima ng panlilinlang at sariling pandaraya sa pulitika, at lagi silang ganito hanggang sa matutunan nilang hanapin ang interes ng ilang uri o ng iba pa sa likuran ng moral, relihiyoso, pulitikal at panlipunang pagbabago, pahayag at pangako. Ang mga kampyon ng reporma at pagsulong ay laging lilinlangin ng mga tagapagtanggol ng lumang kaayusan hanggang mapagtanto nila na ang bawat lumang institusyon, gaano man ito kalupit at kabulok, ay pinaaandar ng mga pwersang ng ilang naghaharing uri. At isa lamang ang paraan upang madurog ang paglaban ng mga uring ito, at ito’y matagpuan sa lipunang nakapaligid sa atin ang mga pwersang sa kanilang panlipunang kalagayan ay binubuo ng kapangyarihang kayang magtaboy sa luma at lumikha ng bago, at maimulat at maorganisa ang mga pwersang iyon para sa pakikibaka.
Tanging ang pilosopiyang materyalismo ni Marx ang nagpakita sa proletaryado ng paraang makalaya sa diwang mapang-alipin kung saan ang lahat ng mga inaaping uri ay nagdurusa hanggang ngayon. Tanging ang teoryang pang-ekonomya ni Marx ang nagpaliwanag ng tunay na paninindigan ng proletaryado sa pangkalahatang sistema ng kapitalismo.
Ang mga nagsasariling organisasyon ng proletaryado ay dumarami sa buong mundo, mula Amerika hanggang Hapon at mula Sweden hanggang Timog Aprika. Ang proletaryado ay naliliwanagan at natututo sa pagtataguyod ng kanilang tunggalian ng uri; at iwinawaksi nito sa sarili ang kapinsalaan ng burgis na lipunan; tinitipon nila ang kanilang hanay palapit sa isa’t isa at natututunang sukatin ang tagumpay nito; pinatitigas nito ang kanilang pwersa at lumalago sila ng tuluyan.
Paunawa:
Ang artikulong ito ay nalathala noong 1913 sa Prosveshcheniye Blg. 3, na iniaalay sa Ikatatlumpung Anibersaryo ng kamatayan ni Marx.
Ang Prosveshcheniye (Pagkamulat) ay buwanang lathalaing panlipunan, pampulitika at pampanitikang Bolshevik na legal na inilalathala sa St. Petersburg mula Disyembre 1911. Ang pagpasinaya nito ay iminungkahi ni Lenin upang palitan ang pahayagang Mysl (Diwa) ng Bolshevik, isang publikasyong ipinagbawal ng pamahalaang tsarista. Pinangasiwaan ni Lenin ang paggawa ng publikasyong ito mula sa ibayong dagat at nagsulat ng sumusunod na artikulo para roon: “Batayang Suliranin sa Kampanyang Halalan”, “Resulta ng Halalan, “Mapanuring Puna sa Usaping Pambansa”, “Ang Karapatan ng mga Bansa sa Pagsasarili”, at marami pang iba.
Ang pahayagan ay siniil ng pamahalaang tsarista noong Hunyo 1914, sa bisperas ng Unang Daigdigang Digmaan. Ito’y muling ipinagpatuloy noong taglagas ng 1917 ngunit isang dobleng bilang lamang ang lumitaw; ang bilang na ito ay naglalaman ng dalawang artikulo ni Lenin: “Mapapanatili Ba ng mga Bolshevik ang Pagtangan sa Kapangyarihang Pang-estado?” at “Ang Pagrerepaso sa Programa ng Partido”.

Bakit Sosyalismo? - ni Albert Einstein

“Bakit Sosyalismo?” ni Albert Einstein

Tinagalog ni Greg Bituin Jr

Si Albert Einstein, isang kilalang aghamanon (scientist) sa buong mundo, ang siyang nahirang ng prestihiyosong Time magazine bilang “Person of the Century” noong Disyembre 1999.

Ipinanganak si Einstein noong 1879 sa Ulm, Germany. Nagtapos siya noong 1900 sa Swiss Federal Institute of Technology na may degree sa pagtuturo ng matematika at pisika. Noong 1905, lumabas ang kanyang unang tesis, ang Special Theory of Relativity, at ang kanyang pangalawang tesis, ang General Theory of Relativity, ay lumabas naman noong 1915. Noong 1921, napagwagian niya ang Nobel Prize sa Physics. Nalathala naman noong 1929 ang kanyang Unified Field Theory. Si Einstein ay may dalawang anak kay Mileva Maric, isa ring physicist.

Ang kanyang E=mc2 (energy equals mass times the square of the speed of light) ang itinuturing na pinakasikat na theorem sa larangan ng matematika’t agham at pangalawa lamang dito ang Phytagorean theorem.

Nang si Hitler ay napasakapangyarihan noong 1933, umalis si Einstein sa Germany, tumungo sa England, at sa United States kung saan doon na siya naglagi. Sinulatan niya noong 1939 si US President Roosevelt upang unahan ang Germany sa paggawa ng atomic bomb, bagamat hindi siya napasali sa research team na itinalaga para rito.

Noong 1937, napasali si Einstein sa mga grupong makakaliwa. Lantaran siyang nagsalita laban sa kapitalismo at sa konsentrasyon ng kapangyarihan sa iilan, at idiniin ang pangangailangan ng rebolusyonaryong pagpapatalsik ng kapitalismong sistema. Sinulat niya noong 1949 ang “Why Socialism?”, at nalathala sa Monthly Review sa US, kung saan ipinaliwanag niyang ang tanging paraan para sa sangkatauhan na malunasan ang salot na dulot ng kapitalismo ay ang pagyakap sa sosyalismo. Noong 1955, namatay siya sa Princeton Hospital sa New Jersey.

Narito ang salin mula sa Ingles ng “Why Socialism” ni Einstein, na tinagalog Greg Bituin Jr.

Nararapat ba na ang isang hindi naman eksperto sa mga isyung pang-ekonomya at panlipunan ay magpahayag ng kanyang mga palagay hinggil sa sosyalismo? Naniniwala ako pagkat maraming dahilan.

Unahin muna nating unawain ang katanungan mula sa punto de-bista ng kaalamang siyentipiko. Maaaring makitang walang esensyal na pagkakaiba sa pamamaraan sa pagitan ng astronomya at ekonomiko: ang pagtatangka ng mga aghamanon sa nasabing mga larangan na makadiskubre ng mga batas na katanggap-tanggap sa nakararami para sa limitadong grupo ng penomena upang ang kasalimuotan ng mga kaalamang ito ay mas madaling maunawaan. Pero sa reyalidad, may mga pagkakaiba ang mga pamamaraang ito. Ang pagkakadiskubre ng mga pangkalahatang batas sa ekonomiko ay naging mahirap dahil sa kalagayang makikita sa penomenang ekonomiko na kadalasang naaapektuhan ng maraming salik na mahirap pahalagahan ng magkahiwalay. Dagdag pa rito, ang mga karanasang natipon nang magsimula ang tinatawag na sibilisadong panahon ng kasaysayan ng tao – na siyang alam ng marami – ay naimpluwensiyahan ng malaki at natakdaan ng mga kadahilanang kung saan ay eksklusibo ang kalikasan ng ekonomiko. Halimbawa, karamihan ng mga mayor na estado sa kasaysayan ay nagmula sa pananakop. Itinalaga ng mga mananakop ang kanilang mga sarili, ayon sa batas at ekonomya, bilang mga probilehiyong uri sa bansang kanilang sinakop. Inagaw nila para sa kanilang sarili ang pagmomonopolyo ng pag-aari ng lupain at itinalaga ang kaparian mula sa kanilang antas. Ginawa ng kaparian, na siyang may kontrol ng edukasyon, na maging permanenteng institusyon ang pagkakahati sa uri at lumikha ng mga sistema ng kagandahang-asal kung saan ang mga kaasalang panlipunan ng mga tao, na karamiha’y di nakakaunawa, ay ginagabayan.

Ngunit ang pangkaraniwang tradisyon, masasabi ko, ay sa pangnakaraan; ni hindi natin tunay na napangibabawan ang tinatawag ni Thorstein Veblen na “baitang ng paninila” ng kaunlarang pantao. Ang napupuna nating pang-ekonomyang katotohanan ay kasama sa baitang na iyon at kahit na ang gayong mga batas na ating nahango roon ay hindi aplikable sa ibang baitang. Yayamang ang tunay na layunin ng sosyalismo ay ang tiyak na pananaig at pag-abante lampas sa baitang ng paninila ng kaunlarang pantao, ang agham-pang-ekonomya sa kasalukuyang kalagayan ay makapagpapaunawa kahit kaunti hinggil sa sosyalistang lipunan sa hinaharap.

Ikalawa, ang sosyalismo ay nakadirekta patungo sa panlipunan-pang-etikang layunin. Subalit ang agham ay di-makalilikha ng mga layunin, at munti man, iturong paunti-unti sa mga tao; ang agham sa kabuuan ay makapagbibigay ng mga paraan kung saan makakamit ang isang tiyak na layunin. Ngunit ang mga layuning ito ay inanak ng mga personalidad na may matayog at moral na hangarin at – kung ang mga layuning ito ay di inianak na patay, ngunit masigla at malusog – ay ginagamit at dinadala ng mga taong kahit papaano’y nauunawaan ang mabagal na ebolusyon ng lipunan.

Sa ganitong mga dahilan, dapat na nakabantay tayo na hindi maliitin ang agham at mga syentipikong pamamaraan kung ito’y mga katanungang nahihinggil sa suliraning pantao; at hindi natin dapat akalain na ang mga dalubhasa lamang ang may karapatang magsalita hinggil sa mga katanungang nakakaapekto sa pagkakaorganisa ng lipunan. Maraming tinig ang naninindigan hanggang ngayon na ang lipunan ng tao ay nagdaraan sa isang krisis, na ang istabilidad nito ay lubhang nasisira. Katangian ng isang sitwasyon na ang mga indibidwal ay nakararamdam ng pagwawalang-bahala o kaya’y salungat sa grupo, maliit man o malaki, kung saan sila kabilang. Para ilarawan ang ibig kong sabihin, pabayaan n’yong iulat ko ang isang personal na karanasan. Nito lamang nakaraan, tinalakay ko sa isang matalino at napakaayos na tao ang banta ng isa na namang digmaan, na sa aking palagay ay seryosong magsasapanganib sa sangkatauhan, at sinabi ko na tanging ang isang supranasyunal na organisasyon ang magbibigay-proteksyon laban sa panganib na yaon. Gayunman, ang aking panauhin, na napakamahinahon at presko, ay nagwika, “Bakit ba labang-laban ka sa pagkawala ng buong sangkatauhan?”

Alam kong sa nagdaang wala pang isang siglo, walang sinuman ang makapagsasalita ng ganito. Ito’y pahayag ng isang taong nagsikap ng walang pag-asang matamo ang isang balanse sa kanyang sarili at sa malaki ma’t maliit ay nawalan ng pag-asang magtagumpay. Ito ay pagpapahayag ng isang masakit na pamamanglaw at pag-iisa kung saan maraming tao ang nagsasakripisyo ngayon. Ano ang dahilan? May daan ba para makawala rito?

Napakadaling sabihin ang gayong mga tanong, ngunit mahirap sagutin ng may anumang antas ng katiyakan. Gayunma’y susubukan ko, sa abot ng aking makakaya, bagamat gising na gising ako sa katotohanang ang ating mga damdamin at pagsisikap ay kadalasang kabaligtaran at madilim at hindi ito maipahahayag sa madali at payak na mga pormula.

Ang tao, sa isa at magkasabay na panahon, ay mapag-isang nilalang at mapaghalubilong nilalang. Bilang mapag-isang nilalang, tinatangka niyang protektahan ang kanyang buhay pati na rin ang pinakamalalapit sa kanya, upang mabigyang-kasiyahan ang kanyang pansariling hangarin, at upang mapaunlad ang kanyang likas na abilidad. Bilang mapaghalubilong nilalang, ninanais niyang magkaroon ng pagkilala at pagtingin ang kanyang kapwa tao, makasali sa kanilang kasiyahan, aluin sa kanilang kalungkutan, at mapaunlad ang kanilang kalagayan sa buhay. Ang mga eksistensya lang nito’y pabagu-bago, kadalasang ang pagkakaiba-iba ng pagpupunyagi ang nagpapaliwanag sa natatanging panauhan ng isang tao, at ang kanilang ispesipikong kumbinasyon ang nagpapasiya kung gaano kahaba makakamit ng isang indibidwal ang panloob na balanse at makapag-ambag sa kagalingan ng lipunan. At maaaring ang relatibong kalakasan ng dalawang silakbong ito, sa prinsipal, ay ipinirmi ng mana. Pero ang personalidad na tuluyang lumabas ay hinubog ng kapaligiran kung saan nakita ng tao ang kanyang sarili habang siya’y umuunlad, sa kayarian ng lipunang kinalakhan niya, sa tradisyon ng lipunang yaon, at sa kanyang pagtatasa sa mga tanging tipo ng asal. Ang baliwag na kaisipang “lipunan” ay nangangahulugan sa isang indibidwal bilang kabuuan ng kanyang tuwiran at di-tuwirang relasyon sa kanyang mga kapanahon at sa mga tao ng naunang salinlahi. Ang indibidwal ay nakakapag-isip, nakararamdam, nagpupunyagi, at nakagagawa ng sarili; pero kadalasa’y nakadepende siya sa lipunan – ang kanyang pangkatawan, pangkaisipan, at pandamdaming kapanatilihan – na imposibleng maisip siya’t maunawaan ng labas sa balangkas ng lipunan. Ang “lipunan” ang nagbibigay sa tao ng pagkain, tahanan, gamit sa paggawa, wika, hubog ng kaisipan, at halos lahat ng nilalaman ng kaisipan; ang kanyang buhay ay naging ganap sa pamamagitan ng paggawa at mga nagawa ng milyun-milyong tao noon at ngayon na pawang natatago sa maliit na salitang “lipunan”. Kung gayon, isang katibayan na ang panananganan ng isang indibidwal sa lipunan ay isang likas na katotohanang hindi maaalis – katulad ng kaso ng mga langgam at bubuyog. Gayunman, habang ang kabuuang pamamaraan ng buhay ng mga langgam at bubuyog ay nakapirmi na sa mga maliliit na detalye sa pamamagitan ng maigting at katutubong simbuyo, ang panlipunang disenyo at rela-relasyon ng mga tao ay paiba-iba at madaling mabago. Ang memorya, ang kakayahang magkumbina, ang kakayahan sa pakikipagtalastasan ay nakagawa ng mga posibleng pag-unlad ng mga tao na naaatasan ng pangangailangang bayolohikal. Ang mga kaunlarang ito’y nahahalata sa mga tradisyon, institusyon, at organisasyon, sa panitikan, sa mga nagawang syentipiko at inhinyering, sa mga gawang sining. Ipinaliliwanag nito kung paano nangyari na, sa isang tiyak na malay, naiimpluwensyahan ng tao ang kanyang buhay at sa ganitong pamamaraan ang gising na kaisipan at kanaisan ay nakakabahagi.

Natatamo ng tao pagkasilang, at naman, ang saligang bayolohikal na masasabi nating nakapirmi na’t di maaalis, kasama na ang likas na pagnanasa na siyang katangian ng mga tao. Dagdag dito, sa kanyang buong buhay, natatamo niya ang saligang kalinangan na inampon niya mula sa lipunan sa pamamagitan ng pakikipagtalastasan at sa iba pang tipo ng impluwensya. Ang saligang kalingangang ito, sa pagdaan ng panahon, ay maaaring magbago at makapagpapasiya sa karamihan ng kaugnayan sa pagitan ng indibidwal at ng lipunan.

Itinuro sa atin ng makabagong antropolohiya, sa pamamagitan ng pagkukumparang pagsisiyasat sa mga tinatawag na sinaunang kalinangan, na ang panlipunang gawi ng tao ay maaaring mag-iba ng malaki, depende sa nananaig na disenyong linang at mga tipo ng organisasyon na nananaig sa lipunan. Dito maaaring umasa ang mga nagpupunyaging mapaunlad ang maraming tao; hindi sinusumpa ang mga tao, nang dahil sa kanilang saligang bayolohikal, para mag-ubusan o kaya’y nasa awa ng pansariling kalupitang palad.

Kung tatanungin natin ang ating mga sarili kung paano ang kayarian ng lipunan at ang linang na ugali ng tao ay mababago upang ang buhay ng tao’y maging kasiya-siya hangga’t maaari, kailangang pirming maliwanag sa atin ang katotohanang merong tiyak na kalagayan na hindi natin mababago. Nabanggit kanina, ang bayolohikal na kalikasan ng tao, sa lahat ng mga praktikal na layunin, ay hindi maaaring mabago. Dagdag pa, ang mga pag-unlad na teknolohikal at demograpiko sa nakaraang ilang siglo ay nakagawa ng mga katayuang mananatili na rito. Sa mga relatibong masikip na populasyon na may mga kagamitang kailangang-kailangan para sa kanilang tuloy-tuloy na buhay, ang sukdulang hatian sa paggawa at isang napakamabungang kasangkapan ay lubos na kinakailangan. Ang panahong – kung babalikan ay parang napakapayapa – ay nawala nang tuluyan kapag ang mga indibidwal o ang mga magkakaugnay na maliliit na pulutong ay lubos na nakapagsasarili. Isa lamang munting pagmamalabis na sabihin na ang sangkatauhan ay nabubuo ngayon bilang pandaigdigang komunidad ng produksyon at konsumo.

Narating ko na ngayon ang puntong maipaliliwanag ko ng maigsi kung ano ang bumubuo sa esensya ng krisis ng ating panahon. Ito’y may kinalaman sa kaugnayan ng indibidwal sa lipunan. Mas namamalayan ngayon ng indibidwal na siya’y nakasandig sa lipunan. Ngunit di niya tinitingnan ang pagsandig sa lipunan bilang positibong bagay, bilang likas na ugnay, bilang lakas na panangga, kundi bilang pagtatangka sa kanyang likas na karapatan, o kaya’y sa kanyang pangkabuhayan. Dagdag pa, sa kanyang katayuan sa lipunan, pirming binibigyang-diin ang pagkaakong simbuyo ng kanyang balangkas, samantalang ang kanyang panlipunang simbuyo, na likas na mahina, ay tuluyang bumababa. Lahat ng tao, anuman ang kanyang katayuan sa lipunan, ay naghihirap mula sa proseso ng panghihina. Hindi namamalayang bilanggo sila ng kanilang sariling karamutan, nakararamdam sila ng kawalan ng kapanatagan, nag-iisa, at pinagkakaitan ng walang pagkukunwari, payak at di-sopistikadong kasiyahan sa buhay. Makatatagpo ang tao ng kahulugan sa buhay, maiksi man ito at mapanganib, sa pamamagitan lamang ng pag-uukol ng kanyang sarili sa lipunan.

Ang anarkiyang ekonomiko ng kapitalistang lipunan na nabubuhay ngayon, sa aking palagay, ang tunay na dahilan ng kapinsalaan. Nakikita natin noong una pa ang malaking komunidad ng mga manggagawa na ang mga kasapian ay walang tigil na nagpupunyagi upang kapwa magkait ng bunga ng kanilang kolektibong paggawa – hindi sa pamamagitan ng pwersa, kundi sa kabuuan ay sa katapatan sa pagsunod sa mga legal na ginawang alituntunin. Sa ganitong dahilan, mahalagang mapagtanto na ang mga kagamitan sa produksyon – na ibig sabihin, ang buong produktibong kakayahang kinakailangan para makagawa ng mga kasangkapang maipagbibili pati na mga dagdag na kasangkapang kapital – ay maaaring legal na, at sa malaking bahagi ay, pribadong pag-aari na ng indibidwal.

Sa pinakapayak, sa sumusunod na pagtalakay, tatawagin kong “manggagawa” ang mga hindi kasama sa pag-aari ng kagamitan sa produksyon – bagamat maaaring hindi ito makatugon sa palagiang gamit ng salita. Ang may-ari ng kagamitan sa produksyon ay nasa katayuang bilhin ang lakas-paggawa ng mga manggagawa. Sa paggamit ng mga kagamitan sa produksyon, nakakagawa ang manggagawa ng mga bagong produktong magiging pag-aari ng kapitalista. Ang pinakamahalagang punto hinggil sa ganitong proseso ay ang ugnayan sa pagitan ng ano ang nagagawa ng manggagawa at ano ang sa kanya’y ibinabayad, na parehong sinusukat sa pamamagitan ng tunay na halaga. Habang ang kasunduan sa paggawa ay “libre”, ang anumang natatanggap ng manggagawa ay matutukoy hindi bilang tunay na halaga ng produktong ginawa niya, kundi batay sa kanyang minimum na pangangailangan at sa pangangailangan ng kapitalista para sa lakas-paggawa kaugnay ng dami ng mga manggagawang nagpapaligsahang magkaroon ng trabaho. Mahalagang maunawaan na kahit sa teorya, ang kabayaran sa manggagawa ay hindi natutukoy sa halaga ng kanyang kalakal.

Ang pribadong kapital ay maaaring mapunta lang sa iilang kamay, bahagi nito’y dahil sa kumpetisyon ng mga kapitalista, at bahagi rin nito’y dahil din sa pag-unlad ng teknolohiya at ang paglaki ng hatian sa paggawa ay nag-aanyayang magbuo ng mas malaking pulutong ng paggawa na ang mga maliliit ang mas isinasakripisyo. Ang kinalabasan ng ganitong pag-unlad ay isang oligarkiya ng pribadong kapital na ang matinding lakas nito’y hindi epektibong masusuri kahit na ng pinaka-demokrasya’t organisadong lipunang pulitikal. Ito’y totoo dahil ang mga kasapi ng lehislatibong pulutong ay pinipili ng mga partidong pulitikal, malakihang pinipinansyahan o kaya’y naiimpluwensiyahan ng mga pribadong kapitalista, na ayon sa mga praktikal na layunin, ay inihiwalay ang mga botante mula sa kongreso. Ang kinahinatnan nito’y hindi sapat na naprotektahan ng mga kinatawan ng mga tao ang interes ng mga maralitang seksyon ng populasyon. Dagdag pa, sa ilalim ng kasalukuyang kalagayan, di maiiwasang kontrolin ng mga pribadong kapitalista, tuwiran man o di-tuwiran, ang pangunahing pinagmumulan ng impormasyon (ang pahayagan, radyo, edukasyon). Kaya sa sukdula’y mahirap, at sa maraming kaso’y tila imposible, para sa mga indibidwal na mamamayan na magkaroon ng obhetibong pasiya at magamit ng tama ang kanyang karapatang pulitikal.

Ang sitwasyong nananaig sa isang ekonomyang nakabatay sa pribadong pag-aari ng kapital ay naglalarawan ng mga pangunahing simulain: una, ang mga kagamitan sa produksyon (kapital) ay pag-aaring pribado at pinagpapasiyahan ito ng mga may-ari kapag tingin nila’y nararapat; ikalawa, libre ang kasunduan sa paggawa. Syempre, wala namang bagay na masasabing purong kapitalistang lipunan. Sa partikular, dapat na matanto nating ang mga manggagawa, sa pamamagitan ng mahaba at mapait na pakikibakang pulitikal, ay nagtagumpay na matiyak ang tila napabuting anyo ng “malayang kasunduan sa paggawa” para sa tiyak na kategorya ng manggagawa. pero sa kabuuan, ang kasalukuyang ekonomya ay halos hindi naiiba sa “purong” kapitalismo. Ang produksyon ay isinasagawa para tumubo, hindi para magamit. Walang probisyon na ang lahat ng may kakayanan at nagnanais magtrabaho ay laging nasa kalagayang makakuha ng trabaho; ang “hukbo ng mga walang trabaho” ay halos laging naririyan. Ang manggagawa’y sadyang may takot na mawalan ng trabaho. At dahil ang mga walang trabaho at ang mga may mababang sahod na manggagawa ay di nakapaglalaan ng pamilihang kumikita, limitado ang paggawa ng pangangailangan ng mga mamimili, at malaking paghihirap ang kinahinatnan nito. Ang pag-unlad ng teknolohiya madalas ay nagbubunga ng pagdami pa ng mga walang trabaho kaysa pag-alwan ng bigat ng trabaho para sa lahat. Ang hangaring tumubo, karugtong ng kumpetisyon ng mga kapitalista, ay maykapanagutan para sa kawalang-kapanatagan ng pagtitipon at paggamit ng kapital na tutungo sa lalong lumalalang pagsasalat. Ang walang hanggang kumpetisyon ay tutungo sa malaking pagkaaksaya ng paggawa, at siyang pipilay sa panlipunang kamalayan ng indibidwal na nabanggit ko kanina.

Ang pagkapilay ng indibidwal ay itinuturing ko bilang pinakamasamang pinsalang idinulot ng kapitalismo. Ang ating buong sistema sa edukasyon ay nagdurusa sa ganitong pinsala. Ang labis na pag-uugaling pakikipag-kumpetensya ay ikinintal sa isipan ng mga estudyante, na sinanay upang sambahin ang mapangamkam na tagumpay para sa kanyang paghahanda sa kanyang propesyon sa hinaharap.

Kumbinsido ako na may isang paraan lamang para mapawi ang mga malalang kapinsalaang ito, at ito’y sa pamamagitan ng pagtatatag ng isang sosyalistang ekonomya, kaagapay ang isang sistema ng edukasyon na katanggap-tanggap tungo sa panlipunang hangarin. Sa gayong ekonomya, ang mga kagamitan sa produksyon ay pag-aari na ng buong lipunan at ito’y magagamit upang magkaroon ng planadong kaayusan. Sa isang planadong ekonomya, kung saan ibinabagay ang produksyon sa pangangailangan ng komunidad, ibabahagi ang mga gawaing dapat matapos doon sa mga may kakayahang magtrabaho at maggagarantiya ng kabuhayan sa bawat kalalakihan, kababaihan at kabataan. Ang edukasyon ng indibidwal, na dagdag sa paglinang ng sariling abilidad, ay magtatangkang mapaunlad sa sarili ang kamalayang pananagutan para sa kanyang kapwa sa halip na pagsamba sa kapangyarihan at tagumpay sa kasalukuyang lipunan.

Gayunman, nararapat tandaan na ang isang planadong ekonomya ay hindi pa sosyalismo. Ang planadong ekonomya kung gayon ay maaaring samahan ng kabuuang pagtitiwala ng indibidwal. Ang magagawa ng sosyalismo ay nangangailangan ng lunas sa ilang napakahirap na sosyo-pulitikang hangarin: paanong mangyayari, sa pananaw ng di-maabot na sentralisasyon ng pulitikal at ekonomyang kapangyarihan, na ang burukrasya ay mahahadlangan mula sa pagiging napaka-makapangyarihan at palalo? Paano mapoprotektahan ang mga karapatan ng indibidwal at mula roo’y matiyak ang isang demokratikong pambalanse sa kapangyarihan ng burukrasya?

Ang kalinawan hinggil sa mga adhikain at suliranin ng sosyalismo ay may napakalaking kahalagahan sa panahon ngayon ng transisyon. Mula noon, sa sitwasyon ngayon, ang malaya at di-nakatagong talakayan ng mga suliraning ito ay mahigpit na ipinagbabawal, kinukunsidera ko na ang pundasyon ng babasahing ito ay napakahalagang serbisyo sa masa. 30


- isinalin ni gregstar / 2001, maynila

Pagbaka sa Liberalismo

PAGBAKA SA LIBERALISMO

Isinalin mula sa Ingles ni Greg Bituin Jr

Tumitindig tayo sa aktibong pakikibakang ideyolohikal dahil ito ang sandata para matiyak ang pagkakaisa sa loob ng Partido at ng rebolusyonaryong organisasyon para sa kapakanan ng ating pakikibaka. Bawat komunista at rebolusyonaryo ay dapat panghawakan ang sandatang ito.

Ngunit di tinatanggap ng liberalismo ang pakikibakang ideyolohikal at naninindigan sa di-prinsipyadong kapayapaan, na pinagsimulan ng ugaling dekadente at pilistino, at naglatag ng pulitikal na kalubhaan sa ilang mga yunit at indibidwal sa Partido at sa rebolusyonaryong organisasyon.

Ipinapakita ng liberalismo ang sarili nito sa iba’t ibang paraan.

Ang pabayaan ang mga bagay alang-alang sa kapayapaan at pagkakaibigan kapag ang isang tao’y maliwanag na nakagawa ng pagkakamali, at pigilin ang mga prinsipyadong argumento dahil siya ay matagal nang kakilala, kababayan, kaklase, malapit na kaibigan, iniirog, dating kasama o dating tauhan. O kaya’y bahagyang salingin ang usapin imbes na seryosong pag-usapan ito, alang-alang sa pagkakapalagayang-loob. Ang resulta, parehong napipinsala ang organisasyon at ang indibidwal. Isa itong tipo ng liberalismo.

Ang pagsasagawa ng iresponsableng kritisismo sa pribado imbes na aktibong ilatag ang mga mungkahi sa organisasyon. Ang di sabihin sa harapan kundi itsismis sa talikuran, o hindi magsalita sa pulong para magsalita pagkatapos ng pulong. Ang pagpapakita ng kawalang pakialam sa prinsipyo ng kolektibong pamumuhay kundi sundin ang sariling hilig. Ito ang ikalawang tipo.

Ang pabayaan ang mga bagay-bagay kung hindi naman ito nakakaapekto sa kanyang sarili; ang magsalita ng kaunti lamang kahit nalalaman naman kung ano ang mali, ang manalinghaga at hindi makialam para di mabuntunan ng sisi. Ito ang ikatlong tipo.

Ang hindi sumunod sa atas ngunit ipinagyayabang ang kanyang sariling opinyon. Ang humiling ng ispesyal na kunsiderasyon mula sa organisasyon ngunit hindi tumatalima sa disiplina nito. Ito ang ikaapat na tipo.

Ang pagsasagawa ng mga atakeng personal, pakikipag-away, pagpapakita ng personal na pagkayamot at paghihiganti imbes na makipag-argumento at labanan ang mga maling opinyon alang-alang sa pagkakaisa o maging maayos ang mga gawain.

Ang makarinig ng mga maling opinyon ngunit hindi nito sinasagot, o kaya’y makarinig ng mga salitang kontra-rebolusyonaryo at hindi ito iniuulat, at tinatrato ito na parang walang nangyari. Ito ang ikaanim na tipo.

Ang maging kasama ng masa ngunit hindi nagsasagawa ng propaganda at ahitasyon o magsalita sa mga pulong o magsagawa ng mga pagsisiyasat at pagtatanong sa mga ito, at sa halip ay malamig ang pakita sa kanila at nagpapakita ng kawalang pakialam sa kanilang kagalingan, at kinakalimutang ang isa’y komunista at kumikilos na parang siya’y ordinaryo’t hindi komunista. Ito ang ikapitong tipo.

Ang makita ang sinuman na sinisira ang interes ng masa, ngunit hindi nakakaramdam ng galit, o kaya’y pigilan o makipagkatwiran sa kanya, kundi pabayaan siyang magpatuloy. Ito ang ikawalong tipo.

Ang wala-sa-loob na gumawa nang walang malinaw na plano o direksyon; ang di-interesado sa ginagawa at nanggugulo na lang – “Hangga’t ang isa’y nananatiling monghe, ang isa’y magpapatuloy sa pagkalembang ng kampana.” Ito ang ikasiyam na tipo.

Ang tingnan ang sarili na nakapaghandog ng malaking serbisyo sa rebolusyon upang ipagmalaki ang sarili sa pagiging beterano, ang pagkibitan ang maliliit na nakatokang gawain habang di pantay ang trato sa mga mayor na gawain, ang maging burara sa gawain at pabaya sa pag-aaral. Ito ang ikasampung tipo.

Ang nababatid ang kanyang mga kamalian ngunit hindi nagwawasto, at maging maluwag sa kaninuman. Ito ang ikalabing-isang tipo.

Marami pang maaaring tukuyin. Ngunit ang labing-isang ito ang mga pangunahing tipo.

Lahat sila’y mga tanda ng liberalismo.

Ang liberalismo ay sadyang mapaminsala sa rebolusyonaryong kolektibo. Ito’y isang kalawang na lumalamon sa pagkakaisa, sumisira sa pag-uugnayan, nagiging dahilan ng kawalang malasakit at lumilikha ng awayan. Inaagaw nito sa rebolusyonaryong hanay ang solidong organisasyon at istriktong disiplina, hinahadlangan ang mga pagsasakatuparan ng mga patakaran at inilalayo ang mga organisasyon ng Partido sa masang pinamumunuan nito. Ito’y lubhang masamang gawi.

Nagmumula ang liberalismo mula sa petiburgis na kasakiman, pangunahing inilalagay nito ang pansariling interes at pangalawa lamang ang interes ng rebolusyon, at ito ang pinagmumulan ng liberalismong ideyolohikal, pulitikal at organisasyunal.

Tinitingnan ng mga taong liberal ang mga prinsipyo ng Marxismo bilang abstraktong dogma o mahirap unawaing paniniwala. Sang-ayon sila sa Marxismo ngunit hindi handang isakatuparan ito o isabuhay ng ganap; hindi sila handang palitan ng Marxismo ang kanilang liberalismo. Ang Marxismo’y nasa mga taong ito, ngunit nariyan pa rin ang kanilang liberalismo – magsasalita sila ng Marxismo ngunit ang isinasabuhay ay liberalismo. Ginagamit nila ang Marxismo sa iba, ngunit liberalismo naman sa sarili. Meron sila ng dalawang klaseng iyon at nakikita ang gamit ng bawat isa. Ganito mag-isip ang ilang tao.

Ang liberalismo ay tanda ng oportunismo at pangunahing sumasalungat sa Marxismo. Ito’y negatibo at obhetibong may epekto sa pagtulong sa kaaway; ito ang dahilan kung bakit masayang tinatanggap ng kaaway ang pananatili ng liberalismo sa atin. Kung ganito ang kalikasan nito, ito’y hindi katanggap-tanggap sa hanay ng rebolusyon.

Gamitin natin ang Marxismo, na positibo ang diwa, upang manaig sa liberalismo, na negatibo naman. Ang isang komunista’y dapat na may malawak na kaisipan at siya’y dapat na matatag at aktibo, at pangunahing tinitingnan ang interes ng rebolusyon bilang kanyang buhay at ipinapailalim ang kanyang sariling interes sa interes ng rebolusyon; palagi at saanman ay dapat niyang tanganan ang prinsipyo at itaguyod ang kawalang kapagurang pakikibaka laban sa mga maling kaisipan at kilos, upang mapatatag ang kolektibong pamumuhay ng Partido at mapatibay ang ugnayan sa pagitan ng Partido at ng masa; dapat na mas may malasakit siya sa anumang nahihinggil sa Partido at sa masa kaysa sa sinumang pribadong tao, at mas may malasakit siya sa kapwa kaysa sa sarili. Sa pamamagitan ng mga ito lamang siya maituturing na isang komunista.

Lahat ng tapat, tunay, aktibo at matwid na komunista ay kinakailangang magkaisa upang labanan ang mga pag-uugaling liberal na ipinapakita ng ilang taong kasama natin, at dalhin sila sa tamang landas. Ito ang isa sa mga tungkulin sa ating larangang ideyolohikal.


Tesis kay Feuerbach


TESIS KAY FEUERBACH
ni Karl Marx

Sinulat ni Karl Marx noong tagsibol ng 1845, at bahagyang inedit ni Engels. Unang nalathala bilang apendiks sa “Si Ludwig Feuerbach at ang Wakas ng Klasikong Pilosopiyang Aleman” noong 1888. Isinalin mula sa Ingles ni Greg Bituin Jr., mula sa translasyon ni Cyril Smith noong 2002.

Mula sa http://www.marxists.org/archive/marx/works/1845/theses/index.htm

I
Ang pangunahing depekto ng lahat na umiiral na materyalismo – kasama na ang kay Feuerbach – ay ang bagay, reyalidad, nadarama, ay inaakala lamang sa anyo ng isang paksa o ng pagmumuni-muni, ngunit hindi bilang isang nakikitang aktibidad ng tao, praktika, at hindi suhetibo. Kaya ang kaibahan sa materyalismo, ang aktibong bahagi ay abstraktong pinaunlad ng ideyalismo – gayunman ay di nalalaman ang tunay na aktibidad na nadarama tulad noon. Nais ni Feuerbach ang nadaramang mga bagay, na sadyang iba sa mga naiisip na paksa, ngunit hindi niya tinitingnan ang aktibidad ng tao bilang obhetibong gawain. Kaya, sa “Ang Esensya ng Kristyanismo’ itinuring niyang ang kaasalang teyoretikal bilang tunay na asal ng tao, samantalang ang praktika ay naiisip at ipinaliliwanag lang sa marumi’t makahudyong tindig nito. Kaya hindi niya nagagagap ang kahalagahan ng “rebolusyonaryo”, “praktikal-kritikal,” na gawain.

II
Ang usapin kung ang obhetibong katotohanan ay maibubunton sa pag-iisip ng tao ay hindi usapin ng teorya kundi isang praktikal na usapin. Dapat mapatunayan ng tao ang katotohanan – hal. ang reyalidad at kapangyarihan, ang panig-na-ito ng kanyang iniisip sa praktika. Ang pagtatalo hinggil sa reyalidad at di-reyalidad ng naiisip na hiwalay sa praktika ay isang dalisay na usaping iskolastiko.

III
Ang materyalistang paniniwalang ang tao'y produkto ng pagkakataon at pagpapalaki, kaya, ang mga nagbagong tao ay produkto ng nagbagong pagkakataon at nagbagong pagpapalaki, ay nalilimutang ang tao ang nagbabago ng kalagayan at ang tagapagturo'y dapat matuto mismo. Kaya nakatalagang hatiin ng paniniwalang ito ang lipunan sa dalawang bahagi, ang isa ay mas nakahihigit sa lipunan. Ang pagkakatiyap ng pabagu-bagong kalagayan at ng gawain ng tao o pagbabago ng sarili ay maaaring hakain at lohikang maunawaan lamang bilang rebolusyonaryong praktika.

IV
Nagsimula si Feuerbach mula sa katotohanan ng relihiyosong pagkapalayo, ng duplikasyon ng mundo sa relihiyoso't guniguning mundo, at ng sekular. Ang ginawa niya’y naglalaman ng paglutas sa relihiyosong mundo sa batayang sekular nito. Nakakaligtaan nito ang katotohanang matapos niyang mabuo ang kanyang ginagawa, ang mayor na gawain ay dapat pang matapos. Ngunit inihiwalay ng batayang sekular ang sarili nito at itinanghal ang sarili bilang nagsasariling larangan sa ulap ay mapapaliwanag lamang ng panloob na tunggalian at angking kabalintunaan ng batayang sekular na ito. Kaya ang huli’y dapat maunawaan sa kabalintunaan nito, at sa pagwaksi sa kabalintunaang ito'y marebolusyonalisa.Halimbawa, matapos madiskubreng ang pamilya sa lupa ang lihim ng banal na pamilya, ang una’y dapat madurog sa teorya at sa praktika.

V
Si Feuerbach, na di nasisiyahan sa abstraktong pag-iisip, ay nagnanais ng pagmumuni-muni; ngunit hindi niya ipinalalagay na ang nadarama’y isang praktikal, at nadaramang gawain.

VI
Niresolba ni Feuerbach ang esensyang relihiyoso sa esensya ng tao. Ngunit ang esensya ng tao ay walang abstraktong likas sa bawat indibidwal.

Sa reyalidad nito, ito ang pangkat ng pag-uugnayang panlipunan.

Si Feuerbach, na di pumasok sa kritisismo ng totoong esensyang ito, ay naoobligang:

1. Mag-abstrakto mula sa prosesong istorikal at ayusin ang sentimyentong pangrelihiyoso bilang isang bagay sa sarili nito at mangahulugan ng isang abstrakto – nag-iisa – tao.

2. Ang esensya, kung gayon, ay mauunawaan lang bilang "species", bilang panloob na 'kahinaang' saklaw na nagbubukod sa maraming indibidwal sa likas na paraan.

VII
Samakatwid, di nakikita ni Feuerbach na ang “relihiyosong sentimyento” ay isa ring produkto ng lipunan, at ang abstraktong indibidwal na kanyang sinusuri ay kabilang sa isang natatanging anyo ng lipunan.

VIII
Lahat ng buhay panlipunan ay samakatwid praktikal. Lahat ng misteryo na gumigiya sa teorya sa mistisismo ay natagpuan ang makatwirang solusyon sa praktika ng tao at sa pagkaunawa sa praktikang ito.

IX
Ang pinakarurok na narating ng kontemplatibong materyalismo ay yaong materyalismong hindi maunawaan ang nadarama bilang gawaing praktikal, ay kontemplasyon ng isang indibidwal at ng lipunang sibil.

X
Ang paninindigan ng lumang materyalismo ay lipunang sibil; ang paninindigan ng bago ay lipunang makatao, o panlipunang sangkatauhan.

XI
Ipinaliwanag lamang ng mga pilosopo ang daigdig sa iba’t ibang paraan; ang punto’y dapat baguhin ito.