Sunday, June 8, 2008

Lenin: Tatlong Pinagmulan ng Marxismo

ANG TATLONG PINAGMULAN AT TATLONG MAGKAKASAMANG BAHAGI NG MARXISMO
ni V. I. Lenin
Nalathala sa Prosveshchenive, Blg. 3, Marso 1913
Isinalin mula sa Ingles ni Greg Bituin Jr
Sa buong sibilisadong mundo, ang mga aral ni Marx ay sukdulang nakapagpapapoot at nakamumuhi sa buong syensyang burgis (kapwa opisyal at liberal), na itinuturing ang Marxismo bilang isang uri ng “mapaminsalang sekta”. At walang ibang kaugaliang dapat asahan, pagkat walang “di-kumikiling” na panlipunang agham sa lipunang batay sa tunggalian ng mga uri. Sa magkakaibang paraan, ipinagtatangol ng lahat ng opisyal at liberal na agham ang sahurang-pang-aalipin, yayamang ang Marxismo’y nagpahayag ng malupit na pakikidigma laban sa pang-aaliping yaon. Ang asahang ang syensya’y walang kinikilingan sa lipunan ng sahurang pang-aalipin ay simpleng kahangalan tulad ng pag-asam ng imparsyalidad mula sa mga nagmamanupaktura hinggil sa usapin kung ang sahod ng manggagawa ay di dapat dagdagan sa pamamagitan ng pagbabawas ng tubo ng capital.
Ngunit hindi ito ang kabuuan. Ang kasaysayan ng pilosopiya at ang kasaysayan ng panlipunang agham ay ipinapakita ng may ganap na kalinawan na walang anumang nakakatulad na “sektaryanismo” sa Marxismo, sa diwa ng pagiging lihim at matatag na doktrina, isang doktrinang lumitaw palayo mula sa mataas na lupa ng pag-unlad ng pandaigdigang sibilisasyon. Sa kabaligtaran nito, ang pagiging henyo ni Marx ay ganap na binubuo ng kanyang pagbibigay kasagutan sa maraming mga katanungang ibinato na ng mga pangunahing pilosopo. Lumitaw ang kanyang doktrina bilang direkta at agarang pagpapatuloy ng mga turo ng mga magagaling na kinatawan ng pilosopiya, ekonomyang pulitikal at sosyalismo.
Ang kaisipang Marxista ay makapangyarihan pagkat iyon ay totoo. Iyon ay madaling maunawaan at makasundo at nagbibigay sa tao ng buong pananaw sa daigdig na hindi kasundo ng anumang anyo ng pamahiin, reaksyon, at depensa ng pang-aapi ng burgesya. Ito ang matuwid na kahalili ng pinakamagandang nagawa ng tao noong ikalabingsiyam na siglo, na kinakatawan ng pilosopiyang Aleman, ekonomyang pulitikal ng Ingles at sosyalismong Pranses.
Itong tatlong pinagmulan ng Marxismo, na siya ring magkakasamang bahagi nito ang maikli nating tatalakayin.
I
Ang pilosopiya ng Marxismo ay materyalismo. Sa buong modernong kasaysayan ng Europa, at lalo na sa katapusan ng ikalabingwalong siglo sa Pransya, kung saan isinasagawa ang walang takot na pakikibaka laban sa lahat ng uri ng walang saysay na kaisipang medyebal, laban sa pagkabusabos sa mga institusyon at kaisipan, pinatunayan ng materyalismo na ito lamang ang pilosopiya na hindi nagbabago, totoo sa lahat ng mga aral ng likas na agham at kasalungat ng pamahiin, pagbabalatkayo, at marami pang iba. Ang mga kaaway ng demokrasya ay, samakatwid, laging nagpupumilit na “pabulaanan”, parupukin at siraan ang materyalismo, at itaguyod ang iba’t ibang anyo ng ideyalismong pilosopikal, na lagi, sa iba’t ibang paraan, ay umabot sa pagdepensa o pagsuporta sa relihiyon.
Ipinagtanggol nina Marx at Engel sang pilosopikal na materyalismo sa pinakatiyak na pamamaraan at paulit-ulit na ipinaliliwanag kung paano napakatinding kamalian ang bawat paglihis sa batayang ito. Ang kanilang pananaw ay napakalinaw at ganap na ipinaliwanag sa mga sulatin nina Engels, Ludwig Feuerbach, at sa Anti-Duhring, na tulad ng Manipesto ng Komunista, ay mga muntaklat (handbook) para sa bawat mulat-sa-uring manggagawa.
Ngunit hindi tumigil si Marx sa materyalismo ng ikalabingwalong siglo: pinaunlad niya ang pilosopiya sa mataas na antas, pinayaman niya ito sa mga nagawa ng klasikal na pilosopiyang Aleman, lalo na ang sistema ni Hegel, kung saan tumngo ito sa materyalismo ni Feuerbach. Ang pinakamahalagang nagawa ay ang diyalektika, hal. ang diwa ng pag-unlad sa anyong buo, napakalalim at kauna-unawa, ang diwa ng pag-uugnayan ng kaalaman ng tao na magbibigay sa atin ng kuro-kuro sa walang-maliw na pag-unlad ng mga bagay. Ang pinakahuling natuklasan ng likas na agham – ang radyum, mga elektron, ang pagdami ng mga elemento – ay di-karaniwang pagpapatotoo sa diyalektiko materyalismo ni Marx sa kabila ng mga aral ng pilosopong burgis sa kanilang “bagong” pagpapanumbalik sa dati at dekadenteng ideyalismo.
Ganap na pinaunlad at pinalalim ni Marx ang materyalismong pilosopikal, at pinaabot ang likas na kamalayan kasama ang kamalayan ng lipunan ng tao. Ang kanyang istorikong materyalismo ang isa sa pinakamagandang nagawa sa syentipikong pag-iisip. Ang kaguluhan at kawalang katwiran na namayani noon sa mga pananaw sa kasaysayan at pulitika ay napalitan ng kapansin-pansing kabuuan at pagkakatugma ng mga teoryang syentipiko, na nagpakita kung paano, na bunga ng pag-unlad ng mga produktibong pwersa, mula sa isang sistema ng pamumuhay panlipunan, may iba pang mas sulong na sistemang umunlad – tulad halimbawa ng paanong sumulpot ang kapitalismo mula sa pyudalismo.
Kung paanong ang kaalaman ng tao’y naglalarawan ng kalikasan (hal. pag-unlad ng mga bagay), na nabuhay ng hiwalay sa kanya, ganuon din ang kaalamang panlipunan ng tao (hal. (ang kanyang iba’t ibang palagay at paniniwala – pilosopikal, relihiyoso, pulitikal, at iba pa) ay sumasalamin sa sistemang pangkabuhayan ng lipunan. Ang mga institusyong pulitikal ay mga suprastruktura na nasa pundasyong ekonomiko. Makikita natin, halimbawa, na ang iba’t ibang pulitikal na anyo ng modernong estadong Europeano ay nagsisilbi upang patatagin ang dominasyon o pangingibabaw ng burgesya sa mga proletaryado.
Ang pilosopiya ni Marx ay isang lubos na pilosopikal na materyalismo na nagbigay sa sangkatauhan, at lalo na sa uring manggagawa, ng makapangyarihang instrumento ng kaalaman.
II
Bilang pagkilala na ang sistemang pang-ekonomya ang pundasyon ng mga itinayong malalaking istrukturang pulitikal, itinuon ni Marx ang buo niyang atensyon sa pag-aaral ng sistemang pang-ekonomya. Ang Das Kapital, na pinakamahalagang akda ni Marx, ay nakatuon sa pag-aaral ng sistemang pang-ekonomya ng modernong, hal. kapitalistang, lipunan.
Ang klasikong pampulitikang ekonomya, bago pa si Marx, ay balangkas sa Inglatera, ang pinakamaunlad na kapitalistang bansa. Ang pag-imbestiga nina Adam Smith at David Ricardo sa sistemang pang-ekonomya ang naglatag ng mga pundasyon ng teorya ng halaga ng paggawa. Ipinagpatuloy ni Marx ang kanilang ginawa; inilatag niya ang mga katibayan ng teorya at alinsunod dito’y pinaunlad ito. Ipinakita niyang ang halaga ng bawat kalakal ay itinatakda ng kinakailangang panlipunang oras ng paggawa na ginugol sa produksyon nito.
Kung saan nakita ng mga ekonomistang burgis ang relasyon sa pagitan ng mga bagay (ang palitan ng mga kalakal) ibinunyag ni Marx ang relasyon sa pagitan ng mga tao. Ang palitan ng mga kalakal ay nagpapahayag ng koneksyon sa pagitan ng mga indibidwal na tagalikha sa pamamagitan ng pamilihian. Ipinakilala ng salapi na ang koneksyon ay palapit ng palapit, di-mapaghihiwalay na pagsasama ng buong pang-ekonomyang pamumuhay ng mga indibidwal na tagalikha sa isang buo. Ipinakilala naman ng kapital ang patuloy na pagsulong ng ugnayang ito: ang lakas-paggawa ng tao’y nagiging kalakal. Ibinebenta ng sahurang manggagawa ang kanyang lakas-paggawa sa may-ari ng lupa, pabrika at mga kagamitan sa paggawa. Ginugugol ng manggagawa ang bahagi ng isang araw na sinasaklaw ang gastos para mabuhay siya at ang kanyang pamilya (sahod), habang ang iba pang bahagi ng isang araw ay ipinagtatrabaho niya ng walang bayad, na lumilikha para sa kapitalista ng sobrang halaga, na siyang pinagmumulan ng tubo, na pinagmumulan ng yaman ng uring kapitalista.
Ang diwa ng sobrang halaga ang buod ng teoryang pang-ekonomya ni Marx.
Ang kapital, na nilikha ng paggawa ng manggagawa, ang dumudurog sa manggagawa, winawasak ang mga maliliit na mga propyetaryora at lumilikha ng hukbo ng mga walang trabaho. Sa industriya, ang tagumpay ng malawakang antas ng produksyon ay agad na malinaw, at ang katulad na palatandaan ay mapapansin din sa agrikultura, kung saan ang malawakang antas ng kapitalistang agrikultura ay tumataas, dumarami ang gamit ng mga makinarya at humina naman ang ekonomya ng magsasaka, na nakulong sa salapi’t kapital, at bumagsak sa ilalim ng bigat ng paatras na paraan nito. Ang paghina ng maliitang antas ng produksyon ay nagkaroon ng iba’t ibang anyo ng agrikultura, ngunit ang paghina nito ay isang walang alinlangang katotohanan.
Sa pagwasak sa maliitang antas ng produksyon, tumungo ang kapital sa pagtaas ng produktibidad ng paggawa at sa paglikha ng monopolyadong posisyon para sa mga asosasyon ng malalaking kapitalista. Ang mismong produksyon ay nagiging panlipunan – daanlibo hanggang milyun-milyong manggagawa ang nagkakasama-sama sa isang regular na pang-ekonomyang batayan – ngunit ang bunga ng ganitong produktibong paggawa ay kinakamkam ng sandakot na bilang na kapitalista. Tumindi ang anarkiya sa produksyon, krisis, ang malakas na paghabol sa mga pamilihan, at ang mabuway na pag-iral ng masa ng populasyon.
Sa paglaki ng pagka-depende ng manggagawa sa kapital, lumikha ang kapitalistang sistema ng napakalakas na nagkakaisang paggawa.
Tinalunton ni Marx ang pagsulong ng kapitalismo mula sa panimulang ekonomya ng kalakal, mula sa simpleng palitan, tungo sa pinakamataas na anyo nito, sa malawakang antas ng produksyon.
At ang karanasang lahat ng bansang kapitalista, luma at bago, taun-taon ay malinaw na naglalarawan ng katotohanan ng kaisipang Marxistang ito sa dumaraming bilang ng manggagawa.
Nagtagumpay ang kapitalismo sa buong mundo, ngunit ang tagumpay na ito ang simula ng tagumpay ng paggawa laban sa kapital.
III
Nang bumagsak ang pyudalismo at lumitaw ang “malayang” lipunang kapitalista sa mundo, naging maliwanag agad na ang kalayaang ito ay nangangahulugan ng bagong sistema ng pang-aapi at pagsasamantala sa mga manggagawa. Agad naglitawan ang sari-saring kaisipang sosyalista bilang pagninilay at pagtutol sa pang-aaping ito. Gayunman, ang sinaunang sosyalismo ay utopyang sosyalismo. Binatikos nito ang lipunang kapitalista, isinumpa at kinamuhian ito, pinangarap ang pagkawasak nito, may pananaw itong mas magandang kaayusan at pinagsikapan nitong hikayatin ang mga mayayaman ng kasamaan ng pagsasamantala.
Ngunit hindi makapagtukoy ng tunay na kalutasan ang sosyalismong utopyan. Hindi nito maipaliwanag ang tunay na kalikasan ng sahurang pang-aalipin sa ilalim ng kapitalismo, hindi nito maipahayag ang batas ng pagsulong ng kapitalismo, o maipakita kung anong pwersang panlipunan ang may kakayahang maging tagapaglikha ng bagong lipunan.
Samantala, ang mararahas na rebolusyon saanman sa Europa, lalo na sa Pransya, ang umakay sa pagbagsak ng pyudalismo, ng pang-aalipin, dumarami ang malinaw na naglalantad ng tunggalian ng mga uri bilang batayan at pwersang nagpapagalaw sa lahat ng pag-unlad.
Walang kahit isang tagumpay ng kalayaang pulitikal laban sa uring pyudal maliban sa desperadong paglaban. Walang isa mang kapitalistang bansa ang nabalangkas sa humigit-kumulang na batayang malaya at demokratiko maliban sa buhay-at-kamatayang pakikibaka sa pagitan ng iba’t uri sa lipunang kapitalista.
Ang pagkahenyo ni Marx ay nakasalalay sa kanyang pagiging unang nakahinuha mula rito ng itinurong mga aral mula sa pandaigdigang kasaysayan at magamit ang mga aral na iyon sa tuwina. Ang nilikha niyang kongklusyon ay ang diwa ng tunggalian ng uri.
Ang mamamayan ay laging biktima ng panlilinlang at sariling pandaraya sa pulitika, at lagi silang ganito hanggang sa matutunan nilang hanapin ang interes ng ilang uri o ng iba pa sa likuran ng moral, relihiyoso, pulitikal at panlipunang pagbabago, pahayag at pangako. Ang mga kampyon ng reporma at pagsulong ay laging lilinlangin ng mga tagapagtanggol ng lumang kaayusan hanggang mapagtanto nila na ang bawat lumang institusyon, gaano man ito kalupit at kabulok, ay pinaaandar ng mga pwersang ng ilang naghaharing uri. At isa lamang ang paraan upang madurog ang paglaban ng mga uring ito, at ito’y matagpuan sa lipunang nakapaligid sa atin ang mga pwersang sa kanilang panlipunang kalagayan ay binubuo ng kapangyarihang kayang magtaboy sa luma at lumikha ng bago, at maimulat at maorganisa ang mga pwersang iyon para sa pakikibaka.
Tanging ang pilosopiyang materyalismo ni Marx ang nagpakita sa proletaryado ng paraang makalaya sa diwang mapang-alipin kung saan ang lahat ng mga inaaping uri ay nagdurusa hanggang ngayon. Tanging ang teoryang pang-ekonomya ni Marx ang nagpaliwanag ng tunay na paninindigan ng proletaryado sa pangkalahatang sistema ng kapitalismo.
Ang mga nagsasariling organisasyon ng proletaryado ay dumarami sa buong mundo, mula Amerika hanggang Hapon at mula Sweden hanggang Timog Aprika. Ang proletaryado ay naliliwanagan at natututo sa pagtataguyod ng kanilang tunggalian ng uri; at iwinawaksi nito sa sarili ang kapinsalaan ng burgis na lipunan; tinitipon nila ang kanilang hanay palapit sa isa’t isa at natututunang sukatin ang tagumpay nito; pinatitigas nito ang kanilang pwersa at lumalago sila ng tuluyan.
Paunawa:
Ang artikulong ito ay nalathala noong 1913 sa Prosveshcheniye Blg. 3, na iniaalay sa Ikatatlumpung Anibersaryo ng kamatayan ni Marx.
Ang Prosveshcheniye (Pagkamulat) ay buwanang lathalaing panlipunan, pampulitika at pampanitikang Bolshevik na legal na inilalathala sa St. Petersburg mula Disyembre 1911. Ang pagpasinaya nito ay iminungkahi ni Lenin upang palitan ang pahayagang Mysl (Diwa) ng Bolshevik, isang publikasyong ipinagbawal ng pamahalaang tsarista. Pinangasiwaan ni Lenin ang paggawa ng publikasyong ito mula sa ibayong dagat at nagsulat ng sumusunod na artikulo para roon: “Batayang Suliranin sa Kampanyang Halalan”, “Resulta ng Halalan, “Mapanuring Puna sa Usaping Pambansa”, “Ang Karapatan ng mga Bansa sa Pagsasarili”, at marami pang iba.
Ang pahayagan ay siniil ng pamahalaang tsarista noong Hunyo 1914, sa bisperas ng Unang Daigdigang Digmaan. Ito’y muling ipinagpatuloy noong taglagas ng 1917 ngunit isang dobleng bilang lamang ang lumitaw; ang bilang na ito ay naglalaman ng dalawang artikulo ni Lenin: “Mapapanatili Ba ng mga Bolshevik ang Pagtangan sa Kapangyarihang Pang-estado?” at “Ang Pagrerepaso sa Programa ng Partido”.

No comments: