Monday, June 30, 2008

Ang Uring Manggagawa at ang Pambansang Usapin

ANG URING MANGGAGAWA AT ANG PAMBANSANG USAPIN

ni V. I. Lenin

Nalathala sa Pravda, Blg. 106, Mayo 10, 1913

Pinaghalawan: Lenin Collected Works, Tomo 19, mp. 91-92

Isinalin mula sa Ingles ni Greg Bituin Jr

Ang Rusya bilang bansa ay binubuo ng iba’t ibang tao. Ang polisiya ng pamahalaan, na ang pinaiiral ay patakaran ng mga panginoong maylupa at kinakatigan ng burgesya, ay nakababad sa nasyonalismo ng Sandaang-Itim.

Pinangunahan ang polisiyang ito laban sa mayorya ng mga tao sa Rusya na bumubuo ng mayorya ng populasyon. At kaagapay nito ay ang nasyonalismong burgis ng iba’t ibang bansa (Polandes, Hudyo, Ukrainiano, Georgiano, atbp.) na nakataas-noo at sinisikap nitong ilihis ang uring manggagawa sa pandaigdigang tungkulin nito sa pamamagitan ng pambansang pakikibaka o pakikibaka para sa pambansang kultura.

Ang usaping pambansa ay dapat malinaw na maunawaan at malutas ng lahat ng mulat-sa-uring manggagawa.

Kapag ang burgesya ay nakikipaglaban para sa kalayaan kasama ang mamamayan, kasama ang lahat ng nagtatrabaho, naninindigan ito sa ganap na kalayaan at pantay na karapatan ng mga bansa. Ibinigay sa atin ng mga abanteng bansa, Switzerland, Belgium, Norway at iba pa, ang halimbawa kung paano ang mga malalayang bansang nasa ilalim ng tunay na demokratikong sistema ay sabay na namumuhay ng mapayapa o payapang magkahiwalay.

Ngayon, kinatatakutan ng burgesya ang mga manggagawa at nakikipagkasundo sa mga Purishkeviches, kasama ang mga reaksyunaryo, at ipinagkakanulo ang demokrasya, nagtataguyod ng pagsasamantala o di-pantay na karapatan sa mga bansa at sinusuhulan ang mga manggagawa ng mga pambansang panawagan.

Sa ating panahon, tanging ang proletaryado lamang ang nagtatanggol sa tunay na kalayaan ng mga bansa at pagkakaisa ng manggagawa sa lahat ng bansa.

Upang sabay na mamuhay ng payapa at may kalayaan ang iba’t ibang bansa o ibukod at magtayo ng iba’t ibang estado (kung ito ang mas nakakatulong para sa kanila), napakahalaga ng ganap na demokrasyang dala ng uring manggagawa. Walang pribilehiyo para sa alinmang bansa o alinmang isang wika! Kahit na pinakamaliit na antas ng pagsasamantala o pinakamaliit na inhustisya bilang paggalang sa pambansang minorya – ganyan ang prinsipyo ng demokrasya ng uring manggagawa.

Nais ng mga kapitalista at mga panginoong maylupa, anuman ang mangyari, na panatilihing magkakahiwalay ang mga manggagawa ng iba’t ibang bansa habang ang mga nasa kapangyarihan ay sama-samang namumuhay ng napakainam bilang magkakasosyo sa mga kapaki-pakinabang na kumpanya na sangkot ay milyones (tulad ng mga kaparangan ng Ginto ng Lena); ang mga Ortodoksong Kristyano at Hudyo, Ruso at Aleman, Polandes at Ukrainiano, lahat ng nag-aari ng kapital, ay pinagsasamantalahan ang mga manggagawa sa lahat ng bansa ng kumpanya.

Naninindigan ang mga mulat-sa-uring manggagawa para sa ganap na pagkakaisa ng mga manggagawa ng lahat ng bansa sa bawat edukasyonal, unyon, pulitikal, atbp. na samahan ng mga manggagawa. Hayaang pahiyain ng mga maginoong Kadete ang mga sarili nila sa kanilang pagkakaila o pagmamaliit sa kahalagahan ng pantay na karapatan para sa mga Ukrainiano. Hayaang maaliw ang burgesya ng lahat ng nasyon sa kanilang mga kasinungalingan hinggil sa pambansang kultura, pambansang tungkulin, atbp., atbp.

Hindi papayagan ng mga manggagawang paghiwalayin sila ng mga matatamis na talumpati hinggil sa pambansang kultura, o “pambansang kultural na awtonomiya”. Magkakasama at sabay-sabay na panghahawakan ng manggagawa ng lahat ng bansa ang ganap na kalayaan at ganap na pagkakapantay-pantay ng karapatan ng mga samahang karaniwan sa lahat – at ito’y ang garantiya ng tunay na kultura.

Itinatatag ng mga manggagawa ng buong mundo ang kanilang sariling pandaigdigang kultura, na matagal nang pinaghahandaan ng mga kampyon ng kalayaan at ng kaaway ng pagsasamantala. Kung ang lumang mundo ay mundo ng pambansang pagsasamantala, pambansang awayan, at pambansang pagkawalay, ang manggagawa’y naghahandog ng panibagong mundo, ang mundo ng pagkakaisa ng manggagawa ng lahat ng bansa, isang mundong walang lugar ang anumang pribilehiyo o maging ang pinakamaliit mang antas ng pagsasamantala ng tao sa tao.

No comments: