Sunday, June 8, 2008

Pagbaka sa Liberalismo

PAGBAKA SA LIBERALISMO

Isinalin mula sa Ingles ni Greg Bituin Jr

Tumitindig tayo sa aktibong pakikibakang ideyolohikal dahil ito ang sandata para matiyak ang pagkakaisa sa loob ng Partido at ng rebolusyonaryong organisasyon para sa kapakanan ng ating pakikibaka. Bawat komunista at rebolusyonaryo ay dapat panghawakan ang sandatang ito.

Ngunit di tinatanggap ng liberalismo ang pakikibakang ideyolohikal at naninindigan sa di-prinsipyadong kapayapaan, na pinagsimulan ng ugaling dekadente at pilistino, at naglatag ng pulitikal na kalubhaan sa ilang mga yunit at indibidwal sa Partido at sa rebolusyonaryong organisasyon.

Ipinapakita ng liberalismo ang sarili nito sa iba’t ibang paraan.

Ang pabayaan ang mga bagay alang-alang sa kapayapaan at pagkakaibigan kapag ang isang tao’y maliwanag na nakagawa ng pagkakamali, at pigilin ang mga prinsipyadong argumento dahil siya ay matagal nang kakilala, kababayan, kaklase, malapit na kaibigan, iniirog, dating kasama o dating tauhan. O kaya’y bahagyang salingin ang usapin imbes na seryosong pag-usapan ito, alang-alang sa pagkakapalagayang-loob. Ang resulta, parehong napipinsala ang organisasyon at ang indibidwal. Isa itong tipo ng liberalismo.

Ang pagsasagawa ng iresponsableng kritisismo sa pribado imbes na aktibong ilatag ang mga mungkahi sa organisasyon. Ang di sabihin sa harapan kundi itsismis sa talikuran, o hindi magsalita sa pulong para magsalita pagkatapos ng pulong. Ang pagpapakita ng kawalang pakialam sa prinsipyo ng kolektibong pamumuhay kundi sundin ang sariling hilig. Ito ang ikalawang tipo.

Ang pabayaan ang mga bagay-bagay kung hindi naman ito nakakaapekto sa kanyang sarili; ang magsalita ng kaunti lamang kahit nalalaman naman kung ano ang mali, ang manalinghaga at hindi makialam para di mabuntunan ng sisi. Ito ang ikatlong tipo.

Ang hindi sumunod sa atas ngunit ipinagyayabang ang kanyang sariling opinyon. Ang humiling ng ispesyal na kunsiderasyon mula sa organisasyon ngunit hindi tumatalima sa disiplina nito. Ito ang ikaapat na tipo.

Ang pagsasagawa ng mga atakeng personal, pakikipag-away, pagpapakita ng personal na pagkayamot at paghihiganti imbes na makipag-argumento at labanan ang mga maling opinyon alang-alang sa pagkakaisa o maging maayos ang mga gawain.

Ang makarinig ng mga maling opinyon ngunit hindi nito sinasagot, o kaya’y makarinig ng mga salitang kontra-rebolusyonaryo at hindi ito iniuulat, at tinatrato ito na parang walang nangyari. Ito ang ikaanim na tipo.

Ang maging kasama ng masa ngunit hindi nagsasagawa ng propaganda at ahitasyon o magsalita sa mga pulong o magsagawa ng mga pagsisiyasat at pagtatanong sa mga ito, at sa halip ay malamig ang pakita sa kanila at nagpapakita ng kawalang pakialam sa kanilang kagalingan, at kinakalimutang ang isa’y komunista at kumikilos na parang siya’y ordinaryo’t hindi komunista. Ito ang ikapitong tipo.

Ang makita ang sinuman na sinisira ang interes ng masa, ngunit hindi nakakaramdam ng galit, o kaya’y pigilan o makipagkatwiran sa kanya, kundi pabayaan siyang magpatuloy. Ito ang ikawalong tipo.

Ang wala-sa-loob na gumawa nang walang malinaw na plano o direksyon; ang di-interesado sa ginagawa at nanggugulo na lang – “Hangga’t ang isa’y nananatiling monghe, ang isa’y magpapatuloy sa pagkalembang ng kampana.” Ito ang ikasiyam na tipo.

Ang tingnan ang sarili na nakapaghandog ng malaking serbisyo sa rebolusyon upang ipagmalaki ang sarili sa pagiging beterano, ang pagkibitan ang maliliit na nakatokang gawain habang di pantay ang trato sa mga mayor na gawain, ang maging burara sa gawain at pabaya sa pag-aaral. Ito ang ikasampung tipo.

Ang nababatid ang kanyang mga kamalian ngunit hindi nagwawasto, at maging maluwag sa kaninuman. Ito ang ikalabing-isang tipo.

Marami pang maaaring tukuyin. Ngunit ang labing-isang ito ang mga pangunahing tipo.

Lahat sila’y mga tanda ng liberalismo.

Ang liberalismo ay sadyang mapaminsala sa rebolusyonaryong kolektibo. Ito’y isang kalawang na lumalamon sa pagkakaisa, sumisira sa pag-uugnayan, nagiging dahilan ng kawalang malasakit at lumilikha ng awayan. Inaagaw nito sa rebolusyonaryong hanay ang solidong organisasyon at istriktong disiplina, hinahadlangan ang mga pagsasakatuparan ng mga patakaran at inilalayo ang mga organisasyon ng Partido sa masang pinamumunuan nito. Ito’y lubhang masamang gawi.

Nagmumula ang liberalismo mula sa petiburgis na kasakiman, pangunahing inilalagay nito ang pansariling interes at pangalawa lamang ang interes ng rebolusyon, at ito ang pinagmumulan ng liberalismong ideyolohikal, pulitikal at organisasyunal.

Tinitingnan ng mga taong liberal ang mga prinsipyo ng Marxismo bilang abstraktong dogma o mahirap unawaing paniniwala. Sang-ayon sila sa Marxismo ngunit hindi handang isakatuparan ito o isabuhay ng ganap; hindi sila handang palitan ng Marxismo ang kanilang liberalismo. Ang Marxismo’y nasa mga taong ito, ngunit nariyan pa rin ang kanilang liberalismo – magsasalita sila ng Marxismo ngunit ang isinasabuhay ay liberalismo. Ginagamit nila ang Marxismo sa iba, ngunit liberalismo naman sa sarili. Meron sila ng dalawang klaseng iyon at nakikita ang gamit ng bawat isa. Ganito mag-isip ang ilang tao.

Ang liberalismo ay tanda ng oportunismo at pangunahing sumasalungat sa Marxismo. Ito’y negatibo at obhetibong may epekto sa pagtulong sa kaaway; ito ang dahilan kung bakit masayang tinatanggap ng kaaway ang pananatili ng liberalismo sa atin. Kung ganito ang kalikasan nito, ito’y hindi katanggap-tanggap sa hanay ng rebolusyon.

Gamitin natin ang Marxismo, na positibo ang diwa, upang manaig sa liberalismo, na negatibo naman. Ang isang komunista’y dapat na may malawak na kaisipan at siya’y dapat na matatag at aktibo, at pangunahing tinitingnan ang interes ng rebolusyon bilang kanyang buhay at ipinapailalim ang kanyang sariling interes sa interes ng rebolusyon; palagi at saanman ay dapat niyang tanganan ang prinsipyo at itaguyod ang kawalang kapagurang pakikibaka laban sa mga maling kaisipan at kilos, upang mapatatag ang kolektibong pamumuhay ng Partido at mapatibay ang ugnayan sa pagitan ng Partido at ng masa; dapat na mas may malasakit siya sa anumang nahihinggil sa Partido at sa masa kaysa sa sinumang pribadong tao, at mas may malasakit siya sa kapwa kaysa sa sarili. Sa pamamagitan ng mga ito lamang siya maituturing na isang komunista.

Lahat ng tapat, tunay, aktibo at matwid na komunista ay kinakailangang magkaisa upang labanan ang mga pag-uugaling liberal na ipinapakita ng ilang taong kasama natin, at dalhin sila sa tamang landas. Ito ang isa sa mga tungkulin sa ating larangang ideyolohikal.


No comments: