Sunday, June 8, 2008

Tesis kay Feuerbach


TESIS KAY FEUERBACH
ni Karl Marx

Sinulat ni Karl Marx noong tagsibol ng 1845, at bahagyang inedit ni Engels. Unang nalathala bilang apendiks sa “Si Ludwig Feuerbach at ang Wakas ng Klasikong Pilosopiyang Aleman” noong 1888. Isinalin mula sa Ingles ni Greg Bituin Jr., mula sa translasyon ni Cyril Smith noong 2002.

Mula sa http://www.marxists.org/archive/marx/works/1845/theses/index.htm

I
Ang pangunahing depekto ng lahat na umiiral na materyalismo – kasama na ang kay Feuerbach – ay ang bagay, reyalidad, nadarama, ay inaakala lamang sa anyo ng isang paksa o ng pagmumuni-muni, ngunit hindi bilang isang nakikitang aktibidad ng tao, praktika, at hindi suhetibo. Kaya ang kaibahan sa materyalismo, ang aktibong bahagi ay abstraktong pinaunlad ng ideyalismo – gayunman ay di nalalaman ang tunay na aktibidad na nadarama tulad noon. Nais ni Feuerbach ang nadaramang mga bagay, na sadyang iba sa mga naiisip na paksa, ngunit hindi niya tinitingnan ang aktibidad ng tao bilang obhetibong gawain. Kaya, sa “Ang Esensya ng Kristyanismo’ itinuring niyang ang kaasalang teyoretikal bilang tunay na asal ng tao, samantalang ang praktika ay naiisip at ipinaliliwanag lang sa marumi’t makahudyong tindig nito. Kaya hindi niya nagagagap ang kahalagahan ng “rebolusyonaryo”, “praktikal-kritikal,” na gawain.

II
Ang usapin kung ang obhetibong katotohanan ay maibubunton sa pag-iisip ng tao ay hindi usapin ng teorya kundi isang praktikal na usapin. Dapat mapatunayan ng tao ang katotohanan – hal. ang reyalidad at kapangyarihan, ang panig-na-ito ng kanyang iniisip sa praktika. Ang pagtatalo hinggil sa reyalidad at di-reyalidad ng naiisip na hiwalay sa praktika ay isang dalisay na usaping iskolastiko.

III
Ang materyalistang paniniwalang ang tao'y produkto ng pagkakataon at pagpapalaki, kaya, ang mga nagbagong tao ay produkto ng nagbagong pagkakataon at nagbagong pagpapalaki, ay nalilimutang ang tao ang nagbabago ng kalagayan at ang tagapagturo'y dapat matuto mismo. Kaya nakatalagang hatiin ng paniniwalang ito ang lipunan sa dalawang bahagi, ang isa ay mas nakahihigit sa lipunan. Ang pagkakatiyap ng pabagu-bagong kalagayan at ng gawain ng tao o pagbabago ng sarili ay maaaring hakain at lohikang maunawaan lamang bilang rebolusyonaryong praktika.

IV
Nagsimula si Feuerbach mula sa katotohanan ng relihiyosong pagkapalayo, ng duplikasyon ng mundo sa relihiyoso't guniguning mundo, at ng sekular. Ang ginawa niya’y naglalaman ng paglutas sa relihiyosong mundo sa batayang sekular nito. Nakakaligtaan nito ang katotohanang matapos niyang mabuo ang kanyang ginagawa, ang mayor na gawain ay dapat pang matapos. Ngunit inihiwalay ng batayang sekular ang sarili nito at itinanghal ang sarili bilang nagsasariling larangan sa ulap ay mapapaliwanag lamang ng panloob na tunggalian at angking kabalintunaan ng batayang sekular na ito. Kaya ang huli’y dapat maunawaan sa kabalintunaan nito, at sa pagwaksi sa kabalintunaang ito'y marebolusyonalisa.Halimbawa, matapos madiskubreng ang pamilya sa lupa ang lihim ng banal na pamilya, ang una’y dapat madurog sa teorya at sa praktika.

V
Si Feuerbach, na di nasisiyahan sa abstraktong pag-iisip, ay nagnanais ng pagmumuni-muni; ngunit hindi niya ipinalalagay na ang nadarama’y isang praktikal, at nadaramang gawain.

VI
Niresolba ni Feuerbach ang esensyang relihiyoso sa esensya ng tao. Ngunit ang esensya ng tao ay walang abstraktong likas sa bawat indibidwal.

Sa reyalidad nito, ito ang pangkat ng pag-uugnayang panlipunan.

Si Feuerbach, na di pumasok sa kritisismo ng totoong esensyang ito, ay naoobligang:

1. Mag-abstrakto mula sa prosesong istorikal at ayusin ang sentimyentong pangrelihiyoso bilang isang bagay sa sarili nito at mangahulugan ng isang abstrakto – nag-iisa – tao.

2. Ang esensya, kung gayon, ay mauunawaan lang bilang "species", bilang panloob na 'kahinaang' saklaw na nagbubukod sa maraming indibidwal sa likas na paraan.

VII
Samakatwid, di nakikita ni Feuerbach na ang “relihiyosong sentimyento” ay isa ring produkto ng lipunan, at ang abstraktong indibidwal na kanyang sinusuri ay kabilang sa isang natatanging anyo ng lipunan.

VIII
Lahat ng buhay panlipunan ay samakatwid praktikal. Lahat ng misteryo na gumigiya sa teorya sa mistisismo ay natagpuan ang makatwirang solusyon sa praktika ng tao at sa pagkaunawa sa praktikang ito.

IX
Ang pinakarurok na narating ng kontemplatibong materyalismo ay yaong materyalismong hindi maunawaan ang nadarama bilang gawaing praktikal, ay kontemplasyon ng isang indibidwal at ng lipunang sibil.

X
Ang paninindigan ng lumang materyalismo ay lipunang sibil; ang paninindigan ng bago ay lipunang makatao, o panlipunang sangkatauhan.

XI
Ipinaliwanag lamang ng mga pilosopo ang daigdig sa iba’t ibang paraan; ang punto’y dapat baguhin ito.

No comments: