Monday, November 2, 2009

Sosyalismo at Tao sa Cuba - ni Che Guevara

SOSYALISMO AT TAO SA CUBA
ni Ernesto ‘Che’ Guevara

(Isinalin mula sa Ingles ni Greg Bituin Jr.)

Paunawa: Nalathala ang sulating ito ni Che Guevara sa pahayagang Marcha noong Marso 12, 1965. Ang artikulong ito’y sinulat sa anyo ng liham kay Carlos Quijano, patnugot ng Marcha, isang lingguhang pahayagang inilalathala sa Montevideo, Uruguay. Sinulat ito ni Guevara habang nasa tatlong buwang paglalakbay sa ibayong dagat, kung saan nagsalita siya sa United Nations General Assembly, at bumisita rin siya sa ilan pang bansa sa Aprika.

Mahal kong kaibigan,

Bagamat naantala, tinatapos ko ang aking mga tala sa panahong naglalakbay ako sa Aprika, na umaasang sa ganitong paraan ay matupad ko ang aking pangako. Nais kong gawin ito sa pamamagitan ng paksang nakatala sa pamagat sa itaas. Palagay ko’y magkaka-interes dito ang mga mambabasang taga-Uruguay.

Isang pangkaraniwang argumento mula sa bunganga ng mga tagapagsalita ng kapitalista, sa tunggaliang ideolohikal laban sa sosyalismo, na ang sosyalismo, o ang panahon ng pagtatatag ng sosyalismo na tinahak natin, ay naglalarawan ng pagpawi sa indibidwal para sa kapakanan ng estado. Di ko tatangkaing pabulaanan ang argumentong ito sa larangang teoretikal lamang, ngunit para mapatunayang merong ganito sa Cuba, at magdagdag ng mga kuro-kuro sa kabuuan. Uumpisahan ko ito sa paglalarawan ng kasaysayan ng tunggalian ng ating himagsikan bago at matapos na tayo’y masakapangyarihan. Tulad ng alam ng lahat, ang eksaktong petsa ng rebolusyonaryong pakikibaka, na nagdulo noong Enero 1959, ay Hulyo 26, 1953. Isang pangkat na pinangunahan ni Fidel Castro ang sumalakay sa kwartel ng Moncada sa lalawigan ng Oriente ng umaga ng araw na iyon. Bigo ang pagsalakay, ang pagsalakay ay naging kapahamakan; at ang mga natira ay nakulong, at nang sila’y mabigyan ng amnestiya at makalaya ay sinimulan muli ang rebolusyonaryong pakikibaka.

Sa ganitong paraan, na ang tanging meron lamang ay ang binhi ng sosyalismo, pangunahing salik dito ang indibidwal. Pinagtiwalaan natin siya – isang tukoy na tao, na may pangalan at apelyido – at ang tagumpay o kabiguan ng misyong ipinagkatiwala sa kanya ay nakadepende sa kakayahang kumilos ng taong iyon. Kasunod niyon ay ang yugto ng pakikibakang gerilya. Sumulong ito sa dalawang magkaibang kapaligiran: ang mamamayan, ang masang natutulog na dapat mapakilos; at ang mga namumuno, ang mga gerilya, ang pwersang nagpapakilos sa mobilisasyon, ang tagapaglikha ng mapanghimagsik na kamalayan ang mapanlabang sigasig. Ang namumunong ito ang tagapaglikha ng mga suhetibong kalagayan na kinakailangan sa tagumpay.

Narito muli, sa balangkas ng proletaryanisasyon ng ating kaisipan, ng rebolusyong itong tinanggap ng ating gawi at ng ating isip, ang indibidwal ang pangunahing salik. Lahat ng mga nakipaglaban sa Sierra Maestra na nakarating ng mas mataas na ranggo sa pwersang rebolusyonaryo ay may namumukod-tanging karangalan. Narating nila ang kanilang ranggo sa ganitong batayan.


Unang dakilang yugto

Ito ang unang dakilang yugto kung saan nagpaligsahan ang mga mandirigma para sa pinakamabibigat na pananagutan, sa pinakamatinding panganib, ng walang iba pang kasiyahan maliban sa pagtupad sa tungkulin. Sa ating gawain ng rebolusyonaryong edukasyon, madalas nating balikan ang paksang ito. Sa mga kaugalian ng ating mga kawal makikita ang mga mamamayan sa hinaharap.

Sa iba pang pagkakataon sa ating kasaysayan, mauulit ang mga gawi ng buong dedikasyon sa rebolusyonaryong mithiin. Habang nagaganap ang krisis ng Oktubre (krisis sa missile) at sa mga araw ng bagyong Flora (Oktubre 1963) nakita natin ang pambihirang kagitingan at sakripisyo ng buong mamamayan. Ang mahanap ang paraan upang panatilihin ang kabayanihan sa pang-araw-araw na buhay, mula sa ating ideolohiyang paninindigan, ang isa sa ating mga pangunahing tungkulin.

Noong Enero 1959, natatag ang rebolusyonaryong gobyerno nang may partisipasyon ang ilang kasapi ng taksil na burgesya. Ang pagkakaroon ng Hukbong Rebelde ay isa sa mga salik na nagtiyak ng kapangyarihan. Nagkaroon agad ng matinding tunggalian. Pangunahing halimbawa, noong Pebrero 1959, naayos ito nang pamunuan ni Fidel Castro ang pamahalaan, at naging punong ministro. Nangyari ito noong Hulyo ng 1959, kasabay ng resignasyon ni Pangulong Urrutia dahil sa tulak ng mamamayan.

Sa kasaysayan ng Rebolusyong Cubano, may isang katauhang may kaukulang katangian ang sistematikong lumitaw: ang masa. Ang maraming katangian ng katauhang ito, gaya ng pahayag ng iba, ang suma ng mga salik ng magkakaparehong tipo (na pinaliit sa tipong iyon din ng naghaharing sistema), na animo’y kawan ng tupa. Totoong sinusunod ang liderato nito, pangunahin si Fidel Castro, nang walang alinlangan. Ngunit ang antas na mapagtagumpayan niya ang pagtitiwalang ito ay nagresulta mula sa mahusay na pagpapaliwanag ng kahulugan ng layunin at mithiin ng mamamayan, at sa tapat na pakikibaka upang tuparin ang kanyang mga ipinangako.


Partisipasyon ng masa

Lumahok ang masa sa repormang agraryo at sa mahirap na tungkuling pamamahala ng proyekto ng estado, nagpatuloy ito sa dakilang karanasan sa Look ng mga Baboy (Bay of Pigs); tumigas sila sa digmaan laban sa iba’t ibang pangkat ng bandidong inorganisa ng CIA; nabuhay ito sa isa sa pinakamahalanag pasiya ng kasalukuyang panahon habang nagaganap ang krisis ng Oktubre (missile); at ngayon, patuloy ito sa pagtatatag ng sosyalismo.

Kung bahagyang titingnan, tila lumalabas na ang nagsalita ng pagkapailalim ng indibidwal sa estado ay tama. Dinadala ng masa ng walang kapantay na sigla at disiplina ang mga tungkuling inilatag ng estado, maging ito ma’y sa larangan ng ekonomya, kultura, depensa, isport, atbp. Ang inisyatiba sa kabuuan ay nagmula kay Fidel, o mula sa rebolusyonaryong liderato, at ipinapaliwanag sa tao, na umaangkin nito. Sa iilang kaso, tinanganan ng partido at ng gobyerno ang lokal na karanasan at ipinahayag ito sa marami habang sumusunod sa parehong pamamaraan.

Gayunman, paminsan-minsan ay nagkakamali rin ang estado. Kapag naganap ang isa sa mga kamaliang ito, kapansin-pansin ang paghina ng kolektibong sigla dahil sa epekto ng pagliit ng bawat salik na bumubuo sa masa. Napaparalisa ang gawain hanggang sa lumiit ito sa walang-gaanong kabuluhang antas. Panahon na para itama ito. Ganito ang nangyari noong Marso 1962 bilang resulta ng panatikong palakad na ipinataw ni Anibal Escalante sa partido. Maliwanag na hindi sapat ang mekanismong ito para matiyak ang pagkakasunud-sunod ng makatwirang mga batas. Kailangan ang mas maayos na pagkakaugnay sa masa, at dapat natin itong linangin sa darating na mga taon. Ngunit habang nanggagaling sa mataas na uri sa gobyerno ang inisyatiba, ginagamit natin ngayon ang mga mahuhusay na pamamaraang kinakailangan sa mga malalaking suliraning kinakaharap natin.

Dito’y si Fidel ang pinakamahusay. Ang sarili niyang pamamaraan ng pakikipag-ugnayan sa tao ay kinalulugdan lamang kapag nakita siyang kumikilos. Sa mga malalaking pampublikong pulong, may mapupuna ang isa na tila salitaan ng dalawang nagkikiskisang sanga, at nagkaroon ng bagong tunog. Nagsimulang magsama si Fidel at ang masa sa patitinding mga usapan hanggang sa marating nito ang sukdulan ng biglaang pagpapasiya na pinutungan ng ating sigaw ng pakikibaka at tagumpay. Ang mahirap maunawaan ng isang di nakaranas sa rebolusyon ay itong napakalapit na diyalektikong pagkakaisa sa pagitan ng indibidwal at ng masa, kung saan pareho silang magkaugnay, at kasabay nito’y ang masa, bilang kabuuan ng mga indibidwal, ang nakikipag-ugnayan sa kanilang mga pinuno.

Makikita rin sa ilalim ng kapitalismo ang ilang mga bagong penomena tulad nito, kapag tila kayang pukawin ng mga pulitiko ang pampublikong opinyon. Ngunit kung hindi ito tunay na panlipunang kilusan – kung ganito nga, hindi tamang tawagin silang kapitalista – sila’y nabubuhay lamang habang nabibigyang-sigla sila ng isang indibidwal, o habang ang kalupitan ng lipunang kapitalista ay tumapos sa pangangarap ng mga tao.


Di-nakikitang batas ng kapitalismo

Sa kapitalistang lipunan, kinokontrol ang mga indibidwal ng mga walang-awang batas na di nila maunawaan. Nakatali ang tao sa buong lipunan ng di nakikitang pusod (umbilical cord): ang batas ng halaga. Umiikot ang batas na ito sa lahat ng bahagi ng buhay ng tao, na umuugit sa kanyang landas at kapalaran. Ang batas ng kapitalismo, na bulag at di-nakikita ng mamamayan, ay kumikilos sa indibidwal ng hindi nito alam. Nakikita lamang nila ang lawak ng tila di-matanaw na hinaharap. Ganito ito inilalarawan ng mga propagandistang kapitalista na nangangahulugan ng pagkatuto sa halimbawa ni Rockefeller – totoo man ito o hindi – hinggil sa mga posibilidad ng tagumpay ng indibidwal. Ang laki ng hirap at pagpapakasakit na kinakailangan upang sumulpot ang isang bagong Rockefeller, at ang laki ng kinakailangang kabuktutan sa pagkakaroon ng ganoong kalaking yaman, ay wala na, at hindi laging posible na ilantad ito ng mga kilalang pwersa. (Isang talakayan kung paanong ang mga manggagawa sa mga imperyalistang bansa ay unti-unting nawala ang diwa ng internasyunalismo ng uring manggagawa dahil sa ilang antas ng pakikipagsabwatan sa pagsasamantala sa mga di-pa-nagsasariling mga bansa, at kasabay nito’y paanong ito’y nakapagpahina sa pagiging palaban ng masa sa mga imperyalistang bansa, ay nararapat lamang dito, ngunit ito’y paksang lagpas na sa kabuuan ng nariritong mga tala.)

Sa anumang kaso, ang landas ng tagumpay ay inilalarawan na naliligiran ng mga panganib na tila kayang lagpasan ng indibidwal na may tamang kakayahan upang makamit ang layunin. Malapit makita ang gantimpala, malungkot ang paraan. Dagdag pa, ito’y paligsahan ng mga asong mababangis. Ang isa’y mananalo lamang sa pagbagsak ng marami.



Ang indibidwal at ang sosyalismo

Tatangkain kong ipaliwanag kung ano ang isang indibidwal, ang gumaganap sa kakatwa at buhay na dula ng pagtatatag ng sosyalismo, sa dakilang buhay bilang natatanging nilalang at bilang kasapi ng lipunan.

Palagay ko na ang dapat pagsimulan ay ang pagkilala sa di-hustong katangian ng indibidwal, ng pagiging di-tapos na produkto. Ang bakas ng nakaraan ay dinala sa kasalukuyan sa kamalayan ng tao, at kinakailangan ang patuloy na pagkilos upang mawala ang mga ito. Ang proseso ay may dalawang mukha. Sa isang banda, kumikilos ang lipunan sa pamamagitan ng direkta at indirektang edukasyon; sa kabilang banda naman, pumapailalim naman ang indibidwal sa nalalaman niyang paraan ng sariling pag-aaral. Ang binubuong bagong lipunan ay dapat masidhing makipagsapalaran sa nakaraan. Madarama ang nakaraang ito di lamang sa kamalayan ng isang tao – kung saan naririyan pa rin ang bigat ng mga labi ng edukasyon na sistematikong nakaangko tungo sa pagkahiwalay ng indibidwal kundi sa mismong katangian ng panahong ito ng transisyon kung saan nananatili pa rin ang relasyong kalakalan. Ang kalakal ang selulang pang-ekonomiko ng kapitalistang lipunan. Habang iyan ay nananatili, ang epekto nito’y mararamdaman sa organisasyon ng produksyon at, dahil doon, ay sa kamalayan.

Binalangkas ni Marx ang panahon ng transisyon na nagbunga mula sa matinding transpormasyon ng kapitalistang sistemang winasak ng sarili nitong kontradiksyon. Sa makasaysayang kaganapan, gayunman, nakita natin na madaling madurog ang ilang bansang may mahinang sanga sa puno ng imperyalismo – isang bagay na agad nakita ni Lenin.

Sa mga bansang ito, ganap na sumulong ang kapitalismo upang maramdaman agad ng tao ang epekto nito sa anumang paraan. Ngunit hindi ang panloob na kontradiksyon ng kapitalismo ang dahilan, na ginamit na ang lahat ng posibilidad, ng pagsabog ng sistema. Ang pakikibaka para sa kasarinlan mula sa mapang-aping dayuhan; ang mga hirap na dinulot ng mga panlabas na pangyayari, tulad ng digmaan, kung saan ang kinahinatnan ay ipinatong ng may-pribilehiyong uri sa likod ng mga pinagsasamantalahan; ang mga kilusang mapagpalaya na layuning patalsikin ang mga neo-kolonyal na rehimen – ito ang karaniwang mga salik sa paglalantad ng ganitong uri ng pagsabog. Ang mga pagkilos na nalalaman ang siyang bahala sa iba pa. Ang sapat na edukasyon para sa panlipunang pagkilos ay di pa nagaganap sa mga bansang ito, at ang kayamanan ay di kayang abutin ng masa sa pamamagitan ng simpleng paraan ng paglalaan ng gugulin. Sa isang banda, ang di-sapat na pagsulong, at ang karaniwang lipad ng kapital sa isa pang banda, ay imposibleng magkaroon ng mabilis na transisyon nang walang sakripisyo. Mahaba pa ang landas na tatahakin sa pagtatatag ng batayang pang-ekonomiko, at napakalaki ng tuksong sundan ang talunang bakas ng materyal na interes tulad ng pingga na nagpabilis sa pagsulong.

May panganib na di makita ang gubat para sa mga puno. Ang pangarap na makamit ang sosyalismo sa tulong ng mga pulpol na kagamitang iniwan sa atin ng kapitalismo (ang kalakal bilang selulang pang-ekonomya, kapakinabangan, materyal na interes ng indibidwal tulad ng pingga, atbp.) ang maakay sa putol na daan. Kung nagpaliku-liko ka doon matapos maglakbay ng malayo sa maraming krus na daan, mahirap basta malaman kung saan ang mali mong liko. Sa kabilang dako, ang inilatag sa pundasyong pang-ekonomya ay nagpahina sa pagsulong ng kamalayan. Sa pagtatatag ng sosyalismo kasabay ng bagong pundasyong materyal, kinakailangang maitatag ang isang bagong tao.


Bagong kamalayan

Ito ang dahilan kung bakit napakahalagang piliin ang tamang instrumento ng pagpapakilos ng masa. Sa pangunahin, ang instrumentong ito ay dapat may mabuting katangian, nang hindi nakakaligtaan ang tamang paggamit ng materyal na dahilan, lalo na ang panlipunang katangian.

Nasabi ko na, sa harap ng matitinding panganib, napakadalang tipunin ang matitinding sagot na may mabuting dahilan. Habang pinananatili ang bisa nito, gayunman, ay kinakailangan ng pagsulong ng kamalayan kung saan may mga bagong antas ng halaga. Ang buong lipunan ay dapat maging malawak na paaralan.

Sa pasapyaw na balangkas, ang bagay na ito’y tulad ng proseso ng paghubog sa kapitalistang kamalayan nang ito’y sumisibol pa lamang. Gumagamit ng pwersa ang kapitalismo ngunit tinuturuan din nito ang mga tao hinggil sa sistema. Ang direktang propaganda ang ginagawa ng mga pinagkatiwalaang magpaliwanag hinggil sa di-maiiwasang pag-iral ng lipunang may mga uri, ito ma’y sa pamamagitan ng teorya ng banal na pinagmulan o ang materyalistang teorya ng natural na batas. Pinayapa nito ang masa pagkat nakikita nila ang kanilang sarili na pinagsasamantalahan ng kasamaang hindi nila kayang labanan.

Sumunod dito’y pag-asa ng pagsulong – at dito’y naiiba ang kapitalismo sa mga dating sistemang mana-mana, na di matatakasan. Para sa ilang tao, ang panuntunan ng sistemang mana-mana ay mananatili. Ang gantimpala sa mga masunurin ay dadalhin pagkamatay sa anumang di-kapani-paniwalang mundo kung saan, ayon sa matatandang paniniwala, ang mga mabubuting tao ay ginagantimpalaan. Sa ibang tao naman, may ganitong pagbabago: ang pagkakahati sa uri ay itinatakda ng kapalaran, ngunit ang indibidwal ay maaaring umangat ng uri sa pagsisikap, pagpapasimuno, atbp. Ang prosesong ito, at ang alamat ng taong nagsikap, ay napakalaking pagbabalatkayo: ito ang makasariling paglalarawan na ang kasinungalingan ay ang katotohanan.

Sa ating kaso, nakamtan ng direktang edukasyon ang mas malawak na kahalagahan. Nakakakumbinsi ang paliwanag dahil ito’y totoo; walang kinakailangang pagkukunwari. Ito’y ipinagpapatuloy ng mga makinaryang edukasyunal ng estado bilang tungkulin ng edukasyon sa pangkalahatan, teknikal at ideolohikal sa pamamagitan ng Kagawaran ng Edukasyon at ng kasangkapang pangkabatiran ng estado. May pagtangan sa masa ang edukasyon at ang nakikitang bagong pagkilos ay maaaring maging gawi. Patuloy itong inangkin ng masa at upang mahikayat ang iba pang turuan ang kanilang mga sarili. Ito ang indirektang anyo ng pagtuturo sa masa, na kasintindi ng mga nakapag-aral.


Prosesong Mulat sa Sariling Pag-aaral

Ngunit ang proseso ay sinasadya. Patuloy na nararamdaman ng indibidwal ang tindi ng bagong panlipunang kapangyarihan at maunawang sila’y di-lapat sa pamantayan niyon. Sa tindi ng pwersa ng indirektang edukasyon, susubukan nilang mnakibagay sa sitwasyong ramdam nila’y tama at ang kanilang kawalan ng pag-unlad ang pumigil sa kanilang makarating noong una. Tinuruan nila ang kanilang sarili.

Sa panahong ito ng pagtatatag ng sosyalismo, makikita natin ang bagong silang na tao. Hindi pa tapos sa kabuuan ang larawan – hindi ito matatapos, pagkat kapit-kamay na sumusulong ang proseso sa pagbubuo ng mga bagong anyo ng ekonomiya.

Maliban doon sa mga di-nakapag-aral na tumahak sa solong landas upang masiyahan sa kanilang sariling hangarin, meron namang – kahit sa harap ng nagkakaisang martsa ng pagsulong – may tendensiyang tumahak ng hiwalay sa masang sumasama sa kanila. Gayunman, ang mahalaga, bawat araw, nagkakaroon ang indibidwal ng dagdag na kamalayan sa pangangailangang masali sa lipunan at, kasabay nito, ang kahalagahan nila bilang tagapagpakilos sa lipunang iyon.

Di na sila naglalakbay ng mag-isa sa mga di-tiyak na landas patungo sa kanilang mithiin. Sinusunod nila ang kanilang pamunuan, na binubuo ng partido, ng mga abanteng manggagawa, mga abanteng indibidwal na lumalakad kaisa ng masa at nakikiisa sa kanila. Nakatuon ang mata ng pamunuan sa hinaharap at sa matatamong gantimpala, ngunit iba ito sa pananaw na gantimpala para sa indibidwal. Ang pabuya ay isang bagong lipunan kung saan ang mga tao ay may magkakaibang katangian: isang lipunan ng mga komunistang nilalang.

Ang landas ay mahaba at punumpuno ng pagpapakasakit. Paminsan-minsa’y mali ang tinatahak namin at kailangan naming bumalik. Minsan naman ay napakabilis namin at nahihiwalay kami sa masa. Minsan naman ay napakabagal namin at ramdam ang mainit na hininga ng mga yumuyurak sa amin. Sa aming sigasig bilang rebolusyonaryo, sinusubukan naming sumulong ng mabilis hangga’t kakayanin, nang walang sagabal. Ngunit alam namin, kailangan naming kumuha ng pang-agdong buhay sa masa at ito’y susulong ng mas mabilis kung bibigyang-sigla namin sila sa pamamagitan ng aming mga halimbawa.

Sa kabila ng kahalagahang ibinibigay sa mabuting dahilan, ang katunayang may pagkakahati pa rin ng dalawang pangunahing pangkat (hindi kasama yaong mga di sumali sa pagtatatag ng sosyalismo) ay nagpapakita ng tungkol sa kawalan ng pagsulong ng panlipunang kamalayan. Ang pangkat ng pamunuan ay mas abante sa ideolohikal kaysa sa masa; nauunawaan ng huli ang mga bagong kahulugan, ngunit hindi sapat. Habang sa una, mayroong kahusayan ang pagbabago na nag-uudyok sa kanila upang magsakripisyo sa kanilang kakayanan bilang abanteng pwersa, ang huli naman ay isang bahagi lang ng larawan ang nakikita at dapat mapasailalim sa insentibo at matinding diin. Ito ang diktadurya ng proletaryado na nangangasiwa hindi lamang sa mga talunang uri kundi pati na rin sa mga indibidwal ng nagtagumpay na uri.

Nangangahulugan ang lahat ng ito na sa ganap na tagumpay, nangangailangan ng serye ng mekanismo, ng rebolusyonaryong institusyon. Kasabay ng larawan ng mga taong nagmamartsa tungo sa hinaharap ay ang konsepto ng institusyonalisasyon bilang nagkakasundong pulutong ng pinagmulan, hakbangin, kahinahunan, at maayos na mekanismo na nagpapagaan sa mga abante, nagpapagaan sa likas na paghirang sa mga nakatakdang magmartsa sa pamunuan, at naggagawad ng gantimpala sa mga tumutupad sa kanilang tungkulin at kaparusahan sa mga nakagagawa ng krimen sa lipunan, ang siyang itinatatag.


Institusyonalisasyon ng rebolusyon

Ang institusyonalisasyong ito ng rebolusyon ay di pa nakakamit. Naghahanap kami ng anumang bago na siyang agad na buong magpapakilala sa gobyerno at sa komunidad sa pangkalahatan, anumang nababagay sa mga di-karaniwang kalagayan ng pagtatayo ng sosyalismo, habang iniiwasan sa anumang paraan ang paglilipat sa ibang lugar ng burgis na demokrasya – tulad halimbawa ng mataas na kapulungan – sa itinatatag na lipunan.

Ginawa ang ilang eksperimentong nakapuntirya sa banayad na institusyonalisasyon ng rebolusyon, nang walang di-nararapat na pagmamadali. Ang pinakamatinding preno ay ang aking takot na anumang pagpapakita ng pormalidad ay maghiwalay sa amin sa masa at sa indibidwal, na di pa natin makita ang sukdulan at pinakamahalagang rebolusyonaryong hangarin: ang makitang lumaya ang mga tao sa kanilang pag-iisa.

Sa kabila ng kawalan ng institusyon, na dapat na unti-unting mapagtagumpayan, gumagawa ng kasaysayan ang masa bilang mga mulat na kolektibo ng mga indibidwal na nakikibaka para sa parehong layunin. Ang indibidwal sa ilalim ng kapitalismo, kahit may malinaw na pamantayan, ay mas ganap. Sa kabila ng kakulangan ng perpektong mekanismo para rito, mas malawak ang pagkakataon para sa kalayaang magpahayag at maramdaman ng bawat isa na bahagi siya ng lipunan.

Kinakailangan pa ring palalimin ang paglahok , indibidwal man o kolektibo, sa lahat ng anyo ng pamamahala at paglikha, at iugnay ito sa pangangailangang teknikal at ideolohikal na edukasyon, upang mapagtanto ng indibidwal na nagtutulungan ang mga prosesong ito at sabay itong sumusulong. Sa ganitong paraan, makakarating ang indibidwal sa ganap na kamalayan bilang tao, na katumbas ng ganap na pagkaunawa bilang isang nilalang, kapag napatid na ang tanikala ng alyenasyon. Ito’y matibay na maisasalin sa muling pagsakop sa tunay na katangian ng tao sa pamamagitan ng malayang paggawa, at ang pagpapahayag ng tunay na kalagayan ng tao sa pamamagitan ng kultura at sining.


Bagong katayuan ng paggawa

Upang maisulong ang bagong kultura, dapat makamit ng paggawa ang bagong kalagayan. Hindi na iiral ang tao bilang kalakal, at maikabit ang sistemang magtatatag ng kwota para sa kaganapan ng panlipunang tungkulin ng tao. Ang mga kagamitan sa produksyon ay pag-aari ng lipunan, at ang makina’y trintsera lamang upang magampanan ang tungkulin. Nagsimulang mag-isip ng malaya ang tao mula sa nakayayamot na katotohanang kailangang magtrabaho ng tao para sa kanyang pangangailangan. Nagsimulang makita ng indibidwal ang kanilang sarili sa kanilang trabaho at maunawaan ng ganap ang pagiging tao sa pamamagitan ng mga nilikhang bagay, sa pamamagitan ng mga natapos na trabaho. Hindi na itatrato ang pagtatrabaho bilang pagsuko ng bahagi ng pagkatao sa pagbebenta ng lakas-paggawa, na di na pag-aari ng indibidwal, kundi pagpapahayag ng bawat tao. Isa itong ambag sa karaniwang buhay na sumasalamin sa bawat isa, ang katuparan ng panlipunang tungkuling ng bawat isa.

Ginagawa natin ang lahat ng posibleng paraan upang ibigay sa paggawa ang bago nitong katayuan bilang panlipunang tungkulin at iugnay ito, sa isang banda, sa pagsulong ng teknolohiya, na lilikha ng kalagayang may mas malawak na kalayaan, at sa kabilang banda naman, may boluntaryong gawain batay sa Marxistang pagpapahalaga na narating ng isang tao ang buong kalagayan ng pagiging tao kung hindi na ito mapipilitang gumawa sa pamamagitan ng pagbebenta ng lakas-paggawa bilang kalakal. Mangyari pa, may mga pwersahang aspeto pa rin upang magtrabaho, kahit na ito’y boluntaryo. Hindi natin nabago ang lahat ng pamimilit na nakapalibot sa ating upang maging maayos ang kalagayan ng panlipunang katangian at, sa maraming kaso, ay patuloy na gumagawa sa ilalim ng pamumwersa sa paligid niya. (Tinatawag ito ni Fidel bilang mabuting pamimilit.) Kailangan pa ring dumaan sa isang ganap na muling pagsilang ng diwa sa pagtrato sa kanyang trabaho, paglaya mula sa direktang pamumumwersa ng kapaligiran, bagamat kaugnay ito ng bagong kaugalian. Maaaring iyan na ang komunismo. Ang pagbabago ng kamalayan ay hindi agad nangyayari, tulad din ng pagbabago sa ekonomya’y di agad nangyayari. Mabagal ang pagbabago at walang ritmo; may mga panahong mabilis, may panahong mabagal, at meron ding paatras.

Dagdag pa, dapat nating alalahanin, tulad ng nasabi ko kanina, na hindi tayo nakikiopag-ugnayan sa panahon ng purong transisyon, tulad ng inilarawan ni Marx sa kanyang “Kritik ng Programa ng Gotha”, kundi higit pa na may bagong antas na di niya inaasahan: ang unang panahon ng transisyon sa komunismo, o ng pagtatatag ng sosyalismo. Nagaganap ang transisyong ito sa gitna ng marahas na tunggalian ng mga uri, at ng may mga salik ng kapitalismo sa loob nito na nagpapalabo sa buong pag-unawa sa pinakadiwa nito.

Kung idaragdag natin dito ang iskolastisismong sumalungat sa pagsulong ng pilosopiyang Marxista at pumigil sa sistematikong trato sa panahon ng transisyon, kung saan ang pampulitikang ekonomya ay hindi pa napauunlad, dapat tayong sumang-ayon na nakalampin pa tayo at nararapat nating iukol ang ating sarili na masiyasat ang lahat ng pangunahing katangian ng panahong ito bago natin ipaliwanag ng mas malawakang isang teoryang pang-ekonomya at pampulitika.

Ang ibubungang teorya ay walang dudang magbibigay ng matinding diin sa dalawang haligi sa pagtatatag ng sosyalismo: ang edukasyong ng bagong tao at ang pag-unlad ng teknolohiya. Marami pang dapat gawin hinggil sa dalawang iyon ngunit kung maantala’y di ito dahilan kung pag-uusapan ang konsepto ng teknolohiya bilang saligang pundasyon, bagamat hindi ito tanong kung paano ito bulag na susulong kundi pagsunod sa mahabang landas na binuksan ng mas mga abanteng bansa sa mundo. Kaya nga nangangalampag si Fidel upang maigiit ang pamngangailangan para sa teknolohikal at syentipikong pagsasanay ng ating mga tao, lalo na ng pamunuan nito.


Indibidwalismo

Sa larangan ng mga ideyang hindi tumutungo sa mga aktibidad hinggil sa produksyon, madaling makita ang pagkakahati ng pangangailangang materyal at ispiritwal. Sa loob ng mahabang panahon, tinatangkang palayain ng indibidwal ang kanilang sarili mula sa pagkakawalay sa pamamagitan ng kultura at sining. Habang araw-araw na namamatay ang isang tao tuwing walo o higit pang oras bilang isang kalakal, pagkatapos nito’y nabubuhay muli ang tao sa kanilang ispiritwal na gawain. Ngunit ang tugon na ito’y pareho ng sakit: na ang taong nag-iisa ay naghahanap ng pagkakaisa sa mundo. Ipinagtatanggol ng bawat isa ang kanyang indibidwalidad, na pinagsasamantalahan ng nakapaligid sa kanya, at tumutugon sa mga kaisipang makasining bilang isang nilalang na hangaring manatiling busilak. Ito’y walang iba kundi pagtatangkang tumakas. Ang batas ng halagaay di lang simpleng larawan ng relasyon sa produksyon; pinalilibutan ng mga monopolyo-kapitalista – habang ginagamit ang pamamaraang empirikal – ang batas na iyon ng masalimuot na plataporma upang ito’y maging isang masunuring alipin. Ipinapataw ng supra-istruktura ang tipo ng sining kung saan dapat matutunan ng isang maninining (artist). Nilulupig ng makina ang mga rebelde, at ang mga may natatanging talino lamang ang nakalilikha ng kanilang mga sariling gawa. Ang mga natira’y naging kahiya-hiya o niyuyurakan.

Itinatag ang isang paaralan para sa artistikong eksperimentasyon, na sinasabing ito ang kahulugan ng kalayaan; ngunit may hangganan ang “eksperimentasyong” ito, hindi mahahalata hanggang sa may maglaban, at ito’y hanggang sa malantad ang tunay na problema ng pagkakahiwalay ng indibidwal. Ang walang saysay na pagdurusa o lantad na aliwan ay nagiging madaling kalutasan sa pagkabalisa ng tao. Nilabanan ang kaisipang gamitin ang sining bilang armas ng protesta.

Yaong mga sumusunod sa batas ng labanan ay pinararangalan – tulad ng karangalang makukuha ng matsing kapag nakapagsayaw. Ang kalagayan ay hindi tinatangkang tumakas ng isa sa kanyang di-nakikitang hawla.


Bagong bugso ng artistikong eksperimentasyon

Nang makamit na ng rebolusyon ang kapangyarihan, nariyan angpaglikas ng mga ganap na nawalan ng tahanan. Nakita naman ng iba pa – rebolusyonaryo man o hindi – ang bagong daan. Nakaranas ng bagong bugso ang artistikong pagtatanong. Gayunman, ang landas ay halos nailatag na, at ang konseptong ‘palatakas’ ay nagtatago sa likod ng salitang ‘kalayaan’. Ang ugaling ito’y makikita rin mismo sa mga rebolusyonaryo, na naglalalarawan ng pagkamulat nila sa idealismong burgis.

Sa mga bansang dumaan din sa ganitong proseso, tinangkang labanan ang mga tendensyang ito na may matinding dogmatismo. Ang pangkalahatang kultura ay sadyang ipinagbawal, at ang rurok ng hangaring pangkultura ay ipinahayag bilang eksaktong representasyon ng kalikasan. Sa kalaunan ay nabago ito bilang representasyong mekanikal ng reyalidad ng lipunan na nais nilang ipakita: isang huwarang lipunan, na halos walang alitan at salungatan na nais nilang malikha.

Musmos pa ang sosyalismo at may mga pagkakamali rin. Tayong mga rebolusyonaryo’y kadalasang walang mapangahas na kaalamang kinakailangan upang mapaunlad ang bagong tao sa pamamaraang kaiba sa nakaugalian na. Ang mga nakaugaliang paraan ay nagdurusa sa impluwensya ng lipunang lumikha niyon. (Muli iminumungkahi ang paksa ng ugnayan ng anyo at nilalaman.) Laganap ang di-pagkakaangkop at nakakain tayo sa problema ng materyal na konstruksyon. Walang maninining na may malawak na awtoridad na meron ding malawak na rebolusyonaryong awtoridad. Dapat gampanan ng mga kasapi ng partido ang gawaing ito at magampanan ang talagang hangarin: ang matuto ang mga tao.

Ang hinahanap na ay paano ito mapapagaan, madaling maunawaan ng lahat, mauunawaan ng mga nasa katungkulan. Natatapos ang tunay na artistikong eksperimentasyon, at lumiit ang problema ng pangkalahatang kultura upang maunawaan ng kasalukuyan at patay (kung gayon ay hindi mapanganib) na nakaraan ng sosyalismo. Kaya ang sosyalistang realismo ay umangat nang maitayo ang mga sining ng huling siglo. Gayunman, ang realistikong sining ng ika-19 na dantaon ay may makauring katangian, tila mas purong kapitalismo kaysa sa realistikong siniing ng ika-20 siglo na naglantad sa pagdurusa ng indibidwal. Sa larangan ng kultura, ibinigay ng kapitalismo ang lahat ng kaya nitong ibigay, at walang natira kundi alingasaw ng isang bangkay, at dekadente sa sining ngayon.

Ngunit bakit tinatangkang hanapin ang mga nararapat na hatol sa naninigas na anyo ng sosyalistang realismo? Hindi natin maipalit ang “kalayaan” sa sosyalistang realismo pagkat ang una’y di pa nangyayari at hindi ito mangyayari hanggang maging ganap ang pag-unlad ng bagong lipunan. Hindi rin natin dapat kondenahin ang lahat ng anyo ng sining sa unang hati ngika-19 na dantaon dahil tayo’y mahuhulog sa Proudhonistang pagkakamali ng pagbalik sa nakaraan, ng pagpulupot sa artistikong pagpapahayag sa mamamayan na isinilang at nasa proseso ng pagpapaunlad ng sarili. Ang kinakailangan ay ang pagsulong ng mekanismong ideolohikal at kultural na nagpahintulot sa malayang pagsisiyasat at pagbunot ng mga damong madaling dumami sa matabang lupa ng pagtulong ng estado.

Sa ating bansa, hindi lantad ang kamalian ng realismong mekanikal, kundi ang kabaligtaran nito. Ito’y dahil hindi pa nauunawaan ang pangangailangang likhain ang bagong tao, isang bagong taong kumakatawan hindi sa mga kaisipan ngika-19 na dantaon o ng ating siglong dekadente at nakasasama.

Ang dapat nating likhain ay ang tao ng ika-21 dantaon, bagamat ito’y isang suhetibong hangarin, hindi pa sistematiko. Ito ang isa sa mga pangunahing layunin ng ating pag-aaral at gawain. Hanggang sa makamit natin ang kongkretong tagumpay sa larangang teoretikal – o, hanggang sa makakuha tayo ng mga kongklusyong teoretikal na may malawak na katangian batay sa ating kongkretong pananaliksik – may mga nagawa taong mahahalagang ambag sa Marxismo-Leninismo, sa layunin ng sangkatauhan.

Sa pagtugon laban sa tao ng ika-19 na dantaon, mabubulid tayong muli sa dekadente ng ika-20 dantaon. Hindi ito isang grabeng pagkakamali, ngunit dapat natin itong malagpasan, kundi’y maiiwan nating bukas ang pintuan para sa rebisyunismo. Ang maraming tao’y patuloy na umuunlad. Ang mga bagong kaisipan ay tinatanggap na sa ating lipunan. Nagiging mabunga ang mga tungkulin para sa magkakaugnay na pag-unlad ng mga kasapi ng lipunan. Ang kasalukuyan ay panahon ng pakikibaka; sa atin angkinabukasan.


Bagong salinlahi ng rebolusyonaryo

Sa buod, ang pagkukulang ng ating mga maninining at mga intelektwal ay nakasalig sa kanilang orihinal na kasalanan: hindi sila totoong mga rebolusyonaryo. Maaari nating tangkaing hugpungan ang punong santol upang magbunga ng mangga, at kasabay nito’y magtanim tayo ng mga punong mangga. Darating ang mga bagong salinlahing malaya sa orihinal na kasalanan. Ang probabilidad na lumitaw ang mga sikat na maninining ay mataas hanggang sa lumawak ang antas ng larangan ng kultura at ang posibilidad ng pagpapahayag.

Tungkulin nating sagkaan ang kasalukuyan at mga bagong salinlahi, na nasisira dahil sa kanilang alitan, sa pagiging masama at sa pagsama ng bagongsalinlahi. Hindi tayo dapat lumikha ng mga masunuring alipin ng opisyal na kaisipan, o ‘mga istudyanteng iskolar’ na nabubuhay sa gastos ng estado – ng kinikilala ang ‘kalayaan’ ng may mga bantas-panipi. Darating ang mga rebolusyonaryong aawit ng awit ng bagong tao sa totoong tinig ng mamamayan. Mahaba-haba ang prosesong ito. Sa ating lipunan, malaki ang papel na ginagampanan ng kabataan at ng partido. Napakahalaga ng una dahil ito ang luwad na humuhubog upang mabuo ang bagong tao ng wala ang mga lumang depekto. Tinatrato ang mga kabataan alinsunod sa ating hangarin. Nagiging ganap ang kanilang edukasyon sa bawat araw, at sa simula pa’y hindi natin kinaliligtaan ang kanilang paglahok sa paggawa. Gumagawa ng mga pisikal na trabaho ang ating mga istudyanteng iskolar tuwing bakasyon o habang sila’y nag-aaral. Sa ilang kaso’y gantimpala ang paggawa, isang paraan ng edukasyon sa iba pa, ngunit hindi ito parusa. Isang bagong salinlahi ang isinilang. Ang partido ay isang namumunong samahan. Ito’y binubuo ng mga magagaling na manggagawa, na iminungkahing maging kasapi ng kanilang kapwa manggagawa. Ito’y minorya, ngunit may malaking awtoridad dahil sa kalidad ng mga kadre nito. Hangarin natin na ang ating partido’y maging pangmasang partido, ngunit kung naabot na ng masa ang antas ng pamumuno, at kung natutunan na nila ang komunismo. Ang ating mga gawain ay palaging pagsusumikap para sa edukasyong ito. Ang partido ang buhay na halimbawa; dapat ituro ng mga kadre nito ang mga mahihirap natrabaho at pagsasakripisyo. Sa kanilang pagkilos, dapat nilang pamunuan ang masa tungo sa kaganapan ng rebolusyonaryong tungkulin, kasama ang maraming taon ng rebolusyonaryong pakikibaka laban sa mga hirap ng pagtatatag, kaaway ng uri, mga sakit ng nakalipas, imperyalismo.


Ang tungkulin ng indibidwal

Ngayon, nais kong ipaliwanag ang tungkulin ng isang personahe, ng mga tao bilang mga indibidwal na namumuno sa mamamayang gumagawa ng kasaysayan. Ito ang ating karanasan; hindi ito kautusan.

Ibinigay ni Fidel sa rebolusyon ang bugso nito sa mga unang taon, pati na sa pamumuno. Siya ang lagi ng tamang tono dito; ngunit may isang mabuting pangkat ng mga rebolusyonaryo na sumusulong kasabay ng landas na tinatahak ng sentral na pamunuan. At nariyan din ang malawak na masa na sumusunod sa kanilang pinuno dahil sa pagsampalataya nila rito. May sampalataya sila sa kanilang pamunuan dahil alam nilang ipaliwanag ang mga hangarin nito.

Hindi mahalaga kung ilang kilong karne ang dapat kainin ng isang tao, o ilang beses sa isang taon makapunta sa dalampasigan ang sinuman, o ilang magagandang bagay mula sa ibang bansa ang mabibili mo sa mababang sahod na natatanggap mo ngayon. Ito’y kung paano nararamdaman ng indibidwal na siya’y buong tao, na may mas maraming sariling yaman at mas maraming pananagutan.

Alam ng mamamayan ng ating bansa na ang dakilang panahon kung saan nabuhay sila ay punumpuno ng sakripisyo; alam na alam nila ang sakripisyo. Ang mga nangauna’y nalaman ito sa Sierra Maestra at saan man sila mapalaban; ang sumunod, nalaman na ito ng sinuman sa Cuba. Ang Cuba ay nasa bungad ng Amerika at kailangang magsakripisyo dahil sinasakop nito ang pwesto bilang abanteng gwardya, dahil ipinakita nito sa mga mamamayan ng Amerika Latina ang landas tungo sa ganap na kalayaan. Sa loob ng bansa, dapat gampanan ng liderato ang pamumuno nito. Dapat sabihin ng buong katapatan nasa isang tunay narebolusyon, kung saan ibinibigay ng isa ang lahat-lahat sa kanya ng walang inaasahang anumang gantimpala, ang tungkulin ng namumunong rebolusyonaryo’y parehong dakila at puno ng matinding paghihirap.


Pag-ibig sa sangkatauhan

Sa panganib na magmukhang katawa-tawa, pahintulutan n’yong sabihin kong ang tunay na rebolusyonaryo ay ginagabayan ng dakilang pag-ibig. Imposibleng isiping wala nito ang tunay na rebolusyonaryo. Marahil isa ito sa pinakamalaking dula ng isang pinuno na dapat niyang pagsamahin ang marubdob niyang damdamin sa kanyang kaisipan at gumawa ng mahihirap na desisyon ng walang atrasan. Ang ating mga nangungunang rebolusyonaryo’y dapat gawing huwaran itong pag-ibig sa taumbayan, sa napakabanal na layunin, at gawin itong buo at hindi nahahati. Hindi sila dapat bumaba, ng may kaunting pagmamahal, sa antas kung paano magmahal ang karaniwang tao.

Ang mga nangunguna sa rebolusyon ay mga anak na nagsisimula nang magsalita, na hindi natutong magsabi ng ‘tatay’; at pati kanilang mga asawa rin ay dapat maging bahagi ng buong sakripisyo sa kanilang buhay upang maisulong rebolusyon patungo sa tadhana nito. Ang kanilang sirkulo ng kaibigan ay mahigpit na sumasaklaw lamang sa sirkulo ng mga kasama sa rebolusyon. Walang buhay sa labas niyon.

Sa ganitong mga pangyayari, dapat na ang isa’y may malaking pag-ibig sasangkatauhan, may malawak na pang-unawa sa katarungan at katotohanan upang maiwasan ang sukdulang dogmatismo, patay na iskolastisismo, o ang pagkahiwalay sa masa. Dapat tayong magsikap sa bawat araw upang ang pag-ibig na ito sa sangkatauhan ay talagang gawin, magsilbing halimbawa ito, bilang kumikilos na pwersa.

Ang rebolusyonaryo, na siyang ideolohikal na pwersang nagpapatakbo ng rebolusyon sa loob ngpartido, ay nakakain ng walang-tigil na gawaing ito na matitigil lamang kapag namatay na, maliban na lamang kung ang sosyalismo’y maitatag na sa buong mundo. Kung nawalan na ng sigla ang isang rebolusyonaryo dahil nagampanan na niya ang mahahalagang tungkulin sa bayan at nakalimutan na ang internasyunalismo ng proletaryado, ang rebolusyong pinamumunuan ay hindi na malakas na pwersang at makakatulugan na ito habang ang imperyalismo, ang kaaway na di natin makakasundo, ay muling lumalakas. Isang tungkulin ang internasyunalismo ng proletaryado, ngunit isa rin itong rebolusyonaryong pangangailangan. Ito ang ating paraan ng pagtuturo sa tao.


Panganib ng dogmatismo

Mangyari pa, may mga panganib din sa kasalukuyang kalagayan, hindi lamang ng dogmatismo, hindi lamang ng panlalamig ng ugnayan sa masa sa gitna ng malaking tungkulin. Nariyan din ang panganib na masadlak tayo sa kahinaan. Ang daan ay bukas sa pagkahawa sa sakit na korupsyon kapag inisip ng isang tao na ang pag-aalay ng kanyang buong buhay sa rebolusyon ay nangangahulugang hindi na siya mag-aalala na ang bawat anak ay wala nang anumang bagay na kinakailangan nito, na ang sapatos ng bawat bata ay luma na, na ang pamilya ng isang tao’y kulang sa pangangailangan.

Sa ating kalagayan, pinaninindigan nating kung ano meron, o wala, ang ating mga anak ay ganun din sa ibang anak ng karaniwang mamamayan; dapat itong maunawaan ng ating pamilya at makibaka para rito. Ang rebolusyon ay ginawa ng mga tao, ngunit dapat pandayin ng mga indibidwal ang kanilang rebolusyonaryong diwa araw-araw.

Samakatwid, patuloy tayo sa pagmartsa pasulong. Ang namumuno sa malaking haligi nito – at hindi natin ikinahihiya o ikinatatakot sabihin ito – ay si Fidel. Kasunod niya ang pinakamagagaling na kadre ng partido, at kasunod nila, na ramdam natin ay napakalaking pwersa nito, ay ang buong mamamayan, isang solidong istruktura ng mga indibidwal na sumusulong tungo sa pangkalahatang hangarin, mga taong nauunawaan kung ano ang dapat gawin, mga taong nakikibaka upang matakasan ang bulto ng pangangailangan at makamit ang kalayaan.

Inoorganisa ng maraming tao ang kanilang sarili; nagresulta ang organisasyong ito mula sa pangangailangan ng isang organisasyon. Hindi na ito hiwa-hiwalay na pwersa na nahahati sa libu-libong pirasong itinatapon sa hangin tulad ng mga tatal ng granada, tinatangka ang anumang paraan upang makamit ang ilang pananggalang mula sa di-tiyak na hinaharap, sa desperadong pakikibaka sa ng kanilang kapwa.

Alam nating nariyan ang sakripisyo at dapat nating pag-ukulan ng katotohanang tayo, bilang bansa, ang namumuno. Alam natin, bilang namumuno, na dapat pag-ukulan ang karapatan nating sabihin tayo ang namumuno sa mamamayan at namumuno sa Amerika. Bawat isa sa atin ay handang magsakripisyo, nang alam na magagantimpalaan siya ng kasiyahang nagampanan ang tungkulin, na alam na nakakasabay sa pagsulong ng lahat bilang bagong tao na nakasulyap ng abot-tanaw.


Pahintulutan n’yo akong magbigay ng ilang palagay:

Tayong mga sosyalista’y mas malaya dahil tayo’y mas ganap dahil tayo’y mas malaya. Naitatag na ang gulugod ng ating ganap na kalayaan. Nagkukulang tayo sa pagkain at kasuotan; lilikhain natin ito.

Ang ating kalayaan at pang-araw-araw na kabuhayan nito’y mula sa dugo at pagpapakasakit. Alam natin ang ating mga sakripisyo: isang hulugang binabayaran natin sa kalayaang itinatatag natin.

Mahaba pa ang landas na tatahakin, at ang ilang bahagi nito’y hindi pa natin alam. Alam natin ang ating limitasyon. Lilikhain natin ang tao ng ika-21 dantaon – tayo, ang ating mga sarili. Papandayin natin ang ating mga sarili sa patuloy na pagkilos, lilikha ng bagong tao na may bagong teknolohiya.

Ginagampanan ng indibidwal ang tungkuling magpakilos at mamuno sa masa hangga’t nasasa kanila ang dakilang katangian at hangarin ng mamamayan at hindi lumilihis ng landas.

Ang naghahawan ng landas ay ang pamunuan, ang pinakamagagaling sa mga mabubuti, ang partido.

Ang saligang tagahubog ng ating gawain ay ang mga kabataan; inaasahan natin sila at inihahanda natin silang kunin sa ating kamay ang mga tungkulin. Kung ang di-matatas na liham na ito’y nakapagpaliwanag ng anuman, nakamit nito ang layuning nag-udyok dito. Tanggapin n’yo ang aming pamitagang pagbati – na tulad ng pakikipagkamay o pag-aantanda:

Patria o muerte! (Bayan o kamatayan!)

No comments: