Thursday, September 10, 2009

Tala sa Ideolohiya ng Rebolusyong Cubano

Ilang mga Tala sa Pag-aaral ng Ideolohiya ng Rebolusyong Cubano

ni Ernesto ‘Che’ Guevara

Isinalin mula sa Ingles ni Gregorio V. Bituin Jr.

(Sinulat noong Oktubre 8, 1960 at nalathala sa Verde Olivo)

Ito’y isang natatanging rebolusyon na para sa ibang tao ay sumasalungat sa isa sa mga karaniwang saligan ng kilusang rebolusyonaryo, na ipinahayag ni Lenin: “Kung walang rebolusyonaryong teorya, walang rebolusyonaryong kilusan.” Mas angkop na sabihin na ang rebolusyonaryong teorya, bilang pagpapahayag ng katotohanang panlipunan, ay dinadaig ang anumang deklarasyon niyon. Ibig sabihin, kahit hindi alam ang teorya, ang rebolusyon ay magtatagumpay kung ang makasaysayang pangyayari ay maipaliliwanag ng tama at ang mga pwersang kasangkot ay magamit ng tama. Bawat rebolusyon ay may salik na magkakaiba ngunit magkakatulad ng aksyon at sa kagyat na layunin ng rebolusyon.

Maliwanag na kung ang mga lider ay may sapat na kaalamang teoretikal bago pa ang pagkilos, maiiwasan nila ang magpadalus-dalos kapag ang inangking teorya’y umangkop sa reyalidad.

Ang mga pangunahing gumaganap sa rebolusyong ito ay walang nagkakaisang batayang teoretikal, ngunit hindi masasabing sila’y walang alam sa iba’t ibang konsepto ng kasaysayan, lipunan, ekonomya, at rebolusyon na tinatalakay ngayon sa mundo.

Ang malalim na kaalaman sa reyalidad, ang malapit na pakikipag-ugnayan sa mamamayan, ang katatagan ng layunin ng mapagpalaya at ang praktikal na rebolusyonaryong karanasang ibinigay sa mga pinunong iyon, ang pagkakataong hugisan ang mas buong konseptong teoretikal.

Ang sumusunod ay dapat ituring na pagpapakilala sa pagpapaliwanag sa mga di-karaniwang bagay na ito na nakaintriga sa buong mundo: ang Rebolusyong Cubano. Ito’y isang gawaing nararapat pag-aralan sa kasalukuyang kasaysayan ng daigdig: ang paano at bakit ng isang grupo na, nakaligtas sa malalaking hukbong may mas abanteng pamamaraan at kagamitan, na lumakas at naging mas malakas kaysa kalaban sa larangan ng digmaan, at pagkaraan ay lumipat sa iba pang larangan ng labanan, at sa huli’y natalo ang kaaway sa digmaan kahit na ang kanilang kawal ay mas maliit sa bilang.

Mangyari pa, kami, na hindi nagpapakita ng pagbibigay halaga sa teorya, ay hindi makikipagsapalarang ipaliwanag ang katotohanan ng Rebolusyong Cubano bagamat kami ang dalubhasa rito. Tinatangka lamang naming ibigay ang batayan upang maipaliwanag nila ang katotohanang ito. Sa katunayan, ang Rebolusyong Cubano ay dapat paghiwalayin sa dalawang magkaibang yugto: ang armadong pagkilos noong Enero 1, 1959, at mula noon ay ang mga pagbabagong naganap sa pulitika, ekonomya, at panlipunan.

Kahit ang dalawang yugtong ito ay dapat hatiin pa; gayunman hindi namin ito kukunin sa pananaw ng kasaysayan, kundi sa pananaw ng pag-unlad ng rebolusyonaryong kaisipan ng mga namuno nito sa pamamagitan ng kanilang pakikipag-ugnayan sa mga tao. Kasabay nito’y dapat maipakilala ang isa sa mga kontrobersyal na salita sa mundo: ang Marxismo. Kapag may nagtanong kung kami ba’y Marxista o hindi, ang paninindigan namin ay tulad ng isang syentista sa pisika o ng biyolohista kapag tinanong sila kung sila ba’y “maka-Newton” o “maka-Pasteur”.

Maraming katotohanan, marami bilang bahagi ng kaalaman ng mamamayan, na di na dapat talakayin pa. Ang isa’y ‘Marxista’ kung paanong ang isa’y “maka-Newton” sa pisika o “maka-Pasteur” sa biyolohiya, na kung ang detalye nito ang nagpapaliwanag ng bagong konsepto, hindi huhubaran ng mga bagong konseptong ito ang kanilang sarili ng bahagi ng katotohanang angkin ng dating konseptong naluma na. Ito ang kaso, halimbawa, ng relatibidad ni Einstein o ng teoryang “quantum” ni Planck na may paggalang sa mga nadiskubre ni Newton; wala silang anumang matatangay sa kadakilaang ng mga marurunong na mamamayan ng Inglatera. Salamat kay Newton, umabante ang pisika hanggang sa pagdating ng mga bagong konsepto ng espasyo. Inilatag ng Ingles na ito ang kinakailangang hakbangin para sa kanila.

Ang pagsulong ng panlipunan at pampulitikang agham, tulad din ng ibang larangan, ay mula sa isang mahabang proseso ng kasaysayan kung saan magkakaugnay, nadadagdag, nahuhugisan at patuloy na itinatama ang sarili sa pinagmulan ng mga tao, nariyan ang matematika ng mgaTsino, Arabo at Hindu; ngayon, wala nang hangganan ang matematika. Sa pinagdaanan ng kasaysayan, nariyan ang Griyegong si Pythagoras, ang Italyanong si Galileo, ang Ingles na si Newton, ang Alemang si Gauss, ang Rusong si Lobachevsky, si Einstein, atbp. Kaya sa larangan ng panlipunan at pampulitikang agham, mula kay Democritus hanggang kay Marx, isang mahabang serye ng palaisip ang nadagdag sa kanilang orihinal na imbestigasyon at natipon ang pulutong ng karanasan at ng mga doktrina.

Ang kahalagahan ni Marx ay nakalikha agad siya ng kwalitatibong pagbabago sa kasaysayan ng panlipunang kaisipan. Ipinaliwanag niya ang kasaysayan, inunawa ang dinamismo nito, hinulaan ang magaganap, at dagdag sa paghulang ito (na nakalugod sa kanyang syentipikong obligasyon) ay ipinahayag niya ang rebolusyonaryong konsepto: Hindi lang dapat ipaliwanag ang mundo, ito’y dapat baguhin. Ang tao’y tumigil maging alipin at kagamitan ng kanyang kapaligiran at ginawa niya ang sarili bilang arkitekto ng kanyang kapalaran. Sa panahong iyon, inilagay ni Marx ang kanyang sarili sa posisyon kung saan siya ang pinagdiskitahan ng maraming nagnanais mapanatili ng lumang kaayusan, tulad ng nauna sa kanyang si Democritus, na ang mga nagawa’y sinunog ni Plato at ng mga kampon nito, ang kaisipan ng aristokrasyang alipin ng mga taga-Athens. Sa simula ng rebolusyonaryong Marx, isang grupong pulitikal na may mga kongkretong kaisipan ang nabuo. Binatay nila ang sarili samgahiganteng sina Marx at Engels, at sa pagsulong ng mga sumunod na hakbangin kasama ang mga personaheng sina Lenin, Stalin, Mao Tse-tung at mga bagong pinuno ng Soviet at Tsino, itinatag nito ang mga doktrina at, masasabi nating, mga halimbawang dapat gawin.

Sinundan ng Rebolusyonaryong Cubano si Marx sa puntong siya mismo’y iniwan ang agham upang isabalikat ang kanyang rebolusyonaryong gawain. At dinala siya sa puntong iyon, hindi ng rebisyunistang diwa, kundi ng pakikibaka laban sa mga sumunod kay Marx, sa muling pagbuhay sa “purong” Marx, kundi dahil hanggang sa puntong iyon na si Marx, ang syentipiko, ay inilagay ang sarili sa labas ng kasaysayang kanyang pinag-aralan at hinulaan. Mula noon, si Marx, ang rebolusyonaryo, ang nakikibaka sa loob ng kasaysayan.

Tayo, bilang mga praktikal na rebolusyonaryo, na nagsimula ng ating sariling pakikibaka, ay simpleng ginampanan ang mga batas na nakita ni Marx, ang syentipiko. Simpleng inangkop lamang natin ang mga prediksyon ng syentipikong Marx habang tinatahak natin ang landas ng rebelyon, nakikibaka laban sa lumang kaayusan, sinusuportahan tayo ng mga tao sa pagwasak nito, at ang kasiyahan ng mamamayan bilang saligan ng ating pakikibaka. Magandang ipagdiinan ito: Umiiral ang mga batas ng Marxismo sa mga pangyayari sa Rebolusyong Cubano, na malaya sa mga ipinahayag ng mga namuno nito o kaya’y isang ganap na pagkaalam sa mga batas na ito sa pananaw teoretikal…

Ang bawat makasaysayang pangyayari sa pakikidigmang gerilya ay nagbalangkas ng malinaw na panlipunang konsepto at malinaw na pagpapahalaga sa reyalidad sa Cuba; binalangkas nila ang kaisipan ng mga pinunong militar hinggil sa rebolusyon – yaon ding sa tamang panahon ay hahawak ng katungkulan bilang lider-pulitikal.

Bago ang pagdatal ng Granma, may nangingibabaw na kaisipan, na sa ilang antas, ay maaaring tawaging “subhetibista”: bulag na kumpyansa sa mabilis na nakikilalang pagsabog, pagsigla at pagsampalataya sa kapangyarihan upang mudurog ang rehimeng Batista sa pamamagitan ng mabilis na armadong pag-aalsa kasabayng ispontanyong rtebolusyonaryong pag-aaklas, at ang kasunod na pagbagsak ng diktador…

Matapos ang pagdatal ay ang pagkatalo, na halos maubos ang buong pwersa, at ang kanilang muling pagbubuo bilang grupo at pagsama bilang mga gerilya. Katangian ng ilang mga nakaligtas, na puno pa rin ng diwa ng pakikibaka, ay ang pagkaunawa na ang pag-asam ng ispontanyong pag-aalsa ng masa sa buong pulo ay isang kabulaanan, isang panaginip. Naunawaan din nilang ang labanan ay mahaba at kailangan nito ang paglahok ng mga campesino (mga magsasaka). Sa puntong ito, sa unang pagkakataon ay sumama ang mga campesino sa digmaang gerilya.

Dalawang pangyayari – di gaanong mahalaga kung titingnan ay ang bilang ng mga mandirigma, ngunit may halagang sikolohikal – ang naganap. Una, nabura ang di-magandang pagtingin ng mga taga-lunsod, na pawang nasa sentral na grupo ng gerilya, sa mga campesino. Sa kabila nito, walang tiwala ang mga campesino sa grupo at higit sa lahat ay nangangamba sa makahayop na ganti ng gobyerno. Dalawang bagay ang naisalarawan sa yugtong ito, parehong mahalaga sa magkaugnay na salik: Para sa mga campesino, ang pagkaasal-hayop ng mga sundalo at lahat ng pagmamalupit ay di sapat para tapusin ang digmaang gerilya, kahit na ang mga sundalo’y may kakayahang sirain ang mga tahanan, pananim at pamilya ng mga campesino. Ang kumanlong sa mga nagtatago ay isang magandang solusyon. Kaya natutunan ng mga mandirigmang gerilya ang pangangailangan ng maging kakampi ang masang campesino.

[Kasunod ng kabiguan ng mayor na pagsalakay ni Batista sa Hukbong Rebelde], nagpakita ng bagong katangian ang digmaan: ang pag-uugnayan ng mga pwersa paikot tungo sa rebolusyon. Sa loob ng isa’t kalahating buwan, dalawang maliit na hanay, isang may walumpu at ang isa’y may isandaa’t apat na kawal, ay napaikutan at ginulo ng hukbo ng kaaway na nagpakilos ng libu-libong sundalo, tumahak sa kapatagan ng Camaguey, dumating sa Las Villa, at sinimulang hatiin sa dalawa ang pulo.

Maaaring mukhang kakaiba, di-maarok, at nakapagtataka na ang dalawang hanay na maliit lang ang bilang – nang walang kagamitang pang-komunikasyon, walang pagkilos, walang makabagong armas – ay lalaban sa mga nasabay, at higit sa lahat, may mga armas na sundalo.

Saligan (ng tagumpay) ay ang katangian ng bawat pangkat: sa kaunting kaluwagang nararamdaman ng mandirigmang gerilya, mas ramdam niya ang pagkalapit sa kalikasan, ramdam niyang tila nasa bahay lang siya; mataas ang kanyang moral, mataas ang kanyang pakiramdam pangseguridad. Kasabay nito, natuto na siyang isuong sa panganib ang kanyang buhay anuman ang mangyari, bahala na, tulad ng hinagis na barya; at sa pangkalahatan, bilang huling resulta ng labanang ito, di na mahalaga sa bawat gerilya kung mabubuhay pa siya o mamamatay.

Ang kalabang sundalo sa modelong Cubano, na isinasaalang-alang natin, ay nakababatang kasangga ng diktador; siya ang taong kukunin ang mga huling pirasong maiiwan sa kanya sa mahabang hanay ng mga mapagsamantala na nag-umpisa sa Wall Street at nagtapos sa kanya. Itinapon siya upang depensahan ang kanyang mga pribilehiyo, ngunit itinapon siya sa pagtatanggol lamang hanggang sa antas na sila’y mahalaga sa kanya. Ang kanyang sahod at pensyon ay kasinghalaga ng ilang sakripisyo at ilang panganib, ngunit di kasinghalaga ng kanyang buhay; kung ang halaga ng pananatili ng pribilehiyo’y katumbas ng buhay, mas mabuti pang iwanan na niya iyon, ibig sabihin, lumayo siya sa harap ng panganib ng gerilya. Mula sa dalawang koseptong ito at dalawang moral na pagkakaiba ang naging dahilan ng krisis ng Disyembre 31, 1958…

Dito natatapos ang insureksyon. Ngunit ang mga taong dumating sa Havana matapos ang dalawang taon ng matinding pakikibaka sa bundok at kapatagan ng Oriente, sa kapatagan ng Camaguey, at sa bundok, kapatagan at lunsod ng Las Villas, ay hindi parehong tao, sa ideolohikal, na dumatal sa dalampasigan ng Las Coloradas, o sumama sa unang yugto ng pakikibaka. Ang kanilang kawalang tiwala sa mga campesino ay napalitan ng pagkalinga at paggalang para sa kanilang halaga; ang kanilang kawalan ng kaalaman sa buhay-lalawigan ay napalitan ng kaalaman ng pangangailangan ng ating mga kababayan; ang kanilang pagkahumaling sa istadistika at sa teorya ay napatigas ng praktika.

Sa bandila ng Repormang Agraryo, ang pagpapatupad nito’y nagsimula sa Sierra Maestra, nakaharap ng mga taong ito ang imperyalismo. Alam nilang ang Repormang Agraryo ang batayan upang maitatag ang bagong Cuba. Alam din nilang ang Repormang Agraryo ang magbibigay ng lupa sa lahat ng mga nawalan ng yaman, ngunit mawawalan din ng yaman ang mga may-aring wala sa katwiran; at alam nilang ang pinakamatinding nagmamay-aring wala sa katwiran ay mgaimpluwensyadong tao sa Kagawaran ng Estado o sa pamahalaan ng Estados Unidos de Amerika. Ngunit natutunan na nilang gapiin ang mga kahirapan ng kabayanihan, ng may lakas ng loob, at higit sa lahat, ng suporta ng mamamayan; at nakikita na nila ang hinaharap na kasarinlan na naghihintay sa ating lahat sa kabilang panig ng ating mga paghihirap.

No comments: