Tuesday, April 7, 2009

Paunang Salita - Ang Ekolohiya ni Marx

ANG EKOLOHIYA NI MARX
Ang Materyalismo at Kalikasan
ni John Bellamy Foster


Halaw


Paunang Salita

Isinalin mula sa Ingles ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ang orihinal na pamagat ng aklat na ito, sa panimula nito, ay “Si Marx at ang Ekolohiya”. Ngunit habang ginagawa ito, napalitan ang pamagat ng Ang Ekolohiya ni Marx. Ang pagbabago sa titulo ay nagkaroon ng dramatikong pagbabago sa aking isipan hinggil kay Marx (at hinggil sa ekolohiya) nitong mga nakaraang taon, isang pagbabagong maraming tao ang naging bahagi.

Karaniwang inilalarawan si Marx na palaisip laban sa ekolohiya. Ngunit ako na’y sadyang pamilyar sa kanyang mga sulatin upang seyosohin ang mga kritisismo dito. Sa pagkakaalam ko, nagpapakita siya ng malalim na kamalayang ekolohikal sa napakaraming puntos sa kanyang akda. Ngunit habang sinusulat ko “Ang Bulnerableng Planeta: Isang Maikling Pang-ekonomikong Kasaysayan ng Kapaligiran, 1999, ikalawang Edisyon), naniniwala pa rin ako sa mga malalalim na pagsusuri ni Marx na kahit papaano’y pumapangalawa sa kanyang mga kaisipan; na sila’y walang naiambag na bago o mahalaga sa ating kasalukuyang kaalaman sa ekolohiya mismo; at ang kahalagahan ng kanyang mga kaisipan sa pagsulong ng ekolohiya ay nakasalalay sa katotohanang nagbigay sila ng istoriko-materyalistang pagsusuri na sadyang kinakailangan ng ekolohiya, kasama na ang pangkalahatang kaisipang di makasaysayan at Malthusiano.

Maaaring maipaliwanag si Marx sa iba’t ibang paraan, na nagkukurong ang ekolohiya’y nasa sentro ng kanyang iniisip, ay isang bagay na hindi ko namamalayan, mula nang ito’y binanggit sa akin halos araw-araw noong 1980 ng aking kaibigang si Ira Shapiro. Si Shapiro’y taong itinapon sa New York, magsasaka, karpintero, palaisip hinggil sa uring manggagawa, at ng panahong iyon ay estudyante sa aking klase. Sa pagppatuloy laban sa lahat ng kumbensyon ng interpretasyon ni Marx, sasabihin sa akin ni Ira “tingnan mo ito,” habang itinuturo ang mga daan kung paano tinalakay ni Marx ang mga problema sa agrikultura at ang pagkalat ng mga sustansya ng lupa. Mataman kaming nakinig, ngunit hindi ko pa ikinatutuwa ang buong katuturan kung ano ang sinasabi sa akin (dito’y wala akong dudang umiwas, na kabaligtaran kay Ira, sa katotohanang wala akong karanasang magtrabaho sa lupa). Sa mga ganitong taon, sinabihan ako ng aking kaibigang si Charles Hunt, isang aktibistang radikal, sosyolohista, pasingit-singit na propesor, at propesyunal na tenedor-de-libro, na dapat akong maging pamilyar sa “Diyalektika ng Kalikasan” ni Engels, dahil sa agham nito at sa naturalismo nito. Muli akong nakinig, ngunit ako’y nagbabantulot. Hindi ba’t ang “diyalektika ng kalikasan” ay may depekto sa simula pa lang?

Ang aking landas sa ekolohiyang materyalismo ay hinadlangan ng Marxismong pinag-aralan ko ng ilang taon. Ang batayang pilosopikal ko ay kay Hegel at sa pag-aalsa ng Hegelianong Marxista laban sa positibistang Marxismo, na nagsimula noong 1920 sa mga likha nina Lukács, Korsch, and Gramsci, at nadala patungo sa Frankfurt School at sa Bagong Kaliwa (bahagi ng mas malaking pag-alsa laban sa positibismo na dinomina ng buhay-intelektwal sa Europa mula 1890 hanggang 1930 at lagpas pa). Ang diin dito ay sa praktikal na materyalismo ni Marx, na nag-ugat sa konsepto niya ng mga praktika; na sa aking sariling pagninilay ay dumating upang ihalo sa pampulitikang ekonomya ng tradisyon ng Monthly Review sa Estados Unidos, at ang pangkasaysayan-pangkalinangang teorya ni E. P. Thompson at Raymond Williams sa Inglatera. Tila may maliit na espasyo para sa sintesis na tulad nito, gayunman, para sa Marxistang pamamaraan sa mga isyu ng kalikasan at katutubong pisikal na agham.

Totoong ang mga palaisip na tulad nina Thompson at Wiiliams ng Inglatera, at Sweezy, Baran, Magdoff at Braverman na nakaugnay sa Monthly Review sa U.S., lahat sila’y iginiit ang kahalagahan ng pag-ugnay ng Marxsimo sa isang mas malawak na likas at pisikal na saklaw, at ang bawat isa, sa sariling pamamaraan, ay nag-ambag sa kaisipang ekolohikal. Ngunit ang pamanang teoretikal nina Lukács and Gramsci, na isinapuso ko, ay nagkakaila sa posibilidad ng pag-iral ng diyalektikal na moda ng pag-iisip sa kalikasan, na sa totoo lang ay isinuko ang buong saklaw sa positibismo. Noong panahong iyon, halos di ko ggap ang isang alternatiba, at mas diyalektikal na tradisyon sa loob ng kapanahong buhay agham, na nakaugnay sa panahon namin sa mga akda ng mga mahahalagang palaisip tulad nina Richard Lewontin, Richard Levins, at Stephen Jay Gould. (Nang ang kamalayang ito ay sumibol na sa akin, ito’y resulta ng Monthly Review, na sadyang hinagilap na maiugnay ang Marxismo sa kabuuan na nakasuporta ang natural at pisikal na agham.) Datapwat hindi ko pa rin batid ang realismong pagsusuri ni Roy Bhaskar.

At nakapagpasama pa, tulad ng karamihan ng Marxista (na labas sa agham-biyolohikal, kung saan ang karamihan ng kasaysayang ito’y naiwan), wala akong kaalaman sa totoong kasaysayan ng Marxismo. Ang aking materyalismo ay ang ganap na pkartikal, tipong pampulitika-pang-ekonomya, na nagmula sa pilosopiyang ideyalismo ng Hegeliano, at ng materyalistang pag-aalsa ni Feuerbach laban kay Hegel, ngunit ignorante sa mas malaking kasaysayan ng materyalismo sa loob ng pilosopiya at agham. Dangan dito, kaunti lang ang tulong ng tradisyong Marxista, na ipinasa-pasa mula noon, yayamang ang batayan ng pagdurog ni Marx sa mekanistikong materyalismo, bagamat nanatiling materyalista, ay di sapat para maunawaan.

Imposibleng maipaliwanag ang mga antas (maliban marahil sa pagpahayag ng sumusunod na argumento) kung paano ako nakarating sa pasyang ang pananaw-pandaigdigan ni Marx ay taos-puso, at walang dudang maayos, na pangkalikasan (sa lahat ng positibong katwiran kung paano ginagamit ang salitang ito ngayon, at ang pananaw pangkalikasang ito ay hinango sa kanyang materyalismo. Kung may isa mang nagpabaling sa aking kaisipan, ito’y nagsmila nang malathala ang “The Vulnerable Planet” nang sinabi ng aking kaibigang si John Mage, na isang radikal na abogado, iskolar ng mga klasiko, at kasama sa Monthly Review, na nagkamali ako sa aking libro at sa kasunod na artikulo ay pansamantalang tinanggap ang pananaw ng Romantic Green na ang anti-ekolohikal na maaaring gawin ng kapitalismo ay medyo mababakas sa rebolusyong syentipiko ng ikalabimpitong siglo, at sa partikular ay sa mga akda ni Francis Bacon. Ipinahayag ni Bacon ang usapin ng ugnayan ni Marx kay Bacon, at ang makasaysayang kahulugan ng kaisipang “panunupil sa kalikasan” na lumitaw noong ikalabimpitong siglo. Unti-unti, napagtnto kong ang kabuuang usapin ng agham at ekolohiya ay dapat muling isaalang-alang sa simula pa lang. Ang ilan sa mga tanong ko: Bakit karaniwang ipinakikilala si Bacon bilang kaaway sa loob ng teoryang Luntian? Bakit laging binabalewala si Darwin sa mga talakayan ng ekolohiya ng ikalabingsiyam na siglo (higit pa sa atribusyon lamang ng ideya ng sosyal na Darwinista at Malthusiano sa kanya?) Ano ang kaugnayan ni Marx sa lahat ng ito?

Pinagpasyahan ko maaga pa lamang na sa prosesong ito na tinatangka ng mga “ekososyalista” na magpausbong ng Luntiang teorya kay Marx, o si Marx tungo sa Luntiang teorya, ay hindi makapagdudulot ng hindi pinong pangangtwirang kinakailangan ngayon. Dangan dito’y tumimo sa akin ang pamosong kasabihan ni Bacon na “Maari nating tunghayang walang silbi ang pagsulon ng kaalamang syentipiko mula sa mahusay na paghimok at pag-usbong ng bagong bagay mula sa luma. Isang bagong panimula (instauratio) ang dapat magawa, mula sa pagkakatatag nito, maliban lang kung nais nating paikut-ikot magpakaylanman sa isang bilog, gumagawa ng bagay na walang kabuluhan, na halos di karapt-dapat igalang na pagsulong” (Novum Organum). Ang suliranin ay nagiging pagbabalik sa pundasyon ng materyalismo, na ang tila nakasalalay ang paparaming kasagutan, muling sinusuri ang ating panlipunang teorya at ang ugnayan nito sa ekolohiya mula sa umpisa, sa punto ng diyaletikong pagsulpot nito.

Ang nadiskubre ko, na talagang aking ikinabigla, ay isang kwentong tulad ng pagllarawan sa isang pampanitikan kwentong pang-detektib, kung saan samut-saring palatandaan ang matigas na humantong sa isang natatangi at nakabibiglang pinagmulan. Sa kasong ito, ang materyalismo nina Bacon at Marx, at kahit na ng kay Darwin (bagamat di gaanong dirkta), ay mababakas sa isang karaniwang pinagmumulan: ang sinaunang materyalistang pilosopiya ni Epicurus. Ang papel ni Epicurus bilang dakilang Tagapagpaliwanag ng panahong sinauna – isang pagsusuri sa kanyang ginawa na ibinahagi ng mga palaisip na hindi katulad nina Bacon, Kant, Hegel, at Marx – ang nagbigay sa akin sa unang pagkakataon ng isang malinaw na larawan ng pagppakita ng materyalistang ekolohiya, sa konteksto ng pagsusumikap na diyalektikal hinggil sa kahulugan ng daigdig.

Sa malapitang magkaugnay na pananaliksik, nadiskubre ko ang sistematikong imbestigasyon ni Marx sa gawa ni Justus von Liebig, ang dakilang Alemang kemista sa agrikultura, na umunlad mula sa kanyang pagsusuri sa Malthusianismo, na nagdala sa kanya sa kanyang sentrong konsepto ng “metabolikong hidwaan” ng ugnayan ng tao sa kalikasan – ang kanyang taga sa panahong pagsusuri sa pagkkahiwalay ng kalikasan. Gayunman, upang maunawaan itong mabuti, naging isang pangangailangan ang pagbubuong muli ng makasaysayang debate hinggil sa pagkasira ng lupa na sumulpot noong kalagitnaan ng ika-19 na siglo sa koteksto ng “ikalawang rebolusyong agrikultural" at nagpapatuloy pa ito sa panahon natin ngayon. Dito nakapatong ang pinakadirektang ambag ni Marx sa talakayang ekolohikal (tingnan ang kabanata 5). Nagppasalamat ako kay Liz Allsopp, at sa kanyang mga kasamahan sa IACR–Rothamsted sa Hertfordshire sa pagbubuo ng pagkakasalin ni Lady Gilbert ng “Einleitung” ni Liebig, na nakalagak sa arkibo ng Rothamsted, na nagagamit ko. Sa pagsasagawa ng pananaliksik na ito marami akong napala sa pakikipagkutsabahan ko kay Fred Magdoff at Fred Buttel sa konteksto ng magkasamang pamamatnugot ng ispesyal na isyu ng Monthly Review ng Hulyo-Agosto 1998, na pinamagatang “Gutom sa Tubo” – na ngayon ay naisalibro na. nakinabang din ako sa suporta ni John Jermier, na aking kapwa patnugot sa babasahing “Organization and Environment”. Ang ilan sa mga akda rito ay nalathla na sa di pa maunlad na anyo sa isyung Setyembre 1997 ng “Organization and Environment” at sa isyung Setyembre 1999 ng “American Journal of Sociology”.

Kung pagninilayan ang masalimuot at intelektwal na kasaysayan na tinatangkang himay-himayin ng aklat na ito, ang paglilibot sa mga lugar na tila hiwalay sa bawat isa bilang makaluma at makabagong pilosopiya, halatang nangangailangan ako ng kausap ng may mga pambihirang talino. Ang papel na iyon ay ginampanan ni John Mage, na ang klasikong paraan ng kaalaman at napakalawak na pang-unawa ng kasaysayan at teorya, ay sinamahan pa ng pagkabihasa ng isang abogado sa dyalektika. Walang isang taludtod sa aklat na ito ang hindi naging paksa ng masusing pagsisiyasat ni John. Anumang pinakamainam dito ay utang ko sa kanya, habang ang anumang kamaliang naiwan sa aklat na ito ay walang salang sa akin.

Ang lakang-akda (obra maestra) ni Paul Burkett, ang ”Si Marx at ang Kalikasan: Ang Pula at Luntiang Pananaw (1999) ay naglalaman hindi lang ng bahagi ng paligid na laban sa pagsusulat ng akdang ito, kundi isa ring mahalagang kaangkop sa mga pagsusuring ibinigay dito. Kung sakaling minsan ay nakakaligtaan kongng paunlarin ng ganap ang pananaw na pulitikal at ekonomiko ng ekolohiya ni Marx, ito’y dahil ang pag-iral ng gawaing ito’y ginawa itong di na kailangan at paulit-ulit lamang. Malaki ang nagawa ng mga taon ng masisiglang talakayan namin ni Paul upang mapatalas ang mga sumunod na pagsusuri.

Kina Paul Sweezy, Harry Magdoff, at Ellen Meiksins Wood, ang tatlong patnugot ng Monthly Review, utang ko sa kanilang pagsuporta at sa kapangyarihan ng kanilang halimbawa. Ang simulain ni Paul sa pagsusuring pangkapaligiran ay isang mayor na salik na nagtulak sa akin sa direksyong ito. Si Christopher Phelps, na siyang direktor ng patnugutan ng Monthly Review Press, ay kasali sa aklat na ito mula pa sa simula, at tumulong sa akin sa maraming ulit at mahahalagang paraan.

Masasabi nating ang pagmamahal at pagkakaibigan ay mahalaga sa lahat ng tunay na mapanlikha. Dito’y nais kong pasalamatan si Laura Tamkin, na binabahaginan ko ng aking mga pangarap, at kina Saul at Ida Foster; gayundin kina Bill Foster at Bob McChesney. Kay Saul at Ida, at sa kanilang buong henerasyon ng kabataan, iniaalay ko ang aklat na ito.

No comments: