Tuesday, March 31, 2009

Ang Partido Komunista at Ang Parlyamento

ANG PARTIDO KOMUNISTA AT ANG PARLYAMENTO
Ika-2 ng Agosto, 1920. Makasaysayang Pagpapakilala ni Trotsky
Sulating Binalangkas at Ipinakilala ni Bukharin

Isinalin mula sa Ingles ni Gregorio V. Bituin Jr.

1. Ang Bagong Panahon at ang Bagong Parlyamentarismo

Mula sa umpisa, mula sa panahon ng Unang Internasyunal, ang ugali ng mga sosyalistang partido sa parlyamentarismo ay ang parlyamento ng burgesya ay dapat magamit para sa layuning ahitasyunal. Ang pakikilahok sa parlyamento ay kinukunsidera bilang paraan ng pagsulong ng kamalayang makauri, hal. ang pagpukaw sa poot ng proletaryado sa naghaharing uri. Nagbago na ang pag-uugaling ito, sa ilalim ng impluwensya hindi ng teorya, kundi ng patutunguhan ng mga pulitikal na pangyayari. Bilang bunga ng pagsulong ng mga produktibong pwersa at ang pagpapahaba ng larangan ng pagsasamantala ng kapitalista, natamo ng kapitalismo at ang mga parlyamentaryong estado ang pangmatagalang istabilidad.

Ang kinahinatnan, iniangkop ng mga sosyalistang partido ang parlyamentaryong taktika sa ‘organikong’ lehislatibong gawain ng parlyamentong burgis, at ang pakikibaka para sa reporma sa loob ng balangkas ng kapitalismo ay naging mas makabuluhan para sa mga partidong ito. Ang tinatawag na maksimum na programa* ay naging plataporma para debatehin ang matagal nang lahatang ‘ultimong hangarin’. Sa mga kinahinatnang ito, ang parlyamentaryong karerismo at katiwalian ay lumago at ang mahalagang kapakanan ng uring manggagawa ay palihim, at minsan ay lantarang, ipinagkakanulo.

Ang ugali ng Ikatlong Internasyunal sa parlyamento ay pinagpapasyahan hindi ng mga bagong ideyang teoretikal, kundi ng pagbabago sa papel ng mismong parlyamento. Sa naunang makasaysayang yugto ang parlyamento ay isang instrumento ng umuunlad na kapitalistang sistema, at ang nabanggit ay gumampan ng papel na sa masasabing progresibo. Sa mga makabagong kalagayan ng di-marendahang imperyalismo, ang parlyamento ay naging armas ng kasinungalingan, panlalansi at karahasan, isang lugar ng matamlay na daldalan. Sa harap ng pananalasa, paglulustay, pagnanakaw at pagkasirang naisagawa ng imperyalismo, nawala ang lahat ng praktikal na kahalagahan sa manggagawang masa ang reporma sa parlyamento dahil sa kakulangan nito sa pagkakasundo ng mga kilos, pangmatagalan at kaayusan.

Nawawala ang katatagan ng parlyamentarismo, tulad ng kabuuan ng burgis na lipunan. Ang transisyon mula sa yugto ng istabilidad tungo sa yugto ng krisis ay nangangailangan ng paggamit ng proletaryado ng bagong taktika sa sakop ng parlyamentarismo. Kahit sa nakaraang panahon ang manggagawang partido ng Ruso (ang mga Bolsheviks), halimbawa, naisulong ang mahalagang rebolusyonaryong parlyamentarismo, ang dahilan nito ay nang mawasak ng rebolusyong 1905 ang pampulitika at panlipunang balanse ng Rusya at pumasok ang bansa sa panahon ng sigwa at ligalig.

Ang mga Sosyalistang iyon na, habang nakikisimpatya sa Komunismo, ay nagsabing ang kanilang mga bansa ay hindi pa hinog para sa rebolusyon at tumangging makipaghiwalay sa mga parlyamentaryong oportunista bilang kanilang panimula, ang mulat at di gaanong mulat na pagtatasa sa dumarating na yugto bilang relatibong istabilidad ng imperyalistang lipunan at gayunman ay naniniwalang sa pakikibaka para sa reporma, ang koalisyon kasama sina Turati at Longuet ay may praktikal na resulta.

Gayunman, ang pakikibaka para sa Komunismo ay dapat batay sa teyoretikal na pagsusuri sa katangian ng kasalukuyang yugto (ang kahahantungang antas ng kapitalismo, ang pansariling imperyalistang pagtatatwa at pagkasira nito, ang di mapigilang pagkalat ng digmaang sibil, atbp.). Ang anyo ng ugnayang pulitikal at pagsasama-sama ay nagkakaiba-iba sa bawat bansa, ngunit ang kanilang mahalagang katangian ay nananatili pa rin sa iba’t ibang lugar. Para sa amin, ang layunin ay direkta at indirektang paghahanda ng himagsikan ng proletaryado upang wasakin ang kapangyarihan ng burgesya at itatag ang bagong kapangyarihan ng proletaryado.

Sa kasalukuyan, ang parlyamento ay di magagamit ng mga Komunista bilang larangan upang makibaka para sa reporma at pag-unlad ng pamantayan ng pamumuhay ng uring manggagawa bilang usapin sa ilang panahon noong nakaraang yugto. Ang pangunahing antas ng buhay pulitika ay nagbago sa kabuuan at sa huli ay lampas pa sa hangganan ng parlyamento. Gayunman, napipilitan pa rin ang burgesya, dahil sa relasyon nito sa uring manggagawa, at sa masalimuot ding ugnayan sa loob ng uring burgis, na paminsan-minsan at kahit papaano’y makagawa ng mga hakbang sa pamamagitan ng parlyamento. Sa parlyamento, sari-saring pangkat ang nag-aagawan sa kapangyarihan, nagpapakita ng kanilang lakas, inilalantad ang kanilang mga kahinaan at ikinokompromiso ang kanilang sarili, atbp., atbp.

Samakatwid, ang makasaysayang tungkulin ng uring manggagawa ay agawin mula sa naghaharing uri ang makinarya ng parlyamento, pagdurog at pagbuwag dito at pagpapalit dito ng mga bagong organo ng kapangyarihan ng proletaryado. Kasabay nito, sadyang nasa interes ng pangkalahatang rebolusyonaryong alagad ng uring manggagawa na magkaroon ng pangkat panggalugad nito sa mga institusyong parlyamentaryo ng burgesya upang mapabilis ang pagkawasak nito. Ang batayang kaibhan sa pagitan ng taktika ng rebolusyonaryong Komunista na pumasok sa parlyamento at ng sosyal-demokratang parlyamentarista ay kitang-kita. Kumikilos ang mga kinatawan ng sosyal-demokrata sa hinagap na may relatibong katatagan at hindi tiyak na durasyon ang umiiral na rehimen. Ipinwesto nila ang kanilang tungkuling makamit ang mga reporma sa anupamang paraan, at nag-aalala na dapat pahalagahan ng masa ang bawat ganansya bilang resulta ng sosyalistang parlyamentarismo. (Turati, Longuet and Co.)

Isang bagong taktika ang lumilitaw upang palitan ang luma at makompromisong parlyamentarismo. Ito ang isa sa mga armas kung saan dapat mawasak ang parlyamentarismo sa pangkalahatan. Gayunman, ang nakakainis na tradisyon ng dating taktikang parlyamentaryo ang nagtulak sa ilang rebolusyonaryong elemento upang salungatin ang parlyamentarismo sa prinsipyo (IWW rebolusyonaryong radikalismo, KAPD). Upang isaalang-alang ang mga pangyyaring ito, isinulong ng Ikalawang Kongreso ng Ikatlong Pandaigdigang Komunista ang sumusunod na tesis:

2. Ang Komunismo, ang Pakikibaka para sa Diktadurya ng Proletaryado, at ang Paggamit sa Parlyamentong Burgis

I.

1. Ang parlyamentarismo bilang sistema ng estado ay naging ‘demokratikong’ anyo ng pamumuno ng burgesya, na sa isang yugto ng pag-unlad nito ay nangangailangan ng isang anyo ng representasyong tinatangkilik. Bagamat ang huli, sa totoo lang, ay sandata ng paniniil at pambubusabos sa kamay ng naghaharing uri, bumungad ito sa panlabas bilang organisasyon ng kagustuhan ng marami, na tumitindig sa ibabaw ng mga uri.

2. Ang parlyamentarismo ay isang malinaw na anyo ng estado. Kaya, hindi ito maaaring maging anyo ng Komunistang lipunan, na walang kinikilalang uri, ni ang tunggalian ng uri, ni anumang uri ng kapangyarihan ng estado.

3. Ang parlyamento ay di makakaakto bilang anyo ng administrasyon ng estado ng proletaryado sa panahon ng transisyon mula sa diktadurya ng burgesya tungo sa diktadurya ng proletaryado. Sa panahon ng matinding tunggalian ng uri, na tiyak na tutungo sa isang gyera sibil, dapat na tuluyang itatag ng proletaryado ang sarili nitong organisasyon ng estado bilang militanteng organisasyon, na hindi isinasali ang mga kinatawan ng mga dating naghaharing uri. Sa yugtong ito, anumang pagpapanggap hinggil sa pagkakaroon ng ‘kagustuhan ng marami’ na sumasalamin sa mithiin ng buong populasyon ay mapaminsala sa proletaryado. Ang paghihiwalay ng kapangyarihan ng parlyamentaryo ay hindi na kinakailangan, sa katotohanan ay salungat sa interes ng proletaryado. Ang anyo ng estado ng diktadurya ng proletaryado ay isang republika ng Sobyet.

4. Ang parlyamentaryong burgis ay isa sa mga pinakamahalagang makinarya ng burgis na makinarya ng estado at, tulad ng burgis na estado sa kabuuan, ay hindi mahihikayat sa panig ng proletaryado. Ang tungkulin ay upang wasakin ang burgis na makinarya ng estado, pagwasak nito at ng institusyong parlyamentaryo nito, maging ito man ay republikano o konstitusyonal-monarkyal.

5. Ang ganitong asal ay dapat kunin sa lokal na institusyon ng gobyerno ng burgesya, na isang teoretikal na kamaliang ibahin ito sa mga organo ng estado. Ang mga lokal na institusyon ng gobyerno ay pawang makinarya ng mekanismong estado ng burgesya at dapat madurog ng rebolusyonaryong proletaryado at mapalitan ng mga lokal na konseho ng manggagawa; mga kinatawan.

6. Kung kaya, itinatakwil ng Komunismo ang parlyamentatismo bilang anyo ng estado ng lipunan sa hinaharap, or bilang anyo ng makauring diktadurya ng proletaryado. Tinatanggihan nito na maaaring mangyaring maipanalo ang parlyamento sa simulain ng proletaryado ng matagalan. Itinalaga na nito ang sarili sa pagwasak sa parlyamentarismo. Kasunod nito na ang mga institusyon ng estadong burgis ay magagamit lang sa layuning sirain ito. Tanging ito lamang ang paraan kung paano ito magagamit.

II.

7. Ang bawat pakikibaka ng uri ay pakikibakang pulitikal dahil, sa huling pagsusuri, ito’y pakikibaka para sa kapangyarihan. Anumang pag-aaklas na magaganap sa buong bansa ay panimulang banta sa burgis na estado at sa ganoon ay nagiging pultikal ang katangian. Ang tangkain patalsikin ang isang burgesya at durugin ang estado nito ay pagsangkot sa pakikibakang pulitikal. Ang paglikha ng makinarya ng uring proletaryado para sa pamamahala, at pagsupil sa tibay ng burgesya – sa anumang anyo ng makinarya – ay kinakailangan sa pagkuha ng pampulitikang kapangyarihan.

8. Nangangahulugan ito na ang usapin ng pakikibakang pulitikal ay di lang simpleng usapin ng asal na dapat gawin sa parlyamentarismo. Habang ang pakikibaka ng uring proletaryado ay sumusulong mula sa maliliit at baha-bahaging engkwentro sa pagtatangkang pabagsakin ang buong kapitalistang sistema, ito’y isang malawak na usapin.

9. Ang pinakamahalagang anyo ng pakikibakang proletaryado laban sa burgesya at sa kapangyarihan ng estado, sa pangunahin, aksyong masa, na inorganisa at dinirekta ng rebolusyonaryong pangmasang organisasyon ng proletaryado (unyon, partido, konseho) sa ilalim ng pangkalahatang pamumuno ng isang nagkakaisa, disiplinado at sentralisadong Komunistang Partido. Ang giyera sibil ay nangangahulugang digmaan at upang ilunsad ito, kinakailangan ng proletaryado ng sarili nitong kwerpo ng mga eksperyensadong opisyal pulitikal at ng sarili nitong malakas na pangkalahatang pulitikal na tauhan, na may kakayahang pamunuan ang lahat ng operasyon sa lahat ng saklaw ng pakikibaka.

10. Ang pakikibakang masa ay isang buong kalambatan ng aktibista na talagang nagpapatindi at lohikal na hahantong sa isang insureksyon laban sa kapitalistang estado. Habang ang pakikibakang masa ay sumusulong sa isang giyera sibil, ang namumunong partido ng proletaryado ay dapat, bilang pangkalahatang patakaran, ay nagtitiyak ng bawat legal na posisyon, at ginagamit ito bilang sentrong ayuda ng mga gawaing rebolusyonaryo nito at sekundarya ito sa plano nito sa pangkalahatang kampanya ng pakikibakang masa.

11. Ang plataporma ng burgis na parlyamento ay isa sa mga sentrong ayuda. Ang katotohanang ang parlyamento ay isang burgis na institusyon ng estado ay hindi na isang argumento laban sa paglahok sa pakikibakang parlyamentaryo. Pinapasok ng Komunistang Partiso ang institusyong ito hindi upang magtrabaho sa loob nito bilang bahaging panloob ng sistemang parlyamentaryo, kundi ang gumawa ng aksyon sa loob ng parlyamento na makatutulong na madurog ang makinarya ng burgis na estado at ang parlaymento mismo (ang mga halimbawa ay ang mga aktibidad nina Liebknecht ng Alemanya at ng mga Bolsheviks sa Tsaristang Duma, ang ‘Demokratikong Kumperensya’, ang bago magparlyamento ni Kerensky, ang ‘asembliya ng kinatawan’ at ang mga konseho ng bayan at, sa huli, ang aksyon ng Komunistang taga-Bulgaria).

12. Ang mga gawaing parlyamentaryo, na pwang naglalamang ng ipinamamahaging kaisipang rebolusyonaryo, na inilalantad ang kalaban ng uri mula sa platapormang parlyamentaryo, at pagsulong ng pagkakaisang ideolohikal ng masa, lalo na yaong mga nasa liblib na pook, na gumagalang pa sa parlyamento at nagkikimkim pa ng mga demokratikong ilusyon – ang gawaing ito’y dapat sekundarya lamang sa mga layunin at tungkulin ng pakikibakang masa sa labas ng parlyamento.

Ang paglahok sa mga kampanyang eleksyon at ang paggamit ng parlyamento bilang plataporma ng mga rebolusyonaryong kaisipan ay may tiyak na kahalagahan para sa pulitikal na pag-agaw ng mga saray ng uring manggagawa tulad ng masang manggagawa sa kanayunan na hanggang ngayon ay di nakikialam sa buhay-pulitikal at sa kilusang rebolusyonaryo.

13. Kung sakaling tanggapin ng mayorya ang mga Komunista sa mga lokal na institusyon ng gobyerno, tungkulin nilang gawin ang mga sumusunod na panukala:

a) magtatag ng rebolusyonaryong oposisyon upang labanan ang burgis na sentrong awtoridad;
b) tulungan ang mga mahihirap na seksyon ng populasyon sa anumang paraan (pamamaraang pang-ekonomiko, ang pag-oorganisa o tangkang pag-oorganisa ng sandatahang militar ng manggagawa, atbp.)
c) Ilantad sa lahat ng pagkkataon ang mga hadlang kung saan ang kapangyarihan ng estadong burgis ay nalalagay sa paraan ng batayang panlipunang pagbabago;
d) paglulunsad ng matinding kampanya upang ipalaganap ang rebolusyonaryong propaganda, kahit ito’y tumungo sa tunggalian sa kapangyarihan ng estado;
e) sa ilalim ng anumang sirkumstansya, palitan ang mga sangay ng lokal na gobyerno ng konseho ng deputado ng manggagawa.

Lahat ng aktibidad ng Komunista sa mga institusyon ng lokal na gobyerno ay dapat makitang bahagi ng pakikibaka upang mawasak ang kapitalistang sistema.

14. Dapat maisagawa ang mismong kampanyang eleksyon hindi bilang panulak para sa maksimum na bilang ng pwesto sa parlyamento, kundi isang mobilisasyon ng masa sa mga islogan ng proletaryong rebolusyon. Dapat kasama sa pakikibakang eleksyon ang mga rank-and-file na kasapi ng Partido at hindi lamang ng liderato ng Partido; napakahalaga na lahat ng aksyong masa (welga, demonstrasyon, kilusan sa kasundaluhan, atbp.) na nagaganap ng panahong iyon ay pinag-uusapan sa kampanya at pinanatili ang malapit na ugnayan sa kanila. Ang mga proletaryong organisasyong masa ay dapat ding mahatak sa aktibong gawain sa buong eleksyon.

15. Kapag ginawa ng nakaayon sa mga tesis na ito at sa kalagayan ding inilapat sa espesyal na atas, ang gawaing parlyamentaryo ay kumakatawan sa direktang kabalintunaan sa mga maruruming maniobrang pulitikal na isinasagawa ng madalas ng iba’t ibang partidong sosyal-demokrata, na pumapasok sa parlyamento upang suportahan ang mga ‘demokratikong’ institusyon, ang pinakamatindi, ‘maipanalo ito’. Dapat manindigan lamang ang Komunistang Partido sa rebolusyonaryong paggamit sa parlyamento, sa diwa ni Karl Liebknecht, Hoglund at ng mga Bolsheviks.

III.

16. Ang anti-parlyamentarismo bilang prinsipyo, bilang absoluto at lubusang pagtatakwil sa paglahok sa eleksyon o sa rebolusyonaryong gawaing parlyamentaryo, ay samakatwid isang walang kamuwangan at parang batang posisyon na hindi makatitindig sa kritisismo. Minsan ang ganitong mga pag-uugali ay nagpapahayag ng masiglang pagkayamot sa maniobra ng mga nasa parlyamento, ngunit gayunpaman ay isang kabiguang mapagtanto ang posibilidad ng rebolusyonaryong parlyamentarismo. Ang posisyong ito ay laging nakaugnay sa isang buong hindi wastong pananaw ng papel ng Partido – nakikita ang Komunistang Partido, hindi bilang isang militante’t sentralisadong taliba ng manggagawa, kundi isang desentralisadong sistema ng mga buhaghag na grupong magkakaugnay.

17. Kasabay nito, ang pagkilala sa gawaing parlyamentaryo ay hindi nangangahulugan ng ganap na pagtanggap sa pangangailangang makalahok, anuman ang kalagayan, sa lahat ng leksyon at sesyon sa parlyamento. Ang paglahok sa isang eleksyon o sesyon ay nakasalalay sa isang buong serye ng tiyak na kalagayan. Ang mga tiyak na kumbinasyon ng kalagayan ay maaring magpakitang mahalaga ang pag-atras mula sa parlyamento. Umalis ang mga Bolsheviks bago ang parlyamento upang mapahina ito, ilugso ito at matalas na pambalanse rito’y ang rebolusyong Oktubre. Iniwanan nila ang asembliya ng mga kinatawan sa araw ng pagkalusaw nito, inilipat ang pangunahing pokus ng pulitikal na pangyayari sa ikatlong Kongreso ng Konseho. Sa ilalim ng iba pang sirkumstansya, maaaring mahalagang i-boykot ang eleksyon at gumamit ng direktang aksyon upang tanggalin ang buong burgis na makinarya ng estado at ang pangkat ng naghaharing burgis. Bilang alternatibo, maaaring kinakailangan ang paglahok sa halalan, na susundan ng pagboykot sa parlyamento, atbp.

18. Kaya, habang tinatanggap bilang pangkalahatang patakaran ang pangangailangang lumahok sa halalan sa pambansang parlyamento at sa mga organo ng lokal na gobyerno, at sa mga gawain ng mga institusyong ito, dapat pagpasyahan ng Komunistang Partido ng magkahiwalay ang bawat usapin, tantyahin ang mga tiyak na kalagayan sa isang panahon. Ang pagboykot sa eleksyon o sa parlyamento, o ang pag-alis sa parlyamento, ay pinapayagan pangunahin kung hinog na ang mga kondisyon upang agarang pagkilos gamit ang armadong pakikibaka para sa kapangyarihan.

19. Ang katulad na kawalang kahalagahan ng usaping ito ay dapat panatilihing natutunghayan. Dahil nakasalalay sa labas ng parlyamento ang pangunahing pokus ng pakikibaka para sa kapangyarihang pang-estado, sadyang napakahalaga ng usapin ng diktadurya ng proletaryado at ng pakikibakang masa para maunawaan ito kaysa sa usapin kung paano gagamitin ang sistemang parlyamentaryo.

20. Ang Pandaigdigang Komunista kung gayon ay talagang ipinagdidiinang isang malaking kamalian ang anumang pagkabiyak o tangkang pagbiyakin ang Komunistang Partido dahil lang sa usaping ito. Ipinapanawagan din ng Kongreso sa mga tumanggap ng prinsipyo ng armadong pakikibaka para sa diktadurya ng proletaryado sa ilalim ng pamumuno ng sentralisadong Partido ng rebolusyonaryong proletaryado, at sa mga may impluwensya sa lahat ng organisasyong pangmasa ng uring manggagawa, na pagsikapang pagkaisahin ang lahat ng Komunistang elemento kahit na may mga kaibahan sa usapin kung paano gagamitin ang burgis na parlyamento.

3. Rebolusyonaryong Parlyamentarismo

Upang magarantiyahan na ang parlyamentong rebolusyonaryong taktika ay nagagamit ng tama, dapat na pansinin ang mga sumusunod na punto:

1. Ang Komite Sentral at ang Komunistang Partido sa kabuuan ay dapat, sa yugto ng preparasyon, halimbawa bago maghalalan sa parlyamento, ay sistematikong sinisiyasat ang kalidad ng kayayahang pampulitika at png-organisasyon ng mga kasapi ng mga seksyon ng parlyamento. Ang Komite Sentral ng Komunistang Partido ay dapat may pananagutan sa mga gawain ng mga Komunistang seksyon ng parlyamento. Ito’y dapat magkaroon ng di matatawarang karapatang tumutol sa sinumang kandidato na isinusulong ng alinmang organisasyon kung nagdududa itong ang kandidato, kung mahahalal, ay talagang gagampan sa tunay na Komunistang pamamaraan.

Dapat makawala ang mga Komunistang Partido sa lumang kaugaliang sosyal-demokrata ng paglalagay lamang ng tinatawag na “eksperyensadong” lingkod sa parlyamento, lalo na ang mga abogado, atbp. Bilang patakaran, dapat nilang ilagay na kandidato ay yaong mga mangggawa. Hindi sila dapat mag-alala na minsan ito’y pagpili ng mga karaniwang kasaping may kakulangan sa karanasan sa gawaing parlyamento. Dapat na malupit ang Komunistang Partido sa usapin ng mga kareristang elemento na ikinakabit ang sarili nila sa Komunistang Partido dahil sa layuning makapasok sa parlyamento. Dapat pahintulutan ng mga Komite Sentral ng mga Komunistang Partido ang mga kandidato ng mamayan na pinatunayan na ang kanilang katapatan sa uring manggagawa sa kanilang mahabang mga taon ng gawaing pulitikal.

2. Ang organisasyon ng mga seksyon ng parlyamento kapag natapos na ang halalan ay dapat nasa kamay ng Komite Sentral ng Komunistang Partido, maski ang Partido ay ligal o iligal sa panahong yaon. Dapat kumpirmahin ng Komite Sentral ang paghalal sa tagapangulo at komiteng ehekutibo sa isang seksyon ng parlyamento. Dapat na may pirmihang kinatawan sa seksyon ng parlyamento na may karapatang tumanggi (mag-veto). Dapat hanapin ng seksyon sa parlyamento ang mahahalagang direktiba mula sa Komite Sentral sa lahat ng mga mahahalagang usaping pulitikal. Kapag naglunsad ng mahalagang kampanya ang mga Komunista sa parlyamento, may karapatan at tungkulin ang Komite Sentral na magtalaga o tanggihan ang tagapagsalita mula sa seksyon, hilingin sa tagapagsalita ang isang balangkas ng mungkahing talumpati o isang talumpati mismo mula sa Komite Sentral na babasahin at aaprubahan, atbp. Ang mga kandidatong tumitindig bilang Komunista ay dapat magbigay ng opisyal na nakasulat na gawain na sa unang paghiling ng Komite Sentral ng Partido, sila’y magbibitiw sa pwesto, nang sa gayon, kung kinakailangan, maoorganisa ng Partido ang nagkakaisang pag-alis sa parlyamento.

3. Sa mga bansa kung saan ang mga repormista, semi-repormista at mga simpleng karristang elemento ay nakapasok na parlyamentong skesyon ng Komunista (nangyari na ito sa ilang bansa, dapat gawin ng Komite Sentral ng mga Komunistang Partido ang maingat na paglilinis ng kasapian ng seksyon, na lumalarga sa prinsipyong ang layunin ng uring manggagawa ay mas mapaglingkurang mabuti ng isang maliit ngunit tunay na seksyong Komunista kaysa sa isang malaking seksyong walang palagiang linyang Komunista.

4. Dapat pagsamahin ng mga deputadong Komunista ang kanilang ligal na gawain sa ilegal na gawain kung pagpapasyahan ito ng Komite Sentral. Sa mga bansa kung san ang deputadong Komunista ay nakikinabang sa ilang imunidad sa batas ng burgesya, dapat magamit ito upang matulungan ang mga gawaing ilegal, organisasyunal at propaganda.

5. Dapat ipailalim ng mga deputadong Komunista ang lahat ng kanilang gawaing parlyamentaryo sa mga gawaing ekstra-parlyamentaryo ng kanilang Partido. Dapat makita ng Partido at ang Komite Sentral nito na ang mga mungkahing lehislatibo ay tuluy-tuloy na ipinakikilala, hindi sa kaisipang tatanggapin ito ng mayoryang burgis, kundi sa layuning propaganda, ahitasyon at pag-oorganisa.

6. Sa mga demonstrasyon sa lansangan at iba pang gawaing rebolusyonaryong pinangunahan ng uring manggagawa, ang deputadong Komunista ay dapat gumampan ng nangunguna at lantad na papel bilang pinuno ng masang proletaryado.

7. Habang nananatili sa ilalim ng pangangasiwa ng Partido, dapat gamitin ng mga deputadong Komunista ang lahat ng paraang nasa kanila upang mapanatili ang pakikipagtalastasan sa mga rebolusyonaryong manggagawa, magsasaka at iba pang nagtatrabaho, sa pamamagitan ng pamahayagan at sa iba pang paraan. Dapat walang pagkakataong mag-aasal silang tulad ng mga deputadong sosyal-demokrata na nagsikap magbuo ng mga ugnayan sa kalakal kasama ang mga botante. Dapat handa sila anumang oras upang gumampan ng gawaing propaganda para sa mga organisasyong Komunista.

8. Dapat isaisip ng mga kasaping Komunista sa parlyamento na hindi sila ‘mambabatas’ na nakikipagkasundo sa iba pang mambabatas, kundi mga ahitador ng Partido na ipinadala sa kampo ng mga kaaway upang ipatupad ang mga desisyon ng Partido. Ang mga kasaping Komunista sa parlyamento ay may pananagutan hindi lamang sa mga biyak-biyak na masa ng botante, kundi sa Komunistang Partido, ito man ay ligal o iligal.

9. Ang mga talumpati sa parlyamento na ginagawa ng deputadong Komunista ay dapat nasa wikang madaling maunawaan ng karaniwang manggagawa at magsasaka, ng bawat labandera at pastol – dapat na mailathala ng Partido sa polyeto ang mga talumpati na maipamamahagi kahit sa mga liblib na pook sa bansa.

10. Ang mga karaniwang manggagawa - Komunista ay di dapat matakot na magsalita sa burgis na parlyamento. Kahit na ang mga manggagawa ay baguhan sa gawaing parlyamento, di sila dapat masindak sa mga tinatawag na eksperyensadong parlyamentarista. Kung kinakailangan, basahin ng mga deputado-manggagawa ang kanilang talumpati mula sa kanilang mismong isinulat. Pagkatapos noon ay maaari nang ilathala ang mga talumpati sa mga pahayagan at polyeto.

11. Dapat gamitin ng mga kasaping Komunista sa parlyamento ang parlyamentaryong plataporma upang ilantad, hindi lamang ang burgesya at mga tapat na tagasunod nito, kundi mga sosyal-makabayan, ang mga repormista, ang mga nag-aalangang politiko ng ‘gitna’ at iba pang kalaban ng Komunismo. Gayundin naman, dapat nilang gamitin iyon upang ipalaganap ang mga ideya ng Ikatlong Internasyunal.

12. Kahit na ang Komunistang Partido ay may isa o dalawang kinatawan sa parlyamento, ang kilos ng mga deputado nito ay dapat magsilbing hamon sa kapitalismo. Dapat tandaan ng mga deputado na nararapat lang silang tawaging Komunista kung maipapakita nila ang kanilang walang humpay na pakikipaghamok sa sistemang burgis at sa masunuring sosyal-makabayan nito.

(*Naboto na – naipadala sa komisyon; ganap na napagtibay noong ika-6 ng Agosto, apat na araw matapos ang sulating ito.)

No comments: