Friday, May 14, 2010

Kadre: Gulugod ng Rebolusyon - ni Che Guevara

Kadre: Gulugod ng Rebolusyon
ni Ernesto ‘Che’ Guevara

Isinalin mula sa Ingles ni Gregorio V. Bituin Jr.

(Nalathala sa Cuba Socialista, Setyembre 1962)

Hindi kinakailangang magtalakay sa katangian ng ating rebolusyon; sa orihinal na anyo nito, nang ispontanyo. Kung saan nagkaroon ng transisyon mula sa rebolusyon para sa pambansang kalayaan tungo sa isang sosyalistang rebolusyon; mabilis ang hakbang ng mga pangyayari na pinamunuan ng mismong mga taong sumalakay sa kwartel ng Moncada; na nagpatuloy sa paglapag mula sa Granma at humantong sa pagdedeklara ng sosyalistang katangian ng Rebolusyong Cubano. Sumama sa mahina pang pagkakatatag nito ang mga bagong tagahanga nito, mga kadre at samahan hanggang sa ibigay nila sa rebolusyon ang kasalukuyang pangmasang katangian nito, na itinatak nila sa ating rebolusyon.

Nang maging maliwanag na may bagong panlipunang uri ang humawak ng kapangyarihan sa Cuba, nakita ang malaking kakulangan sa pagpapairal ng kapangyarihan ng estado dahil sa kasalukuyang kalagayan nito: ang kakulangan ng mga kadreng hahawak ng mabibigat na trabaho para sa estado, sa mga organisasyong pulitikal at sa buong ekonomya.

Pagkatapos makuha ang kapangyarihan, ang mga gawaing pang-administratibo ay ginagawa ng may patakaran; walang mayor na problema – wala pagkat hindi pa naman nadudurog ang lumang kaayusan. Kumilos pa rin ito sa mabagal at makalumang galaw, ngunit may mga organisasyon pa ito na may sapat na pakikipag-ugnayan upang manatili, at minamaliit ang mga naganap na pagbabagong pulitikal bilang simula ng pagbabago sa istrukturang pang-ekonomya.

Ang Kilusang Hulyo 26, na nasisira dahil sa tunggalian ng makakanan at makakaliwang panig nito, ay di maialay ang sarili sa mga gawaing nakabubuti, at ang Partido Socialista Popular, dahil sa matinding pag-atake rito, at dahil ilang taon ding naging ilegal na partido ito, ay hindi nakapagpaunlad ng mga sulong na kadre para gampanan ang mga bagong pananagutan.

Nang unang makialam ang estado sa ekonomya, ang tungkuling maghanap ng kadre ay hindi masalimuot, at agad na mapipili sila mula sa mga may kakayahang humawak ng posisyon ng liderato. Ngunit sa pagbilis ng proseso nang maisabansa ang mga negosyo sa Hilagang Amerika at pati malalaking negosyong Cubano, nakita agad ang kakulangan ng mga tagapag-ayos sa administratibong gawain. Kasabay nito, kinakailangan ang mga tagapag-ayos sa produksyon nang magsilikas ang marami dahil sa mga alok na magagandang posisyon sa mga imperyalistang kumpanya sa ibang bahagi ng Amerika o sa mismong Estados Unidos. Dapat magsikap mabuti ang makinaryang pampulitika habang ginagampanan ang tungkuling magtatag at magbigay ng ideolohikal na atensyon sa masang sumama sa rebolusyon at nagnanais matuto.

Ginampanan namin ang aming tungkulin hangga’t kaya namin, kasama na rito ang mga sakit at pagkabalisa. Maraming kamalian ang nagawa ng adminstratibong seksyon ng Ehekutibo; malalaking pagkakamali ang nagawa ng mga bagong tagapamahala ng negosyo na may hawak na malalaking pananagutan, at tayo mismo’y nakagawa ng pagkakamali sa makinaryang pulitikal, isang makinaryang unti-unting nahuhulog sa kamay ng di-naghihirap na burukrasya, na sadyang hiwalay sa masa, at naging tuntungan para sa promosyon at mga mahahalaga’t di mahahalagang pwesto sa burukrasya.

Ang pangunahing dahilan ng ating pagkakamali ay ang ating kawalan ng pakiramdam sa reyalidad sa isang panahon, ngunit ang nawawala sa atin ay ang kawalan ng mauunlad na kadre sa mas mataas na antas, dahil sa pagkapurol ng ating kakayahang makapuna, at nagagawang isang burukrasya ang partido at nagsasapanganib sa administrasyon at produksyon. Pinatutunayan ng pangyayaring ito na ang patakaran ng paghahanap ng mga kadre ay katumbas ng patakaran ng paglubog sa masa, para makipag-ugnayang muli sa masa, pakikipag-ugnayang mapanatili ang rebolusyon sa unang antas ng pag-iral nito. Ngunit dapat itong maitatag sa pamamagitan ng mga itpo ng mekanismong kayang magkamit ng magagandang resulta, sa pagdama sa pulso ng masa, at pagdadala ng oryentasyong pulitikal, na sa maraming kaso ay ibinibigay lamang sa pamamagitan ng personal na pakikialam ni Punong Ministro Fidel Castro o ng iba pang pinuno ng rebolusyon.

Sa puntong ito, tanungin natin ang ating sarili kung anong tipo ang kadre.

Masasabi nating ang isang kadre ay isang taong nagkamit ng panlipunang pag-unlad na kayang magpaliwanag ng malawak na mga atas mula sa sentral na liderato, at gawin niya itong kanya, at ipaliwanag ito bilang oryentasyon sa masa, isang tao rin ito na kayang basahin ang kagustuhan at anumang nakapagpapaalab sa masa.

Isa siyang taong may disiplina sa ideolohiya at pamamahala, na nalalaman at pinaiiral ang demokratikong sentralismo at nakaaalam kung paano suriin ang kasalukuyang kalagayan sa mga pamamaraang ito at magamit ng ganap ang maraming bahagi nito; na nakaaalam kung paano pairalin ang prinsipyo ng kolektibong talakayan at magpasya ng sarili at managot sa kanyang ginawa; na subok na ang katapatan at ang pag-unlad ng diwang moral at pisikal kasabay ng pag-unlad ng kanyang ideolohiya sa paraang lagi niyang haharapin ang anumang labanan, at handang ialay ang kanyang buhay para sa rebolusyon. Gayundin naman, siya’y isang tao ring kayang magsuri ng sarili, na siyang dahilan upang gumawa ng nararapat na pasiya, at pairalin ang malikhaing inisyatiba sa paraang hindi makasisira ng disiplina.

Kaya ang isang taong tinatawag na kadre ay malikhain, isang kinikilalang lider, isang tagapag-ayos na may mabuting antas pulitikal, na sa pamamagitan ng diyalektikong paliwanag ay naisusulong ang kanyang sektor sa paggawa, o mapaunlad ang masa mula sa kanyang pwesto sa pulitikal na pamunuan.

Ang natatanging taong ito, na tila nakukublihan ng mahirap makamtang katangian, ay nabubuhay kasama ng mamamayan ng Cuba, at araw-araw din natin siyang nakikita. Ang mahalaga ay sunggaban lahat ng oportunidad mayroon upang talagang paunlarin siya, turuan siya, at kunin sa bawat isa ang kanilang kahalagahan at ilagay ito para sa kapakinabangan ng bansa.

Ang pag-unlad ng isang kadre ay makakamit sa paggampan ng araw-araw na gawain; ngunit ang mga gawain ay dapat gawing sistematiko, sa mga espesyal na eskwelahan kung saan mahihimok ng mga may kakayahang guro tungo sa mabilis na ideolohikal na pagsulong – halimbawa nito ay ang pagbaling nila sa pulutong ng mga estudyante.

Sa rehimeng nagsisimulang magtatag ng sosyalismo, hindi mo maiisip ang isang kadreng walang mataas na pampulitikang pag-unlad, ngunit pag sinabi nating pampulitikang pag-unlad, hindi lamang natin tinutukoy dito ang pagiging baguhan sa teoryang Marxista; dapat din nating hilingin ang pananagutan ng indibidwal sa kanyang mga ginawa, isang disiplinang pipigil sa anumang dumarating na kahinaan, at hindi sasalungat sa lawak ng inisyatiba, at patuloy na pagiging abala sa lahat ng mga problema ng rebolusyon. Upang siya’y mapaunlad, dapat tayong magsimula sa pagbubuo ng mga patakaran ng pagpili sa masa; doon din natin makikita ang mga sumisibol na personalidad, na subok na sa sakripisyo o nagsisimula pa lang ipakita ang kanilang kasiglahan, at maitalaga sila sa mga espesyal na eskwelahan, at kung wala pa nito, bigyan sila ng mas malalaking pananagutan upang masubukan sila sa mga kapaki-pakinabang na gawain.

Sa ganitong paraan, naghahanap tayo ng napakaraming bagong kadre na umunlad ngayon at ng mga nakaraang taon; ngunit ang kanilang pag-unlad ay hindi magkakapantay, dahil ang mga batang kasama ay dapat pang harapin ang katotohanan ng rebolusyonaryong gawain ng walang sapat na oryentasyon ng isang partido. Ang ilan ay talagang nagtagumpay, ngunit marami rin ang hindi ito makamit at naiiwan sa ere, o kaya’y bigla na lamang nasa burukratikong daanan, o sa mga pagkakasalang dulot ng kapangyarihan.

Upang matiyak ang tagumpay at ganap na pagkakatatag ng rebolusyon, dapat tayong magpaunlad ng iba’t ibang tipo ng kadre: ang pulitikal na kadre na siyang base ng ating mga organisasyong pangmasa, at magpakilala sa kanila sa pamamagitan ng pagkilos ng Nagkakaisang Partido ng Sosyalistang Rebolusyon (Partido Unido de la Revolucion Socialista - PURS). Sinisimulan na nating itatag ang mga baseng ito kasama ng pambansa at panlalawigang Paaralan ng mga Turo ng Rebolusyon (Schools of Revolutionary Instruction) na may mga pag-aaral at grupong nag-aaral sa lahat ng antas. Kailangan din natin ng kadreng militar; upang makamit iyon, dapat nating gamitin ang paghirang na ginawa ng digmaan sa ating mga batang mandirigma, dahil marami pang nabubuhay sa kanila, na wala halos mga malalawak na kaalamang teoretikal ngunit subok na sa laban, subok na sa mga mahihirap na kalagayan ng labanan, nang may subok na katapatan sa rebolusyonaryong pamahalaan kung saan ang pagsilang at pag-unlad nito’y matapat na nakaugnay simula pa nang unang digmaang gerilya sa Sierra. Dapat din tayong magpaunlad ng mga kadreng pang-ekonomya na itatalaga nila ang kanilang sarili lalo na sa mahihirap na tungkuling magplano at ang tungkulin ng organisasyon ng sosyalistang estado sa panahong ito ng pagsisimula.

Kinakailangang magtrabaho kasama ang mga propesyunal, nanghihikayat sa mga kabataan upang sundan ang isa sa pinakamahalagang trabahong teknikal sa pagsisikap na ilagay sa agham ang himig ng ideolohikal na sigla na magtitiyak ng mabilis na pag-unlad. At nararapat lamang magbuo ng pangkat administratibo, na nakakaalam upang gawing bentahe sa iba ang mga ispesipikong kaalamang teknikal at makipag-ugnayan at gabayan ang mga proyekto at iba pang organisasyon ng estado upang dalhin sila sa landas ng may makapangyarihang himig ng rebolusyon

Ang nag-uugnay sa lahat ng ito ay ang pulitikal na kalinawan. Hindi kasama rito ang mga di-pinag-isipang suporta sa batayan ng rebolusyon, kundi makatarungang suporta; kinakailangan ng malawak na kakayahang magsakripisyo at ang kakayahan para sa diyalektikong pagsusuri na makakapag-ambag pa sa lahat ng antas sa mayamang teorya at praktika ng rebolusyon. Ang mga kasamang ito ay dapat piliin mula sa masa sa pamamagitan lamang ng prinsipyong ang mga magagaling ay darating, at sila’y dapat bigyan ng malaking pagkakataon para sa pag-unlad.

Sa lahat ng ito, pare-pareho ang tungkulin ng kadre, bagamat magkakaiba sila ng larangan. Ang kadre ay pangunahing bahagi ng pwersang ideolohikal kung saan ito ang Nagkakaisang Partido ng Rebolusyon. Ito ang matatawag nating dinamikong salik ng pwersang ito; ang salik na ang gamit ay magtitiyak sa magandang takbo nito; dinamiko dahil ang kadre ay di lamang simplang tagapamahagi ng mga panawagan at kahilingan, kundi isang manggagawang tutulong sa pagsulong ng masa at sa kaalaman ng mga pinuno, na nagsisilbing tagapagbigay-alam sa kanila. Napakahalagang misyon ng kadre na matiyak na ang dakilang diwa ng rebolusyon ay hindi mapapawi, na ito’y hindi magiging tulog o nawala na sa ritmo. Ito’y nasa maselang katayuan; dinadala nito ang anumang galing sa masa at tinitiyak na mahawa ang masa sa oryentasyon ng partido.

Samakatwid, ang pag-unlad ng kadre ay isa na ngayong tungkuling di dapat ipagwalambahala. Ang pag-unlad ng mga kadre ay ginawa na may malaking pananabik ang rebolusyonaryong gobyerno, kalakip ang mga programa sa karunungan batay sa prinsipyo ng paghirang, kasama ang mga programa ng pag-aaral ng mga manggagawa, na nag-aalok ng iba’t ibang oportunidad para sa mga teknolohikal na pagsulong; sa pagsulong ng mga ispesyal na paaralang sekundarya at mga pamantasan, pagbubukas ng bagong tungkulin; at ang pag-unlad na rin ng ating mga panawagan sa pag-aaral, paggawa at rebolusyonaryong pangangalaga para sa ating bansa, na pangunahing nakabatay sa Unyon ng mga Kabataang Komunista (Union of Young Communists), kung saan magmumula ang iba’t ibang tipo ng kadre, kahit na ang mga nangungunang kadre sa hinaharap ng rebolusyon.

Matapat na nakatali sa konsepto ng kadre ay ang kakayahan nitong magsakripisyo. Para maipakita sa pamamagitan ng sariling halimbawa ang mga katotohanan at mga kasabihan ng rebolusyon. Dapat makuha ng mga kadre, bilang mga pinunong pulitikal, ang paggalang ng mga manggagawa sa pamamagitan ng kanilang gawa. Kailangan nilang lubos na asahan ang respeto at pagmamahal ng kanilang mga kasama, na dapat nilang gabayan tungo sa landas ng pamunuan.

Sa pangkalahatan, wala nang iba pang mabuting kadre kaysa mga inihalal ng masa sa mga asamblea na humihirang ng natatanging manggagawa, yaong mga madadala sa PURS kasama ang mga matatandang kasapi ng ORI (Organizacion Revolucionaria Integrada) na nakapasa sa mga kinakailangang pagsusulit. Sa simula’y binubuo sila ng maliit na partido, ngunit may malaking impluwensya sa mga manggagawa; sa susunod ay lalawak sila kapag ang pagsulong ng sosyalistang kamalayan ay nagsimulang maging pangangailangan ang paggawa at ganap na pagmamalasakit sa adhikain ng mamamayan. Kasama ang mga panggitnang liderato sa kategoryang ito, ang mga mabibigat na katungkulan natin ay magagampanan ng may kaunting pagkakamali. Pagkalipas ng panahon ng ligalig at mga maling pamamaraan, nakarating tayo sa makatarungang polisiya na hindi natin dapat mapabayaan. Kalakip ang muling paglakas ng uring manggagawa, na nabubuhay mula sa walang-pagod na daluyan ng ranggo ng magiging Nagkakaisang Partido ng Sosyalistang Rebolusyon, kasama ang liderato ng Partido, lubos nating gagawin ang tungkulin ng pagbubuo ng mga kadre na magtitiyak ng mabilis na pagsulong ng ating rebolusyon. Dapat tayong magtagumpay sa ating mga pagsisikap.


No comments: