Thursday, June 3, 2010

Liham ng pamamaalam ni Che kay Fidel

Liham ng pamamaalam ni Che kay Fidel
Isinalin mula sa Ingles ni Gregorio V. Bituin Jr.
mula sa: https://www.marxists.org/archive/guevara/1965/04/01.htm

Havana, Abril 1, 1965

Fidel,

Naaalala ko ngayon ang maraming bagay: nang una kitang makilala sa bahay ni Maria Antonia, nang inalok mo akong sumama, kasama lahat ng pag-aalala sa paghahanda. Isang araw dumating sila at nagtanong kung sino ang sasabihan kung sakaling mamatay, at ang totoong posibilidad niyon ay tumimo sa ating lahat. Hanggang sa malaman naming totoo pala, na sa isang rebolusyon magwawagi ang isa o mamamatay (kung totoo ito). Maraming kasama ang bumagsak sa pagtahak sa landas ng tagumpay.

Ngayon, ang tono ng maraming bagay ang hindi na gaanong dramatiko, dahil matatanda na tayo, ngunit nauulit ang mga pangyayari. Nararamdaman kong nagampanan ko na ang bahagi ng tungkuling nagtali sa akin sa rebolusyong Cubano sa teritoryo nito, at ako’y nagpapaalam sa iyo, sa ating mga kasama, sa iyong mamamayan, na akin na rin.

Pormal akong umaalis sa aking posisyon sa liderato ng partido, ang aking tungkulin bilang ministro, ang ranggo ko bilang kumander, at ang pagkamamamayang Cubano. Wala nang anumang ligal na nag-uugnay sa akin sa Cuba. Ang tanging nag-uugnay na lamang ay may ibang kalikasan – yaong hindi mababali na di tulad ng pagtatalaga sa tungkulin.

Sa pagsusuri ko sa aking nakaraang buhay, naniniwala kong nagampanan ko ng may sapat na integridad at dedikasyon upang makonsolida ang rebolusyonaryong tagumpay. Ang tanging seryoso kong pagkakamali ay ang kawalan ko ng kumpyansa sa iyo magmula pa noong tayo’y nasa Sierra Maestra, at hindi kaagad naunawaan ang iyong katangian bilang pinuno at rebolusyonaryo.

Nabuhay ako ng maliligayang araw, at sa iyong tabi ipinagmamalaki kong nakabilang ako sa ating mamamayan sa panahon ng napakagaling ngunit malungkot na araw ng krisis (missile) sa Caribbean. Bihira ang mga magagaling na tao ng bayan tulad mo nuong mga panahong iyon. Ipinagmamalaki ko ring sumunod ako sa iyo ng walang pag-aalinlangan, na makilala na tulad ng iyong paraan ng pag-iisip at makita at tumaya sa panganib at prinsipyo.

Ang maraming bansa sa mundo ay tinatawag ako upang tulungan sila. Magagawa ko iyon na hindi mo na magagawa dahil ikaw na namumuno sa Cuba, at dumating na ang panahong dapat na tayong maghiwalay.

Dapat mong malamang ginawa ko ito ng may halong kasiyahan at lungkot. Iniiwan ko rito ang pinakawagas kong pag-asa bilang tagapagtatag at ang iba pang aking pinahahalagahan. At iiwan ko ang mga mamamayang tinanggap ako bilang anak. Ito ang nakasusugat sa isang bahagi ng aking pagkatao. Dadalhin ko sa bagong larangan ang pagtitiwalang itinuro mo sa akin, ang rebolusyonaryong diwa ng aking mamamayan, ang maramdamang mahusay na nagampanan ang pinakamabigat na tungkulin: ang labanan ang imperyalismo saanman ito naroroon. Ito ang nagpapalakas sa akin at nagpapagaling sa malalim mang sugat.

Ipinahahayag kong muli na pinalalaya ko na ang Cuba sa anumang pananagutan, maliban sda mga halibawang kaugnay nito. Kung ang huling oras ko ay nasa ibang bayan ako, ang huli kong iisipin ay ang mga mamamayan dito at lalo na ikaw. Nagpapasalamat ako sa mga itinuro at halimbawa mo, kung saan tatangkain kong maging matapat hanggang sa huling ibuubunga ng aking mga ginawa.

Ako’y nakilala na sa patakarang panlabas ng ating rebolusyon, at nagpapatuloy ako. Saanman ako naroroon, ramdam ko ang pananagutan bilang rebolusyonaryong Cubano, at kikilos ako ng ganoon. Hindi ako nagdaramdam na wala akong naiwang mga materyal na bagay sa aking asawa’t mga anak; masaya akong ganoon ang nangyari. Wala akong hihilingin para sa kanila, dahil ibibigay sa kanila ng estado ang sapat na pangangailangan para mabuhay at makapag-aral.

Marami pa sana akong nais sabihin sa iyo at sa ating mamamayan, ngunit pakiramdam ko’y hindi na ito kailangan. Hindi ko maipahayag sa salita kung anong nais ko para sa kanila, at wala nang dahilan para isulat pa ito.

No comments: