Wednesday, July 28, 2010

Hinggil sa Rebolusyonaryong Medisina - ni Che Guevara

Hinggil sa Rebolusyonaryong Medisina
ni Ernesto “Che” Guevara

Isinalin mula sa Ingles ni Gregorio V. Bituin Jr.

May natatanging interes sa akin ang simpleng pagdiriwang na ito, isa sa daan-daang pampublikong gawain kung saan araw-araw na ipinagdiriwang ng mamamayang Cubano ang kanilang kalagayan, ang pag-unlad ng kanilang mga rebolusyonaryong batas, at ang kanilang pagsulong tungo sa landas ng ganap na kasarinlan.

Halos alam ng lahat na ilang taon na ang nakalilipas nang magsimula ako bilang manggagamot. At nang maging manggagamot ako, nang pinag-aralan ko ang medisina, ang karamihan ng nasasaisip ko ngayon bilang rebolusyonaryo, ay wala pa noon sa akin.

Tulad ng karamihan, nais kong magtagumpay. Pinangarap kong maging kilalang syentista sa pananaliksik medikal; pinangarap kong walang pagod na magtrabaho upang makadiskubre ng anumang bagay na magagamit upang matulungan ang sangkatauhan, ngunit nangangahulugan din ng sariling tagumpay para sa akin. Ako, tulad din ng karamihan sa atin, ay anak ng ating kapaligiran.

Nang makapagtapos ako, dahil na rin sa mga natatanging kalagayan at sa aking ugali, naglakbay ako sa buong Amerika, at nahirati ako sa mga iyon. Maliban sa Haiti at sa Santo Domingo, nabisita ko ang lahat ng iba pang bansa sa Amerika Latina. Dahil sa mga kalagayan kung bakit ako naglakbay, una bilang estudyante at sa huli’y bilang manggagamot, nasaksihan ko mismo ang kahirapan, kagutuman at sakit; ang kawalang kakayahang gamutin ang isang bata dahil sa kawalan ng salapi; nang may pagkatuliro na itinulak ng patuloy na kagutuman at kaparusahan, sa puntong matatanggap ng isang ama ang pagkawala ng kanyang anak bilang walang-halagang sakuna, na karaniwang nangyayari sa mga uring api sa ating lupaing Amerika. At noon ay aking napagtanto na may mga bagay na kasinghalaga na makilala o makapag-ambag sa agham-medikal: nais kong tulungan ang mga taong iyon.

Ngunit nagpatuloy ako, tulad ng pagkakatuloy ng bawat isa sa atin, bilang anak ng ating kapaligiran, at nais kong tulungan ang mga taong iyon sa sarili kong pagsisikap. Marami na akong nalalakbay – nasa Guatemala ako nung mga panahong iyon, ang Guatemala ni Arbenz – at nagsimula akong gumawa ng mga pagtatala upang gumabay sa gawain ng isang rebolusyonaryong manggagamot. Nagsimula akong mag-imbestiga kung anong kinakailangan upang maging rebolusyonaryong manggagamot.

Gayunman, pumutok ang isang agresyon o pananalakay, na pinangunahan ng Kumpanyang United Fruit, ang Kagawaran ng Estado, si Foster Dulles – na sa katunayan ay pare-pareho lang, at ang kanilang de-susing robot, na tinatawag nilang Castillo Armas. Tagumpay ang nasabing pananalakay dahil hindi pa mulat ang mga tao noon, di tulad ng mga tao sa Cuba ngayon. Isang napakainam na araw, tulad din ng iba pang araw na dumaan, ako’y lumisan at tinahak ang landas paalis ng Guatemala, pagkat hindi ko naman bansa iyon.

At bigla kong napagtanto: Upang ang isa’y maging isang rebolusyonaryong manggagamot o kaya’y tuluyang maging rebolusyonaryo, dapat munang magkaroon ng rebolusyon. Ang mga solong pagsisikap, gaano man kadalisay ang pananaw, ay walang silbi, at ang hangaring isakripisyo ang buong buhay sa pinakadakilang kaisipan ay walang patutunguhan kung nag-iisa lang, walang kasama, saanmang sulok ng Amerika, nakikibaka laban sa masamang gobyerno at sa mga panlipunang kalagayang pumipigil sa pag-unlad. Upang makalikha ng rebolusyon, dapat na mag-angkin ang isa ng kung ano mayroon sa Cuba – ang pagpapakilos ng buong sambayanan, na natutong gumamit ng sandata at gamitin ang militanteng pagkakaisa upang maunawaan ang kahalagahan ng sandata at halaga ng pagkakaisa.

Nakarating tayo ngayon sa buod ng problema. Ngayon, ang isa’y may karapatan na at may tungkuling maging isang rebolusyonaryong manggagamot, at ito ‘yung taong ginagamit ang kaalamang teknikal ng kanyang propesyon para sa serbisyo sa rebolusyon at sa mamamayan. Ngunit ngayon, muling lumitaw ang mga dati nang katanungan: Paano ba aktwal na isinasagawa ng isang tao ang gawaing may panlipunang kapakinabangan? Paano ba mapagsasama ng isang tao ang indibidwal na pagpupunyagi sa mga pangangailangan ng lipunan?

Balikan natin ang ating mga buhay, ano ang ginawa natin at iniisip bilang manggagamot, o sa iba pang gawain sa pampublikong kalusugan bago ang rebolusyon. Dapat nating gawin ito ng may sigasig na napakatindi at mapanuri, at dumating na sa kongklusyon na halos lahat ng ating iniisip at nararamdaman sa mga nakaraang panahon ay dapat mailagak sa isang arkibo, at ang bagong tipo ng tao ay malikha. Kung magsisikap ang bawat isa sa atin tungo sa pagperpekto ng bagong tipo ng tao, mas madali para sa mga tao na siya’y likhain at gawin siyang halimbawa ng buong Cuba.

Mabuti nang napagdiinan ko sa inyo, kayong naninirahan sa Havana na naririto ngayon, ang kaisipang ito: sa Cuba, may bagong tipo ng tao ang nililikha, na di natin ganap na kinalulugdan dito sa kapitolyo, ngunit matatagpuan sa bawat sulok ng bansa. Sa inyong mga nagtungo sa Sierra Maestra noong ika-dalawampu’t anim ng Hulyo ang nakasaksi sa dalawang bagay na hindi natin ganap na batid. Una, isang hukbo na may mga pala at piko, isang hukbo na ang ipinagmamalaki ay ang makapagmartsa sa mga makabayang pagtitipon sa Oriente habang nakataas na tangan ang mga pala’t piko, habang ang kanilang mga kasamang kawal ay nagmartsa tangan ang riple. Ngunit maaaring nakita n’yo ang mas mahalaga. Nakita n’yo marahil ang mga batang ang pangangatawan ay tila nasa walo o siyam na taong gulang, gayong sila’y nasa labintatlo o labing-apat na taong gulang na. Sila ang mga totoong kabataan ng Sierra Maestra, ang mga totoong anak ng kagutuman at kaapihan. Sila ang mga nilikha ng malnutrisyon.

Dito sa munting Cuba, na may apat o limang tsanel ng telebisyon, at dalawang daang himpilan ng radyo, sa lahat ng pagsulong ng modernong agham, kapag dumating ang mga batang iyon ng gabi sa paaralan sa unang pagkakataon at nakita ang mga ilaw-dagitab, sasabihin nilang napakababa ng mga bituin sa gabing yaon. At ang mga batang iyon, na karamihan ay nakita na ninyo, ay natututo sa mga kolektibong paaralan ng mga kasanayan sa pagbabasa hanggang sa pagpapalitan ng kalakal, at maging ang napakahirap na syensya ng pagiging rebolusyonaryo.

Sila ang mga bagong tao na ipinapanganak sa Cuba. Ipinapanganak sila sa mga liblib na pook sa iba’t ibang bahagi ng Sierra Maestra, sa mga kooperatiba at lunduyan ng paggawa. At lahat ng ito’y may kinalaman sa paksang ating tinatalakay ngayon, ang pagsama ng mga doktor at iba pang manggagawang mediko sa kilusang rebolusyonaryo. Ang tungkuling turuan at pakainin ang mga kabataan, ang tungkuling turuan ang hukbo, ang tungkuling ipamahagi ang lupa ng dating mga panginoong maylupa sa mga naglinang ng lupang yaon araw-araw ng walang natatanggap na benepisyo, ay mga nagawa ng panlipunang medisina na nangyayari ngayon sa Cuba.

Ang batayan ng mga prinsipyo ng paglaban sa mga sakit ay ang paglikha ng matipunong pangangatawan, ngunit hindi paglikha ng matipunong pangangatawan dahil sa makasining na paglikha ng doktor sa mahinang organismo; kundi paglikha ng matipunong pangangatawan sa pamamagitan ng buong kolektibidad o sama-sama, sa buong panlipunang kolektibidad.

Kung gayon, balang araw, ang medisina’y magiging isang syensyang nagsisilbi sa pagpigil ng sakit at paliwanagan ang publiko hinggil sa mga tungkuling medikal nito. Ang medisina’y dapat makialam lamang sa mga kaso ng matinding pangangailangan, sa pagtitistis o anumang bagay na labas sa kasanayan ng mga tao sa nililikha nating bagong lipunan.

Ang mga gawaing ipinagkatiwala ngayon sa Kagawaran ng Kalusugan at mga katulad na samahan ay ang ipagkaloob sa publiko ang mga serbisyong pangkalusugan sa pinakamalaking posibleng bilang ng tao, magtatag ng programa para sa prebentibong medisina, at pamihasain ang publiko sa gawaing kalinisan.

Ngunit sa gawaing ito ng organisasyon, tulad ng lahat ng rebolusyonaryong tungkulin, pangunahin na ang tao ang nangangailangan. Sinasabi ng iba na hindi ginawang pamantayan ng rebolusyon ang kolektibong hangarin at kolektibong inisyatiba. Ang totoo, pinalalaya ng rebolusyon ang angking talino ng tao. Ang ginagawa ng rebolusyon ay iangkop ang talinong ito. At ang tungkulin natin ngayon ay iangkop ang malikhaing kakayanan ng lahat ng propesyunal na mediko tungo sa mga tungkulin sa panlipunang medisina.

Tayo’y nasa pagtatapos ng isang panahon, hindi lamang dito sa Cuba. Anumang asahan o sabihin sa kabila nito, ang anyo ng kapitalismong alam natin, na kinalakihan natin, na sa ilalim nito’y nagdusa tayo, ay nagagapi na sa iba’t ibang panig ng mundo. Ang mga monopolyo’y ibinabagsak; ang kolektibong syensya’y nagbibigay ng bago at mahahalagang tagumpay araw-araw. Sa Amerikas, tayo’y may ipinagmamalaki at nakalaang tungkulin bilang taliba ng kilusang mapagpalaya na matagal nang nagsimula sa ibang nasakop na mga kontinente, ang Aprika at ang Asya. Ang masisidhing panlipunang pagbabagong iyon ay nangangailangan din ng masidhing pagbabago sa kaisipan ng tao.

Dapat mawala sa Cuba ang indibidwalismo, na isang solong akto ng indibidwal sa lipunan. Sa hinaharap, ang indibidwalismo’y yaong may kakayahang gamitin ang buong indibidwal para sa ganap na kapakinabangan ng lahat. Hindi sapat na maunawaan ito ngayon, na maunawaan n’yo ang lahat ng aking sinabi at handang alalahanin ang ilan sa kasalukuyan at nakaraan at kung ano ang hinaharap. Upang mabago ang paraan ng pag-iisip, kinakailangang dumaan sa masidhing pagbabago sa loob at masaksihan ang masidhing pagbabago sa panlabas, lalo na sa paggampan ng ating mga tungkulin at gawain sa lipunan.

Araw-araw na nangyayari sa Cuba ang mga panlabas na pagbabagong ito. Isang paraan upang makilala ang Rebolusyon at malaman ang nakalaang lakas nito, habang nakaidlip kasama ang mga tao, ay ang pasyalan ang buong Cuba at tingnan ang mga itinatag na kooperatiba at lunduyan ng paggawa. At isang paraan upang makarating sa puso ng usaping medikal ay hindi lamang bumisita at makisalamuha sa mga taong nagtatag ng mga kooperatiba at lunduyan ng paggawa, kundi ang malaman kung ano ang sakit nila, kung anong pinagdurusahan nila, kung ano ang kanilang mga talamak na hirap na dinanas ng ilang taon, at ano ang ipinamana ng libu-libong taon ng pagkaapi at pananakop. Ang mga doktor, ang mga manggagawang mediko, ay dapat makarating sa ubod ng kanyang bagong trabaho na ang tao’y nakapaloob sa masa, na ang tao’y nakapaloob sa kolektibo.

Lagi, anuman ang mangyari sa mundo, napakalapit ng doktor sa kanyang pasyente at alam ang iniisip nito. Pagkat siya ang umaatake sa nararamdamang hapdi at nagpapagaan dito, napakahalaga ng kanyang tungkulin at pananagutan sa lipunan.

Ilang buwan na ang nakararaan, dito sa Havana, nangyari na isang pangkat ng mga bagong gradweyt na doktor ang ayaw pumunta sa mga liblib na pook, at humiling na bayaran muna sila bago sila sumang-ayong pumunta roon. Sa pananaw sa nakaraan, ito ang pinakalohikal na bagay na nagaganap sa mundo, kaya’t nauunawaan ko ito. Nagbabalik sa aking isipan kung sino ako at anong aking iniisip ilang taon na ang nakararaan. Ang nangyari sa akin ay kwento ng isang mandirigmang nagrebelde, isang solong mandirigmang nagnanais matiyak ang magandang hinaharap, magandang kalagayan, at matiyak ang mabisang pangangailangan para sa tao.

Ngunit anong maaaring mangyari kung imbes na ang mga kabataang ito na ang pamilya’y kayang magbayad para sa kanilang ilang taon ng pag-aaral, ang mga di-gaanong mapalad ay nakatapos din ng pag-aaral at nagsimula nang gampanan ang kanilang propesyon? Anong maaaring mangyari kung dalawa o tatlong daang pesante ang lumitaw, sabihin nating madyik, mula sa bulwagan ng unibersidad?

Sa simple, mangyayari na tutulungan ng mga pesante ang kanilang mga kapatid. Agad nilang iminumungkahi na ibigay sa kanila kahit ang mabibigat na trabaho upang ipakita na ang ilang taon nilang pag-aaral ay nagbunga ng maganda. Ang mangyayari’y mangyayari rin sa anim o pitong taon kapag ang mga bagong estudyante, anak ng manggagawa’t pesante, ay nakapagtapos din ng iba’t ibang kurso.

Ngunit di natin dapat tingnan ang hinaharap ng may patalismo (isiping tanggap agad ang panganib o kamatayan) at ibukod ang lahat ng tao sa anak ng uring manggagawa’t pesante o mga kontra-rebolusyonaryo, dahil ito’y payak, dahil hindi ito totoo, at dahil walang naituturo sa isang marangal na tao higit pa sa nabubuhay sa rebolusyon. Walang sinuman sa amin, wala sa pangkat na dumating sa Granma, na nanahan sa Sierra Maestra at natutunang igalang ang mga pesante at manggagawang nabubuhay kasama nila, ang mula sa pamilya ng uring manggagawa o pesante. Kaya merong kailangang magtrabaho dahil sa kasalatan nuong bata pa sila; ngunit ang kagutuman, na tinatawag kong totoong kagutuman, ay hindi naranasan ng sinuman sa amin. Ngunit nalaman namin ito sa dalawang taon namin sa Sierra Maestra. At maraming bagay pa ang nagbigay-liwanag sa amin.

Kami, na noong una’y namamarusa sa sinumang gagalaw sa pag-aari ng kahit mayamang pesante o panginoong maylupa, ang nagdala ng sampung libong ulo ng baka sa Sierra isang araw at payak na sinabi sa mga pesante, “Kain kayo.” At ang mga pesante ay nakatikim ng baka sa unang pagkakataon sa nakaraang mga taon, ang ilan ay una pa lang nilang natikman ito sa buong buhay nila.

Sa panahong iyon ng armadong pakikibaka, nawala ang aming paggalang sa sagradong karapatan sa pag-aari ng sampung libong ulo ng mga bakang iyon; kaming hindi nagmula sa uring manggagawa o sa pesante. At sasabihin ba namin sa apat na hangin, kaming may mga pribilehiyo, na hindi ito matututunan ng mga mamamayan ng Cuba? Oo, matututunan din nila ito, gayundin naman, hinihingi ng Rebolusyon ngayon na matutunan din nila ito, hinihinging maunawaan nila ito ng mabuti na mas mahalaga pa ito kaysa anumang salapi, at maipagmalaki ang pagsisilbi sa kapwa; na ito’y mas makahulugan at panghabambuhay kaysa lahat ng gintong makakamal, ay kilalanin ng mamamayan. At sa bawat doktor, sa loob ng kanyang ginagalawan, ay dapat kunin at makamtan ang mahalagang yamang iyon, ang pagkilala ng kanyang mamamayan.

Kaya simulan nating pawiin ang mga dating kaisipan at umpisahan nating mapalapit sa mga tao at matuto sa kanila. Pakitunguhan natin sila ng hindi tulad ng dati. Kaya’t sasabihin ninyo, “Hindi. Nais namin ang mamamayan. Masarap makihalubilo sa manggagawa at magsasaka, at nagtutungo ako rito tuwing Linggo upang tingnan ito at iyon.” Nagawa ito ng bawat isa. Ngunit nagawa ito sa pamamagitan ng paglilimos (charity), at ginagawa natin ito ngayon dahil sa pagkakaisa. Hindi tayo pupunta sa taumbayan at sasabihing, “Naririto kami. Pumarito kami upang magbigay ng limos, upang turuan kayo ng aming agham, upang ituro ang inyong mga kamalian, ang kawalan ninyo ng kultura, ang pagiging mangmang o ignorante n’yo sa mga simpleng bagay.” Pupuntahan natin sila nang may kaisipang mapagtanong at may diwang mapagkumbaba upang matuto sa pinanggalingan ng mga dakilang kaalaman at iyon ang mga tao.

Sa susunod ay mapapagtanto natin ng maraming ulit kung paano tayo nagkamali sa mga nakasanayang pananaw, na sila’y naging bahagi na natin at ng ating kaisipan. Kadalasan, dapat nating baguhin ang ating pananaw, hindi lamang pangkalahatang pananaw, yaong panlipunan at pampilosopiya, kundi minsan maging ang ating pananaw sa pangkalusugan.

Makikita natin na ang mga sakit ay hindi laging dapat gamutin tulad ng sa malalaking ospital sa lunsod. Makikita natin ang doktor ay dapat maging magsasaka rin at magtanim ng mga bagong pagkain at magpunla, halimbawa, ng mga hangaring kumain ng bagong pagkain, pag-iiba-iba ng mga balangkas ng pagkain sa Cuba, na napakakaunti, napakadalita, sa isa sa pinakamayamang bansa sa mundo, sa pansakahan at sa kakayanan. Makikita natin, kung gayon, sa mga ganitong kalagayan kung paanong dapat tayong maging tagapagturo – at sa bawat panahon ay magturo. Kinakailangan ding tayo’y maging pulitiko rin, at ang una nating dapat gawin ay huwag pumunta sa tao na iginigiit ang ating kaisipan. Pupuntahan natin sila upang ipakitang natututo rin tayo kasabay nila, na sama-sama ay magagawa nating matindi at maganda ang ating sinimulan: ang pagtatatag ng bagong Cuba.

Maraming hakbang na ang nagawa. May distansya na hindi masusulat ng kaparaanang kumbensyunal sa pagitan ng unang araw ng Enero 1959 at ngayon. Nauunawaan ng mayorya ng mamamayan noon pa na hindi lamang isang diktador ang bumagsak, kundi pati ang sistema. At ngayon ay dapat malaman ng tao na mula sa pagguho ng bulok na sistema ay itatatag natin ang bagong sistemang magbibigay ng tunay na kasiyahan sa mga tao.

Natatandaan ko pa na nuong mga nakaraang taon ay dumating si kasamang Guillên mula sa Argentina. Siya pa rin ang dakilang makatang kilala natin ngayon, bagamat naisalin na sa ibang wika ang kanyang mga aklat, pagkat dumarami ang mga bagong mambabasa ng kanyang aklat araw-araw sa lahat ng wika sa mundo. Ngunit ang siya noon ay siya pa rin ngayon. Gayunman, mahirap para kay Guillên na basahin ang kanyang mga tula rito, na kilalang mga tula, mga tula ng sambayanan, pagkat ito’y nalikha nuong unang yugto, ng yugto ng mga masasamang kaisipan. At walang sinuman ang tumigil sa pag-iisip nito sa mga nagdaang taon, nang may patuloy na dedikasyon, inilaan ng makatang Guillên ang kanyang natatanging galing sa pagtula para sa kapakanan ng mga tao at sa kapakanan ng kanyang paniniwala. Nakita siya ng mga tao, hindi bilang bantog sa Cuba, kundi bilang kinatawan ng isang ipinagbabawal na partido pulitikal.

Ngunit lahat ng iyon ay nalimutan na ngayon. Nalaman naming walang paghahati dahil sa iba’t ibang pananaw ng iba’t ibang panloob na istruktura ng ating bansa kung tayo’y may iisang kaaway at iisang tunguhin. Ang dapat nating pagkaisahan ay kung meron nga o wala tayong iisang kaaway at kung tinatangka ba natin o hindi na makarating sa iisang patutunguhan.

Ngunit kumbinsido tayong may iisang kaaway. Walang isa man ang titingin-tingin kung may iba bang nakarinig – marahil ilang ahente ng embahada na magpapasa ng impormasyon – bago magbigay ng pananaw laban sa mga monopolyo, bago malinaw na sasabihing, “Ang ating kaaway, at ang kaaway ng buong Amerika, ay ang monopolistikong gobyerno ng Nagkakaisang Estado ng Amerika.” Kung alam ng karamihan ngayon na ito ang kaaway, malalaman din na sinuman ang lumalaban sa kaaway na iyon ay may pagkakatulad sa atin, kaya dadako ako sa ikalawang bahagi. Saan at ngayon, para sa Cuba, ano ang ating tunguhin? Ano ang gusto natin? Gusto ba natin o hindi ang kasiyahan ng mga tao? Tayo ba’y lumalaban o hindi sa ganap na kalayaan sa pangkabuhayan ng Cuba?

Tayo ba’y nakikibaka o hindi upang maging bansang malaya kasama ang iba pang bansang malaya, nang hindi sumasama sa anumang blokeng pangmilitar, nang hindi na dapat kumunsulta sa embahada ng sinumang makapangyarihang bansa hinggil sa mga panloob o panlabas na gampaning gagawin dito? Kung ipamamahagi natin ang mga pag-aari ng mga mayayaman sa mga mahihirap, kung gagawin nating ang paglikha ay isang pang-araw-araw na pinanggagalingan ng ating kasiyahan, kung gayon, may patutunguhan na ang ating mga ginagawa. At sinumang may adhikain tulad natin ay ating kaibigan. Kung siya’y may ibang pananaw, kasama man siya ng ibang organisasyon, ay maliit na bagay lamang.

Sa harap ng matinding panganib, sa harap ng matinding pagkabahala at masidhing paglikha, ang mahalaga ay kung sino ang matitinding kaaway at ang dakilang adhikain. Kung lahat tayo’y nagkakaisa, kung alam na natin ngayon kung saan tayo patungo – at bayaan n’yong malumbay ang mga nagiging dahilan ng lumbay – ay simulan natin ang ating trabaho.

Sinasabi ko sa inyo na upang maging rebolusyonaryo, dapat muna kayong magka-rebolusyon. Meron na tayo nito. Susunod, dapat n’yong malaman kung sino ang makakasama n’yo sa trabaho. Palagay ko’y di pa tayo ganap na magkakakilala, at dapat pa nating tahakin sumandali ang landas na iyon. Tinatanong n’yo ako kung anong behikulo upang makilala ang mga tao maliban sa behikulo ng pananahan sa mga kooperatiba at gumagawa kasama nila. Hindi lahat ay magagawa ito, at maraming lugar na napakahalaga ng presensya ng isang manggagawang mediko. Masasabi kong ang mga rebolusyonaryong militia ang isa sa dakilang patunay ng pagkakaisa ng mamamayang Cubano. Nagbigay ng bagong tungkulin ang militia sa doktor at inihahanda niya ito, sa ilang panahon, sa isang malungkot at halos nakamamatay na katotohanan sa Cuba at ito yaong maging biktima tayo ng armadong atake ng matinding hininga.

Sinasabi ko sa inyo na ang doktor, sa gawain nito bilang kawal at rebolusyonaryo, ay mananatiling doktor. Hindi na dapat maulit ang mga pagkakamali natin sa Sierra. O kaya’y hindi ito pagkakamali, ngunit ito ang alam ng mga kasamang mediko nuong panahong iyon. Batik sa karangalan namin na manatili sa tabi ng nasugatang tao o ng maysakit, at maghahanap kami ng anumang paraan na makapang-agaw ng riple at patunayan sa harap ng labanan ang aming kayang gawin.

Iba na ang kalagayan ngayon, at ang binubuong mga bagong hukbong magtatanggol sa bansa ay dapat maging mga hukbong may iba’t ibang taktika. Napakahalaga ng doktor sa plano ng bagong hukbo. Dapat siyang magpatuloy bilang doktor dahil ito ang isa sa pinakamagandang tungkulin at isa sa pinakamahalaga sa isang digmaan. Napakahalaga hindi lamang ng doktor, kundi pati na rin ang mga nars, mga teknisyan sa laboratoryo, lahat ng inilaan na ang buhay sa napakamakataong propesyon na ito.

Bagamat alam natin ang mga nakatagong panganib at naghahanda tayo para masugpo ang anumang pagsalakay, dapat nating tigilan ang pag-iisip tungkol dito. Kung ang pinagtutuunan natin ng pansin ay ang paghahanda sa digmaan, di natin mabibigyan ng kaukulang pagpapahalaga ang mga malikhaing gawain. Lahat ng gawain at salaping ginamit para sa aksyong militar ay pag-aaksaya ng trabaho at salapi. Gayunman, ginagawa natin ito dahil may ibang naghahanda. Ngunit sinasabi ko ng buong katapatan bilang isang kawal, ang nakalulungkot para sa akin ay makita ang ating salapi na lumalabas sa kabang-yaman ng Pambansang Bangko para lamang ipambayad sa mga armas.

Gayunman, may gawain ang militia sa panahon ng kapayapaan: ang mga militia sa mga mataong pook ang magsisilbing tagapagkaisa ng mamamayan. Dapat pairalin ang matinding pagkakaisa na nasabi sa akin ay pinaiiral ng militia sa mga doktor. Sa panahon ng panganib, agad silang pupunta upang ayusin ang problema ng mga mahihirap na mamamayan ng Cuba. Ngunit nagbibigay din ng oportunidad ang militia na mamuhay ng sama-sama, kasama’t pantay dahil sa uniporme, ng mga tao mula sa iba’t ibang uring panlipunan sa Cuba.

Kung kaming mga manggagawang mediko – at pahintulutan nyong gamitin kong muli ang titulong ito na nalimutan ko na ng matagal na panahon – ang magtagumpay, kung gagamitin natin ang bagong armas na ito ng pagkakaisa, kung batid natin ang ating patutunguhan, batid kung sinong kaaway, at batid ang landas na ating tatahakin, ang natitira na lang na dapat nating alamin ay ang bahagi ng landas na dapat tahakin bawat araw. At walang sinuman ang magpapakita sa atin ng landas na iyon; ang bahaging iyon ay ang sariling paglalakbay ng bawat indibidwal. Iyon ang gagawin niya bawat araw, ang anumang makakamit niya mula sa kanyang sariling mga karanasan, at ano ang kanyang ibabahagi sa paggampan ng kanyang propesyon, na nakatalaga sa kagalingan ng mamamayan.

Ngayong nasa atin na ang mga salik sa ating pagmartsa tungo sa hinaharap, tandaan natin ang payo ni Marti. Bagamat ngayong sandaling ito’y di ko iyon alintana, dapat itong patuloy na sundin ng bawat isa. Ang tamang paraan ng pagpapahayag ay ang paggawa. Halina’t tayo nang sumulong tungo sa kinabukasan ng Cuba.

No comments: