Sa kanyang akdang “Hinggil sa Matagalang Digmaan (Mayo 1938), isinagawa ni Mao ang isang mas diyalektikal na pormulasyon ng sintesis na ito: “...ang pakikibaka sa mga kampanya at labanan ay isa sa ‘mabilisang pagpapasya sa labanang opensiba sa mga panlabas na linya’. Kasalungat ito ng ating istratehikong prinsipyo ng ‘matagalang depensibang labanan sa panloob na linya’, gayunpaman iyon ay di maiiwasang prinsipyo ng pagsasagawa ng istratehiyang ito. Kung gagamitin natin ang ‘matagalang depensibang labanan sa panloob na linya’ bilang isa sa mga prinsipyo para rin sa mga kampanya at labanan, tulad ng ginawa natin noong Digmaan ng Pagtutol, ito’y hindi lubusang nababagay sa mga pagkakataon kung saan malakas ang kaaway at mahina tayo; sa ganoong kaso, hindi natin makakamit ang ating istratehikong layunin ng matagalang digmaan at tayo’y matatalo ng mga kaaway... Ang prinsipyong ito ng ‘mabilisang pagpapasya sa labanang opensiba sa mga panlabas na linya’ ay magagamit at dapat magamit sa labanang gerilya o maging sa labanang regular. Magagamit ito hindi lamang sa alinmang isang yugto ng digmaan kundi sa buong kaganapan.”
Napakaliwanag dito ng teyorya ng matagalang digmaan ni Mao. Una, ang matagalang digmaan ay hindi simpleng reyalisasyon na ang digmaan ay pangmatagalan kundi isang malinaw at tiyak na sitratehiya ng labanan tulad din ng ang istratehikong depensiba ay hindi simpleng pagsasalarawan ng isang makasaysayang yugto ng pagsulong ng digmaan ngunit isang depinido at kumpletong porma ng istratehiya sa paglulunsad ng matagalang digmaan. Ito’y kapwa isang kalagayan at isang patakaran. Ikalawa, ang istratehikong depensiba ay paglilinaw ng katagalan ng digmaan, at kasabay noon, bilang depinidong istratehiya ng matagalang digmaan, ang siyang paraan upang iwaksi ang mga kondisyon para sa ganuong katagalan. Ikatlo, ang istratehikong depensiba ay isang depenidong istratehiya sa matagalang digmaan ay isa sa ‘mabilisang pagpapasya sa labanang opensiba sa mga panlabas na linya’ sa loob ng balangkas ng istratehikong prinsipyo ng ‘matagalang depensibang labanan sa panloob na linya’ at ang una ang di maiiwasang prinsipyo upang maisagawa ng huli. Ikaapat, kung walang ‘mabilisang pagpapasya sa labanang opensiba sa mga panlabas na linya’ sa loob ng istratehiya ng ‘matagalang depensibang labanan sa panloob na linya’, hindi tayo aktibong makakaangkop, sa pagtinging militar, at makasusulong sa ilalim ng kondisyon kung saan malakas ang kaaway at mahina tayo, at di matatamo ang atin istratehikong layunin ng isang matagalang digmaan, ang pagbabago ng ating sarili tungo sa isang malaki at malakas na Hukbong Bayan habang nililipol at pinahihina ang kaaway, at sa huli’y matatalo tayo ng sukdulang katagalan ng digmaan.
Di makakamit ang mabilisang pagpapasya ng dahil gusto lang, at nangangailangan si Mao ng maramig ispesipikong kondisyon para rito. Ang pangunahing mga kinakailangan ay: sapat na paghahanda, sunggaban ang tamang pagkakataon, konsentrasyon ng superyor na pwersa, pagkubkob at taktika ng pag-ikot, paborableng kalupaan, at birahin ang kaaway sa kanyang pagkilos, o kung siya’y pirmes ngunit hindi pa napapatibay ang kanyang mga posisyon. Hangga’t hindi nakakamit ang ganitong mga sitwasyon, ayon kay Mao, imposibleng matamo ang mabilisang pagpapasya sa isang kampanya o labanan.
Kasama sa mga pangangailangang ito, ang konsentrasyon ng pwersa ang isa sa pinakamahalaga at pinakapangunahin. Sa pagtataguyod ng operasyunal na prinsipyong ‘mabilisang pagpapasya sa labanang opensiba sa mga panlabas na linya’ sa Digmaan ng Pagtutol Laban sa Hapon, sinabi ni Mao: ”Iyan ang dahilan kung bakit lagi nating isinusulong ang pagkakaorganisa ng mga pwersa sa buong bansa sa malalaking bilang ng hukbo sa larangan, ang bawat isa’y nakapwesto kontra sa kaaway ang bawat mga hukbo sa larangan ngunit mayroong kalakasang doble, tatlo o apat na ulit, at kaya pinapanatili natin ang mga kaaway na nakikipaghamok sa malawak na tanghalan ng digmaan sang-ayon sa mga prinsipyong binalangkas sa itaas.”
Sa ating sariling karanasan, ang mga prinsipyo ng mabilisang pagpapasya ay tanging ginamit sa ating mga taktikal na opensiba na sa pangunahin ay “makilos na aksyong gerilya” sa anyo ng maliitang pananambang at pagsalakay. Sa teyorya ni Mao, ang prinsipyo ng mabiisang pagpapasya ay ginagamit hindi lamang sa mga ispesipikong labanan kundi sa mga kampanya rin. Ayon kay Mao: “Ang pagdurog sa kaaway ‘pagkubkob at paniniil’ ay isang mayor na kampanya, ngunit ang prinsipyo ng mabilisang pagpapasya at hindi yaong katagalan ng digmaan ang nagagamit pa rin. Para sa dami ng tao, ang pagiging matagal ng digmaan ay di angkop sa rekursong pinansyal at lakas-militar ng isang baseng pook.
Tinukoy ni Mao ang mga karanasan ng Pulang Hukbo sa kanyang limang kontra-kampanya upang ilarawan ang paggamit ng prinsipyong ito ng mabilisang pagpapasya. Ayon kay Mao: “Ang pagdurog sa unang kaaway sa kanilang kampanyang ‘pagkubkob at paniniil ng kaaway’ sa Lalawigan ng Kiangsi ay naganap lang ng isang linggo mula sa unang sagupaan hanggang sa huli; ang ikalawa’y bahagya nang nadurog sa loob ng dalawang linggo; ang ikatlo’y tumagal ng tatlong buwan bago ito nadurog; ang ikaapat ay inabot ng tatlong linggo; at ang ikalima’y pinahirapan tayo’t inabot ng isang taon. Nang napilitan tayong pasukin ang pagkubkob ng kaaway matapos ang kabiguang durugin ang kanyang ikalimang kampanya, nakita ang ating wala sa katwirang pagmamadali.” Sa lahat ng mga kampanya at kontra-kampanyang ito, dapat itala na ang sentrong liderato ng CCP ay nasa mga kamay ng halu-halong ‘Kaliwa’ at Kanang Oportunista, gayunman nadurog ng mabilisang pagpapasya ng Pulang Hukbo ang ikaapat na kampanya ng kaaway. Sa ating matagalang digmaan, sa pangunahin, hindi naman talaga natin ‘nadudurog’ ang kampanya ng kaaway kundi “pinipigilan” lang natin ang kaaway sa kanyang “pagsuntok sa hangin”.
Sa kabila ng kabiguan ng ikalimang kontra-kampanya, iginiit ni Mao ang prinsipyo ng pagpapaikli ng tagal ng kampanya sa pamamagitan ng anumang posibleng pamamaraan, at ayon sa kanya: “Ang kampanya at mga plano sa labanan ay kinakailangan sa ating maksimum na pagsisikap sa konsentrasyon ng hukbo, labanang makilos, at iba pa, at iba pa, upang matiyak ang pagkawasak ng epektibong lakas ng kaaway sa mga panloob na linya (samakatwid, sa baseng pook) at ang agarang pagkatalo ng kanyang kampanyang ‘pagkubkob at paniniil’, at bilang katunayan na hindi nawakasan ang kampanya sa ating panloob na linya, dapat nating gamitin ang pangunahing pwersa ng Pulang Hukbo upang pasukin ang pagkubkob ng kaaway at lumipat sa ating panlabas na linya (samakatwid, sa panloob na linya ng kaaway) upang matalo natin siya doon. Ngayong umuunlad na ang kanyang labanang kuta-kuta sa mataas na antas, ito na ang ating magiging karaniwang paraan ng operasyon.” Dito’y pinauunlad na ni Mao ang prinsipyo ng “mabilisang pagpapasya sa labanang opensiba sa mga panlabas na linya” sa loob ng “matagalang depensibang labanan sa panloob na linya” na pinakawalan niya laban sa mga mananalakay na Hapon noong Digmaan ng Pagtutol.
Ang isang regular na Pulang Hukbo na kumikilos sa pamamagitan ng pagkonsentra ng pwersa nito, ginagamit ang regular na operasyong makilos bilang pangunahing anyo ng pakikipaglaban, at pagtitipon ng lakas sa pamamagitan ng mga kampanya at labanan ng mabilisang pagpapasiya – ito ang teyorya ng matagalang digmaan ni Mao. Ang lahat ng batayang prinsipyong operasyunal na ito ay nakatutok at dinisenyo sa layuning ipreserba ang pwersa at madurog ang kaaway sa isang matagalang digmaan.
Ayon kay Mao: “Ang prinsipyo ng pagpreserba ng sarili at pagdurog sa kaaway ang batayan ng lahat ng prinsipyong militar.” Hindi tayo nasa matagalang digmaan upang ipreserba lamang ang ating sarili sa di matapos-tapos na labanan. Pinepreserba natin ang ating sarili sa paraan ng aktibong depensa sa pamamagitan ng pagdurog sa kaaway at pinepreserba natin ang ating sarili sa iisang layunin na durugin ang kaaway sa paraan ng opensibang labanan at pagtapos sa malupit na digmaang ito.
Ang batayang punto ay kung sa anong anyo natin madudurog at matatalo ang kaaway sa isang matagalang digmaan. Sa ganito, may napakalinaw at walang pasubaling tugon si Mao, sa pamamagitan ng digmaang ubusan.
Ayon kay Mao: “Para sa Pulang Hukbo na kinukuha halos lahat ng suplay nila mula sa kaaway, digmaang ubusan ang saligang patakaran. Tanging sa pag-ubos sa epektibong lakas ng kaaway natin madudurog ang kanyang kampanyang ‘pagkubkob at paniniil’ at pagpapalawak ng ating mga rebolusyonaryong baseng pook... Ang isang laban kung saan natalo ang kaaway sa pangunahin ay di mapagpasya sa isang paligsahang napakalakas ng kaaway. Ang isang digmaang ubusan, sa kabilang banda, ay nagdudulot ng malakas at agarang epekto sa sinumang kaaway. Ang pinsala ng lahat ng sampung daliri ng tao ay di kasing-epektibo ng pagputol ng isang daliri, at ang pagtalo sa sampung dibisyon ng kaaway ay di kasing-epektibo ng pag-ubos sa isang dibisyon.” Sa ating 25 taon ng matagalang digmaan, wala tayong naubos ng kahit isang kumpanya ng kaaway bilang isang mahalagang sangay ng isang batalyon ng kaaway, tulad din ng batalyong impantriya ng kaaway bilang isang mahalagang sangay ng isang brigada o dibisyon ng AFP. Nakapatay tayo, sa nakalipas na 25 taon, ng libu-libong sundalo ng kaaway sa paraan ng labanang gerilya, sa paraan ng digmaang lagasan, ngunit “nalipol” lang natin sila bilang isang indibidwal, bilang isang tilap (iskwad), at sa madalang na pagkakataon, isang platun, at sila’y madaling napupunan ng kani-kanilang inang sangay.
Ayon kay Mao: “Ang ating patakaran sa pakikitungo sa kampanyang una, ikalawa, ikatlo at ikaapat na ‘pagkubkob at paniniil’ ng kaaway ay digmaang ubusan. Ang mga pwersang nalipol sa bawat kampanya ay isang bahagi lang ng kabuuan niyang lakas, datapwat lahat ng kampanyang ‘pagkubkob at paniniil’ ay nadurog. Gayunman, sa ating ikalimang kontra-kampanya, ang sinundan natin ay salungat na patakaran, na sa katunayan ay nakatulong sa kaaway na makamit ang kanyang layunin.”
Sa unang kontra-kampanya, matagumpay na nadurog ng Pulang Hukbo ang dalawang brigada ng kaaway at ang dibisyunal na punong himpilan nito, nilipol ang buong pwersa ng 9,000 kawal at pagdakip sa mismong kumander ng dibisyon, nang walang nakatakas kahit isang tao o kabayo. Ang isang tagumpay na ito’y nagbigay-takot sa dalawa pang dibisyon ng kaaway upang tumungo sa pabugso-bugsong pagtakas. Tinugis ng Pulang Hukbo ang isa sa mga dibisyon at nilipol ang kalahati nito. Sa takot na matalo, lahat ng pwersa ng kaaway ay nagkandarapang nag-atrasan.
Sa ikalawang kontra-kampanya, limang sagupaan ang hinarap ng Pulang Hukbo, na sa loob ng labinlimang araw ay nagmartsa ng pitundaang li (1085.860544482 kilometro - ang 1 li ay katumbas ng 1.55122934926 kilometro), nakuha nila ang mahigit 20,000 riple at paikot na nadurog ang kampanya ng kaaway. Isang buwan ang agwat sa pagitan ng pagtatapos ng ikalawang kampanya ng kaaway at pagsisimula ng ikatlo. Ang Pulang Hukbo (na nasa 30,000 katao), na hindi na nagpapahinga o nagpapalit ng tao, ay nag-iba ng daan ng isanglibong li (1551.22934926 kilometro) patungong kanluraning bahagi ng baseng pook ng katimugang Kiangsi.
Sa ikatlong kampanya, nag-abang ang kaaway mula sa iba’t ibang direksyon. Matapos ang kinakailangang depensibang maniobra, sinimulan nito ang kontra-opensiba. Inilunsad nito ang tatlong magkakasunod na labanan laban sa tatlong magkakaibang dibisyon at nagtagumpay sa tatlong labanan iayon at nakakuha ng higit 10,000 riple. Sa puntong ito, lahat ng mga pangunahing pwersa ng kaaway ay nagmaniobra at nagsama-sama para maghanda sa labanan. Nagtungo sa matataas na kabundukan ang Pulang Hukbo. Nang malaman ito ng kaaway at nagtangkang tumugis, nakapahinga na ng dalawang linggo ang Pulang Hukbo samantalang ang pwersa ng kaaway ay gutom, pagod at demoralisado, kay nagpasya itong umatras. Sinunggaban ng Pulang Hukbo ang pagkakataon at nilipol ang isang buong dibisyon at ang isang brigada ng isa pang dibisyon. Sa ikaapat na kontra-kampanya, sa unang sagupaan pa lang ay nilipol ng Pulang Hukbo ang dalawang dibisyon sa isang hataw lang, at habang tinatangka ng kaaway na magpadala ng karagdagang tropa, nilipol naman ng Pulang Hukbo ang isa pang dibisyon. Sa dalawang sagupaang ito, nakakuha ang Pulang Hukbo ng mahigit 10,000 riple, at sa pangunahin, ay nadurog ang kampanya ng kaaway.
No comments:
Post a Comment