Wednesday, April 4, 2012

Si Lenin, ayon kay Trotsky, kabuuang salin

Si Vladimir Ilyich Lenin 
Sinulat ni Leon Trotsky

Nalathala sa Encyclopedia Britannica (ika-14 na Edisyon, 1939), Tomo 13 (ng 24), pahina 911-914. Naunang nalathala ang ika-14 na Edisyon noong 1929 at muling nalathala noong 1932, 1936, 1937, 1938 at 1939. 
Isinalin mula sa wikang Ingles ni Gregorio V. Bituin Jr.


Si Lenin, Vladimir Ilyich Ulyanov (1870-1924), tagapagtatag at gabay na diwa ng Republika ng Sobyet at ng Komunistang Internasyunal, ang alagad ni Marx, ang pinuno ng partidong Bolshevik at ang organisador ng rebolusyong Oktubre sa Rusya, ay isinilang noong Abril 9 (22), 1870, sa bayan ng Simbirsk, ngayon ay Ulyanovsk. Ang kanyang ama, si ilya Nicolaevitch, ay isang prinsipal sa paaralan. Ang kanyang ina, si Maria Alexandrovna, ay anak ng isang manggagamot na nagngangalang Berg. Ang kanyang nakatatandang kapatid na lalaki (isinilang noong 1866) ay sumapi sa "Narodovoltze" (isang rebolusyonaryong teroristang samahan), at nakibahagi sa nabigong pagtatangka sa buhay ni Alexander III, ay binitay (1891); ito ang mga nabatid na salik sa buhay ni Lenin. 

Maagang Pamumuhay. - Ang ikatlo sa pamilya ng anim, natapos ni Lenin ang kanyang kurso sa Simbirsk gymnasium noong 1887, na nagkamit ng medalyang ginto. Pumasok siya sa Pamantasan ng Kazan upang mag-aral ng abugasya, ngunit napatalsik sa Disyembre ng taon ding iyon dahil sa pagsama sa pagtitipon ng mga estudyante at nawala siya sa bansa. Pinahintulutan lamang siyang bumalik sa Kazan noong taglagas ng 1889, kung saan sinimulan niya ang sistematikong pag-aaral sa buhay ni Marx at nakaharap ang mga kasapi ng lokal na sirkulong Marxista. Noong 1891, nakapasa si Lenin sa eksam sa abugasya sa Pamantasan ng St. Petersburg, at noong 1892, nagsimula siyang magpraktika bilang manananggol sa Samara, at dumalo para sa depensa sa ilang mga paglilitis. Gayunman, ang kanyang buhay ay madalas na puno ng pag-aaral ng Marxismo at ng aplikasyon nito sa ekonomiko at pulitikal na pagsulong ng Rusya at pati na ng buong daigdig. 

Noong 1894, lumipat siya sa St. Petersburg, at sinimulan ang kanyang gawaing propaganda. Sa panahong ito kabilang ang mga unang polemikong sulatin ni Lenin na nakatuon laban sa sikat na partido at napasa-pasa sa iba't ibang kamay sa anyong manuskrito. Matapos nito, sinimulan ni Lenin sa Palimbagan ang isang pakikibakang teyoretikal laban sa mga naninira kay Marx. Noong Abril 1895 tumungo siya sa ibang bansa upang kaharapin sina Plekhanov, Zasulich, Axelrod at ang Marxistang grupong kilala bilang ang "Osvobozhdenie Truda" (Katubusan ng Paggawa). Sa kanyang pagbabalik sa St. Petersburg, inorganisa niya ang ilegal na "Unyon para sa Kalayaan ng Uring Mangggawa," na mabilis na naging mahalagang samahan, na nagsasagawa ng propaganda sa hanay ng mga manggagawa. Noong Disyembre 1895 inaresto si Lenin at ang kanyang malalapit na kasapakat. Ginugol niya ang taong 1896 sa kulungan, at noong Pebrero 1897, siya'y ipinatapon ng tatlong taon sa lalawigan ng Yenisei sa silanganing Siberia. Noong 1898 pinakasalan niya si N.K. Krupskaya, isang kasamahan sa Unyon sa St. Petersburg at siyang naging tapat niyang kasama sa natitira niyang 26 na taon sa buhay. Sa panahon ng kanyang pagkatapon, tinapos niya ang kanyang pinakamahalagang akdang pang-ekonomya, Ang Pag-unlad ng Kapitalismo sa Rusya, na batay sa napakalawak na bulto ng materyales ng datos (1899). Noong 1900 nagtungo si Lenin sa Switzerland upang ayusin, kasama ng grupong "Katubusan ng Paggawa" ang paglalathala ng rebolusyonaryong pahayagang nakaplano para sa Rusya. Sa pagtatapos ng taon, lumabas sa Munich ang mga unang kopya ng pahayagang Iskra (Ang Sindi), na may kasabihang "Mula sa Sindi tungo sa Lagablab." Ang layunin nito'y magbigay ng Marxistang interpretasyon sa mga problema ng rebolusyon, kasama ang mga pulitikal na sigaw ng pagkakaisa sa pakikibaka, at ang pagbubuo ng sentralisadong "lihim" na rebolusyonaryong partido ng mga Sosyal Demokrata, kung saan, nakatayo sa unahan ng proletaryado, ay dapat simulan ang pakikibaka laban sa Tsarismo. Ang ideya ng pamumuno sa isang organisadong partido sa pakikibaka ng proletaryado sa lahat ng porma at manipestasyon, na siyang isa sa sentrong ideya ng Leninismo, ay malapit na nakaugnay sa ideya ng gahum ng uring manggagawa sa loob ng kilusang demokratiko sa bansa. Nakita ang direktang ekspresyon ng ideyang ito sa programa ng diktadurya ng proletaryado kapag naihanda na ng pagsulong ng kilusang rebolusyonaryo ang kondisyon para sa rebolusyong Oktubre. 

Ang mga Bolshevik at Menshevik. - Tinanggap ng ikalawang Kongreso ng R.S.D.L.P. (Brussels, London) noong Hulyo at Agosto ng 1903 ang programang pinagtulungan nina Plekhanov at Lenin, ngunit nagtungo ito sa makasaysayang paghihiwalay ng partido sa Bolshevik at Menshevik. Mula noon, tinahak na ni Lenin ang hiwalay na landas bilang pinuno ng seksyong Bolshevik, at sa kalaunan ng partidong Bolshevik. Ang pagkakaiba'y kaugnay sa taktika at sa huli'y sa programa ng partido. Nais ng mga Menshevik na ipasok ang patakaran ng Rusong proletaryado na kasabay ng sa burgesyang liberal. Nakita ni Lenin na ang mga pesante ang pinakamalapit na alyado ng proletaryado. Sa paminsan-minsang mga pagkakasang-ayon at malapit na relasyon sa mga Menshevik, nabigo pa ring masugpo ang patuloy na paglaki ng agwat ng dalawang linya - ang rebolusyonaryo at ang oportunista - ang proletaryado at ang burgesya. Ang pakikibaka laban sa mga Menshevik ay naghubog sa polisiya na tumungo sa pagkalansag ng Ikalawang Internasyunal (1914), sa rebolusyong Oktubre (1917) at sa pagbabago ng pangalan ng partido mula sa Sosyal Demokrata tungo sa Komunista (1918). 

Isang rebolusyonaryong sitwasyon ang nalikha sa bansa nang matalo ang hukbong panlupa at pandagat sa Digmaang Rusya at Hapon, ang pagbaril sa mga manggagawa noong Enero 9 (22) ng 1905, ng kaguluhang agraryo at welgang pulitikal. Ang programa ni Lenin ay ang preparasyon ng armadong pag-aalsa ng taumbayan laban sa Tsarismo, at ang pagtatayo ng pansamantalang Pamahalaan upang organisahin ang rebolusyonaryong demokratikong diktadurya ng manggagawa at magsasaka para sa paglaya ng bansa mula sa Tsarismo at pagkabusabos. Ang ikatlong kongreso ng partido, na tanging binuo ng mga Bolshevik (Mayo 1905), ay nagpasa ng bagong programang agraryo kasama ang kumpiskasyon ng nasasakupan ng mga may-ari ng lupa. Noong Oktubre 1905 nagsimula ang welga ng mga Ruso. Noong ika-17 ng buwan, inilabas ng Tsar ang kanyang pahayag hinggil sa "Saligang Batas." Sa pagsisimula ng Nobyembre, nagbalik si Lenin sa Rusya mula sa Geneva, at umapela sa mga Bolshevik na dalhin sa partido ang mas malawak na sirkulo ng manggagawa, ngunit itago ang kanilang ilegal na aparato bilang paghahanda laban sa kontra-rebolusyonaryong bigwas. 

Sa mga pangyayari ng 1905, tinukoy ni Lenin ang tatlong tampok na katangian - (1) ang pansamantalang pag-agaw ng mamamayan sa tunay na kalayaang pampulitika; (2) ang paglikha ng bago at tanging may kakayahang rebolusyonaryong lakas sa anyo ng konseho ng kinatawan ng mga manggagawa, kawal at pesante; (3) ang paggamit ng pwersa ng mamamayan laban sa mga gumagamit nito laban sa kanila. Ang mga kongklusyong iyon, mula sa mga pangyayari noong 1905, ang naging prinsipyong gabay ng mga polisiya ni Lenin noong 1917 at tumungo sa diktadurya ng proletaryado sa anyo ng Estado ng Sobyet. 

Agad na nadurog ang pag-aalsa sa Moscow sa pagtatapos ng Disyembre, dahil walang suporta ng hukbo, at walang magkakasabay na pag-aalsa sa iba pang bayan at sapat na tugon sa mga distrito ng bansa. Nagtungo sa harapan ang Liberal na burgesya. Nasimula na ang panahon ng naunang dalawang Batasan. Sa panahong ito, nilikha ni Lenin ang batayan ng rebolusyonaryong pananamantala sa kaayusang parlyamentaryo bilang paraan sa panibagong atake. Nilisan ni Lenin ang Rusya noong Disyembre 1907 upang magbalik lamang ng 1917. Ngayon (nitong 1907) nagsimula ang panahon ng matatagumpay na kontra-rebolusyon, pag-uusig, pagpapatapon, pamamaslang at pandarayuhan. Pinangunahan ni Lenin ang pakikibaka laban sa mga Menshevik, na mga tagapagtaguyod ng paglikida sa "lihim" na partido - na mula noon ay nakilalang mga "tagalikida" - at sa pagbabago ng kanilang mga pamamaraan patungong ligal na nakapaloob sa balangkas ng umiiral na rehimen; laban sa mga "tagapagkasundo" na nagtangkang magsagawa agad ng panggitnang paninindigan sa pagitan ng Bolshevismo at Menshevismo - laban sa mga Sosyalistang Rebolusyonaryo na nagtangkang punuan ang di pagkilos ng taumbayan sa pamamagitan ng personal na terorismo; at sa huli, laban doon sa mga Bolshevik, yaong tinatawag na "tagapagpaliban", na nananawagan ng pagpapatalsik sa mga halal na Sosyal Demokratikong deputado mula sa Duma sa ngalan ng agarang rebolusyonaryong aktibidad. 

Kasabay noon, ipinagpatuloy ni Lenin ang malawakang kampanya laban sa pagtatangkang rebisahin ang batayang teoretikal ng Marxismo kung saan nakabatay ang kanyang buong polisiya. Noong 1908, isinulat niya ang isang mayor na pag-aaral na nakadirekta laban sa ideyalistikang pilosopiya nina Mach, Avenarius at sa mga Rusong tagasunod nito, na nagtangkang pag-isahin ang empirikong kritisismo sa Marxismo. Pinatunayan ni Lenin na ang pamamaraang diyalektiko materyalismo na inayos nina Marx at Engels ay napatotohanan ng pag-unlad ng syentipikong pag-iisip sa kabuuan at ng natural na agham sa partikular. Kaya ang matatag na rebolusyonaryong pakikibaka ni Lenin ay tumungo sa marami kasabay ng kanyang mga kontrobersyang teyoretikal. 

Ang mga taong 1912-14 ay nagmarka sa Rusya sa pamamagitan ng sariwang pagsigabo ng aktibidad sa kilusan ng mga manggagawa. Nalantad ang mga paglabas sa kontra-rebolusyonaryong rehimen. Sa simula ng 1912, ipinatawag ni Lenin ang isang lihim na kumperensya ng mga samahan ng Rusong Bolshevik sa Prague. Ang mga "tagalikida" ay idineklarang labas sa partido. Ang pakikipaghiwalay sa mga Menshevik ay naging pinal. Nahalal ang bagong komite sentral. Inorganisa ni Lenin mula sa ibang bansa ang paglalathala sa St. Petersburg ng ligal na pahayagang Pravda, na laging kabangga ng sensura at ang kapulisan ay nagsagawa ng gabay na impluwensya sa taliba ng uring manggagawa. Noong Hulyo 1912, lumipat mula sa Paris patungong Krakow si Lenin, kasama ang mga malalapit na kapanalig, upang mas maging malapit ang ugnayan. Lumalawak ang kilusang rebolusyonaryo sa Rusya, na siyang nagbibugay sa mga Bolshevik ng kalamangan. Nagpadala si Lenin ng mga artikulo sa ilalim ng iba't ibang pangalan halos araw-araw sa ligal na pahayaga ng mga Bolshevik, na umaakit ng di maiiwasang pagkakakilala sa kanila sa ilegal ("lihim") na Palimbagan. Sa panahong ito, maging bago at matapos niyon, si N. K. Krupskaya ang sentro ng gawaing pag-oorganisa. Tinatanggap niya ang mga kasama mula sa Rusya, nagbibigay ng kaalaman sa iba sa pagtungo ng mga ito roon, nag-aayos ng mga "lihim" na ugnayan, nagsulat, nagsagawa ng koda at nagtatanggal ng koda sa mga liham. Iyon ay nasa maliit na bayan ng Poronin sa Galicia kung saan nasumpungan ng deklarasyon ng digmaan si Lenin. Pinagsuspetsahan siya ng kapulisan ng Austria na isang Rusong espiya at inaresto siya; matapos ang dalawang linggo, siya'y pinalayas sa Switzerland. 

Internasyunalismo. - Isang bago at internasyunal na yugto ang nabuksan kay Lenin. Ang kanyang pahayag, na nalathala sa ngalan ng partido noong Nobyembre 1, 1914, ay bumatikos sa imperyalistang katangian ng Digmaan at ang kasalanan sa digmaan ng lahat ng makapangyarihang bansa, na matagal nang naghahanda ng madugong pakikibaka para sa layuning mapalawak ang kanilang pamilihan at madurog ang kanilang mga karibal. Ang makabayang ahitasyon ng burgesya sa magkabilang panig, na sinisi ang bawat isa, ay nakitang isang maniobra upang dayain ang mga manggagawa. Tinalakay ng pahayag na ang mayorya ng Sosyal Demokratikong liderato ay nasa panig ng burgesya sa kanilang sariling bansa, na lumalabag sa mga resolusyon ng mga kongreso ng Internasyunal na Sosyalista at nagdulot ng pagbagsak ng Ikalawang Internasyunal. Ang pagkatalo ng kanilang "sariling" gobyerno ang sapat na islogan ng mga Sosyal Demokrata sa lahat ng bansa. Ipinadadanas ni Lenin sa isang walang awang kritisismo hindi lang ang Sosyalistang pagkamakabayan, kundi ang pasipismo na, bagamat inaabala ng mga platonikong protesta, kumalas mula sa pakikibakang rebolusyonaryo laban sa imperyalismo. Ang pakikibaka sa pasipismo ay sumulong sa malawak na pakikibaka ng mga kasapi ng kilusan ng uring manggagawa, na nasa kalagitnaan sa pagitan ng mga Sosyal Demokrata at ng mga Komunista, na sinusuportahan ang una sa aktwal na praktika. 

Dinoble ng mga teyorista at mga pulitiko ng Ikalawang Internasyunal ang pagbibintang ng anarkismo na una na nilang ibinintang noon kay Lenin. Bilang patotoo, lahat ng ginawa ni Lenin ay kinatatangian ng dalawang sangkap ng pakikibaka, sa isang banda, ng repormismo na sa simula pa ng Digmaan ay nagbigay ng suporta sa imperyalistang patakaran ng uring merong pag-aari, at sa kabilang banda ng anarkismo at ng iba't ibang rebolusyonaryong adbenturista. 

Noong Noyembre 1, 1914, ipinahayag ni Lenin sa madla ang programa para sa paglikha ng bagong Internasyunal "na magsasagawa ng tungkuling organisahin ang pwersa ng proletaryado para sa rebolusyonaryong pag-atake sa mga kapitalistang bansa, para sa digmaang sibil laban sa burgesya ng lahat ng bansa. Para sa pagkakamit ng pampulitikang kapangyarihan at ang tagumpay ng Sosyalismo." 

Noong Setyembre 1915 (Setyembre 5 at 8) idinaos sa Zimmerwald sa Switzerland ang unang kumperensya ng Europeanong Sosyalista na kumakalaban sa imperyalistang digmaan. Tatlumpu't isang delegado ang dumalo. Pinagtibay ng kaliwang panig ng kumperensya at sa kalaunan sa Kiental ang mga kahilingan ni Lenin para sa transpormasyon ng imperyalistang digmaan tungo sa isang digmaang sibil, at maging sentro ng Komunistang Internasyunal sa hinaharap. Isinagawa ng huli ang mga programa, taktika at organisasyon nito sa ilalim ng gabay ni Lenin, at siya ang direktang nagbigay-sigla sa mga pasya ng unang apat na kongreso ng Komunistang Internasyunal. 

Preparado si Lenin sa kanyang pakikibaka sa pamantayang internasyunal hindi lang sa kanyang ganap na kaalaman sa Marxismo at ang karanasan niya sa rebolusyonaryong partidong organisasyon sa Rusya, kundi sa kanyang mga natatanging kaalaman sa kilusang manggagawa sa buong mundo. Siya'y bihasa sa wikang Ingles, Aleman at Pranses, at nakapagbabasa ng Italyano, Swede at Polandes. Matindi ang pagtutol niya sa mekanikal na aplikasyon ng mga pamamaraan sa bansa na gagamitin sa ibang bansa, at inuusisa niya at pinagpapasyahan ang mga usaping may kaugnayan sa mga kilusang rebolusyonaryo, hindi lamang sa kanilang pandaigdigang reakasyon, kundi sa kanilang kongkretong pambansang anyo. 

Rebolusyon ng 1917. - Nasumpungan ng rebolusyon ng Pebrero 1917 si Lenin sa Switzerland. Ang kanyang pagtatangkang makarating sa Rusya ay sinalubong ng pagtutol ng Gobyernong Briton, at nagpasya siyang maglakbay patawid sa Alemanya. Ang tagumpay ng ganitong plano ay nagbigay ng pagkakataon sa mga kaaway ni Lenin para sa isang malupit na kampanya ng paninirang-puri, gayunman, wala itong nagawa upang mapigilan siya upang akuin ang liderato ng kanyang partido at sa kalaunan ay ng rebolusyon. 

Sa gabi ng Abril 4, sa pagbaba sa tren, nagbigay ng talumpati si Lenin sa himpilan ng Finlyandsky sa Petrograd. Inulit niya at pinaunlad ang mga nangungunang ideya sa mga sumunod na araw. Ang pagpapatalsik sa Tsarismo, aniya, ay unang yugto lamang ng rebolusyon. Hindi na makasisiya sa sambayanan ang rebolusyon ng mga burgis. Ang tungkulin ng proletaryado ay ang armasan, ang pagpapatibay sa kapangyarihan ng mga Sobyet (Konseho ng Manggagawa), ang pukawin ang mga distrito ng bayan at ang paghahanda para sa pagkamit ng ganap na kapangyarihan sa ngalan ng rekonstruksyon ng lipunan sa batayang Sosyalista. 

Ang malayuang nararating ng programa ay hindi lamang inaayawan ng mga nagsasagawa ng pagpapalaganap ng makabayang Sosyalismo, kundi nagpahayag din ng pagtutol sa mismong hanay ng Bolshevik. Tinawag ni Plekhanov ang programa ni Lenin na "kabaliwan." Gayunman, nakikinita na ni Lenin na lalago sa bawat araw ang kawalang tiwala ng burgesya at ng Gobyernong Probisyunal, na makukuha ng partidong Bolshevik ang mayorya ng mga Sobyet at ang ganap na kapangyarihan ay mapapasa sa kanilang kamay. Ang maliit na pahayagang Pravda nang mapasakamay niya ay naging makapangyarihang instrumento para maibagsak ang lipunang burgis.

Ang patakarang pakikipag-koalisyon sa burgesya na itinutulak ng mga makabayang Sosyalista, at ang walang kapaga-pag-asang pag-atake na iginigiit ng Allies ay nagtulak sa Hukbong Ruso na tumungo sa harap at ginising ang bayan at pinangunahan ang mga armadong demonstrasyon sa Petrograd sa mga unang araw ng Hulyo. Naging matindi na ang pakikibaka laban sa Bolshevismo. Noong Hulyo 5, ang mga pinekeng "dokumento" ay inilathala ng mga kontra-rebolusyonaryong espiya, na nagpapakitang pinatutunayan nito na si Lenin ay umaakto sa ilalim ng atas ng pangkalahatang tauhan ng Alemanya. Sa gabi, ang mga "mapagkakatiwalaang" destakamento na inatasan mula sa harapan ni Kerensky at ng mga opisyal ng Cadet mula sa mga distrito sa palibot ng Petrograd ang sumakop sa lungsod. Ang kilusang bayan ay nadurog. Ang pagtugaygay kay Lenin ay umabot na sa rurok. Sinimulan na niya ngayon ang paggawa ng "lihim," nagtago muna sa Petrograd sa mag-anak ng isang manggagawa at saka sa Finland. 

Ang mga araw ng Hulyo at ang mga ganting sumunod ay nagbigay-sigla sa taumbayan. Nakuha ng mga Bolshevik ang mayorya ng Sobyet sa Petrograd at sa Moscow. Hiniling ni Lenin ang mapagpasyang aksyon upang agawin ang kapangyarihan. "Ngayon o hindi na!" pinaulit-ulit niya sa mga maaapoy na artikulo, liham at mga panayam. 

Ang Konseho ng mga Kinatawan ng Taumbayan. - Ang pagtindig laban sa Gubyernong Probisyunal ay kasabay ng pagbubukas ng ikalawang Kongreso ng mga Sobyet noong Oktubre 25. Si Lenin, matapos magtago ng tatlo't kalahating buwan, ay lumitaw sa Smolny Institute at dinirekta ang labanan. Sa gabing pulong ng Oktubre 27 pinanukala niya ang isang balangkas ng kautusan tungkol sa kapayapaan na nagkakaisang pinagtibay at ang isa pa ay hinggil sa lupa, na pinagtibay, ng may isang tumanggi at walong hindi bumoto. Ang mayorya ng Bolshevik, na sinusuportahan ng kaliwang panig ng mga Sosyalistang Rebolusyonaryo, ay nagdeklara na ang ganap na kapangyarihan ay walang pasubaling nasa mga Sobyet na. Ang Konseho ng mga Kinatawan ng Taumbayan ay itinalaga, at si Lenin ang pinuno. 

Nang makuha na ang lupain ng mga may-ari ng lupa, sinuportahan na ng mga pesante ang mga Bolshevik. Ang mga Sobyet ang naging maestro ng sitwasyon. Ang asambleya ng botante na inihalal noong Nobyembre at nagpulong ng Enero 5 ay isang anakronismo. Ang tunggalian sa pagitan ng dalawang yugto ng rebolsuyon ay naririyan na. Hindi na nag-alinlangan pa si Lenin sa isang saglit. Sa gabi ng Enero 7 ang Lahat-na-Rusong Ehekutibong Komite Sentral, sa mungkahi ni Lenin, ay nagpasa ng kautusan ng paglusaw sa asambleya ng botante. Ang diktadurya ng proletaryado, ani Lenin, ay nangangahulugang ang pinakadakilang posibleng antas ng demokrasya para sa mga nagpapatulo ng pawis na mayorya ng taumbayan, at inilalagay na sa kamay ng paggawa ang lahat ng mga materyal na bagay (mga gusaling pulungan, palimbagan, at iba pa) ay kulang, kung saan ang "kalayaan" ay nananatiling ilusyon. Ang diktadura ng proletaryado sa pananaw ni Lenin ay isang kinakailangang yugto sa pagpawi ng pagkakahati ng uri sa lipunan. 

Ang usapin ng digmaan at kapayapaan ay nagbunsod ng isang bagong krisis. Hiniling ng malaki-laking proporsyon ng partido ang isang "rebolusyonaryong digmaan" laban sa mga Hohenzollern, na ipinupuwera na sa kabuuan ang pagsasaalang-alang sa kalagayan ng ekonomya sa Rusya at ang pagtitimpi ng mga pesante. Ramdam ni Lenin na kinakailangan sa layuning propaganda na patagalin pa hangga't maaari ang negosasyon sa mga Aleman. Ngunit hiniling niya na, kung sakaling magsagawa ng ultimatum ang Aleman, dapat lumagda sa usapang pangkapayapaan kahit na ang kapalit nito'y pagkawala ng isang teritoryo o pagbabayad ng danyos-perwisyos. Ang rebolusyong nagniningas sa kanluran sa kalaunan ang maglalansag sa mga mabibigat na usapin hinggil sa kapayapaan. Nalantad ang tibay ng realismong pulitikal ni Lenin hinggil sa usaping ito. Ang mayorya ng Komite Sentral na sumasalungat kay Lenin ay nagtangka pang iwasan ang pagbibigay-daan sa imperyalismong Aleman sa pamamagitan ng pagdedeklara ng estado ng digmaan sa dulo, ngunit kasabay nito'y pagtangging lumagda sa imperyalistang kapayapaan. Humantong ito sa panibagong pag-atake ng mga Aleman. Matapos ang mainit na debate sa Komite Sentral sa pag-uusap ng Pebrero 18, naipagwagi ni Lenin ang mayorya ng kanyang mga mungkahi na dapat muling buksan agad ang negosasyon, at ang mga itinakda ng Aleman na hanggang ngayon ay mas lalong hindi paborable ay dapat lagdaan. 

Ang pamahalaang Sobyet sa inisyatiba ni Lenin ay inilipat na sa Moscow. Nakamit ang kapayapaan. Dinala ngayon ni Lenin sa partido at sa bansa ang buong usapin ng pang-ekonomya at pangkulturang organisasyon nito. 

Gayunpaman, paparating pa lang ang pinakamatitinding pagsubok. Sa pagtatapos ng tag-araw ng 1918, nagisnan ng Gitnang Rusya na sila'y napapalibutan ng mga aktibong bulkan (bilog na apoy o ring of fire). Kapitbisig kasama ang mga Rusong kontra-rebolusyon ang pag-aalsa ng mga Czechoslovak sa Volga; sa hilaga at timog naman ang panghihimasok ng mga Briton (sa Archangel noong Agosto 2, sa Baku noong Agosto 14). Pinutol ang suplay ng pagkain. Hindi huminto si Lenin sa pamamahala ng kanyang partido at ng Gubyerno. Ipinagpatuloy niya ang gawaing propaganda, pinukaw ang taumbayan, inorganisa ang pagkuha ng mga mais; tinugaygayan ang pagkilos ng kaaway, may direktang komunikasyon sa Pulang Hukbo. Sinubaybayan niya ang daigdigang kalagayan, nakita ang kanyang tindig sa pamamagitan ng pagtutol sa kampo ng mga imperyalista. May panahon siya para sa mga panayam ng mga dayuhang rebolusyonaryo at pati na mga ekonomista at inhinyerong Sobyet. 

Noong Agosto 30 dalawang ulit na pinaputukan ng Sosyal-Rebolusyonaryong nagngangalang Kaplan si Lenin nang ito'y patungo sa isang pulong ng mga manggagawa. Pinalubha ng atakeng ito ang digmaang sibil. Dahil sa malakas na pangangatawan ni Lenin, mas mabilis siyang nakapagpagaling mula sa epekto ng kanyang mga tinamong sugat. Habang siya'y nagpapagaling, nagsulat siya ng polyeto, Ang Rebolusyong Proletaryado at ang Renegadong si Kautsky, na nakadirekta laban sa pinakakilalang teyorista ng Ikalawang Internasyunal. Oktubre 22 na nang makapagsalita siyang muli sa publiko. 

Ang Bagong Patakarang Pang-ekonomya. - Yaon pa ring digmaan sa hangganan ng bansa ang pangunahin niyang trabaho. Pumangalawa na lamang ang mga suliraning pang-ekonomya't pang-administratibo. Ang digmaang sibil na dinidikta mula sa labas ng bansa ay nasa rurok. Natapos ang labanan simula ng 1921 nang ganap na matalo ang mga kontra-rebolusyon at lumakas ang Gubyerno. Ang katotohanang ang Digmaan ay di agad tumungo sa isang proletaryadong rebolusyon ay lalong nagpalawak sa kahirapan ng rekonstruksyong Sosyalista, na hindi mangyayari hangga't walang kasunduan sa pagitan ng proletaryado at mga pesante. Ang sistema ng paghingi ng labis-labis mula sa mga pesante ay dapat mapalitan ng pagbubuwis na tinasa ng wasto. Pinapayagan ang pribadong pagpapalitan ng mga kalakal. Ang mga aksyong ito'y nagpasimula ng bagong yugto sa pagsulong ng rebolusyong Oktubre (Nobyembre), na nakilala bilang "bagong patakarang pang-ekonomya". 

Sa kanyang patakaran sa loob ng Pederasyong Sobyet, tinangka ni Lenin, sa iba't ibang pamamaraan, na likhain ang mga kondisyon ng malayang pambansang pag-unlad para sa mga mamamayang pinagmalupitan sa ilalim ng Tsarismo. Naglunsad siya ng walang-awang digmaan laban sa lahat ng imperyalistang tendensiya, lalo na sa loob mismo ng partido - ang kadalisayan ng mga ideya ninuman na kanyang binabantayan ng may sukdulang panibugho. Ang bintang ng pagmamalupit sa mga mamamayan laban kay Lenin at sa kanyang partido na tumutukoy sa Georgia, atbp., ay mga produkto ng matalas na tunggalian ng uri sa loob ng bansa. 

Ang paninindigan ng pambansang pagsasarili, iginiit ni Lenin na magamit ng buo sa mga mamamayang kolonyal. Ang kanyang aral ay yaong ang mga Kanluraning Europeanong proletaryado ay dapat umiwas sa simpleng deklarasyon ng pakikisimpatya sa mga pinagmalupitang mamamayan, kundi samahan sila sa pakikibaka laban sa imperyalismo. 

Sa ikawalong kongreso ng mga Sobyet (1920), inulat ni Lenin ang mga trabahong nagawa dahil sa kanyang inisyatiba upang balangkasin ang plano para sa elektripikasyon ng bansa. Ang unti-unting pagsisikap tungo sa mas mataas na antas ng teknikal na pag-unlad ang tatak ng isang matagumpay na transpormasyon mula sa sistema ng maliitang sukatan ng ekonomya ng pesante, kasama ang kakulangan nito ng koordinasyon, tungo sa sistema ng malawakang sukatang Sosyalistang produksyon na batay sa isang komprehensibong plano. "Ang sosyalismo ay ang Gubyernong Sobyet kasama ang elektripikasyon." 

Kamatayan. - Ang pagkapagod dahil sa labis na pagtatrabaho ng maraming taon ay nakapinsala sa kalusugan ni Lenin. Inatake ng isklerosis (paninigas) ang kanyang cerebral arteries (mga ugat sa utak). Sa pagsisimula ng 1922, binawalan siya ng kanyang mga doktor na magtrabaho araw-araw. Mula Hunyo hanggang Agosto, bumilis ang pagkalat ng sakit, at sa unang pagkakataon, nagsimula na ang kawalan niya ng kakayahang magtalumpati, at sa Disyembre, naparalisa na ang kanyang kanang braso at hita. Namatay siya noong Enero 21, 1924, sa ganap na ika-6:30 ng gabi, sa bayan ng Gorky, malapit sa Moscow. Ang kanyang libing ay isang okasyon ng walang kaparis na pagpapakita ng pagmamahal at pangungulila ng milyon-milyong tao. 

Ang itsura ni Lenin ay kinatatangian ng pagiging payak at kalakasan. Siya'y mababa kaysa panggitnang taas, karaniwang anyo ng Islabonikong tipo ng mukha, na pinalinaw ng matatalim na mata; at ang kanyang makapangyarihang noo at ang mas maapangyarihang ulo ang nagbigay sa kanya ng kakaibang tatak. Masipag siya sa gawaing hindi mapantayan. Binibigyan niya ng katulad na huwarang kasinupan ang pagbabasa ng mga aralin sa isang maliit na silid ng manggagawa sa Zurich at sa pag-oorganisa ng unang Sosyalistang Estado sa buong daigdig. Kinagiliwan niya't lubusang minahal ang agham, sining at kultura, ngunit hindi niya nakakalimutang ang mga bagay na ito'y pag-aari ng maliit na minoridad. Ang paraan ng kanyang pamumuhay sa Kremlin ay may pagkakaiba sa kanyang buhay bilang dayo sa ibang bansa. Ang kapayakan ng kanyang araw-araw na kinagawian ay dahil na rin ang gawaing intelektwal at matinding pakikibaka ay di lang nakapukaw ng kanyang interes at pagkahilig kundi nagbibigay din ito sa kanya ng marubdob na kasiyahan. Ang kanyang isipan ay hindi tumitigil ng pag-iisip sa tungkuling palayain ang mga manggagawa. 

Kasama sa kanyang mga akda ang mga sumusunod: Ekonomicheskoye soderzhaniye narodnichestva i Kritika evo v Knige g. Struve, 1895 (Ang Pang-ekonomyang Nilalaman ng partido ng masa at ang kritisismo rito ng G. Struve. Ang pagmumuni-muni ng Marxismo sa burgis na panitikan); Kharakteristike ekonomicheskovo romantisma, 1897 (Ang katangian ng ekonomikong romantisimo), Sismondi and our Sismondists; Razvitiye Kapitalisma v Rosii, 1899 (Ang pag-unlad ng Kapitalismo sa Rusya). Ang proseso kung paano ang tahanan ay maging pamilihan ng malawakang sukatang industriya; Chto Dyelat, 1902. (Anong dapat gawin?) Salin sa Pranses. Que Faire? Ang mga agarang usapin sa ating kilusan; Dve taktiki sotsial-demokratii v demokraticheskoi revolyutsii, 1905 (Ang dalawang taktika ng Sosyal Demokrasya sa demokratikong rebolusyon); Agrarnaya programma sotsial-demokratii v pervoi russkoi revolyutsii 1905-1907, 1907 (Ang programang agraryo ng mga Sosyal Demokrata sa unang rebolusyong Ruso 1905-07); Za 12 let., 1908 (Sa loob ng 12 taon), Dalawang tendensiya sa Rusong Marxismo at Rusong Sosyal Demokrasya; Materialism i empiriokrititsism, 1909 (Materyalismo at empiryokritisismo). Kritikal na obserbasyon sa reaksyunaryong pilosopiya; Krakh II. Internatsionala, 1915 (Pagbagsak ng Ikalawang Internasyunal. Salin sa Ingles, 1919); Sotsialism i voina, 1915 (Sosyalismo at Digmaan. Sa pakikipagtulungan kay Zinoviev. Salin sa Aleman, 1915); Imperialism, kak noveishii etap kapitalisma, 1917 (Imperyalismo, ang rurok na yugto ng kapitalismo), Salin sa Pranses, 1923; Pisma o taktike, 1917 (Mga liham hinggil sa taktika); Uroki revolyutsii, 1917 (Mga Aral ng Rebolusyon. Salin sa Ingles, 1918; Salin sa Aleman, 1921); Gosudarstvo i revolyutsiya, 1917 (Ang estado at rebolusyon. Salin sa Ingles, 1919). Ang kaisipang Marxista hinggil sa estado at ang mga tungkulin ng proletaryado sa isang rebolusyon. Salin sa Pranses, 1919; Salin sa Aleman, 1918; Grozyashchaya Katastrofa i kak c nei borotsya, 1917 (Ang kasawiang nagbabanta sa atin at paano ito lalabanan. Salin sa Pranses, La catastrophe imminente et les mesures de la conjurer, 1918). Salin sa Aleman, 1918; Uderzhat li bolsheviki gosudarstvennuyu vlast? 1917 (Mapapanatili ba ng mga Bolshevik ang kapangyarihan? Salin sa Aleman, 1921); Proletarskaya revolutsiya i renegat Kautskii, 1918. (Ang proletaryadong rebolusyon at si Kautsky ang Palamara. Salin sa Ingles, 1920); Salin sa Pranses, 1919; Salin sa Aleman, 1918; Vybory v Uchreditelnoye Sobraniye i diktatura proletariata, 1919. (Ang diktadurya ng Proletaryado at ang mga halalan ng Asambleya ng Botante. Salin sa Ingles, 1920); Salin sa Aleman, 1920; Detskaya bolezn "levismy" v kommunisme, 1920 ("Ang Kaliwang Panig na Komunismo, isang sakit ng musmos." Salin sa Ingles, 1921; Salin sa Pranses, 1921; Salin sa Aleman, 1921) ; Krizis v partii, 1921 (Ang Krisis sa Partido) ; O prodnaloge, 1921 (Hinggil sa buwis na di salapi. Salin sa Aleman); Stranichki iz dnevnika, 1923 (Pahina mula sa aking talaarawan); O Kooperatsii, 1923 (Hinggil sa pagtutulungan. Salin sa Pranses. Sur la Coopération, 1924); Luchshe menshe, da luchsche, 1923 (Mas maigi na ang maliit ngunit mabuti); Sobraniye sochinenii T.T. 1-19, 1921-24 (tinipong mga akda sa 19 na tomo). 

May dalawang edisyong Aleman ng tinipong mga akda ni Lenin - ang Ausgewählte Werke Sammelband, 1925, at ang Auswahl aus seinen Werken. Tingnan din ang Landau-Aldanow, si Lenin at ang Bolshevismo (1920); K. Wiedenfeld, si Lenin at ang kanyang Gawa (1923); N. Bucharin, si Lenin, Buhay at mga Ginawa (1924); E. Drahn, Lenin eine Bio-Bibliographie (1924); M. Gorky, Lenin et le paysan russe (1924); L. Trotsky, si Lenin (sa wikang Ingles 1925); J. Stalin, ang Leninismo (nasa wikang Ingles 1928). (L.TR.; X.)

No comments: