Monday, February 1, 2010

Chavez: Ang Tunggalian sa Copenhagen

CHAVEZ: ANG TUNGGALIAN SA COPENHAGEN
(mula sa Green Left Weekly, Enero 15, 2010)
Isinalin mula sa Ingles ni Greg Bituin Jr.

Ang Copenhagen ang tagpuan ng isang makasaysayang tunggalian. Sa katunayan, sa maganda’t nagyeyelong kapitolyong ito ng Denmark, nagsimula ang tunggalian na di nagwakas noong Disyembre 18. Uulitin ko: Ang Copenhagen ang simula pa lamang ng matinding tunggalian kung paano sasagipin ang mundo.

Sa isang artikulong sinulat ng Brazilyanong si Leonardo Boff, isang dakilang tagabandila ng paglayang teyolohikal at isa sa mga pinakaawtorisadong tinig ng mga isyu sa kapaligiran, ay nagsabi: Anong mapapala natin sa Copenhagen? Isang payak na pag-amin: Di tayo makakapagpatuloy ng ganito.

At isang payak na mungkahi: Baguhin natin ang direksyon.

Dahil dito, nagpunta tayo sa Copenhagen para baguhin ang direksyon para sa kapakanan ng Venezuela, sa kapakanan ng ALBA, sa pagtatanggol sa kapakanan ng sangkatauhan at sabihin, sa pananalita ni Pangulong Evo Morales ng Bolivia, sa pagtatanggol sa mga karapatan ng Pachamama, ang Inang Kalikasan.

Si Evo, kasama ako, ay may pananagutang maging tagapagsalita ng ALBA, ay matalinong nagsabing: Ang debate ay kung tayo’y mabubuhay o mamamatay.

Pinahintulutan tayo ng Copenhagen upang sukatin ang ating mga himaymay, kung saan matatagpuan ang pag-asa at anong magagawa natin para maitatag ang ekwilibrium na di pa nakakamit sa loob ng kapitalistang sistema.

Bago kami dumating sa Copenhagen, binatikos ng bloke ng Africa, na sinusuportahan ng Pangkat ng 77 (pangkatan ng mga bansa ng ikatlong daigdig), ang katotohanang binabalewala ng mga mayayamang bansa ang Kyoto Protocol.

Ito lamang ang pandaigdigang instrumento na lumalaban sa global warming, na nagpaparusa sa mga industryalisadong bansa at nagpoprotekta sa mga papaunlad na bansa.

Kinakailangang kilalanin na ang nasimulan na ang laban sa lansangan ng Copenhagen, kasama ang mga kabataan sa harapan ng pagpoprrotesta at pagmumungkahi.

Nakikita’t nadarama ko ang makasaysayang lakas ng iba pang daigdig na para sa mga kabataan at hindi lamang mangyayari kundi talagang kinakailangan.

Sa simula ng Copenhagen, nakalatag na ang mga baraha para makita ng lahat. Sa iang bansa, ang baraha ng walang awang kalupitan at kabobohan ng kapitalismo, na hindi na natinag sa pagtatanggol sa lohika nito.

Nag-iiwan lamang ng kamatayan at pagkawasak ang lohika ng kapital sa pagbangon nito sa mabilisang hakbang.

Sa kabilang banda naman ay ang baraha ng taumbayang hinihiling ang dangal ng tao, ang pagsagip sa planeta at para sa radikal na pagbabago ng sistema ng mundo na nagdala sa atin sa bingit ng di pa nagaganap na sakunang ekolohikal at panlipunan.

Sa isang banda, ang mga “sibilisado” na nalimutan na ang kapwa tao, at bulag na nagpapasya para sa papalaking walang kabusugang hangarin.

Sa kabilang banda, ang mga “barbaro” na nananatiling naninindigan sa pakikibaka para sa masidhing pagbabago ng lohika, na naniniwalang masusulit mo ng husto ang kapakanan ng tao at mapaliit ang pangkapaligiran at pangkalikasang epekto.

Sinong maggigiit na imposibleng maipagtanggol ang karapatang pantao kung hindi rin natin maipagtatanggol ang karapatan ni Inang Kalikasan, ayon kay Kasamang Evo. Sinong kikilos ng determinadong iwan ang isang planeta at kinabukasan para sa mga susunod na henerasyon?

Hindi ako mapapagod na sabihin sa apat na hangin: ang tanging maaari at nararapat na alternatibo ay sosyalismo.

Sinasabi ko ito sa bawat talumpati ko sa lahat ng kinatawan ng buong mundo na nagtipon-tipon sa Copenhagen, ang pinakamahalagang pangyayari sa mundo sa nakaraang 200 taon. Wala nang ibang paraan kung nais nating pigilan ang walang puso’t mapanghamak na kumpetisyon na talagang ganap na nangwawasak.

Bakit takot ang mga “sibilisado” sa isang proyektong naghahangad na makapagtatag tunay na kasiyahan. Nangangamba sila, tapatan tayo, dahil ang tunay na kasiyahan ay di lumilikha ng tubo.

Kaya ang klaradong kadalisayan ng dakilang islogan ng mga protesta sa lansangan ng copenhagen na nagsalita para sa milyon: “Kung ang klima ay isang bangko, nasagip agad nila ito.”

Walang ginagawa ang mga “sibilisado” dahil oobligahin sila nitong baguhin ang kanilang masibang modelo ng pamumuhay, na tanda ng sakim na kaalwanan at hindi sumasalat sa kanilang malamig na puso, na tumitibok lamang sa taginting ng pera.

Kaya naman nahuling dumating ang Imperyo ng US noong Disyembre 18, upang mag-alok ng retaso sa pamamagitan ng blackmail, at sa ganitong paraan ay mahugasan ang mukha nilang may bahid ng kasalanan.

Sa harap ng ganitong istratehiyang bumili ng suporta, maririnig mo sa buong Denmark ang malinaw at matapang na tinig ni Vandana Shiva, isang palaisip na taga-India, na nagsasabi ng dakilang katotohanan: “Naiisip kong panahon na para sa atin na tigilan ang tingin sa sarili bilang tagapagkaloob at simulang kilalanin ang sarili bilang tagadumi ng kapaligiran: ang mga nagdudumi sa kapaligiran ay dapat magbayad ng danyos para sa pagkawasak at dapat magbayad sila ng kanilang utang na pangkalikasan.”

“Hindi ito limos. Ito’y katarungan.”

Sinasabi ko: tuluyan nang nawasak sa Copenhagen ang “ilusyon kay Obama”. Kumpirmadong ang pangulo ng US ang ulo ng imperyo.

Nagtapos ang malaking pulong ng walang demokratikong inayunang kasunduan.

Hindi mangyayari ang kasunduan sa Copenhagen dahil sa kakulangan ng pagkukusang pulitikal ng mga mayayamang bansa: ang mga makapangyarihan sa mundong ito, ang mga sobra-sobra na ang kaunlaran, ayaw nilang baguhin ang kanilang disenyo ng produksyon at pagkonsumo, na kasingwalang saysay ng pagpapatiwakal.

Lumilitaw na sinasabi nila’y kinikilos: “Ang mundo’y maaaring magtungo sa impyerno kung nagbabanta ito sa aking pribilehiyo at estilo ng pamumuhay.” ito ang matinding katotohanang ayaw nilang marinig mula sa mga kumilos sa ilalim ng makasaysayang pangangailangang baguhin ang direksyon.

Hindi katapusan ang Copenhagen, kundi simula. Ang pintuan ay bukas na para sa isang daigdigang debate kung paano sasagipin ang daigdig.

Patuloy pa ang pakikibaka.



Talasalitaan:
EQUILIBRIUM (i kwe li’ bri yum) n.- anumang kundisyon na ang lahat ng mga puwersa o impluwensiya na kapag pinagsama-sama ay nagdudulot ng matatag at hindi pabagu-bagong sistema tulad ng: (1) hatakan at tulakan ng mga puwersa sa isang sistemang mekanikal na kung saan ang suma ng lahat ng mga puwersang kaugnay dito ay zero, at (2) ang suma ng lahat ng torque (puwersang pam paikot) sa palibot ng anumang axis ay zero; larang; reaksyon ng mga kemikal na kung saan ang pasulong (forward) at pabalik (reverse) na reaksyon ay magkapareho ng bilis kung kaya ang dami o tapang ng mga sangkap at produkto ay hindi nababago.


No comments: