Wednesday, March 25, 2009

Ang Prinsipyo ng Komunismo - ni F. Engels

ANG PRINSIPYO NG KOMUNISMO
ni Friedrich Engels

Sinulat noong Oktubre-Nobyembre 1847

Isinalin mula sa Ingles ni Gregorio V. Bituin Jr.

1. Ano ang Komunismo?

Ang komunismo ang aralin ng kalagayan ng paglaya ng proletaryado.

2. Ano ang proletaryado?

Ang proletaryado yaong uri sa lipunan na nabubuhay sa pagbebenta ng lakas-paggawa at hindi nakakakuha ng tubo mula sa lahat ng uri ng puhunan, na ang kaligayahan at kapighatian, na ang tanging ikinabubuhay ay nakabatay sa pangangailangan sa paggawa – kaya sa nagbabagong kalagayan ng pangangalakal, sa bugso ng di-mapigil na kumpetisyon. Ang proletaryado, o ang uri ng mga proletaryado, sa isang salita, ang uring manggagawa ng ika-19 na siglo.

3. Kung gayon, ang proletaryado ay di dati nabuhay?

Hindi. Laging merong mahihirap at uring manggagawa; at halos lahat ng uring manggagawa ay pawang mahihirap. Ngunit hindi laging merong manggagawa’t mahihirap na nabubuhay sa ilalim ng kalagayang tulad ng nangyayari ngayon; sa ibang salita, hindi laging may proletaryado, gayundin na laging may di-mapigil na malayang kumpetisyon.

4. Paano nagsimula ang proletaryado?

Ang proletaryado’y nagmula sa rebolusyong industriyal, na nangyayari sa Inglatera sa huling hati ng nakaraang (ika-18) siglo, at mula noon ay naulit sa lahat ng sibilisadong bansa sa mundo.

Ang rebolusyong industriyal ang nagpadali sa pagkadiskubre ng makinang singaw (steam engine), sari-saring makinang ikid, de-makinang panghabi, at isang buong serye ng iba pang de-makinang kasangkapan. Ang mga makinang ito, na napakamahal at kaya mga malalaking kapitalista lamang ang nakakabili, na bumago sa buong moda ng produksyon at pinalitan ang mga dating manggagawa, dahil lumitaw na ang mga makina’y mas mura at mas magandang mga kalakal kaysa magagawa ng mga manggagawa sa kanilang di-mabisang mga umiikid na gulong at panghabing pangkamay. Ang mga makina’y ganap na dinadala ng industriya sa mga kamay ng malalaking kapitalista at ginawang ganap na walang kabuluhan ang mga payak na pag-aari ng manggagawa (kasangkapan, panghabi, atbp.). ang kinalabasan nito’y lahat ay mapupunta na sa kamay ng mga kapitalista at walang natira sa mga manggagawa. Ito ang tanda ng pagsisimula ng sistemang pabrika sa industriya ng tela.

Nang mailatag na ang bugso ng introduksyon ng makinarya at ng sistemang pabrika, ang sistemang ito’y agad kumalat sa lahat ng iba pang sangay ng industriya, lalo na sa paglilimbag ng libro at tela, paggawa ng palayok, at ng industriya ng bakal.

Ang paggawa’y lalong nahati sa mga indibidwal na manggagawa kaya ang mga manggagawang dating nakakagawa ng kumpletong trabaho ay gumagawa na lang ngayon ng bahagi ng trabahong iyon. Ang hatian sa paggawa ay naging dahilan upang bumilis at magmura ang paglikha ng mga produkto. Binago nito ang gawain ng indibidwal na manggagawa sa isang payak, walang tigil at paulit-ulit na de-makinang galaw na mas maayos pang nagagawa ng isang makina. Sa ganitong paraan, lahat ng industriyang ito’y sunud-sunod na nagbagsakan sa ilalim ng sistemang pabrika, makinarya at singaw, tulad ng nagawang pag-ikid at paghabi.

Ngunit kasabay nito, bumagsak din sila sa kamay ng malalaking kapitalista, at tinanggal sa manggagawa ang anumang kalagayang natitira sa kanila. Unti-unti, di lamang gawaing makina kundi pati gawaing kamay ang nakasama sa sistemang pabrika kung saan unti-unting nawala ang mga maliliit na dalubhasang manggagawa sa pamamagitan ng pagtatayo ng malalaking pagawaan, kung saan sila’y nakatipid at pinahintulutan ang masalimuot na hatian sa paggawa.

Ganito ang nangyari sa mga sibilisadong bansa ngayon na halos lahat ng uri ng paggawa’y ginagawa sa pabrika, at sa halos lahat ng sangay ng paggawa, ang gawaing kamay at manupaktura ay nahalinhan.

Ang prosesong ito, sa malaking antas, ay dumurog sa dating mga panggitnang uri, lalo na sa mga maliliit na manggagawa ng gawaing kamay; sa kabuua’y binago nito ang kalagayan ng mga manggagawa; at nalikha ang dalawang bagong uri na unti-unting lumamon sa iba pa. at ito’y ang mga sumusunod:

(i) Ang uri ng malalaking kapitalista, na sa lahat ng sibilisadong bansa, halos nag-aari na ng lahat ng paraan sa ikabubuhay at kasangkapan (makina, pabrika) at mga kinakailangang kasangkapan para sa produksyon ng kaparaanan ng ikabubuhay. Ito ang uring burgis, o burgesya.

(ii) Ang uri ng mga ganap na walang pag-aari, na napilitang ibenta ang kanilang lakas-paggawa sa burgesya na kapalit ay sahod. Ito ang tinatawag na uri ng mga proletaryo, o proletaryado.

5. Sa anong kalagayan naganap ang ganitong pagbebenta ng proletaryado ng kanilang lakas-paggawa sa burgesya?

Ang paggawa ay isang kalakal, tulad ng iba pa, at ang presyo ay samakatwid itinatakda ng kaparehong batas na ginagamit sa iba pang kalakal. Sa pangangasiwa ng malalaking industriya o ng malayang kumpetisyon – sa nakikita natin, ang dalawa’y tumutungo sa parehong bagay – ang presyo ng kalakal, humigit-kumulang, ay laging kapantay sa gastos sa produksyon nito. Kaya, ang presyo ng paggawa ay kapantay rin ng gastos ng produksyon ng paggawa.

Ngunit ang gastos sa produksyon ng paggawa ay naglalaman ng eksaktong dami ng kinakailangang paraan sa ikabubuhay upang patuloy na magtrabaho ang manggagawa, at upang mapigilang maghingalo ang uring manggagawa. Kung gayon ay walang makukuha ang manggagawa sa kanyang paggawa maliban sa kung anong kinakailangan sa layuning ito; ang presyo ng paggawa, o sahod, sa madaling salita, ang pinakamababa, ang minimum, na kinakailangan para mabuhay.

Gayunman, dahil ang negosyo ay minsa’y mabuti at minsa’y masama, minsan ay nakakakuha ang manggagawa ng labis o kulang sa kanyang mga kalakal. Ngunit tulad ng industriyalista, na humigit-kumulang ay may maganda at hindi, na nakakakuha ng di labis o di kulang para sa kanyang kalakal sa pinagkakagastusan nito, gayundin ang nakukuha ng manggagawa na di labis o di kulang.

Ang pang-ekonomyang batas na ito ng sahod ay mahigpit na tumatakbo sa paglaki ng batas kung saan inari ng malalaking industriya ang lahat ng sangay ng produksyon.

6. Ano ang mga uri ng manggagawa meron bago magka-Rebolusyong Industriyal?

Ayon sa iba’t ibang antas ng pagsulong ng lipunan, ang mga uri ng manggagawa ay pawang namumuhay sa iba’t ibang kalagayan at may iba’t ibang kaugnayan sa mga nag-aari at naghaharing uri.

Noong unang panahon, ang mga manggagawa ay alipin ng mga may-ari, tulad ng nangyayari pa ngayon sa mga di pa maunlad na bansa at kahit sa katimugang bahagi ng Estados Unidos.

Noong Edad Medya, sila ang mga alipin ng mga maharlikang nag-aari ng lupa, tulad ng nagaganap ngayon sa Hungarya, Poland at Rusya. Noong Edad Medya, at sa katunayan hanggang Rebolusyong Industriyal, maraming mga manlalakbay sa mga lunsod na nagtatrabaho sa ilalim ng mga panginoong petiburgis. Unti-unti, sa pagsulong ng manupaktura, ang mga manlalakbay na ito’y naging manggagawa sa pabrika na kinuha ng mas malalaking kapitalista.

7. Sa anong paraan nagkakaiba ang proletaryado sa mga alipin?

Ang alipin ay ibinebenta ng minsanan at para sa lahat; ang proletaryado’y dapat ibenta ang kanyang sarili ng arawan o kada oras.

Ang isang alipin, na pag-aari ng isang panginoon, ay nakatitiyak ng ikabubuhay, gaano man siya kahabag-habag, dahil sa interes ng panginoon. Ang isang proletaryado, na pag-aari ng buong burgesya na bumubili ng kanyang lakas-paggawa kung may nangangailangan nito, ay walang katiyakan sa ikabubuhay. Ang ikabubuhay na ito’y tinitiyak lamang ng uri sa buo.

Ang alipin ay labas sa kumpetisyon; ang proletaryado naman ay naroon at nararanasan ang lahat ng kalokohan.

Ang alipin ay itinuturing na isang bagay lamang, hindi kabilang sa lipunan. Kaya ang alipin ay magkakaroon ng mas maayos na pamumuhay kaysa proletaryado habang ang proletaryado naman ay nabibilang sa mas mataas na baytang ng pagsulong panlipunan at nakakatindig sa mas mataas na antas panlipunan kaysa alipin.

Makakalaya lang ang alipin kapag, sa lahat ng relasyon sa pribadong pag-aari, pinawi niya lamang ay relasyon sa pang-aalipin, at sa gayon ay maging proletaryado; makakalaya lamang ang proletaryado kapag ganap niyang pinawi ang pribadong pag-aari.

8. Sa anong paraan nagkakaiba ang proletaryado sa mga basalyo?

(*basalyo – serf sa Ingles, alipin sa lupa, kasama)

Ang mga basalyo ay nag-aari at gumagamit ng kasangkapan sa produksyon, isang bahagi ng lupa, kapalit ng bahagi ng kanyang ani o bahagi ng kanyang serbisyo sa paggawa.

Ang mga proletaryado ay nagtatrabaho gamit ang mga kasangkapan sa produksyon ng iba, para sa halaga nito, kapalit ng bahagi ng produkto.

Ang basalyo’y nagbibigay, ang proletaryado’y tumatanggap. Ang basalyo’y nakatitiyak ng ikabubuhay, ang proletaryado’y hindi. Ang basalyo’y labas sa kumpetisyon, ang proletaryado’y pasok doon.

Mapapalaya ng basalyo ang kanyang sarili sa tatlong pamamaraan: maaari siyang maglayas papuntang lunsod at doo’y maging manggagawa sa gawaing kamay, o imbes na produkto at serbisyo, magbigay siya ng salapi sa kanyang panginoon at maging malayang kasama; o kaya’y patalsikin niya ang kanyang pyudal na panginoon at siya’y maging may-ari. Sa maikling salita, sa anumang paraan, siya’y mapupunta sa uring nagmamay-ari at mapapasok sa kumpetisyon. Ang proletaryado naman ay lalaya sa pagpawi ng kumpetisyon, pribadong pag-aari at sari-saring pagkakaiba sa uri.

9. Sa anong paraan nagkakaiba ang proletaryado sa mga artisano?

Taliwas sa proletaryado, ang mga tinatawag na artisano, na nabubuhay pa noong nakaraang (ika-18) siglo at naririto pa rin sa ngayon, ay proletaryado halos pansamantala. Ang layunin niya ay magkaroon din ng sariling kapital kung saan makakapagsamantala rin siya ng kapwa manggagawa. Kadalasang nakakamit niya ang layuning ito kung saan may nakatayo pang samahan o kung saan malaya mula sa mga kahigpitan ng samahan, ay di pa tumutungo sa pagpapakilala ng mga pamamaraan ng estilong-pabrika sa kanilang kasanayan o kaya’y sa matinding kumpetisyon. Ngunit nang ang sistemang pabrika ay naipasok na sa kasanayan at ganap na lumago ang kumpetisyon, ang prespektibang ito’y unti-unting nawala at ang mga artisano’y unti-unting naging proletaryado. Samakatwid, pinalaya ng artisano ang kanyang sarili sa pagiging burgis o maging panggitnang uri sa pangkalahatan, o maging proletaryado dahil sa kumpetisyon (na halos ito ang usapin ngayon). Sa ganitong usapin, napapalaya niya ang kanyang sarili sa pagsapi sa kilusang proletaryado, hal., sa mga humigit-kumulang ay komunistang kilusan.

10. Sa anong paraan nagkakaiba ang mga proletaryado sa mga manggagawa sa manupaktura?

Ang mga manggagawa sa manupaktura noong ika-16 hanggang ika-18 siglo, bagamat may ilang eksepsyon, ay mayroon pang kagamitan sa produksyon na kanyang pag-aari – ang panghabi, ang pang-ikid ng pamilya, kapirasong lupang nililinang niya sa kanyang libreng oras. Wala nang mga ito ang proletaryado.

Karaniwang nakatira sa lalawigan ang mga manggagawa sa manupaktura at humigit-kumulang ay nasa relasyong patriyarkal sa kanyang panginoong maylupa o nagpapatrabaho; ang proletaryado, sa buong buhay niya, ay nabubuhay sa lunsod at ang relasyon niya sa kanyang pinaglilingkuran ay purong relasyong kuwarta.

Nawala na ang mga manggagawa sa manupaktura sa kanyang relasyong patriyarkal dahil sa malalaking industriya, nawawala na ang anumang pag-aaring mayroon siya, at sa paraang ito siya ay nagiging proletaryado.

11. Ano ang mga agarang kinahinatnan ng rebolusyong industriyal at ng pagkakahati ng lipunan sa burgesya at proletaryado?

Una, ang pababa ng pababang presyo ng mga produktong industriyal dahil sa makinarya sa paggawa ang tuluyang sumira, sa lahat ng bansa sa mundo, sa lumang sistema ng manupaktura o industriyang batay sa gawaing kamay.

Sa ganitong paraan, lahat ng bansang medyo barbaro, na hanggang ngayon ay humigit-kumulang baguhan sa istorikal na pagsulong at ang industriya’y batay sa manupaktura, ay napilitang mawala sa kanilang pagkabukod. Binili nila ang mga murang kalakal ng mga Ingles at pinahintulutang mawasak ang kanilang sariling mga manggagawa sa manupaktura. Ang mga bansang walang nakilalang pag-unlad sa ilang libong taon – halimbawa, India – ay lubusang binago, at kahit ang Tsina ay nasa landas ngayon ng isang rebolusyon.

Napag-isip-isip namin na inaagaw ng mga bagong makinang inimbento sa Inglatera ang kabuhayan ng milyong manggagawang Tsino sa loob lamang ng isang taon.

Sa ganitong paraan, nagkaugnayan na ang iba’t ibang tao sa mundo dahil sa malalaking industriya, pinagsama ang mga lokal na pamilihan sa isang pandaigdigang pamilihan, ikinalat ang kabihasnan at pagsulong sa iba’t ibang lugar at tiniyak na anumang mangyari sa mga sibilisadon bansa ay may pag-igkas sa iba pang mga bansa.

Sumusunod dito na kung mapapalaya ngayon ng mga manggagawa ng England at Pransya ang kanilang mga sarili, magdudulot ito ng rebolusyon din sa iba – rebolusyong sa malao’t madali ay sasakatuparan ng paglaya ng kani-kanilang uring manggagawa.

Ikalawa, kapag binabago ng malalaking insdustriya ang kalagayan ng manupaktura, napapaunlad ng burgesya ang kanilang yaman at kapangyarihan sa sukdulan at nagiging pangunahing uri sa bansa. Saanman mangyari ito, napapasakamay ng burgesya ang kapangyarihan at hanggang ngayon ay pinapalitan ang naghaharing uri, aristokrasya, pinuno ng samahan, at ang kanilang kinatawan, ang buong monarkya.

Winasak ng burgesya ang kapangyarihan ng aristokrasya, ang nobilidad, sa paglipol sa pagtatakda ng mga estado – sa madaling salita, sa pagpapailalim ng mga ari-arian sa lupa sa pagbili at pagbenta, at pagpawi ng mga espesyal na pribilehiyo ng mga nobilidad. Winasak nito ang kapangyarihan ng mga pinuno ng samahan sa pamamagitan ng pagwasak sa mga pribilehiyo ng samahan at gawang-kamay. Humalili rito ay ang kumpetisyon – ito ang kalagayan ng lipunan kung saan ang lahat ay may karapatang pumasok sa anumang sangay ng industriya, na ang tanging pumipigil ditto ay ang kakapusan ng kinakailangang puhunan.

Ang pagpapakilala sa malayang kumpetisyon ay isang pampublikong pahayag na mula ngayon ang mga kasapi ng lipunan ay di pantay hangga’t ang kanilang puhunan ay di pantay, na ang puhunan ang mapagpasyang kapangyarihan,at kaya ang mga kapitalista, ang burgesya, ay naging pangunahung uri ng lipunan.

Kinakailangan ng malayang kumpetisyon sa pagtatatag ng malaking industriya, dahil ito lamang ang kalagayan sa lipunan na dadaanan ng malaking industriya.

Nang madurog ang kapangyarihang pampamayanan ng mga nobilidad at pinuno ng mga samahan, winasak din ng burgesya ang kanilang kapangyarihang pulitikal. Nang maingat nito ang kanilang sarili sa kalagayan bilang pangunahing uri sa lipunan, ipinahayag din nito ang sarili bilang nangingibabaw na uring pulitikal. Nangyari ito sa pagpapakilala sa sistema ng kinatawan na nakasalalay sa pagkakapantay ng burgesya sa ilalim ng batas at pagkilala sa malayang kumpetisyon, at sa mga bansang Europeano ay nag-anyong monarkyang konstitusyonal. Sa mga monarkyang konstitusyonal na ito, yaon lamang may sapat na puhunan ang botante – sa madaling sabi, mga kasapi lamang ng burgesya. Ang mga burgis na botanteng ito ang pumipili ng diputado, at ang mga diputadong burgis na ito, sa pamamagitan ng paggamit ng kanilang karapatang tumanggi na bumoto sa buwis, ang pumipili ng burgis na pamahalaan.

Ikatlo, saanman kasabay ng hakbang-hakbang na pagsulong ng proletaryado ang burgesya. Sa proporsyon, habang lumalaki ang yaman ng burgesya, lumalaki naman ang bilang ng proletaryado. Yayamang nagtratrabaho lamang ang proletaryado dahil sa kapital, at yayamang lumalaki ang puhunan sa pamamagitan ng paggawa, sumusunod dito na kasabay ng paglawak ng proletaryado ang paglago ng puhunan.

Sabay nito, pinagsama ng prosesong ito ang mga kasapi ng burgesya at proletaryado sa mga malalaking lungsod kung saan ang mga industriya’y lalago at tutubo, at sa dahilang ito’y binabalibag ang masa sa isang sulok, nagbibigay ito sa proletaryado ng kamalayan sa sarili nilang lakas.

Dagdag pa, habang umaabante ang proseso, naiimbento rin ang maraming makinang tumutulong sa paggawa, lumalaki ang presyon sa mga malalaking industriya hinggil sa sahod, na sa ating mga nakita, ay bumaba ng napakababa at sa gayon papalaki ang kalagayang di na makayanan ng proletaryado. Ang tumitinding kawalang kasiyahan ng proletaryado ay humugpong sa kanilang umaangat na kapangyarihan upang maghanda sa isang proletaryadong panlipunang rebolusyon.

12. Ano pa ang mga kinahinatnan ng rebolusyong industriyal?

Nilikha ng malaking industriya ang makinang singaw (steam engine), ang pamamaraan ng walang kamatayang paglago ng produksyon sa industriya, pagpapabilis nito, at pagbawas sa gastusin nito. Nang pinadali ang produksyon, ang malayang kumpetisyon, na kinakailangang itali sa malaking industriya, ang umako sa pinakasukdulang anyo; sinakop ng maraming kapitalista ang industriya, at sa kaunting panahon, marami ang nilikha kaysa kinakailangan.

Ang kinahinatnan nito, ang mga natapos na kalakal ay di maibenta, at ang tinatawag na krisis komersyal ay lumaganap. Kinakailang isara ang mga pabrika, nalugi ang mga may-ari nito, at ang mga manggagawa’y walang makain. Lumaganap saanman ang matinding kahirapan.

Matapos ang ilang panahon, ang labis-labis na produkto ay naibenta, muling nagbukas ang mga pabrika, tumaas ang sahod, at unit-unting bumuti ang kalagayan ng negosyo.

Ngunit di nagtagal marami na naming kalakal ang nilikha at isang bagong krisis ang lumaganap, na naulit lamang ang naganap sa mga nakaraan.

Magmula sa umpisa ng kasalukuyang (ika-19) dantaon, ang kalagayan ng industriya ay laging pabagu-bago sa pagitan ng panahon ng kasaganahan at kadahupan; ng tuwing lima hanggang pitong taon, isang sariwang krisis ang namamagitan, na laging nagpapahirap sa mga manggagawa, at laging kasama ng malaking rebolusyonaryong kaganapan at direktang panganib sabuong kaayusan ng mga bagay-bagay.

13. Anong susunod sa mga nagaganap na pana-panahong krisis komersyal na ito?

Una:

Na, bagamat nilikha pa noong una ng malaking insdustriya ang malayang kumpetisyon, nalagpasan na nito ang malayang kumpetisyon;

Na, para sa malaking industriya, ang kumpetisyon at sa pangkalahatan ang indibidwalistang pagkaorganisa ng produksyon ay naging hadlang na kinakailangang madurog at dudurugin nito;

Na, hangga’t nananatili sa kasalukuyang kalagayan ang malaking industriya, mapapanatili lamang ito sa halaga ng pangkalahatang kaligaligan tuwing pitong taon, na lagging binabantaan ang buong sililisasyon at di lamang inilulubog ang proletaryado sa dusa kundi winawasak din ang malaking bahagi ng burgesya.

Kaya, kung isusuko na ang malaking industriya, na tiyak namang di mangyayari, o kaya’y lumikha ito ng di-maiiwasang pangangailangan ng bagong organisasyon ng lipunan kung saan ang produksyon ay di na dinidirekta ng nagpapaligsahang mga indibidwal na industriyalista kundi ng buong lipunan na gumagalaw ayon sa isang depinidong plano at nagtitiyak ng pangangailangan ng lahat.

Ikalawa: Na dinala ng malaking industriya, at ang malayang paglawak ng produksyon na ginawa nitong posible, sa loob ng sakop ng pisibilidad ang isang panlipunang kaayusan kung saan marami ang nalikha na bawat kasapi ng lipunan ay nasa posisyon na gamitin at paunlarin lahat ng kanyang kapangyarihan at kakayahan ng ganap na malaya.

Kung kaya lumilitaw na ang mga ganap na kalidad ng malaking industriya kung saan, sa kasalukuyan nating lipunan, ay lumikha ng paghihirap at pagdarahop ay yaong, sa ibang anyo ng lipunan, ay papawiin ang paghihirap na ito at ang mga kapanglawang ito.

Nakikita natin ng may malawak na kalinawan:

(i) Na ang lahat ng mga kasamaang ito mula ngayon ay isisi lamang sa isang panlipunang kaayusang hindi na tumutugon sa mga pangangailangan ng tunay na kalagayan; at

(ii) Na yaon ay maaaring mangyari, sa pamamagitan ng bagong panlipunang kaayusan, upang lubusang mapawi ang kasamaang ito.

14. Ano ang magiging itsura ng bagong panlipunang kaayusang ito?

Una sa lahat, dapat muna nitong makontrol ang industriya at lahat ng sangay ng produksyon mula sa kamay ng mga magkaugnay na nagpapaligsahang indibidwal, at sa halip ay simulan ang isang sistemang ang lahat ng mga sangay ng produksyon na ito ay pinagagana ng buong lipunan – alang-alang sa pangkalahatan, ayon sa pangkalahatang plano, at ng may pakikilahok ang lahat ng kasapi ng lipunan.

Sa madaling salita, papawiin nito ang lahat ng kumpetisyon at papalitan ito ng asosasyon.

Dagdag pa, gayong ang pamamahala ng indibidwal sa industriya ay nangangailangan ng pribadong pag-aari, at gayong ang kumpetisyon sa katunayan ay pamamaraan at anyo lamang kung paano kontrolin ng mga pribadong nagmamay-ari ang industriya, ibig sabihin ay hindi maihihiwalay ang pribadong pag-aari sa kumpetisyon at sa inidbidwal na pamamahala ng industriya. Samakatwid, nararapat lang na pawiin ang pribadong pag-aari at kapalit nito’y dapat ang pangkalahatang paggamit ng lahat ng kagamitan sa produksyon at sa pamamahagi ng lahat ng produkto ayon sa napagkasunduan ng lahat, sa maikling salita, ito ang tinatawag na komunal na pag-aari ng kalakal.

Sa katunayan, walang dudang ang pagpawi sa pribadong pag-aari ang pinakamaiksi at pinakamahalagang paraan ng pagsasalarawan ng rebolusyon sa buong panlipunang kaayusan, kung saan ginawang pangangailangan sa pagsulong ng industriya – at dahil dito ito ang tamang isulong ng mga komunista bilang kanbilang pangunahing kahilingan.

15. Hindi ba maaari noon pa ang pagpawi sa pribadong pag-aari?

Hindi. Sa bawat pagbabago ng panlipunang kaayusan, bawat rebolusyon sa relasyon sa ari-arian, ang di maiiwasang kahahantungan para sa paglikha ng bagong pwersa ng produksyon kung saan hindi na ito umaakma sa relasyon ng lumang pag-aari.

Hindi naman laging umiral ang pribadong pag-aari.

Noong magtatapos ang Edad Medya, lumitaw doon ang bagong moda ng produksyon kung saan di nito madala sa ilalim ng umiiral na pyudal at anyo ng pag-aari ng samahan, ang manupakturang ito, kung saan nalipasan na ang dating ugnayan sa pag-ari, lumikha ng bagong anyo ng pag-aari, pribadong pag-aari. At para sa manupaktura at sa pinakaunang yugto ng pagsulong ng malalaking industriya, ang pribadong pag-ari lamang ang posibleng anyo ng pag-ari; ang panlipunang kaayusang batay doon ang tanging posibleng panlipunang kaayusan.

Habang hindi mangyayaring makapaglikha ng napakarami na merong sapat para sa lahat, at may natitira pa para sa pagpapalaki ng panlipunang kapital at pagpapalawak ng pwersa sa produksyon – hangga’t hindi ito mangyayari, kinakailangan lagi ng naghaharing uring mamamahala ng paggamit ng produktibong pwersa ng lipunan, at ang uring maralita at api. Nakasalalay sa yuto ng pag-unlad kung sinu-sino ang bumubuo ng mga uring ito.

Ang agraryong Edad Medya ang nagbigay sa atin ng baron at ng basalyo; ang mga lungsod sa kalaunan ng Edad Medya ay nagpakita sa atin ng mga pinuno ng samahan at ng manlalakbay at ng arawang manggagawa; ang ikapitong siglo ay may manggagawa sa manupaktura; ang ikalabingsiyam na siglo ay may malalaking may-ari ng pabrika at mga proletaryado.

Hanggang ngayon, malinaw na ang mga pwersa sa produksyon ay hindi sumulong sa puntong ang kasapatan ay maisulong para sa lahat, at ang pribadong pag-aari ay naging tanikala sa paa at sagka sa kaugnayan ng pagsulong pa ng mga pwersa sa produksyon.

Gayunman, sa kasalukuyan, ang pag-unlad ng malalaking industriya ang nagpakilala sa bagong yugto. Ang puhunan at ang mga pwersa ng produksyon ay napalawak sa di-mawaring saklaw, at ang mga kagamitan ay nasa kamay na upang paramihin ng walang limitasyon sa nalalapit na hinaharap. Dagdag pa, ang mga pwersa sa produksyon ay nakatipon lamang kamay ng iilang burgis, habang ang malawak na mayorya ng mamamayan ay bumabagsak sa pagiging proletaryado, lalong nagiging aba at di matitiis ang kanilang kalagayan kung ikukumpara sa paglaki ng yaman ng burgesya. At sa huli, napaglipasan na ng makapangyarihan at madaling palawaking pwersa sa produksyon ang pribadong pag-aari at ang burgsya, na anumang sandali ay binabantaan nilang pakawalan ang pinakamarahas na pangangambala sa panlipunang kaayusan. Ngayon, sa ilalim ng ganitong kalagayan, ang pagpawi sa pribadong pag-aari ay hindi lamang posible kundi sadyang kinakailangan.

16. Maaari bang maganap ang mapayapang pagpawi sa pribadong pag-ari?

Maigi kung mangyayari ito, at ang mga komunista ang tiyak na huling sasalungat dito. Alam na alam lamang ng mga komunista na ang lahat ng sabwatan ay hindi lamang walang silbi, kundi mapaminsala rin. Alam na alam nilang ang rebolusyon ay hindi ginawa ng kusa at pabigla-bigla, ngunit ito, saanman at lagi, ay pawang hindi maiiwasang kahahantungan ng mga kalagayan sa kabuuan ay hiwalay sa kagustuhan at direksyon ng bawat partido at ng lahat ng uri.

Ngunit nakikita rin nilang ang pagsulong ng proletaryado sa halos lahat ng sibilisadong bansa ay marahas na dinurog, at sa mga paraang ito, buong lakas na pinagsisikapan ng mga kalaban ng komunismo ang isang rebolusyon. Kung ang mga aping proletaryado ay natulak na sa rebolusyon, ipagtatanggol nating mga komunista sa gawa ang interes ng proletaryado kung paanong ipinagtatanggol natin sila sa salita.

17. Maaari bang mangyaring mapawi ang pribadong pag-aari sa isang hataw?

Hindi, tanging ang umiiral na pwersa sa produksyon kayang magparami sa isang hataw sa sukdulang kinakailangan para sa paglikha ng lipunang komunal.

Sa lahat ng probabilidad, unti-unting babaguhin ng proletaryadong rebolusyon ang umiiral na lipunan at mapapawi lamang ang pribadong pag-aari kung ang sapat na dami ng mga kagamitan sa produksyon ay naririyan na.

18. Ano ang patutunguhan ng rebolusyong ito?

Una sa lahat, itatatag nito ang isang demokratikong saligang batas, at sa pamamagitan nito, ang direkta at indirektang pangingibabaw ng proletaryado. Direkta sa Inglatera, kung saan ang proletaryado ang siyang mayorya ng mamamayan. Indirekta sa Pransya at Alemanya, kung saan ang mayorya ng mga tao ay hindi lamang proletaryado, kundi maging ng maliliit na pesante at petiburgis na nasa proseso ng pagbagsak sa pagiging proletaryado, na iniaasa na ng tuluyan ang kanilang pampulitikang interes sa proletaryado, at sa kalaunan ay susunod na sa mga kahilingan ng proletaryado. Malamang ito’y magresulta sa ikalawang tunggalian, ngunit ang kahihinatnan lamang ang ang tagumpay ng proletaryado.

Magiging ganap na walang halaga ang demokrasya sa proletaryado kung ito’y hindi agarang magagamit bilang paraan upang maisalang ang mga direktang aksyong nakadirekta laban sa pribadong pag-ari at matiyak ang pangkabuhayan ng proletaryado. Ang pinakamahalagang pamamaraan, na sumulpot bilang hindi maiiwasang resulta ng kasalukuyang ugnayan, ay ang mga sumusunod:

(i) Limitasyon ng pribadong pag-aari sa pamamagitan ng progresibong pagpapataw ng buwis, mabibigat na buwis sa mana, pagpawi sa mana sa pamamagitan ng linyang kamag-anak sa dugo (kapatid, pamangkin, atbp.), sapilitang pautang, atbp.

(ii) Unti-unting pagkuha ng ari-arian ng mga may-ari ng lupa, namamahala ng industriya, maiimpluwensya sa lansangan at may-ari ng mga barko, na sa isang antas ay sa pamamagitan ng kumpetisyon ng industriya ng estado, sa isang antas ay direktang sa pamamagitan ng pagbabayad-pinsala sa anyo ng mga obligasyon (bonds).

(iii) Pagsamsam sa yaman ng lahat ng dayo at rebelde na laban sa mayorya ng mamamayan.

(iv) Samahan ng paggawa o pagpapatrabaho ng manggagawa sa mga lupang pag-ari ng publiko, sa mga pabrika at mga pagawaan, ng may pagpawi sa kumpetisyon sa pagitan ng mga manggagawa at kasama ang mga may-ari ng pabrika, habang sila’y umiiral pa rin, na inobligang magbayad ng kaparehong mataas na sahod na tulad ng pagbayad ng estado.

(v) Kapantay na tungkulin ng lahat ng kasapi ng lipunan upang magtrabaho hanggang dumating ang panahon na ang pribadong pag-aari ay tuluyang mapawi. Ang pormasyon ng hukbong industriyal, lalo na para sa agrikultura.

(vi) Pagsentro ng salapi at kredit sa kamay ng estado sa pamamagitan ng pambansang bangko na may puhunan ng estado, at pagsupil sa lahat ng pribadong bangko at bangkero.

(vii) Pagdami ng bilang ng pambansang pabrika, pagawaan, riles, barko; ang paglinang ng mga bagong lupain at pagpapaunlad ng mga lupaing nalinang na – ang lahat ay katumbas sa paglago ng puhunan at pwersa ng paggawa sa pagsasalin ng bansa.

(viii) Edukasyon ng lahat ng bata, sa oras na kaya na silang iwanan sa pangangalaga ng ina, sa pambansang establisimyento at pambansang gastusin. Magkasama ang edukasyon at produksyon.

(ix) Pagbubuo, sa mga pampublikong lupain, ng malalaking palasyo bilang pampublikong tirahan para sa mga magkakaugnay na pangkat ng mamamayan na sangkot sa industriya at agrikultura at isinama sa kanilang paraan ng pamumuhay ang mga bentahe ng kalagayang panglungsod at pangnayon habang iniiwasan ang makaisang panig at disbentahe ng bawat isa.

(x) Pagkawasak ng lahat ng di malusog at mumurahing tirahan sa mga distrito ng lungsod.

(xi) Magkapantay na karapatan sa mana para sa mga batang ipinanganak sa loob o labas ng kasal.

(xii) Konsentrasyon ng lahat ng paraan ng transportasyon sa kamay ng bansa.

Imposible namang maisagawa ang lahat ng pamamaraang ito kaagad. Ngunit laging dadalhin ng isang tao ang iba sa kamalayan nito. Kapag ang unang sagarang atake sa pribadong pag-aari ang inilunsad, makikita ng proletaryado ang kanyang sarili na naitulak palayo, upang patuloy na ituon sa kamay ng estado ang lahat ng puhunan, lahat ng agrikultura, lahat ng trasnportasyon, lahat ng kalakalan. Ang lahat ng nakaraang pamamaraan ay nakadirekta sa dulo nito; at ito’y maisasakatuparan at magkakatotoo, kayang makagaw ng kanilang pansentrong epekto sa tiyak na antas kung saan ang proletaryado, sa pamamagitan ng paggawa, ay naparami ang produktibong pwersa ng bansa.

At sa huli, kapag ang lahat ng puhunan, ang lahat ng produksyon, ang lahat ng palitan ay sama-samang nadala sa kamay ng bansa, maglalaho ng kusa ang pribadong pag-aari, lalabis ang salapi, at lalawak ang produksyon at magbabago ang tao kung saan matatanggal ng lipunan ang anumang maaaring manatiling lumang pang-ekonomyang nakagawian.

19. Maaari bang maganap ang rebolusyong ito sa isang bansa lamang?

Hindi. Sa paglikha ng pandaigdigang pamilihan, dinala na ng malalaking industriya ang lahat ng tao sa mundo, at lalo na ang mga sibilisadong tao, sa napakalapit na ugnayan sa bawat isa kung saan walang independyente sa nangyayari sa iba pa.

Bilang karagdagan, pinagalaw nito ang panlipunang pag-unlad ng mga sibilisadong bansa sa sukdulang ang lahat ng burgis at proletaryado ay naging mga mapagpasyang uri, at ang paglalabanan nila ang siyang malaking pakikibaka ng panahon. Kasunod nito na ang komunistang rebolusyon ay hindi lamang isang pambansang pangyayari kundi dapat na tuluy-tuloy na maganap sa lahat ng sibilisadong bansa – na maaaring masabi, kahit papaano’y sa Inglatera, Amerika, Pransya at Alemanya.

Maisusulong sa bawat bansa humigit-kumulang, ayon sa mas maunlad na industriya ng bawat bansa, ang mas malaking yaman, ang mas mahahalagang bulto ng produktibong pwersa. Samakatwid, ito’y dahan-dagang susulong na may mas maraming hadlang sa Alemanya, agarang susulong ng may kakaunting hirap sa Inglatera. Magkakaroon ito ng matinding epekto sa ibang bansa sa mundo, at sukdulang mababago ang takbo ng pagsulong kung saan sinunod nila magpahanggang ngayon, habang humahakbang sila ng malaki.

Iyon ay isang pandaigdigang rebolusyon at kung kaya may pandaigdigang saklaw.

20. Ano ang mga kahihinatnan ng tuluyang pagkawala ng pribadong pag-aari?

Kukunin ng lipunan ang lahat ng pwersa ng produksyon at pamamaraan ng komersyo, pati na ang palitan at pamamahagi ng mga produkto, nang wala na sa kamay ng mga pribadong kapitalista at pamamahalaan ito alinsunod sa planong nakabatay sa mga naririyang kagamitan at kung ano ang pangangailangan ng buong lipunan. Napakahalaga na sa ganitong paraan, papawiin ang lahat ng masasamang kahihinatnan nitong kasama sa pagpapatakbo ng malalaking industriya sa ngayon.

Wala nang susunod pang krisis; ang pinalawak na produksyon, na sa kasalukuyan ay sobra-sobrang produksyon kaya siyang dahilan ng nangyayaring kahirapan, ay magiging kapos at nangangailangan pang lalong palawakin. Imbes na magdulot ng kahirapan, mararating ng sobra-sobrang produksyonng higit pa sa batayang pangangailangan ng lipunan upang tiyakin ang kasiya-siyang pangangailangan ng lahat; lilikha ito ng panibagong pangangailangan, at kasabay nito, ang mga pamamaraan upang masiyahan sila. Ito ang magiging kalagayan at uudyok sa panibagong pagsulong, na di na itutulak nito ang buong kaayusang panlipunan sa kalituhan. Ang mga malalaking industriya, na malaya sa impluwensiya ng pribadong pag-aari, ay tutungo sa paglawak na sa ngayon ay nakikita nating tila maliit kumpara sa manupaktura kung itatabi sa malalaking industriya ng ating ating panahon. Ang pagsulong na ito ng industriya ay magkakaroon sa lipunan ng sapat na dami ng produktong kinakailangan ng bawat isa.

Totoo rin ang ganito sa agrikultura, na nagdurusa rin sa impluwensiya ng pribadong pag-aari at itinutulak pabalik dahil sa pagkakahati ng mga pribadong pag-aaring lupa sa maliliit na parsela. Dito, ang mga pagsulong at patakarang pang-agham ay magagamit, at magreresulta ng pag-igpaw pasulong na magtitiyak sa lipunan ng lahat ng produktong kinakailangan nito.

Sa ganitong pamamaraan, ang kasaganahan ng mga pangangailangan ang magpapasiya sa mga kasapi ng lipunan.

Ang pagkakahati ng lipunan sa iba’t iba’t magkakakontrang uri ay di na kinakailangan. Hindi mapasusubaliang hindi lang ito di na kinakailangan kundi di na kayang batahin sa bagong kaayusang panlipunan. Ang pagkakaroon ng uri ay nagmula sa pagkakahati sa paggawa, at ang hatian sa paggawa, na nalalaman natin hanggang sa ngayon, ay tuluyan nang maglalaho. Ang mga prosesong mekanikal at kemikal ay di na sapat upang magdala ng produksyong industriyal at agricultural hanggang sa antas na ating inilarawan; ang kakayahan ng mga taong gumagamit ng prosesong ito ay dapat sumailalim sa kinauukulang pag-unlad.

Kung paanong binago ng mga pesante at manggagawa sa pabrika ng nagdaang siglo ang kanilang kabuuang pamumuhay at naging iba nang tao nang mapunta sila sa malalaking industriya, sa ganoong paraan din, ang komunal na pamamahala ng lipunan sa produksyon sa kabuuan at ang nagaganap na bagong pag-unlad, ay nangangailangan na ng ibang uri ng tao.

Ang mga tao’y di na, tulad ngayon, mapapailalim sa isang sangay ng produksyon, nakagapos dito, pinagsasamantalahan nito; di na nila pauunlarin lang ang isa nilang kakayahan ng nakataya ang iba pa; di lang isang sangay ang alam nila, o isang sangay lang sa loob ng isa pang sangay, ng kabuuang produksyon. Kahit ang industriya ngayon ay nakikitang di na nakakatulong pa ang ganuong mga tao.

Ang industriyang pinamamahalaan sa kabuuan ng lipunan, at pinatatakbo batay sa plano, ipinagpapalagay ang taong maalam sa lahat, ang kanilang kakayahan ay umunlad ng balance, at nakikita ang kabuuang sistema ng produksyon.

Ang anyo ng hatian sa paggawa, na lumikha sa isa bilang pesante, sa isa pa bilang sapatero, ang ikatlo’y manggagawa sa pabrika, ang ikaapat ay manggagawa sa pamilihan ng saping-puhunan (stock market), ay inilugso na ng makinarya at tuluyan nang maglalaho. Sa pamamagitan ng edukasyon, matututunan na ng mga kabataan ang buong sistema ng produksyon at daraan mula sa isang sangay ng produksyon sa iba pang sangay batay sa pangangailangan ng lipunan o kaya’y ng kanilang sariling hilig. Kaya, palalayain sila mula sa makaisang-panig na katauhan na sa ngayon ay nangyayari sa bawat tao sa kasalukuyang hatian sa paggawa. Sa ganitong paraan, magaganap sa lipunang komunista na magamit ng lahat ng kasapi nito ang kanilang buong maunlad na kakayahan. Ngunit pag nangyari ito, kinakailangan nang maglaho ng mga uri. Kasunod nito, ang lipunang naitatag sa batayang komunista ay di na katugma ng pagkakaroon ng uri sa kabilang banda, at ang mismong pagtatayo ng gayong lipunan ay nagbibigay ng pamamaraan ng pagpawi ng kaibahan ng mga uri.

Ang kinahihinatnan nito ay ang tuluyan nang mapapawi ang kaibahan sa pagitan ng lungsod at kanayunan. Ang pamamahala sa agrikultura at industriya ng kaparehong tao imbes na magkaibang uri ng tao, ay kinakailangang kondisyon sa isang samahang komunista, kahit na sa dahilang materyal lamang. Ang pagpapakalat ng populasyong agricultural sa mga lupa, kasabay ng pagdami ng populasyong industriyal sa malalaking lungsod, ay isang kondisyong tumutugma sa isang di pa maunlad na estado ng agrikultura at industriya at medaling maramdamang balakid ito sa mas higit na pagsulong.

Ang pangkalahatang pakikipagtulungan ng lahat ng kasapi ng lipunan para sa layuning planadong pagsasamantala sa mga pwersa ng produksyon, ang paglawak ng produksyon sa puntong masasapat ang pangangailangan ng lahat, ang pagpawi sa isang kalagayang ang pangangailangan ng ilan ay natutugunan nang nakataya ang pangangailangan ng iba, ang buong pagkitil sa mga uri at sa kanilang mga sigalot, ang kabuuang pag-unlad ng kakayahan ng lahat ng kasapi ng lipunan sa pamamagitan ng pagtatanggal sa kasalukuyang hatian sa paggawa, sa pamamagitan ng edukasyong industriyal, sa pamamagitan ng pakikisangkot sa iba’t ibang gawain, sa pamamagitan ng pakikilahok ng lahat sa ligayang nilikha ng lahat, sa pamamagitan ng kumbinasyon ng lungsod at kanayunan – ito ang pangunahing kahihinatnan ng pagpawi sa pribadong pag-aari.

21. Ano ang magiging impluwensya ng lipunang komunista sa pamilya?

Babaguhin nito ang relasyon sa pagitan ng mga kasarian sa isang dalisay na pribadong bagay na iniintindi lamang ng mga sangkot na tao kung saan ang lipunan ay walang dahilang makialam. Magagawa ito yayamang pinawi na ang pribadong pag-aari at natuto na ang mga bata sa batayang komunista, at sa paraang ito ay tinatanggal na ang dalawang saligan ng tradisyunal na kasal – ang pagiging palaasa na nag-ugat sa pribadong pag-aari, ng babae sa lalaki, at ng mga anak sa mga magulang.

At ito ang tugon sa hinaing ng mga palalong moral na pilistino laban sa “pamayanan ng kababaihan”. Ang pamayanan ng kababaihan ay isang kalagayang kasama sa buong lipunang burgis kung saan ganap itong ipinahihiwatig ngayon sa prostitusyon. Ngunit ang prostitusyon ay batay sa pribadong pag-aari at babagsak na kasama nito. Kung kaya, ang lipunang komunista, imbes na ipakilala ang pamayanan ng kababaihan, sa katunayan ay pinapawi ito.

22. Ano ang magiging pakikitungo ng komunismo sa umiiral na kabansaan?

Ang kabansaan ng mamamayan na isinasama ang kanilang sarili batay sa prinsipyo ng pamayanan ay mapipilitang makihalubilo sa bawat isa bilang resulta ng samahang ito at sa ganoong paraan ay malusaw sila, tulad ng sari-saring estado at pagkakahati sa uri ay maglalaho sa pamamagitan ng pagpawi sa kanilang batayan, ang pribadong pag-aari.

23. Ano ang magiging pakikitungo nito sa umiiral na relihiyon?

Sa ngayon ang lahat ng relihiyon ay naging simbolo ng makasaysayang antas ng pag-unlad ng bawat tao o pangkat ng mga tao. Ngunit ang komunismo ang antas ng makasaysayang pag-unlad na gagawing labis-labis ang lahat ng umiiral na relihiyon na siyang magdudulot ng kanilang paglaho.

24. Paano naiiba ang mga komunista sa mga sosyalista?

Nahahati sa tatlong kategorya yaong mga tinatawag na sosyalista.

[Reaksyunaryong Sosyalista:]

Ang unang kategorya ay naglalaman ng mga disipulo ng isang lipunang pyudal at patriyarkal na nadurog na, at sa araw-araw ay dinudurog pa rin, ng malalaking industriya at kalakalang pandaigdig at ng kanilang nilikhang lipunang burgis. Dinulo ng kategoryang ito, na mula sa kasamaan ng umiiral na lipunan, na dapat maibalik ang lipunang pyudal at patriyarkal dahil malaya ito sa mga nasabing kasamaan. Sa anupamang pamamaraan, ang lahat ng kanilang mungkahi ay nakadirekta sa layuning ito.

Ang kategoryang ito ng mga reaksyunaryong sosyalista, sa kanilang mga tila pagsasama at kanilang nakakaalipustang luha para sa kahirapan ng proletaryado, datapwat masigasig na sinasalungat ito ng mga komunista dahil sa mga sumusunod na kadahilanan:

(i) Nagsisikap iyon para sa mga bagay na sa kabuuan ay hindi mangyayari.

(ii) Nais nitong maitatag ang pamumuno ng aristokrasya, mga tagapagtatag, mga maliliit na manggagawa, at ang kanilang kampon ng absolute o naghaharing pyudal, mga opisyales, mga kawal, at mga pari – isang lipunang tinitiyak na malaya sa kasamaan ng kasalukuyang lipunan, ngunit may dala-dala mang kabuktutang hindi nag-aalay sa mga inaping manggagawa ang isang posibilidad ng paglaya sa pamamagitan ng komunistang rebolusyon.

(iii) Kapag ang proletaryado’y naging rebolusyonaryo na at komunista, inilalantad ng mga reaksyunaryong sosyalistang ito ang kanilang tunay na kulay sa pamamagitan ng pagkakaroon ng kaparehong layunin sa burgesya laban sa mga proletaryado.

[Mga Burgis na Sosyalista:]

Ang ikalawang kategorya ay naglalaman ng mga tagasuporta ng kasalukuyang lipunan na tinatakot sa hinaharap nito ng mga masasamang kinakailangan nitong iangat. Kung gayon, ang nais nila ay panatilihin ang lipunang ito habang tinataboy ang mga kasamaang bahagi ng pamana nito.

Sa dulo nito, ang ilan ay nagmumungkahi lang ng mga pangkabutihang katugunan – habang ang ilan ay humahakbang pasulong ng may malawak na sistema ng reporma, na sa pagpapanggap na muling inoorganisa ang lipunan, sa katunayan ay para i-preserba ang mga pundasyon, at ang buhay, ng umiiral na lipunan.

Dapat na walang patawad na labanan ng mga komunista ang mga burgis na sosyalista dahil nagtatrabaho sila laban sa mga kaaway ng mga komunista at nagpoprotekta sa lipunang inaadhikang pabagsakin ng mga komunista.

[Demokratikong Sosyalista:]

Sa huli, ang ikatlong kategorya ay naglalaman ng mga demokratikong sosyalista na sumasang-ayon sa ilang aksyong itinataguyod ng mga komunista, tulad ng inilalarawan sa Ika-18 Katanungan, gayunman ay di bahagi ng transisyon tungong komunismo, kundi mga aksyong pinaniniwalaan nilang sapat para pawiin ang mga paghihirap at kasamaan ng lipunan sa kasalukuyan.

Ang mga demokratikong sosyalistang ito ay maaaring mga proletaryadong hindi sapat na maliwanag sa kanila ang kalagayan ng pagpapalaya sa kanilang uri, o kaya sila’y mga kinatawan ng petiburgesya, ang uri kung saan ito’y maraming kaparehong interes sa proletaryado, pagkalipas ng napagtagumpayang demokrasya at mga aksyong sosyalistang inangat nito.

Kasunod nito, sa panahon ng pagkilos, darating sila sa pagkakaunawaan sa mga demokratikong sosyalistang ito, at sa pangkalahatan ay tumungo kung saan aabutin sa karaniwang polisiya kasama nila – sa kundisyong ang mga sosyalistang ito ay di papasok sa serbisyo ng naghaharing burgesya at pag-atake sa mga komunista.

Maliwanag na ang anyong ito ng pagtutulungan sa pagkilos ay di iitsa-pwera ang pagtalakay ng mga kaibahan.

25. Ano ang asal ng mga komunista sa iba pang partido pulitikal sa ating panahon?

Nagkakaiba ang asal na ito sa iba’t ibang bansa.

Sa Inglatera, Pransya, at Belhika, kung saan nangingibabaw ang burgis, mayroon pa ring kaparehong interes ang mga komunista sa sari-saring partidong demokratiko, isang interes na habang lumalaki ay lalong lumalapit ang pamantayang sosyalistang ipinagtatagumpay nila ang inaatupag na layunin ng mga komunista – kaya, ang maliwanag at tumpak na pagkatawan nila sa interes ng proletaryado ay mas umaasa sila sa suporta ng proletaryado. Halimbawa, sa Inglatera, ang uring manggagawang Tsarista ay mas nakadikit sa mga komunista kaysa sa demokratikong peti-burgis o kaya’y sa tinatawag na mga Radikal.

Sa Amerika, kung saan naitatag na ang isang demokratikong konstitusyon, dapat magkaroon ng parehong layunin ang mga komunista sa partido na ibabaling ang konstitusyong ito laban sa burgesya at magamit ito para sa interes ng proletaryado – tulad ng, kasama ang panakahang Pambansang Tagapagreporma.

Sa Switzerland, ang mga radikal, sa pamamagitan ng halong-kalamay na partido, ang tanging pangkat na maaaring makipagtulungan ang mga komunista, at kabilang dito ang mga Radikal, at ang mga mas sulong na Vaudois at Genevese.

Sa Alemanya, sa wakas, ang mapagpasyang pakikibakang tatahakin ngayon ay sa pagitan ng burgesya at ng ganap na monarkiya. Dahil ang mga komunista'y hindi makakapasok sa mga mapagpasyang labanan sa pagitan nila at ng burgesya hanggang sa malagay sa kapangyarihan ang burgesya, sumusunod na ito'y nasa interes ng mga komunista upang matulungan ang burgesya upang malagay sa kapangyarihan sa lalong madaling panahon upang mas maaga nila itong maibagsak. Samakatuwid, dapat na patuloy na suportahan ang mga komunista laban sa pamahalaan ang radikal na partidong liberal, ng may pag-iingat upang maiwasan ang makasariling pandaraya ng burgesya at hindi mahulog sa mga nakahahalinang pangako ng mga benepisyo kung saan ang tagumpay para sa burgesya ang di-umano'y magdadala sa proletaryado. Ang tanging kalamangang matatamo ng proletaryado mula sa burgis na pagtatagumpay ay binubuo ng

(i) sa iba't ibang mga konsesyon na maaaring pangasiwaan ang pagkakaisa ng proletaryado sa isang napakatinding ugnayan, karapat-dapat sa labanan, at organisadong uri; at

(ii) tiyak, sa mismong araw ng pagbagsak ng absolutong monarkiya, magsisimula na ang tunggalian sa pagitan ng burgesya at proletaryado. Mula sa araw na iyon, ang patakaran ng mga komunista ay magiging kapareho na sa mga bansa kung saan ang burgesya ay nasa kapangyarihan.

No comments: