Monday, August 5, 2013

Talambuhay ni Frederick Engels - ni Vladimir Ilyich Lenin

Talambuhay ni Frederick Engels
ni Vladimir Ilyich Lenin

Sinulat noong taglagas ng 1895 
Unang nalathala noong 1896 sa Rabotnik, Blg. 1–2.
Pinagkunan: Tinipong Akda ni Lenin, Moscow, Tomo 2, pahina 15-28. 

Anong sulo ng katwiran ang tumigil na masunog,
Anong puso ang tumigil sa pagtibok!

Noong Agosto 5 (bagong estilo), 1895, namatay si Frederick Engels sa London. Pagkatapos ng kanyang kaibigang si Karl Marx (na namatay noong 1883), si Engels ang pinakamagaling na iskolar at guro ng modernong proletaryado sa buong sibilisadong daigdig. Mula nang pinagtagpo ng kapalaran sina Karl Marx at Frederick Engels, itinuon na ng dalawang magkaibigang ito ang kanilang buong panahon sa iisang adhikain. At upang maunawaan kung ano ang nagawa ni Frederick Engels sa proletaryado, dapat maunawaan ng isang tao ang kabuluhan ng turo at ginawa ni Marx para sa pag-unlad ng kontemporaryong kilusan ng uring manggagawa. Sina Marx at Engels ang unang nagpakita na ang uring manggagawa at ang kanilang mga kahilingan ay isang kinakailangang resulta ng kasalukuyang sistema ng ekonomiya, na kasama ng burgesya, ay hindi maiiwasang malikha at maorganisa ang proletaryado. Ipinakita nilang hindi ang mahusay na pagsisikap ng mga marangal mag-isip na indibidwal, kundi ang makauring pakikipagtunggali ng organisadong proletaryado ang maglalayo sa sangkatauhan mula sa mga kasamaang dito'y nagsasamantala. Sa kanilang mga gawaing siyentipiko, sina Marx at Engels ang unang nagpaliwanag na ang sosyalismo ay hindi imbensyon ng mga mapangarapin, kundi huling layunin at kinakailangang resulta ng pagsulong ng produktibong pwersa sa modernong lipunan. Lahat ng nakatalang kasaysayan hanggang ngayon ay kasaysayan ng makauring tunggalian, ng magkakasunod na panuntunan at tagumpay ng ilang uri sa lipunan sa iba pa. At magpapatuloy ito hanggang sa mapawi ang pundasyon ng makauring tunggalian at ng uring nangingibabaw - ang pribadong pag-aari at ang anarkiya ng panlipunang produksyon. Para sa ineteres ng proletaryado'y ipinapanawagan ang pagkawasak ng mga pundasyong ito, at samakatuwid ang maláy na makauring pakikibaka ng organisadong manggagawa ay dapat nakadirekta sa mga iyon. At bawat makauring pakikibaka ay isang pulitikal na pakikibaka.

Ang mga pananaw na ito nina Marx at Engels ay pinagtibay na ng lahat ng proletaryado na nakikibaka para sa kanilang paglaya. Noong 1840s, nakiisa ang dalawang magkaibigan sa sosyalistang panitikan at sosyalistang kilusan ng kanilang panahon, sadyang naiiba sila. Maraming tao noon ang mahuhusay at walang talento, matapat at hindi matapat, na nahigop sa pakikibaka para sa pampulitikang kalayaan, sa pakikibaka laban sa paqgkadiktatura ng mga hari, pulis at pari, ang nabigong makita ang antagonismo sa pagitan ng interes ng burgesya at ng proletaryado. Hindi papansinin ng mga taong ito ang kaisipang ang mga manggagawa ay kumikilos bilang isang malayang puwersang panlipunan. Sa kabilang banda, napakaraming nangangarap, ang ilan sa kanila'y mga henyo, na naisip na kinakailangan lamang kumbinsihin ang mga namumuno at ang mga namamahalang uri sa kawalang-katarungan ng kasalukuyang panlipunang kaayusan, at madali nang maisagawa ang kapayapaan at pangkalahatang kagalingan sa daigdig. Nangangarap sila ng isang sosyalismong walang pakikibaka. Panghuli, halos lahat ng mga sosyalismo ng panahong iyon at ang mga kaibigan ng uring manggagawa na sa pangkalahatan ay itinuturing lamang ang proletaryado bilang isang ulser, at nakitang may hilakbot kung paano ito lumago kasama ang paglago ng mga industriya. Hinangad nilang lahat, samakatuwid, ang isang paraan upang ihinto ang pag-unlad ng industriya at ng proletaryado, upang ihinto ang "gulong ng kasaysayan." Hindi nakibahagi sina Marx at Engels sa malawakang pangamba ng pag-unlad ng proletaryado; sa kabilang banda, inilagay nila ang lahat ng kanilang pag-asa sa patuloy na paglago nito. Kung gaano karami ang proletaryado, ganoon din sila kalakas bilang rebolusyonaryong uri, at papalapit na at maaari nang maganap ang sosyalismo. Ang mga naibigay na serbisyo nina Marx at Engels sa uring manggagawa ay maaaring ipahayag sa ilang salita: tinuruan nila ang uring manggagawa na makilala ang sarili at maging maláy sa kanilang sarili, at agham ang ipinalit nila sa pangarap.

Iyan ang dahilan kung bakit ang pangalan at naging buhay ni Engels ay dapat malaman ng bawat manggagawa. Iyon ang dahilan kung bakit sa koleksyong ito ng mga artikulo, na ang layunin, tulad ng iba pa nating publikasyon, ay gisingin ang kamalayang makauri ng sa mga manggagawang Ruso, dapat nating ibigay ang balangkas ng buhay at ginawa ni Frederick Engels, isa sa dalawang dakilang guro ng modernong proletaryado.

Isinilang si Engels noong 1820 sa Barmen, sa lalawigan ng Rhine sa kaharian ng Prussia. May-ari ng kumpanya ang kanyang ama. Noong 1838, natulak si Engels ng suliranin sa pamilya na pumasok bilang klerk sa isang negosyo sa Bremen, kahit hindi pa niya natapos ang kanyang pag-aaral sa hayskul. Hindi napigil si Engels ng mga gawain sa komersyo na ituloy ang edukasyon sa agham at pulitika. Kinapootan niya ang awtokrasya at ang paniniil ng mga burukrata noong nasa mataas na paaralan pa siya. Siya'y mas umunlad nang pag-aralan niya ang pilosopiya. Noong panahong iyon, ang turo ni Hegel ang nangingibabaw sa pilosopiyang Aleman, at naging tagasunod niya si Engels. Bagamat tagahanga si Hegel ng awtokratikong estado ng Prussia, kung saan isa itong guro sa Unibersidad ng Berlin, ang mga turo ni Hegel ay rebolusyonaryo. Ang paniniwala ni Hegel sa makataong katwiran at sa karapatan nito, at ang batayang pagsusuri ng pilosopiyang Hegeliano na ang uniberso ay sumasailalim sa palagiang proseso ng pagbabago at pag-unlad, ang nagtulak sa mga alagad ng palaisip na taga-Berlin - yaong hindi tumatanggap sa umiiral na kalagayan - sa pananaw na ang pakikibaka laban sa kalagayang ito, ang pakikibaka laban sa umiiral na mga mali at naglipanang kasamaan, ay nakaugat din sa pandaigdigang batas ng walang hanggang pag-unlad. Kung ang lahat ng bagay ay sumusulong, kung ang institusyon ng isang tipo ay nagbibigay ng espasyo sa iba, bakit dapat magpatuloy magpakailanpaman ang awtokasya ng hari ng Prussia o ng Tsar ng Rusya, ang pagpapayaman ng isang hamak na minorya sa kapinsalaan ng mas marami, o ang dominasyon ng burgesya sa taumbayan? Tinatalakay ng pilosopiya ni Hegel ang pag-unlad ng kaisipan at mga ideya; ito ay ideyalistiko. Mula sa pag-unlad ng kaisipan ay hinango ang pag-unlad ng kalikasan, ng tao, at ng pantao't panlipunang ugnayan. Habang pinapanatili ang ideya ni Hegel hinggil sa walang hanggang proseso ng pag-unlad, itinakwil nina Marx at Engels ang inaakalang ideyalistikong pananaw; tiningnan nila ang buhày, nakita nilang hindi ang pag-unlad ng kaisipan ang nagpapaliwanag ng pag-unlad ng kalikasan, ngunit sa kabaligtaran, ang paliwanag hinggil sa kaisipan ay nagmula sa kalikasan, sa bagay... Di tulad ni Hegel at ng ibang Hegeliano, materyalista sina Marx at Engels. Hinggil sa materyal na daigdig at sangkatauhan, naisip nilang ang mga materyal na sanhi ang nagpapasiya sa lahat ng likas na bagay, kaya ang pag-unlad ng lipunan ng tao ay nakakondisyon sa pag-unlad ng mga materyal na pwersa, ang mga produktibong pwersa. Nakaasa sa pag-unlad ng produktibong pwersa sa mga pinapasok na ugnayan ng mga tao sa kanyang kapwa sa paglikha ng mga bagay na kailangan upang kamtin ang mga pangangailangan ng tao. At nakasalalay sa mga ugnayang ito ang paliwanag ng lahat ng mga bagay ng buhay-panlipunan, mithiin ng mga tao, mga ideya at mga batas. Nililikha ng pag-unlad ng produktibong pwersa ang mga panlipunang ugnayan batay sa pribadong pag-aari, ngunit nakikita namin ngayon na ang parehong pag-unlad ng mga produktibong pwersa ang nagtatanggal sa karamihan sa kanilang pag-aari at kinokonsentra ito sa kamay ng isang walang-halagang minorya. Pinapawi nito ang pag-aari, na siyang batayan ng modernong panlipunang kaayusan, nagsisikap itong tumungo sa pinakalayuning itinalaga ng mga sosyalista sa kanilang sarili. Ang tanging dapat gawin ng lahat ng sosyalista ay mapagtanto kung aling panlipunang pwersa, dahil sa posisyon nito sa modernong lipunan, ang interesado sa pagdadala ng sosyalismo, at ibahagi sa pwersang ito ang pagkaalam sa kanilang interes at sa kanilang makasaysayang tungkulin. Ang pwersang ito ang proletaryado. Nakilala ni Engels ang proletaryado sa Inglatera, sa sentro ng industriyang Ingles, sa Manchester, kung saan siya nanirahan noong 1842, at pumasok siya sa serbisyo sa isang tanggapan ng komersyo kung saan isa ang kanyang ama sa kasosyo. Dito'y hindi lang nakaupo si Engels sa tanggapan ng pabrika kundi nagtungo rin sa mga tahanang dukha ng mga manggagawa, at nakita mismo ng kanyang mga mata ang kahirapan at pagdurusa ng mga iyon. Subalit hindi siya nagkasya sa pagmamasid lamang. Binasa niya ang lahat ng mga nabunyag na noon pa hinggil sa kalagayan ng uring manggagawang Briton at matamang pinag-aralan ang lahat ng mga opisyal na dokumentong mahahawakan niya. Ang bunga ng kanyang mga pag-aaral at obserbasyon ay naisaaklat noong 1845: Ang Kalagayan ng Uring Manggagawa sa Inglatera. Nasabi na natin kung ano ang pangunahing serbisyong ibinigay ni Engels sa pagsulat ng Ang Kalagayan ng Uring Manggagawa sa Inglatera. Kahit bago pa kay Engels, inilarawan na ng maraming tao ang mga pagdurusa ng proletaryado at tinukoy ang pangangailangang tumulong doon. Si Engels ang unang nagsabing ang proletaryado ay hindi lamang nagdurusang uri; na iyon, sa katunayan, ang nakahihiyang kalagayang pang-ekonomya ng proletaryado na nagtutulak dito pasulong ng walang laban at nag-uudyok ditong makibaka para sa tuluyan nitong paglaya. At tutulungan ng nakikibakang proletaryado ang sarili nito. Ang pampulitikang kilusan ng uring manggagawa ay tiyak na tutungo sa manggagawa na matatantong ang tangi nilang kaligtasan ay nakasalalay sa sosyalismo. Sa kanilang banda, magiging isang pwersa lamang ang sosyalismo kapag ito ang naging layunin ng pampulitikang pakikibaka ng uring manggagawa. Ang mga tulad nito ang pangunahing ideya sa aklat ni Engels hinggil sa kalagayan ng uring manggagawa sa Inglatera, mga ideyang inangkin na ngayon ng lahat ng nag-iisip at nakikibakang proletaryado, na noong mga panahong iyon ay bagung-bago. Nakaukit ang mga ideyang ito sa aklat na sinulat sa estilong magaan at nilagyan ng mga pinaka-awtentiko't nakakabiglang larawan ng mga paghihirap ng proletaryadong Ingles. Ang aklat ay isang kahila-hilakbot na pag-upasala sa kapitalismo at sa burgesya at lumikha ng malalim na impresyon. Saanman ay pinag-usapan ang aklat ni Engels na nagtatanghal sa pinakawastong larawan ng kalagayan ng modernong proletaryado. At, sa katunayan, hindi bago mag-1845 o matapos niyon nang lumitaw ang kapansin-pansin at matapat na larawan ng pagdurusa ng uring manggagawa.

Naging sosyalista lamang si Engels nang makarating siya sa Inglatera. Sa Manchester, nakipagkilala siya sa mga taong aktibo sa kilusang paggawa ng mga Ingles nang panahong iyon at nagsimula siyang magsulat para sa mga sosyalistang publikasyong Ingles. Noong 1844, habang pabalik na siya sa Alemanya, nakilala niya si Marx sa Paris, kung saan sinimulan na niyang makipagsulatan dito. Sa Paris, sa ilalim ng impluwensya ng mga sosyalistang Pranses at buhay-Pranses, naging sosyalista rin si Marx. Dito'y magkasamang inakda ng magkaibigan ang aklat na may pamagat na Ang Banal na Mag-anak, o Pagpuna ng Mapanuring Pagpuna. Ang aklat na ito, na lumabas isang taon bago Ang Kalagayan ng Uring Manggagawa sa Inglatera, at ang malaking bahagi ay sinulat ni Marx, ay naglalaman ng pundasyon ng rebolusyonaryo materyalistang sosyalismo, ang pangunahing ideya ay naipaliwanag na namin sa itaas. "Ang banal na mag-anak" ang tuksong palayaw para sa mga magkakapatid na Bauer, na mga palaisip, at sa kanilang mga tagasunod. Ipinangangaral ng mga ginoong ito ang pamununang tumitindig ng mataas sa katotohanan, ng mataas sa mga partido at pulitika, na itinatakwil ang lahat ng praktikal na aktibidad, at "mapanuring" pinag-isipan lamang ang nakapalibot na mundo at ang mga pangyayaring nagaganap doon. Minamata ng mga ginoong ito, ng mga Bauer, ang proletaryado bilang di-mapanuring tao. Puspusang sinalungat nina Marx at Engels ang walang katotohanan at mapaminsalang tendensiyang ito Sa ngalan ng totoong tao - ang manggagawa, na niyuyurakan ng mga naghaharing uri at ng estado - ipinanawagan nila, hindi ppinagmunihan lamang, ang pagbaka para sa isang mas magandang kaayusan ng lipunan. Mangyari pa, itinuring nila ang proletaryado bilang isang pwersang may kakayahang magtaguyod ng pagbakang ito at may interes na gawin ito. Kahit bago lumitaw Ang Banal na Mag-anak, inilathala na ni Engels ang kanyang "Mapanuring Sanaysay sa Pampulitikang Ekonomya" sa Deutsch-Franz\"osische Jahrb\"ucher nina Marx at Ruge, kung saan sinuri niya ang mga pangunahing kaganapan sa kaalinsabay na pang-ekonomyang kaayusan mula sa paninindigang sosyalista, na itinuring ang mga ito na siyang kahihinatnan ng patakaran ng pribadong pag-aari. Ang pagkakilala kay Engels ang walang dudang isang salik ng pagpapasya ni Marx na pag-aralan ang pampulitikang ekonomya, ang agham kung saan ang kanyang mga ginawa ay nagsilang ng totoong rebolusyon.

Mula 1845 hanggang 1847, nanirahan si Engels sa Brussels at Paris, pinagsama ang syentipikong gawain sa mga praktikal na aktibidad kabilang ang mga manggagawang Aleman sa Brussels at Paris. Dito'y nakipagkilala sina Marx at Engels sa lihim na samahang Liga ng mga Komunistang Aleman, na kumuha sa kanila upang ipaliwanag ang mga batayang prinsipyo ng sosyalismong isinagawa nila. At nakilala ang sikat na Manipesto ng Partido Komunista nina Marx at Engels, na nalathala noong 1848. Ang maliit na libretang ito ay katumbas ng buong tomo; hanggang ngayon ang diwa nito'y nagbibigay-sigla at gumagabay sa buong organisado't nakikibakang proletaryado ng sibilisadong mundo.

Ang rebolusyon ng 1848, na pumutok muna sa Pransya at sumunod ay sa ibang Kanluraning Europeanong mga bansa, ang nagdala kina Marx at Engels pabalik sa kanilang tinubuang bayan. Dito, sa Rhenish Prussia, sila ang nangasiwa sa demokratikong Neue Rheinische Zeitung na nalathala sa Cologne. Ang dalawang magkaibigan ang siyang puso't diwa ng lahat ng rebolusyonaryo't demokratikong mithiin ng Rhenish Prussia. Nakibaka sila hanggang sa huling daloy ng pagtatanggol sa kalayaan at sa kabutihan ng mga tao laban sa pwersa ng reaksyon. Ang huli, na alam natin, ang siyang nangibabaw. Pinigil ang Neue Rheinische Zeitung. Ipinatapon si Marx, na noong siya'y lumikas ay tinanggalan ng pagkamamamayan ng Prussia; naging bahagi si Engels ng armadong pag-aalsa, nakipaglaban para sa kalayaan sa tatlong sagupaan, at matapos ang pagkatalo ng mga rebelde ay tumalilis, dumaan sa Switzerland, patungong London.

Tumigil din si Marx sa London, Naging klerk muli si Engels, at naging kasosyo, sa isang tanggapan ng komersyo ng Manchester na pinagtrabahuhan niya noong 1840s. Hanggang 1870 nanirahan siya sa Manchester, habang nanirahan sa London si Marx, ngunit hindi ito pumigil sa kanilang patuloy na masiglang pagpapalitan ng mga ideya: halos araw-araw silang nagsusulatan. Sa paglilihamang ito, ang dalawang magkaibigan ay nagpalitan ng pananaw at natuklasan at patuloy na nagtulungan upang malikha ang syentipikong sosyalismo. Noong 1870, lumipat si Engels sa London, at ang kanilang magkasanib na intelektwal na pamumuhay, sa pinakamasipag na kaparaanan, ay nagpatuloy hanggang 1883, nang mamatay si Marx. Ang kinalabasan nito, sa panig ni Marx, ay ang Das Kapital, ang pinakadakilang akda sa pampulitikang ekonomya sa ating panahon, at sa panig ni Engels, samutsaring akdang mahahaba man o maiikli. Isinagawa ni Marx ang pagsusuri sa kumplikadong mga bagay sa kapitalistang ekonomya. Si Engels naman, sa mga payak na sulatin, na madalas na may balitaktakan, ay tumalakay sa mas pangkalahatang syentipikong problema at ng may samutsaring bagay sa nakalipas at kasalukuyan sa diwa ng materyalistang pagbuo ng kasaysayan at teoryang pang-ekonomya ni Marx. Sa mga akda ni Engels, mababanggit natin: ang balitaktakang akda laban kay Dühring (na sinuri ang mga pinakamahahalagang suliranin sa larangan ng pilosopiya, taal na agham, at panlipunang agham), Ang Pinagmulan ng Pamilya, Pribadong Pag-aari at ang Estado (na isinalin sa wikang Ruso, nilathala sa St. Petersburg, 3rd ea., 1895), Ludwig Feuerbach (salin sa wikang Ruso at may tala ni G. Plekhanov, Geneva, 1892), isang artikulo hinggil sa patakarang panlabas ng Pamahalaang Ruso (isinalin sa wikang Ruso sa Geneva Social-Demokrat, Blg. 1 at 2), kahanga-hangang artikulo hinggil sa usaping pabahay, at sa huli, dalawang maikli ngunit napakahalagang mga artikulo sa pang-ekonomyang pag-unlad ng Rusya (si Frederick Engels sa Rusya, isinalin sa wikang Ruso ni Zasulich, Geneva, 1894). Namatay si Marx bago pa niya mapinal ang kanyang mahabang akda hinggil sa kapital. Gayunman, ang burador ay tapos na, at nang mamatay ang kanyang kaibigan, isinabalikat ni Engels ang mabigat na tungkulin ng paghahanda at paglalathala ng ikalawa at ikatlong tomo ng Das Kapital. Inilathala niya ang Ikalawang Tomo noong 1885 at ang Ikatlong Tomo noong 1894 (ang pagkamatay niya ang pumigil sa paghahanda para sa Ikaapat na Tomo). Ang dalawang tomong ito ay nangangailangan ng malaking panahon ng paggawa. Si Adler, isang sosyal-demokratang taga-Austria, ay wastong nagsabi na sa pagkakalathala ng ikalawa at ikatlong tomo ng Das Kapital, itinatag ni Engels ang isang marilag na bantayog sa henyong kanyang naging kaibigan, isang bantayog kung saan, wala man siyang balak, ay inukit na niyang di mapapawi ang kanyang pangalan. Tunay ngang ang dalawang tomong ito ng Das Kapital ay akda ng dalawang tao: nina Marx at Engels. Kayraming lumang alamat na naglalaman ng samutsaring nakapupukaw na pagkakataon ng pagkakaibigan. Maaaring sabihin ng mga proletaryadong Europeano na ang agham nito ay nilikha ng dalawang iskolar at mandirigma, na ang ugnayan sa bawat isa ay lampas pa sa pinakanakapupukaw na kwento noong unang panahon hinggil sa pagkakaibigan ng tao. Laging inilalagay ni Engels - at sa kabuuan, ay makatarungan - ang kanyang sarili matapos ni Marx. "Sa panahon ni Marx," isinulat niya sa isang dati nang kaibigan,"lagi akong pangalawa." Ang pagmamahal niya sa buhay na Marx, at ang kanyang paggalang sa alaala ng namayapang Marx ay walang hanggan. Ang tigasing mandirigmang ito na matinding mag-isip ay nagtataglay ng diwang malalim at mapagmahal.

Matapos ang kilusan ng 1848-49, ang mga nasa eksilo na sina Marx at Engels ay hindi lamang hanggang siyentipikong pananaliksik. Noong 1864, itinatag ni Marx ang Pandaigdigang Samahan ng mga Nagtatrabaho, at pinamunuan ang samahang ito ng isang buong dekada. Naging aktibo rin si Engels sa mga gawain nito. Ang mga gawain ng Pandaigdigang Samahan, kung saan, alinsunod sa mga ideya ni Marx, na pinagkaisa ang mga proletaryado ng lahat ng bansa, ay may napakalaking kabuluhan sa pagsulong ng kilusan ng uring manggagawa. Ngunit kahit sa pagsasara ng Pandaigdigang Samahan noong 1870s, ang mapagkaisang papel nina Marx at Engels ay hindi nawala. Sa kabaligtaran, maaaring sabihing ang kanilang kahalagahan bilang mga namumunong diwa ng kilusan ng uring manggagawa ay patuloy na lumago, dahil ang mismong kilusan ay lumago nang di nagagambala. Pagkamatay ni Marx, mag-isang nagpatuloy si Engels bilang tagapayo at pinuno ng mga sosyalistang Europeano. Ang kanyang mga payo at direksyon ay pantay ding hinahangad ng mga sosyalistang Aleman, kung saan ang lakas nito'y mabilis na lumago at nagpatuloy, sa kabila ng pag-uusig ng pamahalaan, at ng mga kinatawan ng mga di-pa-maunlad na mga bansa, tulad ng mga Kastila, Rumaniano at Ruso, na napilitang pag-isipan at timbangin ang kanilang mga unang hakbang. Lahat sila'y nakakuha sa mayamang kamalig ng kaalaman at karanasan ni Engels sa pagtanda nito.

Sina Marx at Engels, na parehong marunong ng wikang Ruso at nagbabasa ng mga Rusong aklat, ay nagkaroon ng masiglang pagkawili sa bansa, sinundan ang rebolusyonaryong kilusang Ruso nang may simpatiya at pinanatili ang pakikipag-ugnayan sa mga rebolusyonaryong Ruso. Sila'y parehong naging sosyalista matapos maging demokrata, at ang demokratikong pakiramdam ng pagkapoot sa pulitikal na paniniil ay talagang malakas sa kanila. Ang direktang pulitikal na pakiramdam na ito, kasama ang malalim na pagkaunawang teoretikal sa ugnayan ng pulitikal na paniniil at pagsasamantalang ekonomikal, at pati na ang kanilang mayamang karanasan sa buhay, ay nagpakitang sina Marx at Engels ay hindi karaniwan pag pulitikal na tumugon. Ito ang dahilan kung bakit ang matapang na pakikibaka ng mangilan-ngilang rebolusyonaryong Ruso laban sa makapangyarihang tsaristang pamahalaan ay pumukaw sa pinakasimpatetikong alingawngaw sa puso ng mga subok nang rebolusyonaryong ito. Sa kabilang banda, ang ugaling umurong, alang-alang sa haka-hakang bentaheng pang-ekonomya, mula sa pinakaagaran at napakahalagang tungkuin ng mga sosyalistang Ruso, tulad ng kalayaang pampulitika, ay natural na pagdudahan nila at itinuring din nilang direktang pagkakanulo ng dakilang layunin ng panlipunang rebolusyon. "Ang paglaya ng mga manggagawa ay dapat na gawin mismo ng uring manggagawa" - na laging ipinangangaral nina Marx at Engels. Ngunit upang lumaban para sa kanyang pang-ekonomiyang kalayaan, dapat maipanalo ng proletaryado ang ilan niyang mga pampulitikang karapatan. Dagdag pa rito, malinaw na nakita nina Marx at Engels na ang isang rebolusyong pulitikal sa Rusya ay magiging napakalaking kabuluhan sa pagkilos maging ng Kanluraning Europeanong kilusan ng uring manggagawa. Ang awtokratikong Rusya ay palagi nang naging tagapagtanggol ng reaksyon sa Europa sa pangkalahatan. Ang hindi pangkaraniwang mga kanais-nais na mga pandaigdigang posisyong tinatangkilik ng Rusya bilang resulta ng digmaan ng 1870, na sa isang mahabang panahon ay naghasik ng alitan sa pagitan ng Alemanya at Pransya, mangyari pa'y pinahusay lamang ang kabuluhan ng awtokratikong Rusya bilang isang reaksyunaryong pwersa. Tanging isang malayang Rusya, isang Rusyang di na kinakailangang pagsamantalahan ang mga Polandes, Filandes, Aleman, Armeniano, o iba pang maliliit na bansa, o laging malagay sa salpukan ang Pransya at Alemanya, na magdudulot sa modernong Europa, mapuksa ang mga pasanin ng digmaan, na makahinga ng maluwag, na magpapahina sa lahat ng mga reaksyonayong elemento sa Europa at magpapalakas sa Europeanong uring manggagawa. Iyon ang dahilan kung bakit marubdob na ninais ni Engels ang pagtatatag ng kalayaang pampulitika sa Rusya para sa kapakanan ng pagsulong ng kilusan ng uring manggagawa maging sa Kanluran. Nang siya’y mawala, nawalan ng tunay na kaibigan ang mga rebolusyonaryong Ruso.

Lagi nating bigyang-pugay ang alaala ni Frederick Engels, isang dakilang mandirigma at guro ng proletaryado!

No comments: